Editoryal FEATURED

Kredibilidad ng eleksiyon


Suma tutal, sakit ng ulo para sa US ang nalalapit na eleksiyon. Muling malalantad ang malawakan, sistematiko at sopistikadong pandaraya nito para makapanaig ang tutang kandidato.

Editorial Cartoon ni Tarik Garcia
Editorial Cartoon ni Tarik Garcia

Hindi na pagtatakhan ang mga dayaan at manipulasyon na mangyayari ngayong eleksiyon batay na rin sa paglalantad ng organisasyong Kontra Daya. Ganito na rin naman ang mga pangyayari simula nang gawin ang automated election system (AES) sa Pilipinas.

Pero kakaiba ang sitwasyon ngayon laluna para sa interes ng Estados Unidos o US. Matagal na naging kulelat sa survey ang pangunahing manok ng US na si Mar Roxas. Nagkaroon tuloy nang pag-aalinlangan kung siya nga ba ang manok ng imperyalistang US at rehimeng Aquino, at hindi si Grace Poe.

Pero isang linggo bago ang eleksiyon, nagbago bigla ang ihip ng hangin. Pumangalawa na si Roxas kay Rodrigo Duterte, at nilampasan si Poe. Nalaglag na nang husto si Jejomar Binay bagaman hindi pa naman siya nakikipaghabulan kay Miriam Defensor-Santiago.

Ipinagyayabang ng kampo ni Roxas na nasa kanila na ang momentum ng laban. Bago nito, inindorso na ni Kris Aquino si Roxas na pumawi sa mga alingasngas na ang suportado ng pamilyang Aquino ay si Poe. (Pagkaraan ay binira na rin ni Poe ang “daang matuwid.”) Nagmano na rin si Pangulong Aquino kay Manalo ng Iglesia ni Cristo para ilako si Roxas.

Buo na marahil ang iskrip para malampasan ni Roxas si Duterte sa araw ng halalan. Bahagi na nito ang paglalantad ng mga diumano’y bilyong pisong mga bank account ni Duterte at mga ari-arian, at dinamay na rin pati mga ari-arian ni Poe.

Ngunit hindi pa rin magiging kapani-paniwala ang “panalo” ni Roxas sa sambayanan. Ngayon pa lamang ay nagbabanta na ang kampo ni Duterte ng pag-aalsa sakaling matalo. Hindi maikakaila na may malawak na suporta si Duterte mula sa iba’t ibang saray ng mamamayan, mayaman man o mahirap, “kaliwa” man o “kanan.” Salang na salang ang kredibilidad ng eleksiyon, anuman ang gawin ng US.

Paano kung iba ang manalo? Kung si Duterte, malaking risgo at panganib ito para sa reaksyunaryong sistema. Makaupo man siya, maaaring birahin siya bandang huli; ngayon pa lamang ay binantaan na siya ng kudeta ni Trillanes. Walang gatol na sinasabi ni Duterte na ipapasara niya ang kongreso, ipatutupad ang reporma sa lupa, at papasok sa peace talks sa CPP-NPA. Ngayon pa lamang ay nanginginig na sa takot ang mga panginoong maylupa at burgesya komprador na matatapakan ni Duterte.

Kung si Binay, gulo pa rin. Aalma rin ang kampo ni Duterte, pero mas galit pang papalag ang kampo ni Roxas, sampu ng mga sosyal-demokrata na nakapaligid sa kanya. Malaking banta rin si Binay sa mga burgesya-komprador na ginagatasan niya o kinakatalo sa negosyo, liban pa sa pagiging malapit nito sa China.

At kung si Poe, di rin siya tatantanan ng natalong kampo ni Duterte, pati nina Binay at Roxas, bagaman maaaring maging katanggap-tanggap siya sa US at sa mga naghaharing-uri dahil hindi tinitingnang banta sa kanilang interes.

Kung si Santiago naman, sa ngayon ay mas makapangyarihan na ang kanyang kalusugan kaysa anumang impluwensiya ng US.

Suma tutal, sakit ng ulo para sa US ang nalalapit na eleksiyon. Muling malalantad ang malawakan, sistematiko at sopistikadong pandaraya nito para makapanaig ang tutang kandidato. Muli at muling tatatak sa isip ng sambayanan na isang malaking sarswela ang eleksiyon.  Gayunpaman sisindihan din nito ang ibayong pagkilos at pagkakaisa ng sambayanan, anuman ang kanilang dalang kulay, laban sa pandaraya at panlilinlang.