Espesyal na Isyu

Sila-sila: Dinastiyang Politikal sa Pilipinas

May 4, 2016

Kapansin-pansin ang monopolyo ng iilang pamilya sa politika ng bansa. Silang nakatatakbo sa eleksyon ay nagmumula sa iilang pamilya lamang. Silang nakatatakbo sa halalan ay sila ring matagal nang may kapangyarihang pampolitika at kapangyarihang pang-ekonomiya.

Hindi “tayo-tayo” ang tunay na dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino, laluna tuwing eleksyon. Nagmula ang “tayo-tayo” sa sistemang “sila-sila” o ang ekslusibong pananaig, pagpapayaman, pamumuno at pagpapatakbo ng iilang pamilyang Pilipino – nagmumula sa naghaharing uring panginoong maylupa at burgesya – sa politika, ekonomiya at kultura ng bansa. Tinatawag itong political dynasty o dinastiyang politikal, na mahigpit na nakaugat sa oligarkiya o ang pananaig ng iilang naghaharing uri.

 

Ano ang Political Dynasty?

Ayon sa Artikulo II, Seksyon 26 ng konstitusyon ng Pilipinas, “The State shall guarantee equal access to public service and prohibit political dynasty as may be defined by law.”

Sa partikular, ang monopolyo ng iilang pamilya na nakatatakbo, nananalo at nauupo sa poder ng pamahalaan ang sila-silang may hawak ng kinabukasan ng bayan. O mas madaling sabihing may hawak ng kinabukasan ng bayan para sa pampolitika at pang-ekonomiyang kapakanan ng “sila-sila.”

Sa anti-political dynasty bill na inilatag ng mga kongresista ng Bayan Muna Partylist tulad ni Neri Colmenares, binigyang-depinisyon ang political dynasty bilang konsentrasyon, konsolidasyon o pananatili sa pampublikong opisina at politikal na kapangyarihan ng mga magkakapamilya o magkakamag-anak. Kasama rito ang halinhinan o salit-salitang pagtakbo at pag-upo sa politikal na posisyon ng mag-asawa o magkamag-anak.

Sa orihinal na konteksto, ang salitang “dynasty” ay nangangahulugang pamumuno o pampolitika at pang-ekonomiyang kapangyarihang namamana o naipapasa sa loob lamang ng isang pamilya o clan sa panahon ng pyudalismo. Successor o tagapagmana ang tawag sa “susunod sa linya” ng pamumuno sa kaharian o imperyo. Walang eleksyong kinakailangan, kundi ang “pyudal na pribilehiyo” lamang ng dugo (blood line) na nagtitiyak ng kapangyarihan ng pyudal na pamilya ang kailangan.

Ngunit sa kasalukuyan, kahit mayroon nang halalan, kapansin-pansin ang monopolyo ng iilang pamilya sa politika ng bansa. Silang nakatatakbo sa eleksyon ay nagmumula sa iilang pamilya lamang. Silang nakatatakbo sa halalan ay sila ring matagal nang may kapangyarihang pampolitika at kapangyarihang pang-ekonomiya.

Kapansin-pansin ang ilang dekada nang paghahari-harian ng mga political dynasty na ito. Sa bawat probinsiya o siyudad ay may iisa o iilang pamilya lamang ang nagsasalit-salit sa puwesto. Nagtatagisan ang mga pamilyang ito para sa politikal na posisyon, at madalas na tinatawag na “baluwarte” ang lugar na may direkta at malawak na gahum (kapangyarihan) ang mga dinastiyang politikal.

 

Silang May Monopolyo

Ayon sa makabayang historyador na si Renato Constantino, malalim ang ugat sa kolonyal na kasaysayan ang tuminding politikal na monopolyo ng iilang pamilyang Pilipino.

Natagpuan ng mga Kastilang kolonisador ang ilang indibiwal at pamilya na nagpapatakbo ng mga naunang katutubong Austronesyanong barangay sa bansa. May mga barangay na nakatali sa Islamikong kapangyarihan tulad ng supra-barangay na pinamunuan ng raja. May mga cacique at maharlika rin na namumuno sa mga tribo, clan, at iba pang naunang pormasyong etniko. May mga datu o buyung na silang pampolitika at pang-ekonomiyang lider ng mga sinaunang barangay. Sila ang mga itinuturing na lokal na naghaharing uri noon. Silang may monopolyo sa pera at ekonomiya ang sila ring may monopolyo sa pamahalaan.

Pinatindi ito ng kolonyal na pananakop ng mga Kastila at Amerikano. Nagmula sa lokal na naghaharing uri ang mga itinalaga o tinalagaan ng kakarampot na kolonyal na kapangyarihan ng mga Kastila hanggang pinasulpot nila ang uring principalia. Kasama ng principalia bilang lokal na naghaharing oligarkiya sa bansa ang mga mestiso, ilustrado, mestizo-sangley, creole at mestisong Tsino.

Sa pananakop ng mga kolonyalista at imperyalistang Amerikano, ang pagtataguyod ng “pekeng demokrasya” sa pamamagitan ng suffrage o pagboto ay naging mekanismo lamang ng mga mananakop upang lumikha ng mga “puppet” na lider at gobyerno. Pinatindi ang pagtataguyod ng mga partido politikal na dinodomina ng mga naghaharing uri at naghaharing pamilya. Ang mekanismong ito ay nagtitiyak ng kapangyarihan para sa iilang pamilya, iilang naghaharing uri at sa imperyalistang pamahalaan ng Amerika.

Ipinagmamalaki sa kasaysayan na ang Pilipinas ang itinuturing na “unang konstitusyunal na republika” at may “tiyak na demokrasya” sa Asya. Ngunit kung tutuusin, bagama’t may nabuong konstitusyon ang bansa at may ehersisyo ng demokrasya tuwing halalan, lumalabas na ang pamahalaan o pamamahala sa Pilipinas ay mas malapit sa pagiging oligarkiya.

Ang oligarkiya ay isang porma ng gobyerno kung saan ang kapangyarihang mamuno at mamahala ay nasa kamay lamang ng iilang tao o dominanteng uring panlipunan. Madalas nating marinig na kapag pinag-uusapan ang political dynasty ay hindi lamang sila iilang pamilya kundi nagmumula ang iilang pamilya na ito sa iilang naghaharing uri sa bansa – ang mga panginoong maylupa (haciendero, landed class, landed elite) at ang mga burgesya komprador (comprador bourgeoisie, kapitalista, dambuhalang negosyante, monopolista).

Silang nasa poder ng kapangyarihang politikal ang sila ring may hawak ng malalaking negosyo sa mga bayan, probinsiya at bansa. Ang balwarte ng kapangyarihang politikal ay nagpapanatili ng balwarte ng kapangyarihang pang-ekonomiya nila.

 

Silang Nagkukunwaring Mardyinalisado

Maging ang partylist system ay sinasaklaw rin ng political dynasties at ng naghaharing uri’t mga politikal na partido.

Kontrobersiyal noon ang pagiging nominado ni Mikey Arroyo bilang representante ng partylist ng mga security guard. Ang lokal na politiko sa Quezon City na si Bernadette Herrera (BH) ay nagtayo rin ng BH (Bagong Henerasyon) Partylist. Ngayong 2016, maraming political dynasties ang nominado ng iba’t ibang partylist groups: Belmonte ng Quezon City, Atienza ng Maynila, Biron ng Iloilo, Abayon ng Northern Samar, Haresco ng Aklan, Nograles ng Davao, Singson ng Ilocos Sur, Herrera ng Bohol, Villafuerte ng Camarines Sur, at marami pang iba.

Ang dapat ay espasyo ng mardyinalisado ay espasyo para sa pagpapalawak ng kapangyarihang politikal ng mga dinastiya.

 

Tayong Naghihirap, Tayong Lalaban

Bagama’t hindi natin dapat iasa sa eleksyon ang pagbabago ng bansa, maaari rin itong maging espasyo para sa progresibong tinig at aksyon ng mga makabayan.

Kasabay ng pagsabak sa eleksyon ay ang pagmumulat sa tunay na sitwasyon ng bansa. Tulad ng eksposisyon sa political dynasties bilang patuloy na dominasyon ng naghaharing uri.

 

SIDEBAR: SILANG KOMPORTABLENG NAKAUPO

(Datos mula sa ACT Teachers Partylist, CenPEG, Ibon Foundation at “An Empirical Analysis of Political Dynasties in the 15th Philippine Congress” ng Asian Institute of Management)

Avatar

Mykel Andrada

Mananaliksik at korespondent ng Pinoy Weekly at PinoyMedia Center, Inc. si Mykel Andrada. Kasalukuyan rin siyang nagtuturo ng pamamahayag, midya, panitikan, kulturang popular at Philippine Studies sa University of the Philippines Diliman. Dati siyang Kultura Editor ng Philippine Collegian at Editor in Chief ng Kalasag, UP Diliman. Awtor siya ng dalawang koleksyon ng maiikling kuwento -- ang Apartment sa Dapitan at ang Sa Dulo ng mga Dalita.