FEATURED

Unang araw ng rehimeng Duterte: Sigaw ng pagbabago, umalingawngaw


Umalingawngaw sa unang araw ng administrasyong Duterte ang panawagan ng kilusang masa: tupdin ang pangakong pagbabago. Handa umano ang mga progresibo na makipagtulungan kay Pangulong Duterte para makamit ito.


[cycloneslider id=”duterte-admin-inauguration-rally”]

Nagsimula na ang unang araw sa yugto ng pakikibaka ng progresibong kilusan: ang pakikipag-alyado sa administrasyong Duterte.

Bitbit ang kanilang mga panawagan para sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal at kagyat na pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at rebolusyonaryong kilusan, nagmartsa patungong Mendiola ang libu-libong miyembro ng progresibong mga grupo sa araw ng inagurasyon ni Pang. Rodrigo Roa Duterte.

Sa dulong bahagi ng kilos-protesta sa Mendiola, lumapit ang mga kinatawan ng Presidential Security Group sa mga lider ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan para imbitahan sa isang pulong kaharap si Duterte ilang oras siya manumpa bilang pangulo.

Samantala, opisyal ding nanumpa bilang miyembro ng gabinete ng bagong administrasyong ang dalawang lider ng progresibong kilusan: si Rafael “Ka Paeng” Mariano ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) bilang kinatawan ng Department of Agrarian Reform, at Prop. Judy Taguiwalo bilang kinatawan ng Department of Social Welfare and Development.

Itinalaga rin ang beteranong lider-obrero sa Mindanao na si Joel Maglunsod bilang undersecretary ng Department of Labor and Employment, samantalang inanunsiyo ng gobyernong Duterte kinabukasan ang pagtalaga kay dating Gabriela Rep. Liza Largoza-Maza bilang tagapangulo ng National Anti-Poverty Commission.

Dinaluhan ang kilos-protesta ng mga grupo ng kabataan, magbubukid, manggagawa, katutubo, kawani ng gobyerno, at manggagawa sa transport sector at marami pang iba.

Sa naturang pagtitipon, naging pangunahing tema ang panawagan kay Duterte na tupdin ang pangakong pagbabago sa lipunang Pilipino. Isa sa nangungunang larangan umano ng pagtutulak ng pagbabago ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippine (NDFP).

Panawagan

Lumahok sa protesta ang mga kilusang magsasaka at grupo ng iba’t ibang sektor ng mula sa Cagayan Valley, Bicol, Southern Luzon, at Mindanao.

Ayon kay Antonio “Ka Tonying” Flores, pangkalahatang kalihim ng KMP, patuloy na ipananawagan ng kanilang grupo kay Duterte na gawing libre ang irigasyon at ipamahagi na ang coco levy funds sa mga magsasaka ng niyog na tunay na nagmamay-ari ng naturang pondo.

“Sa ngalan ng KMP, palagi naming ipapalaala kay Presidente Duterte na ang usapin sa coco levy ay dapat na ibalik sa maliliit na magsasaka sa niyugan. At higit sa lahat, ang usapin sa libreng patubig sa ating irigasyon at ang usaping wala nang magsasaka ang madedemolish sa lupaing publiko,” ani Flores.

Ipinaabot din ng progresibong mga manggagawa sa Southern Tagalog ang kanilang pakikiisa sa layuning wakasan ang kontraktuwalisasyon sa Pilipinas at maisakatuparan ang pambansang minimum na sahod sa mga manggagagawa sa pribadong sektor.

Kabilang pa sa mga panawagan nila na pananagutin ang mga unano’y nangurakot at mga nagpahirap sa bayan. Anila, ipakulong na ang mga dapat na makulong, pangunahin ang dating pangulong Benigno Aquino III.

Samantala, sinabi naman ng grupong pangkababaihan na Gabriela na bagamat binabatikos nito si Duterte sa ilang mga pahayag na “macho” o taliwas sa interes ng kababaihan, kinikilala ng grupo ang progresibong mga hakbang para sa kababaihan na pinatupad ni Duterte sa Davao City.

Makikipagtulungan din umano ang grupo sa bagong pangulo sa pagpapalakas ng mga serbisyong panlipunan ng gobyerno at iba pang hakbang na pakikinabangan ng kababaihan at sambayanan.

Pagsuporta’t paglaban

Matapos ang anim na taon na paggiit ng kanilang mga karapatan sa administrasyong Aquino sa kabila ng mga tangkang panunupil ng huli, handa na umano ang mga progresibo na makiisa sa administrasyong Duterte paglaban sa maraming polisiya at hakbang na nagpapahirap sa mga mamamayan.

Sa pakikipagdiyalogo sa mga lider-progresibo matapos ang kanyang panunumpa bilang Pangulo, sinabi ni Duterte na seryoso siyang tugunan ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Seryoso rin umano siyang handa sa pakikipagtulungan sa Kaliwa o mga progresibo para sa adyenda niyang pagbabago sa lipunang Pilipino.

Sinabi rin ni Duterte na “hindi magiging problema” o hindi niya susupilin ang mga kilos-protesta dahil maayos ang naging karanasan niya sa mga protesta noong alkalde siya ng Davao City. Hindi umano magiging problema na makalapit ang kilos-protesta sa Batasan Pambansa para sa kanyang unang State of the Nation Address o SONA.

Binigyan-diin ng mga progresibo na magpapatuloy sila sa pagiging mapagmatyag at kritiko ng gobyerno at namamayaning sistemang pampulitika at pang-ekonomiya sa bansa—kahit pa aktibo silang kalahok sa kasalukuyang administrasyon para sa pagsusulong ng progresibong mga pagbabago.

Iprinisinta ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan, kay Duterte ang kopya ng People’s Agenda na naglalaman ng kagyat na mga hiling na pagbabago ng iba’t ibang sektor ng mga mamamayan sa unang 100 araw ng administrasyong Duterte.

Artikulo nina Elisa Alunday at Priscilla Pamintuan