FEATURED

Ang nagpapatuloy na rebolusyon


Hindi bibitawan ng NPA ang kanilang armas, sabi ni Luis Jalandoni.

Marami ang nag-aakalang kapag umabot na sa pinal na kasunduang pangkapayaan ang administrasyong Duterte at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay magbababa na ng armas ang New People’s Army (NPA) at maaari pa itong isanib sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Pero hindi, ani Louie Jalandoni, chief peace negotiator ng NDFP (Inanunsiyo ng NDFP ang pagbitiw ni Jalandoni bilang punong negosyador nito para bigyan-daan si Fidel Agcaoili. – Ed.). Sa porum ng Foreign Correspondents Association in the Philippines (Focap) sa Diamond Hotel noong Setyembre 29, mariing sinabi ni Jalandoni na “hindi isusuko ng NPA ang kanilang armas.”

Umiiral sa ngayon ang kanya-kanyang deklarasyon ng pansamantalang tigil-putukan (interim unilateral ceasefire) ng AFP at ng NPA. Inaasahang di magtatagal at isusunod na ang bilateral ceasefire agreement, o iisang kasunduan na kapwa pagtitibayin o pananagutan ng dalawang panig.

Kahit mangyari pa ang isang kasunduang pangkapayapaan, mananati-ling hawak ng NPA ang kanilang armas.

Higit 40 taon nang nakikibaka ang NPA para depensahan ang kabuhayan at karapatan ng mga mamamayan mula sa atake ng mga reaksiyunaryo, ani Jalandoni. Mas lalong may dahilan ngayon ang NPA para depensahan ang mga tagumpay ng mga mamamayan na matatamo sa kasunduang pangkapayaan tulad ng reporma sa lupa.

Matutulungan ng NPA ang administrasyong Duterte sa pagpapatupad ng pinagtibay na kasunduan, lalo’t may mga pananabotaheng posibleng magmula sa Estados Unidos, aniya.

Handa ang NDFP

Hangga’t may pang-aapi’t pagsasamantala sa masang Pilipino, mananatili umano ang armadong puwersa ng NPA.

Ayaw ng NDFP na matulad ang NPA sa rebolusyonaryong mga grupo na isinuko ang armadong pakikibaka nang di nakakamit ang tunay na pagbabago sa bansa, tulad ng nangyari sa Fuerzas Armadas Revolucionarias de Colombia at mga rebolusyonaryong grupo sa Nepal. Ayaw din nilang matulad sa pinaghihinalaang mga Komunista sa Indonesia na minasaker noong panahon ni Sukarno.

Ang pagsuko ng NPA ang tunay na layunin ng nakaraang mga administrasyon sa pagpasok sa negosasyong pangkapayaan. Umaayon ito diumano sa DDR (demobilization, disarmament, reintegration) na programa ng United Nations (UN) para wasakin ang armadong rebolusyonaryong mga grupo.

Luis Jalandoni. <b>PW File Photo/Boy Bagwis</b>
Luis Jalandoni. PW File Photo/Boy Bagwis

Pero matibay ang pasya ng NDFP na hindi ito papailalim sa DDR ng UN.

Posible ang pagtutulungan

Samantala, posible diumano na magkaroon ng dalawang “standing armies” na nagtutulungan sa isang bayan, ani Alan Jazmines, konsultant pampulitika ng NDFP.

Minsan nang nangyari ang pagtutulungang ito sa China nang pumasok ang mga Komunista, sa pamumuno ni Mao, sa isang koalisyon sa Kuomintang Party ni Chiang Kai-shek laban sa pananalakay ng mga Hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig.

Idinagdag din ni Jazmines na masama ang naging karanasan ng Moro National Liberation Front (MNLF) nang isinanib ito sa AFP ayon sa kasunduan sa pagitan ng administrasyong Ramos at Nur Misuari.

Naglilingkod ang NPA sa mga mamamayan sa maraming paraan, patuloy ni Jazmines. Maaari itong maging katuwang ng administrasyong Duterte sa paggiit at pagtatanggol ng teritoryo at kasarinlan ng Pilipinas.

Sustansiya ng kasunduan

Mangyayari sa Oktubre 8-12 ang ikalawang round ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at NDFP sa Oslo, Norway.

Pag-uusapan sa ikalawang round ang sinasabing pinakasustansiya ng peace agreement na tinatawag na Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser). Dito nakapasok ang paglutas ng ugat ng armadong sigalot sa bansa sa paraan ng tunay na repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon at iba pang usapin tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay, trabaho, sahod, at iba pa.