FEATURED

Lakbayan ng pambansang minorya


Nasa Kamaynilaan ngayon ang kinatawan ng iba’t ibang mamamayang Katutubo, gayundin ang daandaang Moro, para igiit ang hustisyang panlipunan at karapatan sa lupaing ninuno at pagpapasya sa sarili.

pw-14-35-2016-10-16-layout-pdf-pp-01
PW print issue sa susunod na linggo.

Madali tayong mamangha na makita ang mga pambansang minorya na isinasabuhay pa rin ang kanilang kultura. Nagdaan ang daan-daang taon ng magiting na pagharap sa kolonyalismo, mga digmaang pandaigdig, at hanggang sa kasalukuyan, nahaharap din sila sa mga problemang katulad ng kalakhan ng mga mamamayang Pilipino.

Bilang espesyal na sektor sa lipunan, nahaharap din ang pambansang minorya sa piyudal na di pagkakapantay-pantay, kurakot at represibong gobyerno, at dominasyon ng dayuhan – pero may natatangi s kanilang paghihirap na nararanasan nila bilang katutubong mga lahi .

Ang pambansang minorya ay mga mamamayang mardyinalisadong sa ekonomiya, pulitika, at panlipunan sa Pilipinas. May mahabang kasaysayan ng pamumuhay a kanilang lupaing ansestral, binubuo nila ang 15 hanggang 20 porsiyento ng populasyon ng bansa.

Binubuo nila ang 153 ethnolinguistic na mga grupo sa buong bansa, at nahahati sa mayor na rehiyonal na mga grupo: ang mga mamamayang Moro (13 ethnolinguistic groups) at mga Lumad (18 ethnolinguistic groups) ng Mindanao; ang mga mamamayan ng Kordilyera (7 mayor na ethnolinguistic groups) at Aggaym Kalinga, at iba pang mga grupo sa Hilagang Luzon; ang Aeta ng Gitnang Luzon; Dumagat, Mangyan, at Palawan Hilltribes ng Timog Luzon; at ang Tumandok at Ati ng rehiyon ng Panay sa Visayas.

Kasama ng mga mamamayang Pilipino, pasan nila ang kahirapan ng preindustriyal at atrasadong ekonomiyang agraryo, dulot ng pagiging sunud-sunuran ng estado sa dominasyon ng dayuhan at kontrol sa likas na yaman.

Dagdag sa kanilang paghihirap ang opresyon dala ng mga polisiya ng pambansang gobyerno na nagnanais dambungin ang likas-yaman sa kanilang lupang ninuno at paglabag sa kanilang karapatan sa sariling-pagpapasya.

Makikita ang ilan sa mga ito sa hindi pagkilala sa karapatan ng pambansang minorya sa lupang ninuno at teritoryo; pandarambong sa likas-yaman sa kanilang lupang ninuno; maling representasyon sa gobyerno; makasaysayang kapabayaan at pagkakait ng serbisyong panlipunan; hindi pagkilala ng kultural na pagkakakilanlan; komersalisasyon, pambabalahura, at maling representasyon ng katutubong kultura at pagkakakilanlan; at institusyunal na diskriminasyon.

Sa kasaysayan, puntirya din ng mga kontra-insurhensiyang programa ng gobyerno ng Pilipinas ang mga pambansang minorya partikular ang Oplan Bayanihan ng dating rehimeng Aquino. Nagdulot ito ng iba’t ibang porma ng pandarahas, pagpapalayas, pagnununog, at pamamaslang.

Sa mahabang panahon, hindi na bago ang pagsasamantala sa pambansang minorya ng mga nagnanais pagkakitaan ang kanilang kultura at wasakin ang kanilang lupang ninuno para pagkakitaan ang likas-yaman nito.

Gayundin, hindi na bago sa kanila ang pagtindig at paglaban sa di armado at armadong mga paraan. Dala ang iisang mithiin na ipaglaban ang kanilang karapatan sa sarilingpagpapasya at pagtatanggol sa kanilang lupaing ninuno, magtitipon sa kauna-unahang pagkakataon ang pambansang minorya sa Lakbayan ng Pambansang Minorya ngayong 2016.

Tulak ng pagkakataon na sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng isang Pangulo na tumitindig para sa pambansang soberanya, pagkiling sa pagkakaroon ng pambansang industriyalisasyon, at pagwawasto sa mga makasaysayang krimen ng imperyalismong US sa bansa.

Para sa pambansang minorya, kailangang samantalahin ang pambihirang pagkakataon na maisulong ang kanilang karapatan at kagalingan. Pher Pasion


Yutang kabilin, ipinaglalaban ng Lumad

Manilakbayang ng mga Lumad noong nakaraang taon. <b>KR Guda/PW File Photo</b>
Manilakbayan ng mga Lumad noong nakaraang taon. KR Guda/PW File Photo

Tahimik na binabaka ng mga Lumad ang mga balakid sa mapayapang pamumuhay sa kanilang yutang kabilin. Ilan lamang sa mga ito ang malawakang pagmimina at kawalang akses sa pampublikong mga serbisyo tulad ng edukasyon at serbisyong pangkalusugan.

Pero nang lumabas ang balita ng pagpaslang kina Emerito Samarca, executive director ng  Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev), Dionel Campos at Juvello Sinzo, noong Setyembre 1, 2015, saka pa lang lumitaw sa publiko ang mga suliranin ng mga Lumad.

Salamin ang pagpaslang na ito ng grupong paramilitar na Magahat-Bagani sa tumitinding panunupil sa mga Lumad na lumalaban para sa lupaing ninuno. Itinataboy ang mga Lumad sa Davao, Compostela Valley, North Cotabato, Surigao, at iba pang lugar. Lumikas sila patungong mga evacuation center, ngunit patuloy pa rin ang paghaharas sa kanila roon. Samantala, matagal nang tinatarget ng asasinasyon ang mga lider-Lumad na lumalaban sa malalaking kompanya ng pagmimina.

Malakas ang pagkakaisa ng iba’t ibang grupo ng mga Lumad para tutulan ang panghihimasok ng militar at mining companies. Tatlong beses nang naglunsad ng Manilakbayan ang mga Lumad para humingi ng hustisya sa sentro ng gobyerno sa Maynila.

Sa ngayon, nakauwi na ang mga Lumad sa Davao City at Surigao del Sur sa kanilang mga komunidad. Sa kagyat, aayusin nila ang mga nasira ng mga militar at paramilitar sa pagkampo ng mga ito sa kanilang lugar. Maaari, sa kalaunan, aayusin na rin nila, sa kanilang sariling pagpapasya, ang mga suliranin sa kanilang yutang kabilin. Pero marami pa ring hindi nakakauwi mula sa pagkakabakwit. Maraming komunidad ng Lumad ang pinagbabantaan pa rin ng malawakang pagmimina, na sinusuportahan ng mga operasyong militar. Darius Galang


Tindig ng sambayanang Moro

Pinrotesta ng mga residenteng Moro ng Brgy. Dapiawan, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao ang militarisasyon sa kanilang lugar noong Marso 8, 2016. <b>Contributed Photo</b>
Pinrotesta ng mga residenteng Moro ng Brgy. Dapiawan, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao ang militarisasyon sa kanilang lugar noong Marso 8, 2016. Contributed Photo

Natuwa ang mga Moro sa pagbanggit ni Pangulong Duterte sa mga masaker ng kanilang mga ninuno sa Bud Dajo, Jolo noong panahon ng pananakop ng Amerika sa bansa.

Sa unang pagkakataon, sabi ni Jerome Succor Aba, tagapagsalita ng Suara Bangsamoro, binanggit ng isang pangulo ng Pilipinas ang Bangsamoro nang hindi idinidikit sa terorismo. “Pinakita niya ang Moro bilang biktima, hindi terorista. Malaking bagay ito,” aniya.

Gayunman, nais umano nilang makita ang kongkretong aksiyon para sa pagwawakas sa pambansang opresyon sa mga Moro.

Simula’t sapul, nais ng mga mamamayang Moro na ibasura ni Duterte ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at Visiting Forces Agreement (VFA), gayundin ang “giyera kontra terorismo” na pinangungunahan ng US. Mga sibilyang Moro ang pangunahing biktima ng mga opensibang militar ng Armed Forces of the Philippines at militar ng US sa Mindanao.

Pinakatampok na ang trahedya sa Mamasapano noong 2015 sa panghihimasok ng US sa lupaing Moro sa ngalang ng giyera kontra terorismo. Target ng operasyon ng Special Action Force (SAF) at
mga tropang Kano ang teroristang Indones na si Marwan. Dumulo ito sa pagkamatay ng 44 Pilipinong tropa ng SAF, 17 tropa ng Moro-Islamic Liberation Front (MILF) at ilang sibilyan.  May Amerikanong sundalo din umanong namatay sa insidente.

Ikinatutuwa ng Suara ang pakikitungo ni Duterte sa lehitimong mga rebolusyonaryong grupo ng mga Moro na MILF at Moro National Liberation Front. “Kaiba ito sa ginawa ng nakaraang mga rehimen,” ani Aba.

“Kailangang suriin ng gobyerno ang pinagmulan ng Abu Sayyaf,” aniya. May mga ebidensiya kasing nagtuturo rin sa Central Intelligence Agency ng US bilang siyang lumikha ng grupo.

Paliwanag pa ni Aba, anumang pagbabago sa sistema ng gobyerno, kailangang kilalanin ang karapatan ng mga Moro sa sariling pagpapasya, hindi awtonomiyang sa pangalan lang tulad ng ipinatupad noong nakaraan. KR Guda


Katutubo ng Hilagang Luzon, nagkakaisa

Mga aktibistang Igorot sa Manilakbayan noong nakaraang taon. <b>KR Guda/PW File Photo</b>
Mga aktibistang Igorot sa Manilakbayan noong nakaraang taon. KR Guda/PW File Photo

Dalawandaang katutubo ng Kordilyera ang lalahok sa makasaysayang karaban ng mga miyembro ng pambansang minorya ngayong Oktubre 12 hanggang 21. Ang bitbit nila: laban para sa karapatan sa sariling-pagpapasya, pagkontrol ng sariling lupain at rekurso, ipatupad ang sariling paggogobyerno at pagkilala sa sariling kultura, tradisyon at relihiyon.

Ipinaglalaban din nila ang pangmatagalang kapayapaang nakabatay sa hustisya.

Bitbit ng mga nagkakarabang Katutubo ang iba’t ibang kinakaharap nitong mga isyu, tulad mapanirang pagmimina at mga proyektong pang-enerhiya, paglabag sa karapatang pantao, at militarisasyon. Tulad ng iba pang grupong Katutubo, iginigiit ng CPA ang tunay na rehiyunal na awtonomiya. Ipinaglalaban din nila na mapalayas sa kanilang mga lupaing katutubo ang mangwasak na mga korporasyon tulad ng Lepanto Consolidated Mining, SN Aboitiz, at Chevron.

Tampok din sa mga ikinakampanya ng mga katutubo mula sa Norte ang tuluyang pagsasara ng pagmimina para sa ginto at tanso sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya ng kompanyang OceanaGold. Nitong Setyembre, inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang suspensiyon ng operasyon ng OceanaGold sa Didipio. Ikinakampanya ngayon ng mga mamamayan ng Didipio at iba pang lugar at tuluyang pagsara sa naturang operasyon dahil sa malawakang pagkasira sa kalikasan na dulot nito.

Samantala, walang-tigil pa rin umano ang pagpasok ng large-scale mining sa Kordilyera. Umaabot nang 61 hanggang 80 porsiyento ng kalupaan ng rehiyon ng Kordilyera ang saklaw ng mga aplikasyon sa pagmimina. Bukod sa Lepanto, nandoon din ang mabilisang pagpapalawak ng operasyon ng Cordillera Exploration Company Incorporated (CEXI)-Nickel Asia Company-Sumitomo Metals Inc. mula Apayao, Kalinga, Mt. Province at sa karating na probinsiya ng Ilocos Norte, Grand Total and Exploration Mining Corp. sa Abra, Carasscal Nickel Company at patuloy na paglawak ng Freeport McMoran (dating Phelps Dodge) – Makilala Mining Company sa Kalinga at hangganan ng Mt. Province at Ilocos Sur.

Pinatitigil ng mga progresibong grupo sa Kordilyera ang mga operasyong ito, habang iginigiit ang karapatang ng mga mamamayan na pakinabangan ang yaman ng sariling lupaing ninuno. Priscilla Pamintuan


Mega-problema ng katutubong Pilipino

Lumahok ang nakatatandang Mangyan sa pagkilos ng 5,000 katao para tutulan ang malawakang pagmimina sa Mindoro noong Hunyo 12, 2015 sa Calapan , Mindoro Oriental. <b>Raymond Panaligan</b>
Lumahok ang nakatatandang Mangyan sa pagkilos ng 5,000 katao para tutulan ang malawakang pagmimina sa Mindoro noong Hunyo 12, 2015 sa Calapan , Mindoro Oriental. Raymond Panaligan

Kaunlaran ang pangakong hatid ng development projects sa kabundukan at kagubatan ng Pilipinas. Nagkakandarapa ang mga pribadong interes sa basbas ng nagdaang administrasyong Aquino na “paunlarin” ang mga lupaing kinatitirikan ng mga katutubong pamayanan.

Iba-iba man ang lugar na pinangyayarihan, matining pa rin ang pagkakatulad ng mga problemang idinadaing ng mga katutubo.

Mariin ang pagtutol ng katutubong Aeta sa mga “proyektong pangkaunlaran” kagaya ng Clark Green City at Balog Balog Dam na pawang mga proyektong inilunsad ng administrasyong Aquino.

Hindi malaman ng katutubong Aeta kung saan sila lulugar sa ideya ng kaunlarang ikinakalakal sa kanila ng kasalukuyang sistema ng lipunan kapalit ng kanilang mga lupang ninuno sa kabundukan.

Ang Clark Green City ay kakain ng 9,45-ektaryang lupaing tatama sa tirahan at kabuhayan ng di-bababa sa 20,000 pamilyang Aeta at magsasaka. Ani Johnny Basilio, pangkalahatang kalihim ng Aeta Tribal Association, hindi katutubo kundi mga mamumuhunan lamang ang makikinabang sa pagtatayo ng mga nasabing proyekto. “Nangako sila na magkakaroon ng trabaho ang katutubo, pero sa tingin po nami’y ilang buwan ka lang pagtatrabahuhin diyan sa mga construction. Sa pangmatagalan hindi  makikinabang o makakapagtrabaho diyan itong mga maaapektuhan sa Clark Green City,” ani Basilio.

Ang P 13-Bilyon Balog-Balog Multipurpose Dam Project (BBMP) Phase II ay nakatakda sanang maghatid ng irigasyon at kumontrol sa daloy ng baha sa 21,395-ektaryang sakahan sa Luzon ngunit kabaliktaran ang nangyayari ayon sa inilabas na pagaaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS).

“Sa loob ng ilang taon, mababa kaysa sa target ang aktuwal na naaabot ng irigasyon sa irrigation systems sa bansa,” ayon sa PIDS na tinawag na “kuwestiyonable” ang proyektong nakakuha ng pinakamalaking bulto ng badyet sa agrikultura noong 2015.

Ganito rin ang sitwasyon ng mga Mangyan sa Mindoro na idinaraing ang proyektong mega-dam na kakain ng higit sa 200,000 ektaryang lupain na magpapaalis sa higit sa 200,000 katutubo mula sa kanilang lupang ninuno. 17,000 Tumanduk naman ng Visayas ang nanganganib na maapektuhan ng Jalaur River dam project.

Tulad ng mga dam, gawa-ng-tao na naman ang isa pa sa idinaraing ng mga katutubo—malakihang pagmimina.

Umaasa ang mga katutubo ng bansa sa ilalim ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu) na magtutuluy-tuloy ang pagpapatigil ng Department of Environment and Natural Resources sa mga kumpanyang lumalabag sa makataong pagmimina na nakakasira sa kabuhayan at tirahan nila.

Bukod sa mga proyektong sumisira sa kapaligiran, dagdag-pahirap sa mga katutubo ang presensya ng mga tropang militar sa kanilang mga lupain.

“Nabubulabog ang mga katutubo sa paghahanapbuhay nila at hindi po magawa yung kanilang mga ritwal,” ani Basilio patungkol sa military complex na itinayo para gamitin sa Balikatan Exercises ng US at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kaugnay ng militarisasyon, nagreklamo ng harassment ang lider ng tribung Dumagat na si Arnel delos Santos matapos silang balikan ng paulit-ulit ng mga military. Ayon kay delos Santos, ang panghaharass na ito ay kaugnay ng pagtatayo ng 500 megawatt Wawa pump storage hydropower project ng Olympia Violago Water and Power Inc., sa Antipolo City at Rodriguez, Rizal. Marjo Malubay


Featured image: “Dayaw,” pininta ni Boy Dominguez (2009)