FEATURED

Kung bakit may #Lakbayan2017 ang pambansang minorya


Narito ang mga isyu na kinakaharap ng mga katutubo at Moro, kung kaya sila nasa Kamaynilaan para magprotesta sa rehimeng Duterte.

Matagal nang nakikibaka ang katutubo ng Kordilyera para sa kanilang lupaing ninuno at sariling pagpapasya kontra sa mapanirang pagmimina. Ni Norielyn de Guzman

Agbiag, Kordilyera

Sa matagal na panahon, napanatili ng mga katutubo sa Kordilyera ang pagpapalago ng kanilang lupa at komunidad. Pero sa Lakbayan, dala-dala nila ang kanilang hinaing sa epekto ng pagmimina na sinuportahan ng militarisasyon, at kampanya sa sariling pagpapasya.

Masalimuot ang karanasan ng mga Igorot (Bontoc, Ibaloi, Ifugao, Isneg, Kalinga, Kankanaey), sa kamay ng malalaking minahan. “Nakikita (namin) ’yung pagkakalbo ng mga bundok, pagkapatag, at malalalim na paghukay,” ani Santos Mero, tagapangulo ng Cordillera People’s Alliance. Bukod pa rito, sa karanasan ng kanilang mga ninuno, maraming nangamatay na isda, alimango, at iba pa, sa pagdaan ng mining companies tulad ng Benguet Corporation, Philex Mines, at Lepanto Mining. Sa 1.8 milyong ektarya ng Kordilyera, 1.2 milyong ektarya rito’y para sa pagmimina.

Natutuyo ang mga ilog na kailangan sa pagsasaka. Dahil sa underground at open pit mining, tumaas ang deposito ng kemikal tulad ng lead na lumalason at pumapatay sa mga ilog. Maraming nasirang palayan.

Unti-unti namang nasisira ang mga komunidad na sakop ng pagmimina dahil sa pangangamkam ng lupaing ninuno. Sa Mangcayan, 40 ektarya ng komunidad ang lumubog. Isa ang nilamon ng lupa pero di narerekober ang bangkay. Noong Agosto 2012, bumigay naman ang mine tailings ng Felix Mines.

Pero unti-unting nagorganisa ang mga katutubo. Pagbabarikada, pagsasampa ng petisyon, pagsagawa ng diyalogo, at siyentipikong pag-aaral ang ilan sa mga ginawa nila. Dahil lumakas ang paglaban, sinagot ito ng militarisasyon ng Estado upang bantayan ang ekta-ektaryang lupa ng mining companies.

Malinaw na magkatali ang pagmimina at militarisasyon. “Nariyan ang panghaharas sa mga lider at pagsampa ng gawa-gawang kaso,” ani Mero. Di nakapagtataka na walang tugon dito ang National Council for Indigenous People (NCIP). Ang malala, minamanipula nito ang usapin sa pamamagitan ng Free Prior and Informed Consent. “Nagugulat na lang sila na nandiyan ’yung makina, nagsimula na ’yung eksplorasyon o kaya nandiyan na ang personnel ng mining companies,” ani Mero.

Problema rin nila ang iba pang mga proyektong “pangkaunlaran”. Ilan lang dito ang malalaking dam na nilabanan ng katutubo sa Bontoc, Apayao, at Kalinga, gayundin ang minihydro plant. Sa Kalinga, isang geothermal plant naman ang sumasakop ng 23,000 ektarya ng lupain doon.

Kung wala ang mga mapanirang proyektong ito, ang Kordilyera sana ang pangunahing magsusuplay ng gulay: nandito ang 75 hanggang 80 porsiyento na produksiyon ng gulay na dinadala sa Metro Manila at karatig lugar.

Daang taon na ang pakikibaka ng mga taga-Norte para sa depensa ng kanilang kultura, lupain, at sariling pagpapasya. Maaaring daang taon pa rin ang kanilang bubunuin, hangga’t hindi nagbabago ang uri ng lipunan ng bansa. “Ang tunay na sariling pagpapasya ay galing sa mamamayan ng Kordilyera, hindi sa mga pulitiko,” pagtatapos ni Mero.

May ulat ni Darius Galang


Pakiramdam nila, pinagtaksilan sila ng pangulong mahigpit nilang sinuportahan noong halalan. Ni Sid Natividad

Panaghoy ng mga Maranao

Sa isang malilim na sulok ng Sitio Sandugo sa UP Diliman nakatayo ang tagpitagping mga trapal ng mga Maranao. Karamihan sa kanila’y nagmula sa Lanao del Sur at nagsipaglikas mula sa giyera sa Marawi at batas militar sa Mindanao.

Ang kanilang layunin sa paglisan, makisalo sa Lakbayan 2017, makipagkaisa sa mga katutubo at maiparinig ang hiling ng kanilang pangkat-etniko at para sa kanilang siyudad ng Marawi.

Kataksilan ng rehimen

Tinatayang binubuo ang populasyon ng Marawi ang 96 porsiyentong Maranao — isang matibay na etnikong pangkat na may kultura ng pag-aarmas sa sarili. Dahil na rin ito sa sinapit nila sa kamay ng kolonyalistang Espanyol at Amerikano.

Ani Drieza Lininding, tagapangulo ng Bangsamoro National Movement for Peace, “Kahit pa (karamihan) ng mga pulitiko sa amin (Marawi) ay Liberal Party, pinaglaban ng mga Maranao si Duterte. Kung tutuusin, overwhelming ang suporta namin sa kanya, hindi lang dito sa Lanao kundi sa buong Pilipinas.” Kung kaya’t labis na lamang ang pagkadismaya nilang mga Maranao sa administrasyon at sa pangulong ipinagmamalaki na may dugo daw itong Maranao.

May nakikita ang mga Maranao na pakay ang mismong martial law at presensiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kalakhan ng Mindanao na disarmahan ang mga Maranao, ayon kay Drieza. Dito nagmimistulang pain lamang ang grupong Maute at ang tanging pakay talaga ng AFP ay isang “ethnic cleansing” para sa mga Moro at Maranao, dagdag pa ni Drieza.

Alinsabay din sa pagdisarma ng militar sa mga bahay-bahay ng Marawi ang pagkamkam nila ng mga salapi, alahas, at pagmamay-ari ng mga Maranao. Bukod sa pagnanakaw diumano ng AFP, pati ang mga bahay at moske ng mga Maranao ay nasalanta dahil sa mga airstrike ng militar.

Mismong sa pagdiriwang ng Eid’l Fit’r pinahirapan ang mga Maranao dahil marami sa kanila’y hinarang papunta sa pagdarausan nito.

“Ano’ng kasalanan namin para sisihin kami ngayon? Noong Disyembre sa diyalogo niya sa Maute, parang sinabi na rin niyang (Duterte) ‘manggulo kayo basta sa Lanao lang.’ Ano’ng kasalanan namin?” ani Drieza.

Walang kapayapaan

Bagamat humingi ng patawad si Pangulong Duterte sa mga Maranao sa malawakang pagkasira sa Marawi, naniniwala ang karamihan sa mga Maranao na sa AFP lang nakikinig ang pangulong kanilang binoto. Mismong ang lokal na mga pamahalaan ng Lanao ay ilang ulit nang nakiusap sa militar ng tigil-putukan upang marekober ang mga bangkay ng sibilyan. Pero lagi silang tinatanggihan ng AFP.

“Hindi ka makakakuha ng simpatya laban sa terorismo kung ikaw mismo ang nambobomba sa tahanan ng mga sibilyan,” ani Samira Gutoc, dating miyembro ng Bangsamoro Transition Commission, hinggil sa AFP at sa posisyon ng rehimeng Duterte sa batas militar. Tila binigyang kapangyarihan din ng batas militar ang AFP na tratuhing mga kolateral ng digma ang paghihirap ng mga bakwit (evacuees).

Para sa iba’t ibang grupo at simbahang tumulong sa mga bakwit at Maranao, tanging ang nararapat na paumanhin ni Duterte ay itigil na ang martial law. Nagbibigay-pahintulot kasi ito sa AFP na mangdahas ng parehong sibilyan at “terorista”. Mula doon lang maaaring maghilom ang Marawi, alisin ang alapaap na bumabalot sa Mindanao, at makamit na ng mga Moro, Maranao at iba pang mga pangkat-etniko sa isla ang kapayapaang kinakailangan upang makapagsimula muli.


Malawakang pagmimina ang malaking banta sa mga katutubo ng Palawan. Ni Abie Aliño

Pagkasira sa paraiso ng Tagbanua sa Palawan

Sa likod ng mala-paraisong ganda ng Palawan, natatago ang makapaminsalang minahan na nagdudulot ng kasiraan di lang sa kalikasan kundi maging sa buhay ng katutubong naninirahan dito.

Hindi malayo sa iba pang miyembro ng pambansang minorya, ang laban para sa lupaing ninuno ang kanilang isinusulong. Para sa kanila, ang lupa’y buhay.

Maayos at mapayapang komunidad ang ginagawalan ng katutubo ng Palawona at Tagbanua sa Palawan. Ang kanilang paligid at lupain na ang siyang mismong nagbibigay ng hanapbuhay at pagkain. Pero sa pagpasok ng minahan, nagsimula ang madilim na yugto ng pamumuhay sa paraiso.

Nahati ang pagpapasya ng dating isang nagkakaisang komunidad. May mga sumuporta sa pagpasok ng minahan dahil inaakala nilang magbibigay ito sa kanila ng hanapbuhay. Pero mas marami ang mariing pumigil sa pagpasok ng minahan.

Higit isang dekada nang sinisira ng Citinickel Mines and Development Corp. ang lupaing ninuno ng mga katutubo ng Palawan. Ang dating malawak na komunidad, unti-unti nang nawala. Maging ang mga sagradong lugar ay nasira ng minahan.

“Sagradong lugar ng katutubo (ang lugar ng minahan)… Doon nila kinu-kuha ang mga halamang gamut (at) pagkain,” Ani Criselda Ungkal ng Ecumenical Development Center for Indi-genous People.

Kamakailan lang, sa pamumuno ng dating Environment Sec. Gina Lopez, sinuspinde niya ang Citinickel dahil sa bantang dinudulot nito sa kalusugan ng katutubo. Nabalot ng alikabok ang paligid nito na siyang nalalanghap ng mga katutubo. Nagdulot ito ng iba’t ibang klaseng sakit.

Militar din ang ipinang-dedepensa ng kompanyang ito sa tuwing magsasagawa ng pagkilos ang mga katutubo.

“Sa tuwing haharangin ng mga lolo at lola ko ang mga trak ng Citinickel, magpapadala sila ng militar,” ani Criselda.

Hinuhuli rin ang kanilang lider-katutubo. Sa Lakbayan, nasa Maynila ang katutubo ng Palawan para ipanawagan ang pagtigil sa pagmimina sa kanilang lugar.


Kalahok sa Lakbayan ang mga katutubong ito, na muling nanganganib dahil sa itatayong dam. Ni Monique Panganiban

Panganib sa Dumagat

Nangangamba ang katutubong Dumagat sa Quezon sa pagtutuloy ng planong “pangkaunlaran” na sasagasa sa kanilang luaping ninuno.

Noon pang 1980 unang pinlano ang Laiban Dam, na proyekto ng Metropolitan Watermarks and Sewerage (MWSS) at San Miguel Corp. Halos 28,000 ektarya ng lupa ang sasakupin nito upang mabuo ang mga proyektong ayon sa gobyerno’y reresolba raw sa krisis ng tubig sa Maynila.

Pero mga Dumagat naman ang ipapahamak nito. Mariin nilang tinutulan ang plano na anila’y sisira sa kanilang lupaing ninuno. Hindi mga proyektong katulad nito ang kailangan ng mga Dumagat, anila. Ang kailangan nila, pagbibigay-buhay muli sa kanilang kagubatan na pinagkukunan nila ng pagkain at tubig.

Pansamantalang napigilan nila ang proyekto. Pero sa ilalim ng rehimeng Duterte, nakaambang ituloy ang katulad na proyekto ngayong taon — dahil na rin sa P10-Bilyong development assistance loan mula sa Tsina.

“Hindi pa nila itutuloy ang Laiban Dam, subalit sisimulan nila ngayong Setyembre ang Kaliwa Dam, diumano dahil 400 lang ang apektado nito. Subalit sinabi namin na hindi 400 lang ang apektado. Ang mga barangay at bayan sa ibaba ng tatayuan ng dam ay apektado rin, gayundin ang pagkonsumo ng mga katutubo sa kailugan,” ani Wilma Quierrez mula sa Quezon.

Sa totoo, mahigit 10,000 ang maapektuhan ng pagtatayo ng Kaliwa Dam. Sa ngayon, hinihiling ng mga Dumagat na unahin muna ang pangangailangan ng mga katutubo o pambansang minorya na inaaagawan ng mga lupang pinagtatayuan ng mga proyektong hindi makatao at makakatutubo.

Ang katawagang “Dumagat” ay ibinigay ng mga tagapatag upang tukuyin ang isang grupo ng mga katutubo na matatagpuan sa Sierra Madre. Ito’y nangangahulugang sea gypsies o tagadagat. Sila ay kalat-kalat sa iba’t ibang probinsiya sa Luzon. May ilan sa Nueva Vizcaya, Isabela, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Camarines Sur, at Camarines Norte.


Gustong ilubog ng gobyerno sa baha at kahirapan ang mga Tumanduk ng Panay. Ni Marjo Malubay

Tindig ng Tumandok

Sa halip na bigyan ng sapat na irigasyon ng National Irrigation Authority (NIA) ang mga Tumanduk sa Panay, ilulubog nito ang katutubong komunidad sa tubig sa pamamagitan ng Jalaur Mega Dam.

Layunin umano ng Jalaur Mega Dam na bigyang irigasyon ang mga nagtatanim ng palay at bigyang kuryente ang probinsiya ng Panay sa pamamagitan ng hydroelectric power plant. Bagamat 1960 pa ang plano at minadaling ipasa sa administrasyong Aquino III, hindi ito matuluy-tuloy dahil sa dami ng kasong nakasampa laban sa proyekto.

Kabilang sa maaapektuhang mga bayan ang Agcalaga, Masaroy, Garangan, Tampucao, at siyam pang barangay na nasa loob ng lupang ninuno ng mga Tumanduk.

Bukod sa 17,000-kataong sapilitang palilikasin ng proyekto, napakalapit ng mega dam sa West Panay faultline. Kung sakaling lumindol at mabutas ang dam, mas malaki ang pinsalang idudulot nito hindi lamang sa mga katutubo kundi pati na rin sa mga mamamayang nakapaligid sa dambuhalang dam.

Pinangangambahan din ang malalang pagbaha na maaaring idulot ng dam lalo pa’t daanan ng bagyo ang Pilipinas. Isa ang Panay sa mga matinding naapektuhan ng Super Typhoon Yolanda noong 2013, kabilang ang mga Tumanduk.

Kasama ang mga Tumanduk sa Lakbayan ng Pambansang Minorya sa ilalim ng alyansang Sandugo upang iprotesta ang pagsasaalang-alang sa buhay ng mga katutubo kapalit ng kita ng mga malalaking kompanya.