FEATURED

Sa sandaling piling ng NPA sa Sierra Madre


Malalim na respeto para sa kanila ang aming natutunan kung bakit nila ginagawa ang kanilang ginagawa; kung bakit nila iniiwan at sinusuway ang kanilang mahal sa buhay para sa digmaang hindi namin alam kung kailan matatapos pero tiyak na tiyak ng mga NPA ang tagumpay nito.

May imbitasyon sa amin para sa isang press conference. Pero kakaibang presscon ito. Hindi sa anumang restaurant o lugar ito magaganap. Sa kabundukan ng Sierra Madre ito. Ang nag-imbita sa midya kabilang ang Pinoy Weekly: ang Melito Glor Command ng New People’s Army (NPA) sa Southern Tagalog.

Sa paanan ng Sierra Madre, ibinigay sa amin ang mga alituntunin sa pagpanik: Ang mga bawal at mga hindi dapat gawin. Bagamat mayroong ipinatutupad ng tigil-putukan ang Gobyerno ng Pilipinas at Partido Komunista ng Pilipinas, hindi ito kasiguraduhan sa aming kaligtasan. Una pa lang, nasabi na sa amin ang patuloy na operasyon ng mga militar sa kabila ng ceasefire. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit nag-imbita ng presscon ang NPA sa lugar.

Matapos ang oryentasyon sa pagpanik sa kampo ng NPA, nagsimula kaming humakbang sa kalagitnaan ng gabi, nakahandang makipagkilala sa hamon ng dilim at kabundukan.

Para sa aming sanay sa patag at buhay petiburges, walang magsasabing naging madali ito. Makailang ulit kaming pinatumba ng maputik na daan na nagpapabigat sa bawat hakbang habang bitbit din namin ang mabibigat naming backpack. May mga pagkakataong kinakain ng malambot na lupa ang aming mga paa. Kakailanganin mo pa ng tulong para maiahon ka. Mabuti at hindi kami sinabayan ng ulan.
Naging kaibigan namin ang mga ugat ng puno at sanga ng mga halaman na aming nakakapitan upang huwag kaming dumausdos kapag nakakamali sa pagtapak. Ganoon na rin ang mga bato sa mga sapa na aming dinaraanan, nag-iingat na huwag madulas. Sandali, nakakapaghugas kami dito ng putik sa aming mga bota.

Panaka-naka lamang ang ilaw na nagmumula sa aming mga flashlights para hindi mapansin at makabigyay atensiyon sa mga kaaway. Pilit ginagaya ang mga ilaw ng mga alitaptap at bituin para sa liwanag at pagbibigay pag-asa na amin kakayanin ang ganitong paglalakbay sa dilim ng kagubatan. Pamaya’t maya ang pahinga namin sa pagod at hirap.

Minsan, ninanakaw na ng pagod at hirap ang aming katinuan at dinadala sa biro ang pagtanggal hirap gaya ng, “’Pre, nadaanan nyo ba yung 7-eleven?” o di kaya, “Wala ba kayong zip line na lang dito?” Ang isang kasama namin, kakaumpisa lang ng lakaran nang magtanong kung “Malayo pa ba?”

Pamaya’t maya rin ang kaba sa dibdib ng mga first time na mag-cover sa sonang gerilya na sana huwag magkaroon ng encounter. Sa mga sanay na sa ganitong coverage, hindi na marahil ganoon ang kabog sa dibdib. Ang iba, siguro’y excited.

Sa pagsusumiksik namin sa masukal na kagubatan, kinakalabit kami bigla ng mga sanga at hinahaplos ng kung anong mga dahon. Bigla kaming gugulatin ng mga paggapang ng insekto sa aming mga batok. Maiisip kominsan kung bigla na lang may tutuklaw sa akin. Doon ko mapagtatanto na hindi lang pala bala ang puwedeng pumatay sa amin.

Kalagitnaan ng gabi nang marating namin ang kampo ng NPA matapos ang isang matarik na akyatan. May dalawang oras din ang ginawa naming paglalakbay. Kaya sa mga may edad na reporter, sadyang hindi ito naging biro. Buti na lang at bumaba pa ng kampo ang mga gerilya ng NPA para hindi kami lalong mahirapan. Nagpaabot kasi ang ilan sa amin bago ang takdang araw kung magagawan ng paraan para hindi maging mahirap sa mga midya ang pagpasok sa sonang gerilya. Mabuti na lang at napaunlakan. Dahil kung nagkataon, ang orihinal na balita sa amin ay may anim hanggang walong oras na lakaran. Pero ganoon pa man, mahirap pa rin.

Nakahanda na ang ginawang kubol para sa amin at nakahanda na ang mainit na kape na naghihintay sa amin–panandaling panlaban sa pagod at lamig. Nagpakilala ang isang batang gerilya habang nagpapahinga kami at nag-aayos ng aming mga dalang gamit. Hindi namin matanaw maigi ang kanyang mukha na naaaninagan lang ng munting ilawan mula sa aming kubol. Pero sa kabila ng mumunting ilaw, sapat na ito para ilitaw ang ganda ng kanyang kabataan. Sa una, pagkakamalan ng iba naKoreana o Haponesa siya. Biro nga ng isang kasama naming reporter, “Akala ko, may international wing na ang NPA.” Ang kanyang tinig ang higit na nagpatunay nang pagpapatuloy ng kabataan Pilipino sa rebolusyong matanda pa sa kanila.

Ilang sandali pa, nilapitan kami ng buong galang ng nakatatandang mga gerilya. Nagpakilala sila sa amin sa mga pangalan na alam naming alyas lang nila. Pilit naming kinakapa sa dilim at sa aming isipan kung sino sa kanila ang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command.

Binigyan din nila kami ng oryentasyon sa kalagayan ng erya kung saan kami naroon. Ang balitang nasa may tatlong kilometro lamang ang pinakamalapit na kampo ng militar kung saan kami naroroon ang nagbigay ng sandaling katahimikan sa amin–kumbaga may moment of silence. Gayumpaman, nasa sitwasyon kami na tinanggap namin na nasa loob kami ng isang larangang gerilya – nasa lupain kami kung nasaan nangyayari ang gera.

Madaling araw na nang mahiga kami sa papag na nilagyan ng tapeta sa ibabaw namin bilang proteksiyon sa ulan. Ilang sandali lang, isa-isa kaming ginigising ng kagat ng lamig.

Bago pumutok ang araw, isa-isa na kaming bumangon. Doon lang namin nakita ang mga gerilya o mga hukbo na karamiha’y kabataang iniwan ang kanilang buhay at pagkakakilanlan sa paanan ng kabundukan.

Muli, isang oryentasyon ang ibinigay sa amin kung ano ang magaganap sa buong araw. Sinabi na rin nila sa amin kung sinu-sino ang maaari lang kunan ng larawan. Isa rin sa napagkasunduan na kanilang titignan ang anumang aming nakunan na maaaring makapagbigay pagkakakilalan sa kanilang mga kasama.

Kaya naman, nagsimula kaming mag-ayos. Isa-isa kaming naligo sa ginawa nilang liguan na gawa sa kawayan at dahon ng niyog na may tabing. Mayroong tubo ito na nagbibigay ng tubig sa amin. Ito rin ang pinagkukunan ng aming inumin.

Nasa kabilang dulo naman nito ang banyo; isang hinukay na deposituhan na gawa din sa kawayan at niyog na may tabing. Kailangan mo munang kumuha ng tubig panghugas sa isang galon para may panglinis kung ano man ang dapat linisin. Hindi maganda ang amoy sa bahaging ito, pero ganito talaga sa bundok. Ikaw ang kailangang mag-adjust at hindi ang kabundukan ang mag-a-adjust sa iyo. Para sa mga hukbong galing kalunsuran, ito marahil ang isa sa mga una nilang natutunang hubugin sa kanilang sarili.

Matapos kaming makapag-ayos ng aming mga gamit at makaalmusal, nagsimula na kami sa aming trabaho. Nag-aayos na rin ang mga gerilya at naglagay ng pinta sa kanilang mukha na kulay ng National Democratic Front of the Philippines–pula, asul, at ginto. Dito, nakita na rin namin sa unang pagkakataon ang mukha ni Ka Diego suot ang type A na uniporme. Oo, may mga uniporme rin ang mga gerilya. Makikitang hango ito sa pinagsamang disenyo ng mga hukbong bayan sa China at Vietnam.

Nasa 69-anyos na si Ka Diego. Apat na dekada na siya sa rebolusyon. Nasa kasiglahan ng kanyang kabataan noong Martial Law nang magpasya siyang humawak ng armas. Ito ang kanyang kauna-unahang pagkakataon na haharap sa mga miyembro ng midya. Dito niya ihaharap ang kanyang mukha at pagkatao na apat na dekada niyang iniingatan na ikubli sa mga dahon, bato, at puno sa mga kabundukan.

Ilang sandali pa, isang sigaw ang naging hudyat ng pagsisimula ng programa para sa araw na iyon. Mabilis na humanay ang mga naka-type B na uniporme na miyembro ng NPA para sa isang military drill. Hawak ang mga bandila ng rebolusyon at kani-kanilang armas, nagsimula silang humakbang sa hudyat ng isang command.

Mabilis na sinipat ng aming mga lente ang pambihirang eksena para sa amin. Nakikipaghabulan sa bawat segundo ang tunog ng aming mga kamera sa bilis ng bawat pitik. Hindi ko alam kung nanggigil ang marami sa amin dahil madalang lang ito o sadyang astig lang ang makakita ng mga mandirigmang hindi madalas makita ng malapitan at maramihan.

Inawit nila ang International, ang pandaigdigang awit ng mga komunista sa daigdig. Sadyang iba ang pakiramdam na marinig ito mula sa kanila sa ganitong lugar kung saan lang sila makikita na may armas.

Nagsimulang dumaloy ang presscon sa isang bulwagan na gawa sa mga kahoy at tinabingan ng tapeta bilang bubong. Sa harap inilagay ang simbolo ng NPA na may sibat at AK-47 sa loob ng tatsulok. Masining na dinisenyuhan ang paligid nito ng dahon ng niyog at anahaw.

Dito pormal na ipinakilala si Jaime “Ka Diego” Padilla bilang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command ng NPA sa Timog Katagalugan. Bagamat ikinukubli kami ng mga puno sa kabundukan at nakikipagniig ang aming mga bota sa putikan, naidaos ang presscon tulad kung paano ang sa lungsod.

Binasag ng tunog ng helicopter ang idinaraos na presscon. Bagamat natuloy pa rin ito, patingin-tingin kami sa paligid. Naghihintay kung may huhudyat kung ano ang gagawin. Pero, mukhang hindi na bago sa mga hukbo ang pagdaan ng helicopter ng kanilang kaaway. Mukhang tama sila; pinakaba lang kami.

Matapos ang presscon, nananghalian na kami kasama ang mga hukbo. Dito, nagpaunlak pa rin ng panayam si Ka Diego at iba pang hukbo sa midya.

Ilang sandali pa, isang kultural na programa ang idinaos para sa aming tagamidya. May mga kumanta, tumula, nagbigay ng mga talumpati, at may nag-alok ng kasal sa kanyang karelasyon kasabay ng kantang Kapag Sinabi Ko sa Iyo ni Gary Granada, dala-dala ang rosas. Kaya biglang may nagsabi na “Guns and Roses!” mula sa aming tagamidya. Kaya naman kuha agad namin ang aming mga kamera at hindi ko na alam kung ilan sa aming tagamidya ang napakilig.

Ipinakilala sila na sina Ka May at Ka Ryan. Sinopresa ni Ka Ryan si Ka May para sa sandaling ito. Sabi nga ni Ka May sa kanya, “Dito pa talaga? Grabe ka, pinasikat mo ako!” Parang pang high school na eksena lang. Pero, ipinaliwanag sa amin ni Ka Diego ang kanilang sinusunod na prinsipyo sa pakikipagrelasyon. Siyempre, ibang-iba sa burgis na konsepto na dominante sa lipunan ngayon.

Ito na marahil ang isa sa pinakamasayang tagpo na nasaksihan namin sa pagpunta namin doon. Sa kabila ng mababangis nilang armas at mapangahas na tinatahak na landas, nananatili silang  karaniwang tao na binubuhay ng pag-ibig at pagmamahal sa bayan.

Matapos nito, binigyan kami ng oras para makapanayam at makasalamuha ang mga hukbo. Hindi na nag-aksaya ng oras ang marami sa amin. Kani-kanya na kami ng larga para sa aming trabaho.

Kapansin-pansin na kabataan ang karamihan sa mga NPA. Kung tatantsahin nasa 20 hanggang 30 lang ang kanilang mga edad. Bilang lang sa mga daliri ang may edad. Isang kongkretong halimbawa ito na nananatiling buhay sa kabataan ang rebolusyong sinimulan mahigit apat na dekada na ang nakakaraan.

pw-14-43-featured-image-melito-glor
Ka Kathryn. Boy Bagwis

Isa sa kanila si Ka Kathryn, 24, nakapag-aral ng kursong komunikasyon at masasabing may kumportableng katayuan sa buhay o nasa middle class. Namulat siya ng patuloy na pagtaas ng matrikula hanggang sa malaman niyang hindi lang pala matrikula ang problemang kinakaharap ng kabataan at kanilang magulang. Hanggang sa matanggal sa trabaho ang kanilang engineer na ama dahil pag-uunyon dahil sa public-private partnership.

Siya rin ang kabataang nabanggit kanina na sumalubong sa aming pagdating. Panganay siya sa tatlong magkakapatid. May angkin siyang ganda na wala yatang reporter na hindi siya kinuhanan o hindi siya kinapanayam.

Pero hindi ang angkin niyang ganda ang tunay na mensaheng nais kuhanan kundi ang larawan ng isang kabataan na pinili ang hamon ng rebolusyon na pilit tinatabunan ng iba’t ibang uso mula sa pinakahuling gadgets, teleserye, social media, at ang pangako ng burgis na buhay.

Hindi rin naging madali para sa uring petiburges gaya ni Ka Kathryn ang pagsapi sa hukbo, pero nagagawa niya itong pangibabawan kapag nalaman at malalim na naunawaan ang kawastuhan ng kanilang ipinaglalaban at ang mga hibla ng peti-burgesya ay madali na lamang niyang napapangibabawan.

Kasiglahan din ng kanyang kabataan nang sumapi si Ka Eric, 52 ngayon, sa NPA. Gaya ni Ka Kathryn, mula din siya sa uri ng petiburgesya. Nakapag-aral, pero pinili na ang ganitong propesyon. Unang bahagi ng dekada ’90 nang nagpasya siyang sumapi sa NPA. Dinaanan niya ang paglihis o pagkakamali sa loob ng kilusan at ang masalimuot na pagwawasto sa kamaliang ito.

Tinanong ko si Ka Eric kung ano ang pinakahindi niya malilimutang kabanata ng kanyang pagiging NPA. Ang hindi mabilang na pagkakataon na iniligtas sila ng masa sa kanilang mga kaaway ang tangi niyang nasagot sa akin. Marami siyang naikuwento tungkol dito.

Naging mahaba ang kuwentuhan namin, maging sa kanilang pamilya at kanyang nanay na hanggang ngayo’y nais siyang pababain sa kabundukan. Isa rin sa mga hindi niya malilimutan ang bawat kasamang nagbuwis ng buhay na kanilang nakasama.

Mag-aalas singko nang magulat ako na naghahanda na ang mga kasama kong tagamidya. Mas bababa pala kami ng mas maaga kesa sa itinakda. Kaya naman nagmadali na rin ako sa aking pag-i-interview. Kailangan ko pa rin kasing ayusin ang aking mga gamit.

Habang nag-aayos ng gamit, hindi ako makapaniwala na kailangan na naming umalis. Parang mas mahaba pa ang paglalakbay namin kaysa sa aming pananatili. Pero sa sandaling panahon na iyon nagkaroon kami, partikular sa akin, ng mas malalim na pag-unawa sa mga NPA. Ibang-iba sa mga nais ipakita at ipaniwala sa atin ng mga nasa estado kabilang ang dominanteng kultura. Sa kabila ng iba’t ibang masasamang pagbabansag sa kanila gaya ng terorista, mamamatay-tao, demonyo, walang-diyos, na-brainwash ni Joma (Jose Maria Sison), alagad ng China, at iba pa, alam ng masang araw-araw nilang pinaglilingkuran at tagasuporta kung ano ang katotohanang kanilang paniniwalaan.

Malalaman sa kanilang mahigit apat na dekadang pagrerebolusyon ang malaking pagkakaiba ng terorista at ng rebolusyonaryo. Isa sa mga dahilan kung bakit ang pagiging NPA ay nagpapatuloy na isang landas na kailangan tahakin ng mga kabataang mula sa iba’t ibang henerasyon katulad nila Ka Diego, Ka Eric, at Ka Kathryn. At malamang, hindi sila ang huli.

Malalim na respeto para sa kanila ang aming natutunan kung bakit nila ginagawa ang kanilang ginagawa; kung bakit nila iniiwan at sinusuway ang kanilang mahal-sa-buhay para sa digmaang hindi nila alam kung kailan matatapos pero tiyak na tiyak ng mga NPA ang tagumpay nito.

Matapos ang mahahabang paalamanan at pasasalamat, hindi ko na rin pinalampas ang pagkakataong makapagpalitrato kay Ka Diego. Alam ko, i sang araw isa ito sa mga larawang nasa piling ng mga NPA na pakakaingat-ingatan ko.

Umalis kami sa simula ng pagkagat ng dilim. Ramdam ko ang bigat ng aking mga bota. Pero gayunpaman, mukhang naging mas madali ang aming pagbaba kaysa sa pagpanik. Pero sa hindi iniaasahan, naligaw kami pabalik. Dahil nga pala bago ang mga NPA sa lugar kaya nangapa kami.

Hanggang sa mahiwalay kami ng dalawa kong kasamahan. Aaminin kong kinabahan ako ng mga sandaling iyon dahil puro dilim ang nasa aming paligid maliban sa langit na may mga bituing pinapanood kami. Pero hindi kami iniwan ng aming katinuan. Sa pagdudugtong ng aming karanasan at kaalaman, nakadugtong kami sa aming mga kasama. Pero naliligaw pa rin ang aming nadugtungan. Nangapa pa rin kami sa pagitan ng dilim at paanan ng kabundukan.

Hanggang sa magtagpu-tagpo kaming muli. Sa isang komunidad pilit naming ikinukubli ang mga sarili para hindi kami makita. Bawal magbukas basta ng flashlight para hindi kami mapansin. Pero sadyang iba ang kakayanan ng mga aso. Pilit kaming isinusumbong sa mga nasa paligid. Bahala na ang aming nasa isip.

Pagdating sa may bungad ng kalsada,wala pa ang aming sasakyan. Pilit kaming nagtatago sa dilim na nagkukubli sa amin una pa lang. Panibagong paghihintay at ang bawat segundo ay tila nagpapalapit sa amin sa kapahamakan.

Dumating ang aming sundo at mabilis kaming sumakay. Ilang oras muli ang aming nilakbay pabalik ng Maynila dala ang mga istorya ng rebolusyong tinitiyak ang tagumpay.