FEATURED Pambansang Isyu

Nagkaisa sa SONA


Hindi napigilan ng pandemya o ng panggigigipit ng mga kapulisan ang mga nais nakiisa sa protesta sa araw ng ikalimang SONA ni Pangulong Duterte.

Nagtipun-tipon noong Hulyo 27, araw ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte, ang iba’t ibang grupong ipinoprotesta ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Act of 2020, kapalpakan sa tugon ng kasalukuyang administrasyon sa pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19) at samu’t saring mga isyung pambayan.

Sa kabila ng panganib ng pandemya, banta ng kapulisan ng pag-aresto at iba pang paraan upang pigilan ang nasabing rali, ayon sa mga organisador ng aktibidad, umabot ng mahigit 8,000 ang nakadalo mula sa iba’t ibang organisasyon at mga indibidwal.

Sinimulan ang programa sa pagkanta ng pambansang awit na pinamunuan ng mangangantang si Jonalyn Viray. Pinaalala rin bago magsimula ang mga talumpati ang istriktong pagtitiyak ng health protocols – isang metrong distansya, palagiang pagsusuot ng face mask at shield at pagdisinfect ng sarili.

‘Walang tunay na malasakit’

Pinangunahan ni Maristeila Abenojar ng United Philippine Nurses ang mga talumpati. Pinuna nito ang mataas na bilang ng kaso ng Covid-19 sa bansa na aabot na lagpas 80,000 na habang isinusulat ang artikulong ito.

Kinondena din ni Abenojar tila pagpapabaya sa medical frontliners ng pandemya.

“Nasaksihan din natin na wala silang tunay na malasakit sa mga manggagawang pangkalusugan. Umabot na sa mahigit 3,800 ang health workers na infected, kasama na po dyan ang 1,300 nurses at 960 doktor.” Dagdag pa nito, sobra-sobra aniya ang pagtatrabaho ng mga nars na umaabot sa 12 oras ang kada shift at kulang o walang personal protective equipment at hindi din naisasama sa mass testing ng Covid-19.

Sarkastikong pinuna, sa isang video message, ni Sen. Risa Hontiveros, ang umano’y lohika ng administrasyong Duterte sa pagtugon sa pandemya. Aniya, “hindi ko maunawaan, kasi una, naipasara naman ang ABS-CBN; pangalawa, naipasa naman ang mapanganib na Anti-Terrorism Law; at pangatlo, naipakulong naman natin ang ordinaryong mga Pilipino, di ba?”

Nagbigay din ng pananalita sa programa ang mga kinatawan ng mga magsasaka at mga tsuper na sinasabing pinaka-bulnerableng mga sektor sa ilalim ng kasalukuyang pandemya.

“Kami na lumilikha ng pagkain subalit walang pagkain at naghihirap dahil sa kawalan ng lupa. Ligalig sa araw-araw dahil sa pesteng pangulo,’ saad ni Danilo “Ka Daning” Ramos, pambansang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Dagdag pa ni Ramos, ang umano’y kakarampot na tulong para sa mga magsasakang apektado ng pandemya aniya’y pinag-interesan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Tinutukoy ni Ramos ang overpricing ng 1.8 milyon bags ng urea fertilizers na binili ng Department of Agriculture na nagkakahalaga ng mahigit P1,000 mula sa umano’y prevailing price nito na P850.

Inihayag naman ng deputy secretary general ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) na si Ruben “Bong” Baylon ang kanyang pagkadismaya sa gobyerno na aniya’y ginutom ang mga tsuper ng apat na buwan at nagkulong sa kanila nang sila’y manawagan na makabalk-pasada noong unang linggo ng Hunyo.

Sama-samang sumampa sa entablado sina Sonny Matula ng Nagkaisa!, Leody De Guzman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Elmer “Bong” Labog ng Kilusang Mayo Uno, at iba pang lider manggagawa sa ilalim ng United Workers. Tinalakay ng mga nasabing lider ang usapin ng “endo”, napipintong matanggal sa trabaho na 11,000 manggagawa bunsod ng hindi pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, mababang sahod at ang anila’y “pagpatay sa mga manggagawa” bunsod ng palpak na tugon ng gobyerno sa pandemya.

Pangamba sa kasalukuyang estado ng edukasyon ang tinalakay ng mga tagapagsalita mula sa kabataan. Sambit ni Karla Meneses ng Akbayan Youth, “Paano tayo magiging pag-asa ng bayan, kung ang edukasyon sa kasalukuyan ay ‘na-scam’ ng presidente na walang palano para sa ating kinabukasan?”

Sa panig naman ni Beverly Godofredo ng Save Our Schools Network, sawang-sawa na aniya ang kabataang Lumad sa apat na taon ni Pangulong Duerte bunsod ng umano’y atake sa mga paaralang Lumad. “Mahigit 176 na Lumad na paaralan ang napasara (habang) 5,000 na Lumad na kabataan ang hindi makakapagpatuloy sa pag-aaral,” ani Godfredo

“Handa na sila sa milyun-milyong magda-dropout. Handa sila para sa daan-daang mga paaralan na magsasara kaya marami ang mawawalan ng kanilang karapatan sa de-kalidad at abot-kayang edukasyon,” sabi naman ni Raoul Manuel ng Youth Act Now Against Tyranny, hinggil sa paghahanda ng mga ahensiyang imbuwelto sa edukasyon sa pagbubukas ng klase. Tanong ni Manuel kay Duterte, “Ano ang ginawa mo para tiyakin ang ligtas at de-kalidad na edukasyon para sa mga kabataan?”

Kuha ni Cindy Aquino

‘Intolerant sa dissent’

Tinuligsa ng abogadong si Neri Colmenares, sa kanyang talumpati ang naisabatas kamakailan na Anti-Terror Law na aniya’y hindi mga terorista ang target kundi ang mga kritiko.

“Ang pruweba natin na ang ‘terror law’ na ito’y para sa mga kritiko, para sa ordinaryong mga tao na nagpoprotesta dahil walang ayuda, dahil sa kapalpakan ng gobyerno sa Covid-response, ay ang mahabang track record ni President Duterte na intolerant siya sa dissent,” aniya.

Tinutukoy na halimbawa ng naturang abogado bilang pruweba na ayaw aniya ni Duterte sa sumasalungat sa kanyang administrasyon ang umano’y pagpapakulong kay Sen. Leila De Lima, gayundin ang extra-judicial killings sa mga pinaghihinalaang sangkot sa giyera kontra droga at sa aktibista, pagtatanggal kay dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, pagkakaso sa mga oposisyon, obispo at kritiko, at maging ang ‘pagpapasara’ sa ABS-CBN,

Dugtong pa ni Colmenares, makikita din ang pagiging intolerant ng administrasyon sa dissent maging sa pagbabawal nito sa mga rally tulad ng SONAgkaisa na kanilang isinagawa.

Aniya, “Kapag mas gathering sa ‘mañanita’ ni Gen. Debold Sinas, okey lang…nung isang araw, 7,500 katao ang dinagsa nila sa Rizal Memorial Stadium, mass gathering yun, pero ok lang daw yun, essential at importante daw ‘yun. Pero pag protesta natin, pag ating mga rally, hindi daw puwede, kasi mass gathering.”

Tanong naman ni Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, isang samahan ng mga kaanak ng mga bilanggong pulitikal: “Ano na ang nangyari sa petisyon namin na inihain sa Supreme Court para sa pagpapalaya sa mga matatanda at may sakit?”

Samantala, pagkamit pa rin ng hustisya pa rin ang hinaing ni Emily Soriano, tagapagsalita ng Rise Up na kumakatawan sa kaanak ng mga nabiktima ng drug war ni Pangulong Duterte.

Saad pa ni Soriano, nagpapatuloy pa ang mga pamamaslang at nag-iba lang ang pamamaraan. Hinikayat naman ng pangkalahatang kalihim ng Karapatan na si Jigs Clamor ang madla na manindigan sa karapatan na aniya’y “araw-araw na nilalabag ng administrasyong Duterte.”

Nagsalita naman ang beteranong journalist na si Ces Drillon. Aminadong kinakabahan dahil unang beses na magsasalita sa entablado ng isang rally, ipinahayag nito ang pagkadismaya sa sitwasyon ng press freedom sa bansa at ng 11,000 manggagawang kasama niyang mawawalan ng trabaho bunsod ng pagpapasara ng ABS-CBN. “Ang freedom of the press po ay importanteng haligi ng ating demokrasya. Ang freedom of the press po ay karapatan ng bawat Pilipino at hindi po ito isang pribilehiyo tulad ng sinasabi ng ating Presidente,” ani Drilon.

Inirehistro ni dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, sa isang video message, ang kanyang pusisyon hinggil sa planong charter change na isinusulong ng administrasyong Duterte na aniya’y “upang makumpleto ang planong palitan ng diktadurya ang mabuting pundasyon ng lipunang Pilipino.”

Ayon pa kay Sereno, mangyayari ang walang limitasyon sa termino sa national positions mula Pangulo hanggang kongresista; walang limitasyon sa pag-upo, ilang henerasyon man ng magkakamag-anak, sa mga halal na pusisyon; lalakas ang negatibong regionalism at lalakas ang regional warlords at dinastiya; patung-patong na buwis sa mula federal, rehiyunal, probinsiyal, munisipal at barangay; dagdag utang para tustusan ang dambuhalang imprastraktura ng federal at regional governments; at kawalan ng national response sa mga problemang tulad ng pandemya, sakuna at iba pa.

“Imbes na pagkaisahin tayo, ang panukalang pagbabago sa konstitusyon ay pagwawatak-watakin tayo. Ibubukas nito ang lahat ng sector sa pag-aari ng mga dayuhan,” dagdag pa ng dating punong mahistrado.

Ibinalita din ng abogadong pangkarapatang pantao na si Chel Diokno sa programa ang ginawang paghahanda ng iba’t ibang grupo ng mga abogado tulad ng Free Legal Assistance Group, National Union of People’s Lawyers, Concerned Lawyers for Civil Liberties at Integrated Bar of the Philippines para sa anumang panggigipit na maaaring maranasan ng mga dumalo sa pagkilos.

Inihayag din niya ang kanyang komitment sa pagsama sa taumbayan kapag dumating ang aniya’y oras ng pagpapanagot kay Duterte.

‘Apat na taon ng pambabastos’

Inihiyag nina Anelle Sabanal ng Babae Ako Movement, Joms Salvador ng Gabriela, Odette Magtibay ng Every Woman at iba pang lider kababaihan ang kanilang saloobin hinggil sa umano’y pambabastos na naranasan nila bilang babae sa panunungkulan ni Pangulong Duterte.

Ani Salvador, “Babae kaming nagsusulong ng serbisyong pangkalusugan, katiyakan sa kabuhayan at paggalang sa karapatang pantao sa gitna ng pandemyang ito – mga karapatang ipinagkait ng pabaya, di-makatao, at macho-pasistang si Duterte.”

Sunod namang tinalakay ng programa ang “pambabastos” sa kalikasan sa apat na taon ng administrasyong Duterte. Tinalakay ng mga kinatawan ng Alyansa Tigil-Mina, Youth Advocates for Climate Action Philippines at Green Thumb Coalition.

Sa talumpati ng mga ito, inihayag nila ang pagkundena sa patuloy na pandarambong ng mga malalaking korporasyon sa mga likas na yaman sa ngalan ng tubo, militaratisasyon at pagpaslang sa mga land rights activists at environmentalists, at maging ang posibleng implikasyon ng Anti-Terror Law sa mga organisasyong nagtatanggol sa kalikasan.

Huling tagapagsalita ng programa si Rey Salinas ng Bahaghari, ibinilanggo ng kapulisan ng Maynila noong nakaraang buwan bunsod ng kanilang Pride March. Sa kanyang talupati, sinabi ni Salinas na “matatamis na kasinungalingan” ang ihahayag ni Duterte sa kanyang SONA.

Aniya, hinaharap ng mga mamamayan ang pinakamalubha na kawalan ng trabaho, bilyun-bilyong utang, pagpapasara ng ABS-CBN, kawalan ng mass testing, pagsasamantala ng pandemya upang ipatupad ang Anti-Terror Law.

Ipinanawagan din ni Salinas ang pagpapatalsik kay Duterte.

Saad niya, tanging sa pagpapatalsik lang umano sa aniya’y “pinakamadugong” Pangulo ang paraan upang mabuhay sa kinakaharap na pandemya ng mga mamamayan.

“Mag-aantay pa ba tayo sa isang eleksiyon na hindi na darating kapag nagtagumpay si Duterte sa kanyang mga plano? Mag-aantay pa ba tayo ng dalawang taon pa, habang ang mga mamamayang Pilipino ay ginugutom at pinapaslang? Mag-aantay pa ba tayo ng dalawang taon pa para sa bagong administrasyon kung sa mga araw na ito mismo’y kaya na natin bumuo ng isang gobyerno na makatao, na makatarungan, at tunay na naninilbihan sa mamamyang Pilipino,” ani Salinas.

Pagtatanghal at video messages

Nakiisa din sa programa sa pamamagitan ng video message si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na nagsabing matapos ang dalawang dekada, ngayon lang ulit niya nakita ang malawak na pagsasama ng iba’t ibang grupo laban sa isang mapaniil na gobyerno. Gayundin, nagpadala ng video si Samira Gutoc na ipinakita ang kawalan ng pagbabago sa Marawi sa kabila ng sinasabing rehabilitasyon ni Pangulong Duterte sa lugar.

Nagbahagi naman si Sen. De Lima ng kanyang tulang “Ang Traydor” na itinanghal ng aktres na si Angeli Bayani. Samantala, nagsagawa ng parodya si Mae Paner (aka Juana Change) ng insidenteng kinasangkutan ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa Ocean Adventure sa Subic kasama ang mga butanding. Sa bungad ng kanyang pagtatanghal, isinigaw ni Juana Change ang sumikat na pahayag ni Roque na “Panalo na tayo!”

Itinanghal ng Oyayi Choir, mga manggagawa ng ABS-CBN, ang bersiyong Tagalog ng “Do You Hear the People Sing?”, kanta mula sa Les Miserables. Kasabay ng naturang pagtatanghal ang pagpapalabas ng video ng “effigy burning” na inihanda ng Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA).

Tinapos ang buong programa sa pamamagitan ng pagkanta ng lahat ng “Bayan Ko”, habang nakataas ang mga kamao, sa pangunguna ng mang-aawit na si Bituin Escalante.