Zara Alvarez, pinaslang dahil sa pagtatanggol sa karapatan
Ang nakikipaglaban sa pagkakamit ng katarungan para sa mga biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Negros, siya pang naging biktima mismo ng pamamaslang.
Panibagong biktima ng pampulitikang pamamaslang si Zara Alvarez, 39, human rights defender at aktibista sa isla ng Negros.
Naglalakad na pabalik sa kanyang inuupahang apartment sa Eroreco, Barangay Mandalagan, Bacolod City si Alvarez noong gabi ng Agosto 17 nang barilin siya ng salarin ng ilang ulit hanggang mamatay.
Ayon sa mga ulat, binaril muna nang tatlong beses sa likod ang naturang aktibista hanggang napahandusay sa kalsada. Tatlong dagdag na bala sa kanyang katawan ang tumapos sa kanyang buhay.
Binansagang terorista
Pinaslang si Alvarez kinagabihan ng libing ni Randall Echanis, pambansang tagapangulo ng Anakpawis Partylist at konsultant ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan, na pinaslang ng hinihinalang mga puwersa ng Estado.
Katulad ni Echanis, kasama si Alvarez sa inilabas ng Department of Justice noong 2018 na listahan ng 600 na pangalang diumano’y mga terorista. Bagaman natanggal sa listahan, napaslang pa rin si Echanis at Alvarez kasama si Randy Malayao, konsultant ng NDFP, na pinaslang habang natutulog sa bus sa Nueva Vizcaya.
Boluntir si Alvarez ng Karapatan, grupong nagtatanggol sa karapatang pantao, at nagsilbi bilang direktor sa edukasyon sa isla ng Negros. Naging advocacy officer din siya ng Negros Island Health Integrated Program. Tumayo ang naturang human rights defender bilang paralegal staff sa naturang isla para sa Karapatan.
Tinutukan niya ang matitingkad na mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao nang ipatupad ang Memorandum Order 32 ng Pangulong Duterte at Oplan Sauron na nag-iwan ng halos 100 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa buong isla noong 2018.
Naging detinidong pulitikal din si Alvarez ng dalawang taon bunsod ng gawa-gawang kaso ng pagpatay. Lumaya siya sa pagkakabilanggo noong 2014. Nitong Pebrero lang, binasura ng korte ang naturang kaso.
Hindi nabigyan ng proteksiyon
Humiling ng proteksiyon mula sa korte si Alvarez laban sa red-tagging at harassment ng mga puwersa ng Estado. Kasama ang kanyang testimonya, bilang saksi, sa isinampa ng Karapatan, Gabriela at Rural Missionaries of the Philippines na petisyon sa Korte Suprema para sa writ of amparo at habeas data. Nang ibinasura, nag-apela muli sina Alvarez pero kinamatayan na niya ang resulta nito.
Paniwala ng Karapatan, mga puwersa ng Estado ang maysala sa pagpaslang kay Alvarez na ika-13 umanong human rights worker na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Bago pa man bansagang terorista, saad ng grupo, matagal na umanong nakararanas ng red-tagging si Alvarez. Anila, minsan nang naging laman ang mukha ni Alvarez ng mga poster na nagbabansag sa mga aktibista at human rights defenders na tagasuporta ng insurhensiya na kumalat sa Bacolod. Kasama sa poster na ito si Benjamin Ramos, pinaslang na human rights lawyer noong 2018. Nakakatanggap din umano si Alvarez ng death threats.
“Hindi tumigil ang mga militar at mga pulis sa pagharas sa kanya kahit sa pamamahagi niya ng bigas sa mga maralitang kabarangay nito lamang Abril sa harap ng kagutuman dulot ng mga lockdown. Wala kaming duda na ang mga puwersa ng Estadi ang nasa likod sa walang awang pagpatay sa kanya – ang pinakahuli sa mga serye ng pamamaslang sa Negros mula nang ipatupad ang Memorandum Order No. 32 noong Nobyembre 2018,” ani Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Internasyunal na pagkondena
Para kay Obispo Gerardo Alminaza ng San Carlos, isa umanong “human rights champion” sa Negros si Alvarez.
“Ang kanyang pakikilahok sa Church People-Workers Solidarity ay dapat tularan – laging nagpapaalala sa amin na maging propeta sa aming gawain ng ebanghelisasyon at hustiyang panlipunan,” saad pa ng Obispo.
Malawak ang naging pagkondena sa pagpaslang kay Alvarez. Bukod sa iba’t ibang organisasyon sa Pilipinas, umabot hanggang internasyunal na komunidad ang naging pagkondena at pagkabahala sa pamamaslang sa naturang human rights defender at iba pang aktibista. Sa Twitter, inihayag ni United Nations Special Rapporteur on the situation of human rights defenders Mary Lawlor na “napakaterible na marinig na si WHRD [woman human rights defender] Zara Alvarez ng Karapatan ay binaril at pinatay sa Pilipinas. Siya ay ni-red-tag at binantaan ng ilang taon.”
Nagpahayag din hinggil sa usapin ang iba pang mga organisasyon sa labas ng bansa tulad ng Asia Pacific Forum on Women, Law and Development, International Network for Economic, Social and Cultural Rights, The Observatory for the Protection of Human Rights Defenders, International Service for Human Rights, Viva Salud at marami pang iba.