Istorya ng Linggo

Di pangkaraniwang balik-eskuwela


Di magkandaugaga ang mga estudyante na matugunan ang pangangailangan para makapag-aral sa kabila ng pandemya. Ramdam ang pagpapabaya ng gobyerno rito.

Taun-taon tampok sa balita ang sektor ng edukasyon tuwing balik-eskuwela na.

Ngayong taon, inurong ng Department of Education (DepEd) ang simula ng klase ngayong Oktubre. May pribadong mga paaralan ang nagsimula na nitong Hulyo pa. Ang Commission on Higher Education (CHED) naman, walang kapangyarihan tulad ng DepEd na magtakda ng academic calendar para sa mga unibersidad.

Pero bago pa nagsimula ang lahat nang ito, gitna ng Marso pa lang nang biglang mawakasan ang academic year 2019-2020 dahil sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19), pinag-iisipan na ng marami: paano magiging epektibo ang pagsimula muli ng pormal na edukasyon nang wala munang estudyanteng babalik sa eskuwela?

Linggo (Hunyo 28)

Sa pangunguna ng Amihan, pambansang pederasyon ng kababaihang magbubukid, nakapagbahagi ng kuwento at karanasan ang mga ina sa isang tibagan sa Rizal.

Si Nanay Rica, hindi alam ang mga detalye sa online learning, pero alam niyang ito ang kinuha ng panganay niya para sa tatlo niyang anak na nasa high school na.

(Para sa kanilang kaligtasan, pinili ng mga ina na hindi ipagamit ang kanilang totoong pangalan.)

“Hindi ako marunong niyan eh. Sabi ko, sige bahala kayo,” sabi raw ni Nanay Rica sa mga anak niya. First year high school ang tinapos ni Nanay Rica at ang asawa naman niya ay hanggang Grade 4 lang.

Pagiging streetsweeper ang pangunahing hanapbuhay ni Nanay Rica. May P350 kada araw siyang kinikita mula rito, bukod pa sa kaunting dagdag ng pagbebenta ng almusal. Ang kanyang asawa, kumukuha ng pagkakakitaan sa tibagan at pag-ekstra sa konstruksiyon.

Ngayon pa lang na wala pa ang gastusin sa online learning, may P500 kada araw na silang ginagastos. Hindi pa malinaw sa panahon ng panayam na ito kung gaano kalaki ang idaragdag ng gastusin pang-piso net para sa pag-aaral ng mga bata.

“Hindi ko naman sila kaya bilhan ng cellphone lahat,” giit ni Nanay Rica.

Kaya nga, sabi ni Nanay Cel na may isang anak sa Grade 6 at isa naman ay Grade 12, “Yung mga magulang ang uunahin ang hanapbuhay.” Hindi pa nila alam saan sila kukuha ng panahon para tutukan ang pag-aaral ng mga bata sa bahay. Bukod sa kailan, nariyan rin ang tanong ng paano.

“Bigyan mo ng star!” kantiyaw tuloy ng ilang nanay. Pero sabi ni Nanay Cel, alam niyang matutulungan ng panganay niya ang mas nakababatang kapatid. Mas pinag-aalala nito ang gagawing pagpapatupad ng DepEd at mga eskuwelahan sa mga plano nito.

“’Yung modular sabi nila ilagay sa barangay, eh paano kung lahat ng magulang nagtatrabaho? ‘Yung barangay, magtatiyaga ba magbahay-bahay?” tanong ni Nanay Cel. “Eh, yung ayuda nga hindi na nakarating sa tao.”

Bagaman malinaw sa lahat ng nanay na karanasan sa edukasyon ang punto ng panayam, hindi na rin nahiwalay ang usapin sa presyo ng bigas, ang pagtaas ng bayad sa mga traysikel, ang listahan ng mga pinagkakautangan nila na binabayaran buwanan at arawan.

Hamon nga ni Nanay La, na apo na ang ginagabayan sa pag-aaral: baka puwede sila (gobyerno) bumaba para makita kung ano ang kalagayan namin dito. Kung ano ’yung kailangan ng kabataan namin.

“Paano kami?” tanong ni Nanay La.

Lunes (Anumang buwan)

May panibagong Facebook post o reply sa Twitter. Isang estudyante. Kapatid ng estudyante. Ama o ina ng estudyante. Humihingi sila ng kaunting tulong pinansiyal para sa pagbili ng mga cellphone o laptop, kahit segunda mano na siguro, basta puwede pang magamit sa pag-aaral. Nawalan kasi ng trabaho ang magulang, o kaya naubos ang gastusin sa ospital.

Sayang naman, kasi kaunti na lang gagradweyt na. Sayang, kasi kapag hindi natuloy sa pag-aaral, paano na ang pag-asa sa maginhawang buhay? Napakaraming magkakaibang kuwento ng pagsusumamo.

Ang ilan, nadidinig. May magmamagandang loob na indibidwal. Mayroon ring pangmalawakang tugon tulad ng ginagawa ng lokal na gobyerno ng Pasig sa pamamahagi nito ng mga tablet at laptop sa mga estudyante at guro ng pampublikong paaralan bago magsimula ang klase.

Martes (Agosto 11)

Kinapanayam ng Philippine Daily Inquirer si Rommel Enriquez, isang ama mula sa Naga City na natampok sa social media dahil sa binalak niyang pag-barter sa Facebook ng lahat ng alagang manok kapalit ang isang smartphone na puwedeng magamit ng mga anak sa pag-aaral.

“Naawa rin po kasi ako sa mga anak ko kung wala silang magagamit sa pakikipag-komunikasyon sa kanilang mga guro. Nagsasalit-salitan po kami upang makakonek sila sa (group chat) ng bawat grade section dito sa [phone] ko, anim po na account ang ginagamit,” ani Enriquez.

Nagsisulputan ang mga barter community sa social media ngayong panahon ng pandemya. Bahagi ito ng kinakailangang diskarte para maitawid ang pamilya ngayong libu-libo ang nawalan ng trabaho.

Miyerkules (Setyembre 2)

Nakuha naman ni Ax Valerio, estudyante ng Adamson University, ang simpatya ng maraming social media user dahil sa litrato niya na kumalat sa Facebook. Sa dalawang litrato makikita si Valerio na naka-uniporme ng Grab at nakaparada sa mga gilid ng kalsada habang nakatutok sa cellphone. Iyon pala, lumalahok na siya sa online classes sa kalagitnaan ng pagtatrabaho.

Ayaw niyang tumigil sa pag-aaral. Tingin pa nga niya, suwerte pa rin siyang maituturing sa kalagayan niyang ito.

Para sa kanyang online classes, kailangan niyang tumutok sa video conferencing minsan sa isang linggo. Kung maabutan siya sa kalsada, pansamantalang pagparada at paggamit ng smartphone na may mobile data ang aasahan nito.

Huwebes (Setyembre 24)

Nilinaw ng kompanyang PLDT na kahit magkakaroon sila ng system upgrade at maintenance, gagawin nila ang lahat ng makakayanan para hindi maapektuhan ang trabaho at pag-aaral na ngayo’y nakadepende sa koneksiyon sa Internet. Sa araw rin na ito nag-anunsiyo ang Sky Cable ng parehong maintenance schedule. Baka raw may maapektuhang mga koneksiyon hanggang sa Miyerkules ng sumunod na linggo.

Dahil dito, may pampribadong mga eskuwelahan at unibersidad ang nag-anunsiyo ng pagtigil ng klase. Ang ilan, nagpatuloy. Pero sa anong kalidad?

Biyernes (Setyembre 25)

Kalidad ng edukasyon sa kabila ng pandemya ang isa sa mga ipinaglalaban ng Movement for Safe, Equitable, Quality, and Relevant Education na inilunsad nitong Setyembre 25. Ang mga convenor nito ay mula sa ACT Teachers Party-list, Alliance of Concerned Teachers Philippines, UP College of Education, Philippine Normal University (PNU), National Union of Studient of the Philippines, iba pang organisasyon ng mga unibersidad, estudyante, at magulang.

“Sabi ko nga, tumigil man ang mundo dahil sa Covid-19, hindi puwedeng huminto ‘yung pag-aaral ng kabataan dahil isa ito sa mga instrumento natin sa pagbuo ng isang better normal,” ani Bise Pres. Leni Robredo, na panauhing pandangal sa naganap na online na lunsaran.

Giit naman ni ACT Region IVA Union Secretary Maricel Herrera, isang guro sa pampublikong paaralan, para makapagbigay ng dekalidad na edukasyon, kailangan ng kaguruan ng sapat na suporta mula sa gobyerno.

Sa ngayon, hindi nila ito nadarama dahil sa bulto ng trabaho na pinapasan ng mga guro. Lagpas sa walong oras ang tinatrabaho ng mga guro ngayon. Nakapaloob dito ang pag-asikaso sa papeles na hinihingi ng DepEd mula sa kanila, pag-imprenta ng mga module hanggang madaling araw, pati na rin ang pamamahagi ng mga ito.

“Sabi natin, kailangang matuloy ang ating edukasyon,” ani Herrera. “Sana inilalapit din natin na ’yung safety ng teachers, yung training ng teachers. Hindi ito sapat.”

Malapit din dito ang karanasan ng mga unibersidad at kolehiyo, ayon kay PNU Faculty Regent Feliece Yeban. Hindi raw kaya maging produktibo ng kaguruan na work-from -home kung wala rin naman silang sapat na materyales tulad ng gumaganang mga laptop at maaasahang internet connection.

Sa unity statement ng nasabing movement, bahagi ng pagtugon sa mga kakulangan ito’y ang paglalaan ng higit na pondo para sa edukasyon.

“Imbis na hayaan ang pandemya na pigilan ang bansa sa pagtugon nito sa batayang karapatan ng kabataan sa edukasyon, kailangan maging mapagpasya ang gobyerno sa mga hakbang nito sa pagtupad ng kanyang mandato,” anila.

Sabado (Anumang buwan)

Ito ang araw na karaniwang itinatakda para sa pahinga. Pero walang pahinga para sa mga magulang na nag-aalala sa pantustos sa edukasyon. Walang pahinga para sa mga estudyanteng humahanap ng diskarte sa maraming kakulangan sa bansa. Walang pahinga para sa mga gurong haharap sa balik-eskuwela nang hindi pa sapat ang suportang gobyerno.

Hindi pangkaraniwan ang karanasan ng balik-eskuwelang ito. Pero giit nga ng Movement for Safe, Equitable, Quality, and Relevant Education, hindi naman bago ang mga problemang ito sa edukasyon. Pinalala lang ng pandemya ang mga problema sa sektor na noon pa man nariyan.

Kaya walang kapaguran rin ang magiging pagdemanda sa rehimen para sa edukasyong tunay na makapagsisilbi sa lahat, may Internet man o wala, may selpon man o wala. Kahit mayroong pandemya, nananatili na batayang karapatan ang makapag-aral.

Disclosure: Ang manunulat ay guro rin — sa isang pribadong eskuwelahan sa Kamaynilaan.