‘No Beep Card, No Ride’ pahirap sa mananakay


Hindi pa nakakabawi ang kabuhayan dahil sa pandemya, nagpapataw na naman ng dagdag-singil sa
naghihikahos na mga mamamayan.

Pauwi na si Sheila Yap (di-tunay na ngalan), empleyado sa isang opisina sa Matalino, Quezon City, noong hapon ng Oktubre 1 patungong Cogeo, Antipolo. Gaya ng nakagawian, nag-abang siya sa Kalayaan Avenue ng The Beep – isang modernong jeepney – na may rutang Quezon Memorial Circle loop para makarating sa sakayan ng bus sa Cubao.

Dumaan ito, pero hindi pinasakay si Shiela kahit pinara niya. “May Beep Card kayo, mam?” tanong sa kanya ng konduktor. Napaisip ng bahagya si Shiela. Ilalabas na sana nito ang hinihinging card, nang pagsarhan siya ng pinto sabay arangkada ng sasakyan. Bagaman naiinis at medyo nalito, nag-abang na lang muli si Sheila ng susunod na masasakyan.

Matapos ng ilan pang minuto, natanaw na ni Sheila ang paparating na kulay asul na “modernong” jeep. Tiniyak niyang makita ang card habang pinapara ang masasakyan. Hinintuan at pinasakay siya.

‘No Beep Card, No Ride’

Magulo ang unang araw ng implementasyon ng polisiyang “No Beep Card, No Ride” noong Oktubre 1. Alinsunod ito sa pagpapatupad ng cashless transaction system sa public utility buses sa EDSA Busway system ng Department of Transportation (DOTr).

Dahilan ng DOTr, bahagi raw ito ng hakbangin ng gobyerno laban sa coronavirus disease-19 (Covid-19) sa pampublikong transportasyon. Inanunsiyo ito ng DOTr noong Setyembre 28. Pero kapansin-pansing marami ang hindi nakakaalam dito. Kaya marami ang nagalit at nagreklamo. 

Nang makasakay si Shiela sa modernong jeep, bumungad sa kanya ang malakas na boses ng galit na pasahero. Senior citizen yata. “Bakit ang mahal ng card? Tapos P50 lang ang load?” sabi ng senyor na kausap ang iba pang nakasakay sa sasakyan.

Mula P150 hanggang P180 ang halaga ng bagong Beep Card na gamit sa pampublikong mga transportasyon. Sa halagang ito, P80-P100 ang kabayaran sa card at ang natitira’y “stored value” na gagamiting pamasahe sa sakay-baba sa mga sasakyang gumagamit ng automatic fare collection system (ACFS). Nito lang Agosto, inanunsiyo ng AF Payments Inc., isang consortium ng Ayala Group at First Pacific Group na nagpapatakbo ng Beep, na magtataas ito mula P30 tungo sa P50.

Para sa marami, dagdag-pabigat itong bagong polisiya ng DOTr at mga kompanya ng ACFS. Tinawag ni Christian Lloyd Magsoy, tagapagsalita ng Defend Jobs Philippines, na “iskemang money-making” ang ginagawa ng DOTr at AF Payments, Inc. na “malinaw na sumisipsip ng dugo” raw ng mga manggagawa.

“Imbes na ayudahan ang mga manggagawa at mamamayan sa pagbibigay ng mura at magagamit na pampubliko at pangmasang sistema ng transportasyon, matagal nang itinatrato ng gobyerno ang sektor ng transportasyon bilang gatasan upang makapagkamal ng mas maraming tubo kaysa magsilbi ito sa kanyang layunin bilang serbisyong panlipunan,” ani Magsoy.

Ayon kay Sheila, marami sa mga mananakay ang nagulantang sa kailangan nilang bayaran. Aniya, kalakhan pa sa mga ito’y manggagawa. “Kawawa ’yung ilan sa nakasabay ko. Halos sakto lang para sa pamasahe at pagkain (nila) para araw na iyon,” ani Shiela.

Dahil sa mga reklamo, “hiniling” ng DOTr sa AF Payments Inc. na huwag nang ipasa sa mga mananakay ang mga pagbabayad sa mga card. “Dapat libre lang ang card,” ani DOTr Sec. Arthur Tugade. Aniya, dapat iligtas ang mga manggagawa sa bigat ng pagbabayad ng Beep card bukod pa sa pasahe.

Nanawagan ng refund ang Defend Jobs Philippines kay Tugade at Pangulong Dutere. Suhestiyon nito, i-convert bilang load sa naturang card upang magamit bilang pamasahe. Hiniling din nila ang pagtanggal ng convenience fee sa pagreload at pag-alis ng ipinapataw na maintaining balance sa mga card.

Samantala, ipinanawagan ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang pagsususpinde ng polisiyang “No Beep Card, No Ride”. “Hindi lang commuters ang napeperwisyo rito, pero pati na rin ang 300 konduktor at ticketing inspector na nawalan ng trabaho sa pandemya dahil sa cashless payment system na ito,” ani Brosas.

Magkaibang Beep card

Ita-tap in na sana ni Sheila sa automated fare collection machine ang kanyang Beep card na ginagamit niya sa pagsakay sa LRT at MRT. Pero hindi ito tinanggap ng makina. “Hindi po puwede ang card niyo, iba po ang gamit natin dito,” saad ng konduktor sa kanya sabay pakita ng iba pang card.

Umaalma ang mga mananakay sa magkakaibang card para sa iba’t ibang ruta ng pampublikong transportasyon. Lumalabas, magkaiba pa ang BeepRides Card at Beep Card.

“Ang BeepRides ay ibang kompanya na nagbibigay-serbisyo ng AFCS at walang kinalaman sa Beep na pagmamay-ari ng AF Payments Inc.,” saad ni DOTr Asec. Goddes Libiran. Inilinaw pa ni Libiran, ang opererytor ng PUV ang pumipili sa kung anong AFCS ang gagamitin sa kanilang operasyon. “Wala pong specific AFCS na required. Ang kailangan lang, cashless.”

Para kay Shiela, dagdag-pahirap pa ang ganitong sistema. “Bakit kailangan pang magkaiba ang card? Kailangan ko pa tuloy magload sa dalawang magkaibang card, madodoble pa ang singil sa akin sa loading center.” Bukod pa kasi sa dagdag-presyo ng mga card, may ipinapataw din na singil, sa anyong convenience fee, na P5-P20 ang mga 3rd party na loading station at sa Over-the-Air loading partners ng naturang card.

Isa pa sa inirereklamo ng mga mananakay ang hindi pagbibigay ng diskuwento sa senior citizens at persons with disability ng BeepRides. Saad ni Sheila na isa ring PWD, walang ibinigay na diskuwento ang mga ahente na nagbebenta ng card sa terminal. Kuwento nito, nang tanungin niya ang mga naturang ahente, ang sagot ng isa’y “in process” pa umano ang mga card na may diskuwento.

Ang sagot naman ng isa, dahil hindi puwede lumabas ang mga senior citizen, hindi pa kailangan ng card. “Nang tanungin ko muli kung bakit walang diskuwento para sa PWD, sa opisina na lang daw ako makipag-ugnayan.”

Para sa oligarkiya

Binanatan ni Brosas ang “biglaang cashless payment” ng gobyerno.

Hindi umano mananakay ang may ganansiya rito kundi pribadong mga kompanya. “Patunay na naman ito kung para kanino ang gobyernong ito: para sa mga negosyante, oligarkiya at pahirap sa mga manggagawa at maralita,” aniya.

Dagdagd pa ni Brosas, dapat panghawakan ng gobyerno ang mandato nito sa pagbibigay ng maayos na serbisyong transportasyon at hindi umaasa sa pribadong mga kompanya.