Bakuna para sa maralita?
Abot-langit ang pasasalamat ni Pangulong Duterte noong Agosto sa mga bansang China at Russia sa pag-alok ng mga ito sa Pilipinas ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) na dinedebelop noon. “Maligayang maligaya ako, kasi itong Russia, kaibigan natin (sila),” sabi ni Duterte noon. “Ang ano nila, magbigay sila bakuna. Wala naman silang […]

Abot-langit ang pasasalamat ni Pangulong Duterte noong Agosto sa mga bansang China at Russia sa pag-alok ng mga ito sa Pilipinas ng mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) na dinedebelop noon.
“Maligayang maligaya ako, kasi itong Russia, kaibigan natin (sila),” sabi ni Duterte noon. “Ang ano nila, magbigay sila bakuna. Wala naman silang sinasabing bayaran mo.” Ito na marahil ang inaasahang mabilisang kalutasan ng rehimeng Duterte sa halos 10 buwang krisis sa ekonomiyang dulot ng pandemyang Covid-19.
Mula nang ipataw kasi ng rehimen ang mga lockdown sa iba’t ibang bahagi ng bansa, nababatikos na ito sa tila mabagal na tugon at kawalan ng kongkretong plano na tugon sa pandemya maliban sa marahas na pagpapatupad ng lockdown. Sa paglabas ng balita ng dinedebelop na bakuna sa unang mga buwan ng pandemya, agad na sinabi ni Duterte na maghintay na lang ang mga Pilipino sa bakuna. Kaunting tiis na lang, papalapit na ang wakas.
Lalong nalantad ang pagkahumaling ni Duterte sa bakuna na mula China at Russia, nang nailantad noong nakaraang linggo na hindi pinirmahan ni Health Sec. Francisco Duque ang dapat na order sa dambuhalang kompanyang pharmaceutical na Pfizer na unang gumawa ng bakuna sa Covid-19 — kung kaya hindi naipila ang Pilipinas sa mga bansang unang makakabili ng naturang bakuna.
Anu’t anuman, simula’t sapul, na hindi libre ang bakuna, saang bansa o kompanya man ito galing. Malinaw din, hindi ganoon kasimple ang o kadali ang paglutas sa pandemya.
Para sa ‘herd immunity’
Inaasahan ni retiradong Hen. Carlito Galvez, “vaccine czar” at pinuno ng pagtugon ng gobyerno sa pandemya, na makakaabot sa Pilipinas ang bakuna sa unang kuwarto, sa pinakamaaga, ng taong 2021.
Alinsunod sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), plano din umano ng administrasyong Duterte na mabakunahan ang di-bababa sa 60 milyong Pilipino. Ito’y para maabot umano ang “herd immunity” o pagiging immune ng 60 porsiyento ng populasyon para hindi na kumalat at kusang maglaho na ang Covid-19 sa bansa. Kasama na rin sa inaasahang magiging immune ang mga Pilipinong nagkasakit at nagrekober sa Covid-19 (lumalabas sa isang takdang panahon lang, dahil sa maraming kaso, nawawala ang immunity kahit ng nagka-Covid-19 na).
Ang problema nga, matagal pa bago makarating ang bakuna sa bansa. Magmumula man sa China, Russia, US o United Kingdom, pautay-utay itong darating. Samantala, nauna nang nakapag-apruba ng Emergency Use Authorization nitong nakaraang buwan ang mga bansang US at UK sa bakunang gawa ng Pfizer. Habang sinusulat ang artikulong ito, nagsimula nang mabakunahan ang ilang mamamayan ng UK, partikular ang frontline health workers at ilang bulnerableng indibidwal. Habang sinusulat din ang artikulong ito, pinapadala na sa iba’t ibang lugar sa US ang libu-libo pa lang na bakuna mula Pfizer.
Samantala, sa Russia, naunang ginamit na sa madla ang bakunang mula sa Gamaleya Research Institute noong Agosto pa. Hindi na ito dinaan sa ikatlong clinical trial na dapat lalong magpapatibay sa kumpiyansa ng mga siyentista sa naturang bakuna. Ganun din ang ginawa sa CanSino, na isa sa mga bakuna mula sa China. May iba pang bakunang dinedebelop sa Russia at China, pero nasa clinical trials pa ang mga ito.
Habang sinusulat ang artikulong ito, may limang bakuna nang ginagamit sa limitadong saklaw, at dalawa ang aprubado ng Food and Drug Administration ng ilang bansa (tulad ng US at UK). Umaabot naman sa 15 bakuna ang nasa ikatlong clinial trials sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Bagamat nauna nang umabot-langit ang pasasalamat ni Duterte sa Russia at China, wala pa ring paabot mula sa naturang mga bansa kung totoo ngang magbibigay o magpapauntang sila ng bakuna sa Pilipinas – at kung kailan ito darating.
Clinical trials sa Pilipinas
Samantala, habang wala pang aktuwal na vaccine deployment o bakunang pangmalawakang ginagamit sa Pilipinas, nakapagbuo ang gobyerno ng Vaccine Expert Panel (VEP) na siyang susuri sa pagiging epektibo at pagiging ligtas ng mga bakuna na dinedebelop ngayon para labanan ang Covid-19.
“Nasuri na ng panel ang lima sa kanila (mga vaccine candidates na nasa huling yugto ng clinical trials),” sabi ni Dr. Nina Gloriani, pinuno ng VEP at dating dekano ng University of the Philippines College of Public Health, sa webinar sa TVUP hinggil sa updates sa bakuna laban sa Covid-19 noong Disyembre 11. Sila kasi ang nagrerekomenda para mapayagan ang isang bakuna na magsagawa ng clinical trials sa Pilipinas.
FDA ng Pilipinas naman ang pinal na nag-aapruba sa lisensiya o rehistrasyon ng isang bakuna.
Kabilang sa mga nasuri na ng panel (noong Disyembre 11): Clover, AstraZeneca/Oxford, Gamaleya (Russia), Janssen (Belgium) at Sinovac (China).
Matapos ang webinar ni Dr. Gloriani, inanunsiyo ng AstraZeneca na hindi na ito magsasagawa ng clinical trials sa bansa dahil sapat na umano ang trials na isinagawa nito sa ibang bansa.
Panganib sa pagmamadali?
Sa mahigit 200 taon ng debelopment ng bakuna sa iba’t ibang sakit sa buong mundo, kadalasang umaabot ng taon (minsan, dekada) ang pagdedebelop ng bakuna. Kaya naman, may mga nabahala sa tila mabilis na pagdebelop ng bakuna sa Covid-19.
Ayon sa mga eksperto, may luma at makabagong pamamaraan ng pagbabakuna laban sa iba’t ibang sakit. Sa pagdebelop ng mga lumang bakuna, may kadalasang apat na paraan: viral vector, protein-based, whole o buong virus (puwedeng buo o intact pero humina na, o inactivated o patay nang virus) at genetic (DNA, RNA, atbp. na pangunahing mga yunit ng buhay). Marami umano sa mga naunang bakuna ay paggamit ng humina o patay nang virus para ituturok sa tao para magdebelop ng immune response o pangontra ang katawan laban sa aktuwal na virus. Halimbawa nito ang bakuna sa measles, mumps at rubella (MMR) na gumagamit ng live, attenuated (buhay pero pinahinang) virus; inactivated o pinatay nang virus, tulad ng sa bakuna sa polio at hepatitis A.
Mayroon ding bakuna na toxoids, o pinahinang toxins tulad ng sa tetanus o kagat ng ahas; at protein-based vaccines, o mga bakuna na naglalaman lang ng pambalot na protein ng mga nakakahawang virus (pero hindi na nakakahawa kasi wala na ang genetic material sa loob nito).
Lahat nang ito, makalumang teknolohiya sa pagdedebelop ng bakuna. Ang dalawang bakuna para sa Covid-19 – iyung sa Pfizer at sa Moderna – ay gumagamit ng teknolohiyang mRNA (messenger riboneuclic acid), o ang paggawa ng sintetikong RNA para makapaglikha ng protina na katulad ng nasa coronavirus para magtulak sa immune system (o ang sistema ng resistensiya ng katawan ng tao laban sa mga sakit) na gumawa ng pangontra sa novel coronavirus (virus ng Covid-19).
Paliwanag ng mga eksperto, kabilang si Dr. Gloriani, at gayundin ang mga katulad ni Dr. Lulu Bravo, executive director ng Philippine Foundation for Vaccination, na madalas na nakikipanayam sa midya, mabilis ang naging pagdebelop ng mga bakuna sa Covid-19, lalo na ang sa Pfizer at Moderna, dahil sa paggamit ng mga ito ng mRNA. Bago ang bakuna sa Covid-19, wala pang nadedebelop na bakuna sa buong mundo na batay sa teknolohiyang ito. Pero dekada na umano ang binilang na dinedebelop ito, kaya noong dumating ang Covid-19, nagamit ito.
Mabilis umanong magawa ang mRNA, kasi usapin lang ito ng paggawa ng bakuna batay sa gene sequence na kailangan para magawa ang trabaho nito bilang bakuna. Samantala, sa mga lumang pamamaraan tulad ng whole virus, kinakailangan pang magtipon o gumawa ng maraming virus – na umaabot daw sa taon ang tagal.
May mga eksperto ring nababahala sa tila minadaling paggamit ng teknolohiyang ito. Sa sanaysay niyang “Hazards of the Covid-19 vaccine” na inilathala sa Bulatlat.com, sinabi ni Dr. Romeo Quijano, toxicologist at retiradong propesor sa UP College of Medicine, na hindi dapat sinasawalang-bahala ang katotohanang hindi pa nasusubukan sa mga tao ang teknolihiyang mRNA.
Sa esensiya, sinasabi ni Dr. Quijano na kulang pa sa pag-aaral sa teknolohiyang ito kaya hindi masasabi kung talagang makakabuti at hindi makakasama ito – hindi lang sa maikling panahon kundi kahit sa pangmatagalang panahon (mahigit isang taon matapos ang pagbakuna).
Sa ngayon, sa clinical trials na sinagawa ng Pfizer (ang alam lang natin, batay sa press releases nito), walang matinding side effects ang nararanasan ng mga sumailalim sa trials. Para kay Dr. Bravo, natural talaga na may side effects ang mga bakuna, katulad ng naranasan ng ilang naunang naturukan ng bakuna ng Pfizer sa UK. Pero, sabi niya at sabi ng ibang eksperto, “mas matimbang ang benepisyo (ng bakuna) sa mga panganib (na side effects).”
Pinaliwanag naman ni Dr. Josh San Pedro ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH), na wala pa umanong ebidensiya na nagsasabing may masamang epekto ang mRNA technology.
“So far hindi pa napapatunayan ang theoretical risk ng mRNA vaccine na mag-integrate sa host DNA, tulad ng nababanggit ngnibang kritiko. Mas malaking concern pa ang fragility o ang pagsigurado sa integridad ng ganitong mga bakuna dahil sa mababang temperaturang kailangan sa paghandle sa kanila, na mukhang hindi o ayaw kayanin ng ating sistemang pangkalusugan,” paliwanag ni Dr. San Pedro.
Negosyo
Siyempre, malakas na tumutulak sa malalaking kompanyang pharmaceutical na magdebelop ng bakuna sa Covid-19 ay para sa malaking kita na inaasahan kung babakunahan nga ang 60 porsiyento ng populasyon ng buong mundo.
Sa artikulo ng science reporter ng Wired Magazine (wired.com) na si Hilda Bastian noong Hulyo na pinamagatang “Covid-19 Vaccines with ‘Minor Side Effects’ Could Still Be Pretty Bad,” sinabi niyang hindi nakakatulong sa pagpapalakas ng kumpiyansa ng mga tao sa bakuna ang minsa’y pagmamaliit ng mga kompanyang pharmaceutical sa side effects ng kanilang mga bakuna na nakita sa clinical trials.
Halimbawa, ayon kay Bastian, mula noong unang clinical trial ng AstraZeneca (kapartner ang University of Oxford), may espesyal na instruksiyon ang ilang kumuha ng bakuna na uminom ng gamot na acetaminophen matapos ang bawat anim na oras sa loob ng isang araw. Para saan ang naturang gamot? tanong ni Bastian. Nilalagnat at sumasakit ba ang ulo ng ilang test subjects kaya kailangang uminom ng karagdagang gamot? Hindi umano inilinaw ng AstraZeneca.
Sa Phase 3 din ng clinical trial ng AstraZeneca sa Brazil, may utos ang naturang kompanya na bawal nang sumama sa trials ang mga taong may allergy o may di-magandang reaksiyon sa acetaminophen. Lumalabas, ayon sa manunulat, na minamaliit ng kompanya ang side effects.
Sa clinical trials naman ng Moderna, napansin ni Bastian ang tila pautay-utay daw na paglabas ng impormasyon. “Noong Mayo 18, naglabas ang Moderna ng kakarampot, positibong findings sa pansamantalang resulta ng unang trials sa mga tao. Pagkatapos, naglabas ang kompanya ng stock offering—nagbenta ang mga ehekutibo ng kompanya ng mahigit $30 Milyong shares…” ani Bastian.
Katulad ng Moderna, lumalabas na malaki talaga ang kinikita ng mga kompanyang pharmaceutical sa pag-uunahan sa bakuna. Katunayan, matapos ianunsiyo ng Pfizer (at kapartner nitong BioNTech SE) ang 90 porsiyentong pagiging epektibo ng bakuna nito na mapigilan ang Covid-19, sumirit ang benta sa stocks ng naturang kompanya. Ulat ng Bloomberg, isang media outfit na nakatutok sa negosyo, hanggang 15 porsiyento ang itinaas ng halaga ng stocks ng Pfizer matapos ang anunsiyo.
Paliwanag ng ilang sumusuporta sa vaccine development ng malalaking pribadong kompanyang ito, nasa interes umano ng mga kompanyang tulad ng Moderna at Pfizer na masegurong ligtas at epektibo ang mga bakuna nito. Kung kaya may insentibo itong pagbutihin ang pagdebelop ng bakuna.
Pero sabi naman ni Bastian, mahalaga na maging transparent o bukas ang naturang mga kompanya sa impormasyon hinggil sa side effects ng naturang mga bakuna, kahit pa menor lang. Aniya, lalong humihina ang kumpiyansa (at lumalakas ang tinatawag na “vaccine hesitancy”) ng mga tao sa bakuna kung palaging tinatago o minamaliit ng naturang mga kompanya ang anumang side effects ng bakuna ng mga ito – kahit pa “mas matimbang ang benepisyo kaysa sa panganib.”
Sang-ayon dito si Rey Valmores-Salinas, tagapagsalita ng Bahaghari (grupo ng mga progresibong LGBTQA+) na microbiologist at gradwado ng Molecular Biology and Biotechnology sa UP Diliman.
“Sang-ayon ako na dapat mas may transparency sa publiko tungkol sa mga findings na ito (sa clinical trials), lalo na tungkol sa isang bagay na nakakayanig-ng-mundo (groundbreaking) katulad ng bakuna sa Covid-19. Tingin ko, may kinalaman sa negosyo at motibong kita para ‘i-hype’ ang mga update sa bakuna, at maaaring dumulo ito sa nakakapinsalang kawalan ng tiwala ng publiko kung papaniwalain ang mga mamamayan na perpekto ang bakuna para lang maranasan ang mga kahihinatnan na hindi ito handang harapin sa malawakang distribusyon,” sabi ni Salinas, sa wikang Ingles, sa panayam sa Pinoy Weekly.
Alternatibo
Mainam ding alamin ng gobyerno kung may iba pang alternatibo para sa paglulutas sa pandemya – maging alternatibong bakuna man iyan (mula sa di-kapitalistang mga bansa), o alternatibong pamamaraan para makakuha ng akses ng bakuna ang mahihirap na bansa.
Sa ngayon, kalahok umano ang Pilipinas sa “solidarity trials” ng World Health Organization (WHO) sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ito ang programa ng WHO at iba pang partners nito para matesting ang mga bakunang nasa clinical trials na sa iba’t ibang bansa at lahi.
Pumasok na rin ang Pilipinas sa pandaigdigang inisyatibang tinaguriang COVAX, ng WHO at Coalition for Epidemic Preparedness Innovations o CEPI. Layunin ng inisyatibang ito na magkaroon ng akses sa 500 milyong bakuna para maipamahagi nito sa mga bansang walang kakayahan o kaunti lang ang kakayahan para makabili ng bakuna. Kasama sa huli ang Pilipinas, na itinuturing na low income country (bansang may mababang income). Sa ngayon, umabot na raw sa 184 bansa ang nangakong lalahok sa inisyatiba – 92 ang bansang maykayang bumili, at 92 ang bansang walang kaya o mahina ang kakayahan. Ayaw sumama ng US sa naturang inisyatiba.
Samantala, nagdedebelop naman ng sariling bakuna ang isang mahirap na bansang tulad ng Cuba. Sa ngayon, ayon kay Ibete Fernandez, non-resident na embahador ng Cuba sa Pilipinas, sa isang webinar noong Disyembre 8, nasa unang yugto ng clinical trials ang Soberana, bakuna ng bansa sa Covid-19. Inaasahan umano nilang matapos ang abanteng clinical trials sa unang bahagi ng 2021 – at inaanyayahan nila ang Pilipinas na maging bahagi nito.
Sa naturang webinar, sinabi ni Gloriani na bukas ang bansa sa pag-aplay ng Soberana para magkaroon ng clinical trials sa Pilipinas.
Nagsumite naman ng proposal ang mga bansang India, South Africa, Kenya at Eswatini sa World Trade Organization (WTO) para itigil muna o magkaroon ng waiver sa implementasyon ng kasunduang Trade Related Intellectual Property Rights (Trips) sa mga bakuna sa Covid-19. Ibig sabihin, libre sanang magagamit ang intellectual property ng mga kompanyang pharmaceutical na nagdedebelop ng mga bakuna – para makapagdebelop ang mahihirap na bansa ng mga bakuna nila batay sa mga nadebelop nang teknolohiya at kaalaman ng naturang mga kompanya.
“Kaharap ang walang-katapat na pandemya, may agarang pangangailangan para matanggal muna ang anumang hadlang na maaaring makapigil sa pagpapaunlad at produksiyon ng sapat na kantidad ng murang Covid-19 diagnostics, gamot at bakuna,” sabi ni Steve Cockburn, deputy director for global issues ng Amnesty International.
Pero hindi inaprubahan ang proposal na ito sa WTO – malamang sa presyur ng mga bansa at kompanyang kikita sa intellectual property na may kinalaman sa Covid-19.
Matagal pang laban
Anu’t anuman, malinaw na matatagalan pa bago talagang malulutas ang pandemya sa Pilipinas, sa kabila ng matindi nang epekto nito sa kalusugan at kabuhayan ng milyun-milyong ordinaryong Pilipino.
Hindi, siyempre, nakatulong na hindi maayos ang pagtugon ng rehimeng Duterte sa mismong pandemya. “F as in Falfak!” ang makasaysayang “grado” ng dating UP Diliman Chancellor at propesor sa medical anthropology na si Prop. Michael Tan sa Covid response ng gobyerno. Simula’t sapul, naging panawagan ng maraming sektor at organisasyong masa ang pagkakaroon ng malawakan at libreng Covid-19 testing sa bansa. Ilang beses na kinutya at isinantabi ito ng mga opisyal ng gobyerno – habang minantine ang kulang, di-sentralisado, kanya-kanya, at di-libreng testing sa bansa.
Nitong Disyembre 7, may biglang reyalisasyon ang Pangulo. “Alam mo, ang importante pala, sa totoo lang, and I realize now, it’s the testing – ‘yung swabbing, pati ‘yung test,” sabi niya, sa isang talumpati. Halos siyam na buwang atrasado ang reyalisasyong ito ni Duterte.
Samantala, mahalaga pa rin ang implementasyon ng health protocols – pagsuot ng face masks, at social distancing – na naging epektibo para mapigilan ang lalong pagkalat ng Covid-19. Sa ibang bansa na may malakas na kapasidad sa testing (malawakan at libre ito) at contact-tracing, tulad ng Taiwan, Vietnam, New Zealand, at iba pa, nagawa nilang naibalik sa halos normal na buhay ang bansa – kahit wala pang bakuna. Nagawa nila ito dahil nga sa pagsunod sa health protocols, at lalo na pagkakaroon ng libreng mass testing at maayos na contact-tracing, paghihiwalay sa mga malala ang sakit at paggamot sa mga maysakit.
Para kay Dr. San Pedro, ipinamamalas ng kapos na pagtugon sa Covid-19 ng napakahinang sistemang pangkalusugan sa bansa. Lalo pa’t patuloy na binabasawan ng rehimeng Duterte ang badyet para sa mga institusyong pangkalusugan. Iniaasa rin nito sa utang ang kalakhan ng pambili ng mga bakuna.
Lumalabas, hindi kailangang halos-sambahin ni Duterte ang mga “kaibigang” lider ng Russia, China, US at UK para maayos na matugunan ang pandemya.