Timeline: Bakuna vs Covid sa Pilipinas

January 25, 2021

Sulyap sa isang taon ng palpak, kapos at mapanupil na pagharap sa pandemya — na dumudulo ngayon s palpak na plano para sa malawakang pagbabakuna kontra sa Covid-19.

Higit isang taon na mula nang magkaroon ng unang kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa. Higit sa paghuhugas ng kamay, distansiya, at pagsusuot ng mask, sinasabi ng maraming eksperto na mapagpasya rin ang pagkakaroon ng bakuna laban sa naturang virus para mawakasan ang pandemya.

Pero nasaan na ba ang Pilipinas sa usaping pagpapabakuna? Balikan natin ang impormasyong bukas sa publiko nitong nagdaang taon.

Enero 2020 – Pebrero 2020 Enero 21

Ddumating sa bansa mula Tsina ang unang naitalang kaso ng Covid-19. Hindi pa kinikilalang pandemya ng World Health Organization (WHO) ang pagkalat ng virus. Pebrero 2, dineklara ng WHO na ang unang kaso ng pagkamatay dahil sa Covid-19 ay naitala sa Pilipinas.

Marso 2020

Inanunsiyo na ng WHO, Marso 11, na pandemya na ang Covid-19. Kailangan na raw maging mas agresibo sa pagpigil ng pagkalat ng virus. “Huwag kayong matakot,” giit ni Pangulong Duterte, “Huwag kayong manerbiyos pero wala pang, sabi ko nga, antidote nito.”

“It would only come in a form of a vaccine,” dagdag niya.

Abril 2020

Nag-anunsiyo si Duterte ng pabuya o “bountry” sa mga siyentista sa Pilipinas na makakagawa ng bakuna laban Covid-19. Sa una niyang anunsiyo, P10 Milyon ang pabuya. Sa sunod na anunsyo, aniya, itataas niya ng P50 Milyon ang pabuya, na puwede pang umabot ng P100 Milyon. Pinabulaanan naman ito ng ilang siyentista dahil anila, kailangan ng malaking pondo at dekalidad na pasilidad bago makabuo ng bakuna, hindi pagkatapos lamang.

Mayo 2020

Hindi pabor ang pangulo sa face-to-face classes hangga’t walang bakuna. Sa buwan na ito, may 14,000 na ang naitalang na-infect ng Covid-19. Kung walang bakuna, magiging disaster raw ang pagbalik sa eskuwelahan ng mga bata. Sumang-ayon dito si Bise-Pres. Leni Robredo. Si Health Sec. Francisco Duque III naman ay naniniwalang ligtas na ang balik-eskuwela (kahit wala pang bakuna).

Hunyo 2020

Sa isang timeline na binahagi ni Duque nitong Disyembre, lumabas na Hunyo 24 pa lang nang nagpadala na ang Pfizer ng vaccine development at program nito sa gobyerno ng Pilipinas. Piling aspeto lang ng negosasyon sa iba’t ibang drug manufacturer ang inanunsyo ng gobyerno dahil sa sinasabi nitong confidentiality clause.

Hulyo 2020

Inanunsiyo ang pakikilahok ng Pilipinas sa Covid-19 Vaccine Global Access facility o Covax. Binuo itong sistema sa paniniwalang kailangan magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng bansa, lalo na ang mga nasa low income group, na makakuha ng bakuna.

Sabi pa ni Duterte, “If there is a thing that develops, which is very good, mauna ako. Mangutang ako. Magpabili ako kung san may nagbili ng lupa, para ibili ko ng medicine.”

Agosto 2020

Inaunsiyo ni Duterte na handa siyang unang maturukan ng Covid-19 vaccine na dinedebelop ng Russia. “Kung puwede sa akin, puwede sa lahat,” aniya. Ayon sa kanya, kaibigan ng Pilipinas ang Russia, kaya hindi magkakaroon ng problema sa pagkuha ng bakuna mula rito. Friendly raw din ang Pilipinas sa Tsina, kaya tiwala ang pangulo na priority ang Pilipinas makatanggap ng bakuna. Umaasa pa nga siya na makatatanggap ang Pilipinas ng bakuna agad para sa isang “Covid-free” na Disyembre.

Setyembreo 2020

“Ang pagbibigay ng pardon kay Joseph Scott Pemberton ay kabahagi ng pagnanais ni president na pag may vaccine na na-develop, kung sa America man, ay makikinabang din ang Pilipinas,” giit ni presidential spokesperson Harry Roque. Pinabulaanan naman ito ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr.

Ayon pa kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa diskusyon nila sa mga US manufacturers, walang nabanggit na ganitong kondisyon. “Lahat naman ng ‘yan, dadaan sa regulatory process natin,” aniya.

Binira naman ni Duterte ang mga kompanya at developer ng mga bakuna na humihingi ng advance payment para maikasa ang paglalaan ng bakuna para sa iba’t ibang bansa. Hindi niya binanggit kung aling mga kompanya ito, na ayon sa kanya ay mula sa kanluran.

“If I happen to have dinner outside and see you somewhere in the hotels, I’ll kick your ass. Bastusin ko kayo. Go back to your country,” sabi pa ng pangulo.

Bakit ka bibili ng produkto na hindi pa gawa, aniya.

Oktubre 2020

Pinirmahan ni Duque ang confidentiality data agreement (CDA) sa Pfizer, apat na buwan matapos unang iprinisinta ang vaccine development program nito sa gobyerno ng Pilipinas. Nagsisilbing unang hakbang ang CDA para sa negosasyon ng kung ilang doses ng bakuna ang isesecure.

Nobyembre 2020

Dalawang buwan bago matapos ang taon, pumayag si Duterte sa paunang pagbabayad sa mga Covid-19 vaccine manufacturer, matapos makita kung papaano kinakasa ng ibang bansa ang maagang pagbili ng bakuna.

Sa pakikipag-usap naman sa Pfizer, nitong Nobyembre pa lang pumirma ng hiwalay na CDA ang Department of Science and Technology. Hiwalay pa na CDA ang pinirmahan ni vaccine czar Carlito Galvez Jr.

Ayon kay Galvez, tiwala siyang makakakuha ng bakuha para sa 25 milyong katao sa bansa. Aabot raw siguro ng tatlo hanggang limang taon ang proyekto na pagpapabakuna sa 60 hanggang 70 milyong katao. Hindi niya binanggit ang presyo bawat dosage, dahil confidential raw ito.

Disyembre 2020

Ayon kay spokesman Roque, prayoridad na makatanggap ng bakuna ang mga healthcare worker, mga mahihirap, at law enforcement officers. “Ang una sa listahan po ay ating mga frontline health workers. Obviously po, kinakailangan bigyan na sila ng bakuna nang magawa nila iyong kanilang katungkulan na walang atubili,” aniya.

Bago matapos ang taon, lumabas ang balitang nakatanggap na ng bakuna ang Presidential Security Group at ilang miyembro ng gabinete. Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Rolando Domingo, kahit binigyan na ng emergency use approval ng Tsina ang Sinopharm, kailangan pa rin ito pag-aral ng mga eksperto sa Pilipinas. Depensa ng palasyo, hindi naman ito iligal dahil donasyon ang bakuna.

Nakasaad sa FDA Act na bukod sa pagbebenta ng bakuna, bawal rin ang importasyon, distribusyon at paggamit ng kahit anong health prodoct na hindi pa rehistrado.

Enero 2021

Umabot na sa kalahating milyon ang nagpositibo sa Covid-19 sa bansa. Ayon kay vaccine czar Galvez, sa Pebrero 20 ang unang delivery ng bakuna.

Inanunsiyo naman ng Serum Institute of India na pumirma na si Galvez bilang representante ng Pilipinas, ng isang term sheet para makabili ng 30 milyong doses ng bakuna na darating sa ikatlong kapat ng 2021.

Sa isang hearing sa Senado noong Enero 11, inilista ni Galvez ang mga sumusunod: aabot sa 40 milyong doses mula sa Pfizer, 25 hanggang 30 milyong doses mula sa Astrazeneca, 25 milyong doses mula sa Sinovac, at 25 milyong doses rin mula sa Gamaleya (ang gumagawa ng Sputnik V) ng Rusya.

Target na ng gobyerno ang pagbabakuna ng 60-70 milyong Pilipino ngayong taon, mataas na target kumpara sa nakaraang dalawang buwan. Inudyok naman ng senado ang IATF (Interagency Task Force on Management of Emerging Infectious Diseases) na bumuo na ng malinaw na priority list ng mababakunahan.

Ayon kay Duque, may limang stage sa pagpapabakuna: pagrerehistro; counselling bago ang pagbakuna; medical history review at screening; mismong pagbakuna at pagbibigay ng immunization card; at monitoring at surveillance pagkatapos ng bakuna.

Andrea Jobelle Adan

Andrea Jobelle Adan

Si Jobie Adan ay nagtapos nang may karangalan ng kursong Pamamahayag sa UP College of Mass Communication sa Diliman, Quezon City. Siya ngayon ang pinakabatang istap ng PW.