‘Buwis-buhay’ na health workers, wala pa ring hazard pay

December 14, 2020

“Tinaguriang kaming mga bagong bayani ng gobyernong Duterte, pero kinailangan pa namin ipagpaliban ang aming lunch break at paulit-ulit na manawagan na ibigay na ang mga benepisyong anim na buwan na sa amin ipinangako…”

Isang nursing attendant si Maria Parale sa Philippine General Hospital. Araw-araw siyang nagbibisikleta papasok at pauwi sa kanyang bahay sa San Juan City araw-araw. Masyado daw mahal ang pamasahe sa isang banda, at halos wala namang siyang masakyang jeep o FX papunta sa pinapasukang ospital.

“Napipilitan akong mag-taxi minsan kasi nga walang masakyan. Masama talaga epekto ng jeepney phase-out. Heto nga, araw-araw na lang ako nagba-bike papasok sa trabaho, nasemplang pa ako,” kuwento ni Maria, habang ipinapakita sa Pinoy Weekly ang sugat sa kanyang siko.

Unyonista rin siya. Ayon kay Maria, malaki sana ang maitutulong ng Covid-19 hazard pay at SRA sa health workers lalo hindi naman sila tumigil sa pagtatrabaho kahit noong enhanced community quarantine o ECQ. Dumami rin ang nawalan ng trabaho dahil sa pagtitipid ng mga kompanya.

Mismong anak ni Parale ay nasibak sa trabaho dahil dito.

Nagpoprotesta ngayon si Maria at marami pang health workers para igiit ang nararapat na hazard pay sa kanilang pangunahing humaharap ngayon sa pandemya.

Piket ng health workers sa harap ng Department of Budget and Management noong Disyembre 14. AHW

Bagong bayani

Si Mang Marlo rin ay isa pang health worker na naghihirap din. May 38-taon na siyang nagtatrabaho sa PGH bilang administrative assistant III at isa sa napakaraming health workers na anim na buwan nang umaasang mabibigyan ng Covid-19 hazard pay at SRA.

“Halos 40 na taon na akong nagtatrabaho sa PGH, pero ilang beses lang ako nakatikim ng increase sa sahod. Tapos ayaw pa nila ipagkaloob yung Covid-19 hazard pay namin. Eh kahit pa nag iingat kami, timbang buhay pa rin para sa amin at sa pamilya namin ang paggampan namin. Kahit na malaki ang tsansa magkasakit ng Covid, tuloy lang kami sa paglilingkod. Sana naman suklian ng gobyerno ang pagsisikap namin,” giit ni Mang Marlo.

“Tinaguriang kaming mga bagong bayani ng gobyernong Duterte, pero kinailangan pa namin ipagpaliban ang aming lunch break at paulit-ulit na manawagan na ibigay na ang mga benepisyong anim na buwan na sa amin ipinangako,” ani Karen Mae Faurillo, tagapangulo ng All Workers Union, sa isang pagkilos ng mga mangggagawang pangkalusugan ng Unibersidad ng Pilipinas- Philippine General Hospital Manila (UP-PGH) para singilin ang gobyerno sa pangako nitong magbibigay ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) hazard pay at Special Risk Allowance (SRA).

Panawagan ng health workers na ipagkaloob na ang P500 kada araw na Covid-19 hazard pay. Batay ito sa Administrative Order (AO) No. 26 inisyu ng Malacanang noong Marso 23. Ayon sa kautusan, ipagkakaloob ang naturang hazard pay sa mga lingkod bayan na pisikal na gumampan ng gawain sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dulot ng pandemyang Covid-19.

SRA rin

Bukod sa Covid-19 hazard pay, iginiit din ng mga kawani na ipagkaloob na ang SRA na pinagtibay sa pamamagitan naman ng AO 28 ng Malacanang noong Abril 6, 2020.

Ang dalawang nabanggit na benepisyo na may kaugnayan sa pagkilala sa dedikasyon at buwis-buhay na tungkulin ng health workers sa panahon ng Covid-19. Ito’y mga karagdagang benepisyong nakasaad sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.

Marami sa kanila ang dati nang mahirap ang buhay, pero mas lalo pang humirap ng magkaroon ng pandemya.

Ayon sa Department of Health (DOH), nitong Nobyembre 25, mayroon nang 12,279 healthworkers ang nagkaroon ng Covid-19. Umabot na sa 79 ang namatay at 219 ang aktibong kaso.

Noong Nobyembre 23, inanunsiyo ni PGH Director Gerardo Legaspi na tinanggihan ng Department of Budget and Management (DBM) ang kahilingan ng mga healthworkers sa PGH para sa dagdag pondo.

Ayon sa DBM, kunin na lang daw ang pondo mula sa savings ng UP-PGH pero walang savings na magagamit para dito dahil maraming pinagkakagastusan ang ospital. Dahil dito, inilapit ni Dir. Legaspi kay UP President Danilo Concepcion ang kahilingan para makapangutang ng pondo mula sa UP system.

“Maganda man ang layunin ni Dir. Legaspi, pero ang pangungutang sa UP system ay mangangahulugan ng dagdag pasanin ng PGH na ipapasa naman sa mga pasyente. Ang PGH ang takbuhan ng mahihirap nating kababayan nangangailangan ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan. Nananawagan kami sa Duterte government na pondohan itong well-deserved na benepisyo namin na nauna nang ipinangako sa amin,” pangangatwiran ni Faurillo.

Piket sa DBM nitong Disyembre 14. AHW

Ibasura, MC No. 2020-4

Bukod dito, nanawagan din si Maristela Abenojar ng Filipino Nurses United (FNU) na ibasura ang Memorandum Circular No. 2020-4 ng DBM at sa halip ay dapat nang lubos na ipatupad ang Philippine Nursing Act of 2002 na magbibigay ng Salary Grade 15 bilang entry salary ng Nurse 1.

“Ang naturang memorandum mula sa DBM ay nagresulta ng rank demotion ng mga Nurse II pataas na nakaapekto sa 48,000 na government nurses,” paliwanang ni Abenojar.

“Damang-dama na naming mga health workers ang pagod na dulot nitong pandemyang labis na tumagal. Nakakademoralisa na ang patuloy na pagkakait sa amin ng mga benepisyong dapat naman talagang ibigay sa amin. Hanggang kailan kami maghihintay, eh magpapasko na, wala pa rin? Panawagan namin na ang Covid-19 hazard pay at SRA ay ibigay ngayon na!” giit ni Faurillo.

Umaasa ang mga dumalo mula sa All UP Workers Union, Alliance of Health Workers (AHW) at ang FNU na sa sama-samang pagkilos at sa pamamagitan ng mahigpit na pagkakaisa ng mga manggagawang pangkalusugan, makakamtan nila ang kanilang mga makatarungang kahilingan.

Nitong Nobyembre 26, umabot na sa 424,297 ang naitalang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa buong Pilipinas. May 1,392 dito ang naidagdag noon lang Nobyembre 26, habang umabot na sa 8,242 ang naitalang namatay dahil din sa Covid-19.

Francis Villabroza

Francis Villabroza

Francis Villabroza is a freelance writer. He has contributed articles to alternative media publications. He previously worked as an information officer for the Department of Social Welfare and Development during the term of Prof. Judy Taguiwalo.