Benepisyo ng manggagawang pangkalusugan, ginawang hulugan


Maliban sa Health Emergency Allowance, hindi pa rin naibibigay sa mga manggagawang pangkalusugan sa mga pampublikong ospital ang performance-based bonus mula 2021 hanggang 2022.

Galit na nagprotesta ang mga manggagawang pangkalusugan sa Department of Health (DOH) nitong Peb. 14. Anila, ginagawang hulugan ang kanilang Health Emergency Allowance (HEA) mula pa noong 2021 sa kasagsagan ng pandemyang Covid-19.

“Nauubos na ang aming pasensiya kahihintay,” wika ni Philippine Heart Center Employees Association president Sally Ejes.

Ayon kay Ejes, atake sa kanilang pang-ekonomiyang kagalingan at pagbawi sa kanilang tagumpay sa pakikibaka para sa benepisyo at karapatan ang pagkabalam ng HEA nila.

“Taos-puso kaming nagtrabaho at nagserbisyo sa kapwa naming mamamayan sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong medikal mula noong pandemya hanggang ngayon,” dagdag ni Ejes.

Hinaing ng mga manggagawang pangkalusugan mula sa iba’t ibang ospital, hindi mapaglaanan ang pagtaas ng suweldo at sapat na benepisyo sa kanila pero ura-uradang binibigyan ng bilyon-bilyong pisong pondo ang pamahalaan sa confidential fund, Maharlika Investment Fund at people’s initiative para sa Charter change (Cha-cha).

“Sa [halos] dalawang taon [ni Ferdinand Marcos Jr.] sa pagkapangulo, kitang-kita ang mga sintomas ng kawalang kasanayan, kawalang kakayahan at kabiguan sa pagtugon sa mga karaingan ng mga manggagawang pangkalusugan at mamamayan,” ani Alliance of Health Workers (AHW) national president Robert Mendoza.

Maliban sa HEA, hindi pa rin naibibigay sa mga manggagawang pangkalusugan sa mga pampublikong ospital ang performance-based bonus mula 2021 hanggang 2022.

Sabi naman ni Filipino Nurses United national president Eleanor Nolasco, Cha-cha ang tugon ng gobyerno sa matagal na nilang hinihinging nakabubuhay na suweldo.

“Habang itinatakda ng Nursing Law na [Salary Grade 15] o P36,000 ang entry salary ng mga nars sa publikong sektor, tanging mga DOH-retained hospital lang ang nakabebenipisyo dito. Hindi kasama dito ang mga ospital ng pamahalaang lokal at napakababa ng pasuweldo sa kanilang mga nars kahit sila ang unang nilalapitan ng tao para sa pangangailangang pangkalusugan,” ani Nolasco.

Dagdag pa niya, parehas din ang karanasan ng mga nars sa mga pribadong ospital na nakatatanggap lang ng P15,000 kada buwan.

Hindi rin umano kataka-taka na pinipili ng nasa 51% na rehistradong nars na mangibang bansa dahil sa kalunos-lunos na pasuweldo sa kanila sa Pilipinas. Dagdag pa umano ang mahabang oras ng trabaho na umaabot sa 12 hanggang 16 oras na lubhang mas mataas sa mandatong walong oras.

“Talong-talo ang health workers at mamamayan,” sabi ni Health Alliance for Democracy secretary general Albert Pascual sa inaatupag na Cha-cha ng administrasyong Marcos Jr.

Aniya, mas lalong tataas ang gastusin sa mga pampublikong serbisyo, kasama ang serbisyong medikal, kapag natuloy ang pag-aalis ng mga proteksiyon sa ekonomiya sa Saligang Batas.

“Interes at ganansiya lang ng mga malalaking dayuhang monopolyo kapitalista, lokal na malalaking negosyante at naghaharing politiko ang makikinabang sa pag-amiyenda sa 1987 Constitution,” sabi ni Pascual.

Ayon sa AHW, patuloy ang pagkakaisa ang mga manggagawang pangkalusugan para sa taas-suweldo at makataong kalagayan sa trabaho upang makapagbigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga pasyente.

Panawagan din nila na ibasura ang Cha-cha at pagtuunan ng pansin ang mass hiring ng mga manggagawang pangkalusugan, seguridad sa trabaho, nakabubuhay na suweldo, sapat na benepisyo at mas mataas na badyet sa kalusugan.