FEATURED Manggagawa

Health Workers Day sa Mayo 6, paniningil kay Aquino


Dahil hindi lamang mga sakit na dulot ng mga mikrobyo ang kayang gamutin ng sektor pangkalusugan, nakahanda rin silang gamutin ang mga sakit ng lipunan.

Alliance of Health Workers, sa kanilang paglalatag sa naging kalagayan ng sektor kalusugan sa ilalim ng rehimeng Aquino. Pher Pasion
Alliance of Health Workers, sa kanilang paglalatag sa naging kalagayan ng sektor kalusugan sa ilalim ng rehimeng Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>
Alliance of Health Workers, sa kanilang paglalatag sa naging kalagayan ng sektor kalusugan sa ilalim ng rehimeng Aquino. Pher Pasion

Nagdaan ang halos anim na taon na “Daang Matuwid” ng administrasyong Aquino, pero nananatiling nasa pito sa sampung Pilipino ang namamatay na hindi man lang nakakakita ng doktor o propesyunal na serbisyong pangkalusugan.

Ito ang mensaheng matagal nang inihahayag ng mga kawaning pangkalusugan sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW) na hindi pinakinggan ng gobyernong Aquino.

Pinatitindi pa ng kanilang kalagayan ang sunud-sunod na atake sa kanilang mga karapatan sa sahod, seguridad sa trabaho, at pribatisasyon gaya ng kinakaharap ngayon ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Maynila.

Atake sa Fabella

Nakatakdang gibain ngayon ang Fabella Hospital dahil hindi na umano ito ligtas na gamitin, ayon sa Department of Health (DOH).

Pero ayon sa AHW, ang pagtatayo ng isang commercial area sakop ang kinatitirikan ngayon ng Fabella ang tunay na dahilan kung bakit nais gibain ang nasabing ospital.

Sa isang liham na natanggap ng Fabella mula Home Guarantee Commission (HGC), ang ahensiya ng gobyerno na nagmamay-ari sa lupain ng Fabella, kailangan umano nilang agad na lisanin ang gusali sa Hunyo 9.

Ililipat sa bakuran ng DOH ang Fabella pero mas maliit ang kapasidad  na 400 bed capacity lamang (nasa 700 bed capacity ang kasalukuyang Fabella). Ang mga empleyado naman, ikakalat umano sa iba’t ibang ospital gaya ng Lung Center, National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Tala Hospital, at iba pa. Ang mga kontraktuwal naman, nahaharap na sa Endo (End of Contract).

Pero ayon sa AHW, hindi lang ang lumang gusali ang tunay na problema ng Fabella kundi ang prayoridad ng gobyerno na paboran ang mga pribadong interes  higit sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan.

Makikita umano ito sa pagpasok ng pribadong interes sa mga ospital sa tulak ng public-private partnership ng adminstrasyong Aquino. Ito ang nagtulak, partikular sa Philippine Orthopedic Center (POC) na maipasok sa build-operate-transfer na isang porma ng pribatisasyon para mapasok ng pribadong interes at pagkakitaan gaya ng Megawide. Matagumpay itong napigilan ng mga empleyado, pasyente, at tagasuporta ng POC.

Sa kasalukuyan, ang Fabella ay may 700 bed capacity lamang pero higit dito ang tinatanggap ng ospital na umaabot sa 120 porsiyento o dalawa hanggang apat na pasyente ang nagsisiksikan sa isang higaan. Ito rin ang inaasahan ng mga pinakamahihirap na pasyente.

“Minsan nga po, hindi namin sila mapilit dahil walang-wala po talaga ang mga pasyente. Ang ginagawa po namin, inililibre na po namin sila. Katunayan nga po, kami pa nga po ang nagbibigay minsan ng pamasahe sa kanila,” ayon kay Margarita Esquivel, doktor at presidente ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital-Employees Union.

Margarita Esquivel, doktor at presidente ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital-Employees Union habang inilalatag ang kalagayan ng Fabella. <strong>Pher Pasion</strong>
Margarita Esquivel, doktor at presidente ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital-Employees Union habang inilalatag ang kalagayan ng Fabella. Pher Pasion

Tanong ng AHW, saan pupunta ang mahigit 2,000 inpatient at outpatient na umaasa sa serbisyo ng Fabella araw-araw kung bubuwagin ang nasabing ospital?

“Nakikita ninyo pati ang mga pasyente sa amin ay mga nag-iiyakan na. Ayaw nilang sumama sa pag-alis namin dahil ang gusto nila ay manatili sila sa amin sa Fabella hospital,” ayon kay Esquivel.

Taliwas ito sa nais ng DOH na pababain ang maternal mortality rate sa bansa base sa Millennium Development Goals o ang mga tunguhin ng mga bansa sa ilalim ng United Nations.

“Nagsasabi ang gobyerno natin ng facility based birth, hindi dapat tanggalin ang Fabella. Dapat magdagdag ng Fabella. Kung ganyan ang thinking, hindi mo makita ang ganyang logic. Bubuwagin mo, ilalagay mo sa isang compound na sentro o kinikilala na nagpursige ng corporatization, Lung Center at NKTI. Nakita nyo naman ang NKTI, ang mahal-mahal na,” ayon kay Julie Caguiat, doktor at executive director ng Community Medicine.

Imbes na ilipat, dapat umanong paunlarin at imordenisa ang Fabella kung tunay na serbisyong pangkalusugan ang nais ibigay ng gobyerno sa mamamayan nito. Dapat umanong manggaling ito sa pondo ng gobyerno at hindi iasa o iutang sa pribadong sektor na nais pagkakitaan ang serbisyong pangkalusugan, ayon sa AHW.

“Kung pwede, bilhin na lang nila ang lupa sa Home Guarantee Corporation para hindi matanggal ang Fabella sa kaniyang kinatatayuan. Kung hindi naman pwede, pwede naman nating isingit ang retrofitting.

Kung ano lang ang sira na structural ng building yun lang ang aayusin nila,” ayon kay Esquivel.

Itinatag ang ospital noong Nobyembre 9, 1920 sa Sampaloc, Manila. Noong 1951, nailipat ito sa kasalukuyan nitong tinatayuan sa Sta. Cruz, Maynila.

Julie Caguiat, doktor at executive director ng Community Medicine habang tinatalakay ang kalagayan ng sektor pangkalusugan sa ilalim ni Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>
Julie Caguiat, doktor at executive director ng Community Medicine habang tinatalakay ang kalagayan ng sektor pangkalusugan sa ilalim ni Aquino. Pher Pasion

Sektor kalusugan sa ilalim ni Aquino

Maliban sa pagpasok ng mga pribadong interes sa mga publikong ospital, kinakaharap din ng mga kawani sa kalusugan ang iba’t ibang atake sa kanilang mga karapatan.

Kaisa ang AHW sa panawagang magkaroon ng P16,000 national minimum wage kada buwan sa publikong sektor at P750 kada araw naman sa pribadong sektor. Kasabay nito ang kanilang panawagan na P25,000 upon entry para sa mga nurse at P50,000 naman para sa mga doktor kada buwan.

Base ito sa datos ng Ibon Foundation, isang grupo ng mga mananaliksik, na kakailangan ng isang pamilya na may anim na miyembro ng nasa P32,000 kada buwan para mabuhay ng disente.

Laban din sila sa sistema ng kontraktuwalisasyon na laganap ngayon sa sektor ng kalusugan. Ayon sa Filipino Nurses United (FNU), malaki ang pangangailangan para sa primary health care workers sa mga komunidad. Panawagan nilang lumikha ng trabaho sa grass roots para makapagbigay ng serbisyong pangkalusugan.

“Dapat ding pigilan ang kontraktuwalisasyon. Iyon ang kinakaharap na problema ng nurses . Bagamat malaki ang pangangailangan sa kanila, pero ang kinukuha ng pamahalaan at maging ng pribado sektor ay kontraktuwal,” ayon kay Eleanor Nolasco, registered nurse at presidnete ng FNU.

Nagsisimula naman ang sahod ng mga doktor sa salary grade 18 to 21. May mga municipal doctor naman na aabot sa salary grade 24. Pero depende umano ito sa local government unit kung kaya ng pinansiyal na kapasidad nito. Kung hindi kaya, aabot din ito sa salary grade 18 to 21.

Tutol din ang AHW sa salary standardization law 4 ni Aquino dahil mapanghati umano ito at maghahatak pababa ng kanilang sahod dahil mas malaki ang mababawas sa kanilang mga benepisyo kesa sa itataas ng kanilang sahod para sa mga ordinaryong kawani. Ang mga opisyal naman sa isang banda ay makakatanggap ng libu-libong piso.

“Itong patumpik-tumpik na pagtaas ng suweldo nila ay hindi rin naman makatotohanan, dahil marami din nagrereklamo na doktor. Kahit taasan ng suweldo ay malaki ang nababawas sa tax, at ang mga benepisyo ay hindi naibibigay ng lubusan,” ayon kay Caguiat.

Kung ganito umano ang kalagayan ng mga doktor, paano pa kaya ang mga nurse at karaniwang kawani sa sektor pangkalusugan?

Paglaban sa pagbuwag sa Fabella ospital at iba pang karapatan ng mga kawani sa kalusugan. <strong>Pher Pasion</strong>
Paglaban sa pagbuwag sa Fabella ospital at iba pang karapatan ng mga kawani sa kalusugan. Pher Pasion

Araw para maningil

Lantad at ramdam ng mga kawani sa kalusugan kung ano ang kanilang naging kalagayan sa ilalim ni Aquino. Malinaw na hindi ito matuwid bagkus ay mapaminsala sa kanilang interes.

Kaya naman sa darating na Mayo 6, Araw ng mga Kawani sa Kalusugan, ipakikita ng mga kawani ang kanilang paniningil sa rehimeng Aquino. Dahil matatapos na ang “Daang Matuwid” ni Aquino pero nagpapatuloy ang masalimuot na landas na iiwan nito para sa mga kawaning pangkalusugan.

Dahil hindi lamang mga sakit na dulot ng mga mikrobyo ang kayang gamutin ng sektor pangkalusugan, nakahanda rin silang gamutin ang mga sakit ng lipunan.