Sa bingit ng pagbagsak

April 16, 2021

Nakamamatay ang kakulangan sa pasilidad at epektibong pamamahala ng sistemang pangkalusugan sa bansa.

Dalawang linggo matapos ang muling deklarasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region Plus (NCR +) “Bubble”, mistulang nasa bingit na ng pagbagsak ang sistemang pangkalusugan.

Nitong Marso at Abril, punuan pa rin ang mga ospital at health facility para sa mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (Covid-19). Walang humpay ang pag-anunsiyo ng mga ospital na full capacity na ang mga ward at intensive care unit na nakalaan para sa Covid-19 cases.

“Nakakapanghina ng loob na habang abala kami sa treatment ng aming mga pasyente, tuloy ang dagsa ng mas marami pang pasyente na kailangan maghintay ng ilang oras bago mabigyan ng sapat na atensyon,” giit ni Nurse Cristy Donguines, presidente ng Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union – Alliance of Health Workers.

Bago pa man ang Semana Santa, aabot sa isa kada tatlong ospital sa Metro Manila ang umabot sa kritikal na occupancy. Ibig sabihin nito, higit sa 85 porsiyento na ng mga hospital bed na para sa Covid-19 patients ang ginagamit.

Nitong unang linggo ng Abril, dineklara ng Lung Center of the Philippines na ang kanilang Covid-19 wards ay 100 porsiyentong puno na, habang sumobra pa at umabot sa 200 porsiyento ang kapasidad ng emergency room. Siksikan ang mga pasyente at doble ang trabaho ng healthcare workers.

Makikita naman sa social media posts ng kaanak ng mga pasyente ang hirap na dinanas. May mga umabot sa lima, sampu, tatlumpu ang ospital na pinuntahan. Ang iba pa, umaabot sa karatig na mga probinsya.

“Ubos na ba ang P9 Bilyon kaya nasa provincial hospitals na ang mga taga-Maynila? Sobrang puno na yung mga ospital natin, ginawang emergency room na ‘yung tents,” tanong ni Sen. Risa Hontiveros sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Department of Health (DOH).

Isa sa health workers ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC), bagod sa matagal na panahong duty sa emergency room. Mga larawan: AHW

Pondo para sa pasilidad

Sa Bayanihan to Recover As One Act, nakasaad na may inilalaang pondo na P4-B at P500-M para sa pagtayo ng temporary medical quarantine facilities, field hospitals, dormitories para sa mga frontliner, at malawakang expansion ng government hospital capacity. Dagdag pa rito ang P4-B at P500-M para naman sa maintenance ng isolation facilities, kasama na ang billing sa hotel, pagkain, at transportasyon para sa pagtugon sa Covid-19.

Ayon kay Hontiveros, lumalabas na sa kabila ng bilyong pondo, hindi napaghandaan ang posibilidad ng surge ng bagong mga kaso ng Covid-19. Paano nga ba ginastos ng gobyerno ang bilyong piso para sa pagtayo ng makatao na Temporary Treatment and Monitoring Facilities (TTMFs) at isolation facilities, tanong niya.

Kailangang maisapubliko ang nagamit na budget, lalo na’t hindi lang gobyerno ang gumastos para sa pag-convert ng mga pasilidad tulad ng mga sports arena at business establishment.

Isa sa halimbawa ng TTMF, na tinatawag ring “Mega Ligtas Covid Centers”, ang World Trade Center (WTC) na mayroong 502 hospital beds para sa mga Covid-19 patient na symptomatic pero mild lang. Isa ito sa karaniwang karakter ng mga Mega Ligtas quarantine center: hanggang mild na mga kaso ang puwedeng dalhin dito dahil mga Level 3 na ospital pa ang may buong kakayanang tumugon sa malubhang mga kaso ng Covid-19.

Para sa pag-convert ng WTC, nakalikom ng budget na P46.4-M ang Ayala Group. Ayon sa kanila, tulong na ito sa paghilom ng bansa.

Hindi lang ito ang kaso ng pagpopondo ng pribadong sektor sa temporary isolation facilities. Abril ng nakaraang taon nang ipagamit sa gobyerno bilang quarantine facility ang 2GO passenger ships at kakailanganin sanang paggagastusan ng P35-M kung hindi tinanggihan ng kompanya ang bayad.

May ilan pang ibang gusali ang pansamantala munang ginagawa na isolation facility. Halimbawa na nito ang Bagong Nayon Pilipino, Ultra Philsport Arena, at Rizal Memorial Coliseum. At ayon sa Department of Public Works and Highways Sec.. at “isolation czar” na si Mark Villar, sapat ang dami ng isolation facilities sa bansa.

Dahil dito, sinabi ng DOH na dapat daw limitahan na lang ng mga ospital ang pagtanggap ng mild cases dahil puwede naman dalhin sa mga isolation facility o kaya ay home quarantine.

“Easier said than done, hirap din mag-pauwi ng borderline cases na puwede mag-deteriorate fast,” giit ni Dr. Joel Abenilla, direktor ng Philippine Heart Center.

Sino’ng p’wede tawagan

Isa dapat sa nakakatuwang ng mga ospital at mga mamamayan sa pagpunta sa akmang pasilidad ang hotline ng One Hospital Command Center (OHCC) sa Makati City.

Mahalagang trabaho ng One Hospital Command ang koordinasyon sa pagitan ng health facilities. Dito rin sana mabilis makakapagtanong ang mga tao ukol sa kapasidad ng ospital tumanggap ng malubhang kaso ng Covid-19. Pero hindi rin ito nakasabay sa kasalukuyang sitwasyon sa Metro Manila.

“Pagdating po ng surge, dumami po iyong tawag namin, na-overwhelm din iyong capacity namin sa One Hospital Command,” giit ni Health Usec. at “treatment czar” Leopoldo Vega. Mula sa higit 60 na mga tawag kada araw, ngayon aabot sa 300 na ito.

Ayon sa DOH, walang teknolohiya para sa simpleng pag-forward ng tawag ang command center, at 30 katao lang ang nagpapatakbo sa hotline.

“Gumagawa kami ng hakbang ngayon na mag-hire nga bagong mga IT at paramedical personnel to man the One Hospital Command,” sabi ni Vega.

Kung ang isyu naman ay sa punuang mga ospital at health facility sa Metro Manila, kakailanganin raw talaga ng One Health Command gumawa ng referral sa mga ospital sa karatig na mga rehiyon.

Dagdag sa hamon ng paghahanap ng ospital o health facility ang hindi pagtutugma ng datos ng DOH sa reyalidad ng mga punuang ospital.

“Makikita natin na ang hospital tracker, hindi niya naipapakita ngayon ang tunay na larawan ng ospital,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Ayon sa datos nitong unang linggo ng Abril sa NCR, nasa 78 porsiyento pa lang ng intensive care units, at 60 porsiyento pa lamang ng mga ward beds ang nagagamit.

“‘Yong reports on the ground ay puno na sa Metro Manila at dinadala na sa ibang probinsiya,” sabi ni ABS-CBN Data Analytics head Edson Guido. Kaya, ayon sa kanya, malinaw na hindi nagtutugma ang datos ng DOH sa dinaranas ng mga tao, mula sa bakanteng kama sa mga ospital hanggang sa tala ng mga namamatay dahil sa Covid-19.

Health workers ng Mental Health Employees Association-Alliance of Health Workers nagpahayag ng protesta para sa mass hiring ng health workers noong Abril 9, Araw ng Kagitingan.

Bukod sa gusali

Panawagan naman ng mga alyansa ng healthcare workers na bukod sa pagsasaayos ng datos at pagdagdag ng isolation facilities, kailangan din bigyang pansin ang kapasidad ng mga healthcare worker na tumanggap ng dagsang mga pasyente.

Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), malala ang isyu ng understaffing sa maraming ospital. Patuloy na nababawasan ang healthcare workers sa mga ospital dahil maging sila ay nagiging pasyente at nahahawa sa sakit.

Isa sa pinakatampok na nalagasan ng 117 health workers ang Philippine Orthopedic Center noong Abril 2 matapos magpositibo sa Covid-19 ang mga ito. Ganun din ang naging kaso sa maraming ospital. Marami sa kanila, napilitang huwag munang magtanggap ng pasyente.

Marami sa mga ospital, nagkukulang na rin sa protective equipment tulad ng mga N-95 na mask at gloves.

“Bakit hanggang ngayon, hindi pa rin nakakapagpamahagi ang ilang ospital ng special risk allowance, hazard pay, at health benefit sa pagkaroon ng Covid-19?” giit ni Rodel Aala, public relations officer ng Dr. Jose Fabella Memorial Medical Center Employees Union – AHW.

Patuloy namang mananawagan ang AHW para sa mas epektibong tugon sa Covid-19 pandemic, pamumuno ng health experts at siyentista sa IATF, at sapat na proteksiyon para sa health workers.

Panawagan din nila na sa pangkalahatan, kailangang talikuran na ang oryentasyon ng sistemang pangkalusugan na hindi talaga aksesible sa karamihang Pilipino. Mayorya kasi ng mga mga ospital ay nasa pribadong sektor at institusyong may oryentasyong unahin ang kita sa halip na serbisyo sa karamihan.


“WHISPERING FLOWER BEDS”. Likha ng artista na si Toym Imao ang installation art na ito ng hospital beds na ginawang garden sa UP Philippine General Hospital sa Maynila. Nilikha ito para raw sa pagbibigay-pugay sa mga pumanaw na frontliners sa isang taong pandemya. Simbolo ang mga bulaklak ng kabutihan at kagandahang umusbong mula sa sakripisyo ng frontline healthcare workers mula noong nakaraang taon hanggang ngayon. PGH ang unang Covid Center noong 2020.
Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.