Ex-NTF-Elcac spox, sinuspinde ng PRC ang lisensiya
Nagpasya ang Professional Regulation Commission na guilty si Lorraine Badoy-Partosa sa paglabag sa etikal na pamantayan ng mga doktor dahil sa red-tagging sa mga manggagawang pangkalusugan.
Sinuspinde ng anim na buwan ng Professional Regulation Commission (PRC) ang lisensiya bilang doktor ni dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) spokesperson Lorraine Badoy-Partosa.
Sa desisyon ng PRC noong Mayo 8 na natanggap ng mga complainant nitong Hunyo 26, pinagpasyahang guilty si Badoy sa paglabag sa Revised Code Ethics of the Medical Profession. Ayon sa PRC, bagaman hindi na isinasapraktika ni Badoy ang pagiging doktor, marapat pa rin itong sumunod sa mataas na pamantayan ng asal at gawi bilang isang lisensiyadong propesyonal.
Tugon ang desisyon ng PRC sa isinampang reklamo ng Alliance of Health Workers (AHW) noong Abril 11, 2022 laban kay Badoy dahil sa sunod-sunod na red-tagging nito sa grupo at mga opisyal ng unyon ng mga manggagawang pangkalusugan. Hiling ng grupo ang pagsasawalang-bisa ng lisensiya ni Badoy bilang doktor.
Sabi ng AHW, sa kasagsagan ng pandemya, imbis na tugunan ang kanilang pangangailangan para sa mga personal protective equipment at iba pang panangga sa nakamamatay na virus, red-tagging ang naging sagot ni Badoy-Partosa at ng NTF-Elcac
Ikinatuwa naman ni Alyn Andamo, isa sa mga complainant at lider ng Filipino Nurses United, ang naging pasya ng PRC. Ani Andamo sa kanyang Facebook post, “Naniniwala [ako] na dapat maparusahan ang sinumang nagpapakalat ng mga kasinungalingan at nangre-red-tag na naglalagay sa peligro ng buhay ng sinuman tulad ng health workers.”
Dagdag ni Andamo, dapat buwagin na ang buong NTF-Elcac at ilaan ang bilyong pisong badyet nito para sa kalusugan ng mamamayan.
Ayon sa AHW, bagaman kapos pa ang anim na buwang suspensyon para sa buong pagpapanagot kay Badoy, isang hakbang pasulong na ang naging pasya ng PRC para sa mga manggagawang pangkalusugan.