Pambubusal sa guro’t kawani sa pampublikong sektor, kinondena


Ayon sa mga guro’t kawani, nilalabag ng memorandum na inilabas kamakailan ng Civil Service Commission ang Konstitusyon na pumipigil sa kanilang malayang pagpapahatag sa social media ngayong panahon ng eleksiyon.

Protesta ng mga guro at kawani sa pampublikong sektor sa Civil Service Commission noong Abril 14, 2025. Jordan Joaquin/Pinoy Weekly

Nagprotesta ang mga guro at kawani ng gobyerno sa Civil Service Commision (CSC) sa Batasan Hills, Quezon City tanghali ng Abril 14 upang tutulan ang Memorandum Circular No. 3, Series of 2025 na pinipigilan ang kanilang karapatan sa malayang pagpapahayag ngayong panahon ng halalan.

Dumulog ang Alliance of Concerned Teachers (ACT), Alliance of Health Workers (AHW) at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) upang igiit ang kanilang karapatan.

“Sa amin, mahalaga na bilang mga guro bahagi kami ng pag-e-expose ng anong klaseng eleksiyon mayroon tayo. Pag-e-expose sa political patronage, malinaw na vote-buying at bilang kami mismo na saksi nito ng mga tagabantay sa araw ng eleksiyon ay dapat naman talaga na maging bahagi ng voters education doon sa ating mamamayan,” wika ni Ruby Bernardo, pangulo ng unyon ng ACT-National Capital Region Union.

Giit ng mga guro at kawani ng pampublikong sektor, labag sa Konstitusyon ang nasabing memorandum ng komisyon na naglilimita sa kanilang karapatan sa malayang pagpapahayag.

“Ang isang importante rin na dapat hindi nakakalimutan ng Civil Service Commission ang Saligang Batas sa Section 3 ng Article 13 ng Social Justice and Human Rights. Ito pong inisyu ng CSC, nakakaapekto po ito sa karapatan ng mga kawani ng gobyerno, kaya bago sila nagpalabas nito, dapat kinonsulta muna nila ang mga kawani ng gobyerno ayon sa Saligang Batas mismo,” ani Santiago Dasmariñas, pangulo ng Courage.

Matapos ang programa, inihain nila ang pormal na liham na naglalaman ng kahilingan na magkaroon ng diyalogo sa pagitan ng mga kawani at CSC hinggil sa nasabing kautusan.