Mga guro, nangangamba sa bagong trimester system
Sa ilalim ng inaprubahang panukala, mula sa kasalukuyang four-quarter system, magiging tatlo na lang ang hati ng isang pang-akademikong taon. Mababawasan ng isang siklo ng pagrado, pero hahaba ang kada term.
“Hindi pa dumaan ang proposal sa pilot testing, pero may mga naganap na konsultasyon sa iba’t ibang institusyon sa edukasyon bago ito naipresenta,” sabi ng Presidential Communications Office ukol sa inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 22 na pagsisimula ng trimester o three-term academic calendar para sa basic education sa paparating na pasukan.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala, mula sa kasalukuyang four-quarter system na kilala para sa mga Quarterly Exam at iba pang pagsusulit, magiging tatlo na lang ang hati ng isang pang-akademikong taon. Mababawasan ng isang siklo ng pagrado, pero hahaba ang kada term.
Kada term, may higit 50 “instructional days” na igugugol sa klase na iiwasang masabayan ng ibang aktibidad, at mayroong isa o dalawang linggo ng para sa “enrichment” at mga assessment, kasama ang pag-aayos ng grado, paghahanda ng mga school form, remediation o pagsuporta sa mga nangangailangan ng dagdag na gabay, at iba pa.

“Pero babaguhin mo lahat,” sabi ni Alliance of Concerned Teachers national chairperson Ruby Bernardo sa panayam ng Pinoy Weekly. Sa unang tingin raw, mukhang magdadala ng ginhawa ang three-term system dahil maaring mababawasan ang paperwork. Pero aniya, kailangan ng masinsinang paghahanda para dito.
“‘Yong lesson exemplar, kailangan naming mag-adjust. Tapos mag-a-adjust din kami sa learning materials,” sabi ni Bernardo na guro ng 12 taon sa Sta. Lucia High School sa Quezon City.
Dagdag sa pangamba ng mga guro tulad ni Bernardo ang magulong proseso sa Department of Education (DepEd). Aniya, ang mga materyales mula sa DepEd na gagamitin dapat sa pang-akademikong taon ng 2025-2026, kadarating lang sa paaralan nila nitong Marso. Nakatambak ito ngayon doon, at hindi na nasilayan ng mga estudyante.
Inalala rin ni Bernardo ang katakot-takot na paghahanda na ginawa nilang mga guro noong pandemya. “Teacher gumawa ng lahat. Teacher ang nag-implement.” At may mga pagkakataon pa na teacher rin ang paunang gumagastos.
“Hindi talaga siya nakakaalwan,” sabi ng guro.