Sistemikong kabulukan sa ‘horror story’ ng edukasyon
Para sa mga gurong humaharap sa mga masisikip at maiinit na silid-aralan, kakulangan ng libro at gutom na mga bata, hindi na bago ang “horror story” na ito. Matagal nang isinisigaw ang mga suliranin pero binabalewala ng gobyerno.
Isang “horror story” ang estado ng edukasyon sa Pilipinas. Ito ang bansag ng marami matapos ilabas ng Second Congressional Commission on Education (Edcom 2) ang kanilang pinal na ulat na naglalaman ng mga nakapanindig-balahibong datos.
Sa mga estudyanteng tumutuntong ng Grade 7, 88% ang hindi marunong bumasa sa antas na inaasahan sa kanila. Halos 23.6% naman ng mga batang Pilipino ang dumaranas ng stunting o pagkabansot dahil sa malnutrisyon—isang kondisyong nagdudulot ng permanenteng pinsala sa utak at kapasidad sa pagkatuto.
Pero para sa mga gurong araw-araw na humaharap sa mga masisikip at maiinit na silid-aralan, kakulangan ng libro at gutom na mga bata, hindi na bago ang “horror story” na ito. Matagal na nilang isinisigaw ang mga numerong ito sa kalsada, sa mga diyalogo at sa mga position paper na madalas ay binabalewala ng gobyerno.
“Kumpirmasyon lang ito nung dekada na naming sigaw,” ani Ruby Bernardo, pambansang tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), sa panayam ng Pinoy Weekly. “Hindi na kami nagulat. Ang mas nakakagulat ay kung papaano ito tinitingnan at sinusuri, at ang mga rekomendasyon ng Edcom 2.”
Tinawag ng komisyon ang kanilang ulat na isang “turning point” o pagpihit. Subalit sa kabila ng daan-daang pahinang ulat, tila may isang malaking butas sa naratibo: ang pagkilala na ang krisis sa edukasyon ay hindi lang simpleng isyu ng kurikulum o pagsasanay, kundi isang malalim at sistemikong sakit ng lipunan.
Eksklusyon ng mga nasa laylayan
Isang matingkad na senyales ng sistemikong problema ang mismong komposisyon ng Edcom 2. Sa kabila ng pagiging “komprehensibo” umano ng pag-aaral, pinuna ng ACT ang kawalan ng tunay na representasyon ng mga guro sa loob ng komisyon.
“Bakit walang ni isang teachers’ group [sa komisyon]?” tanong ni Bernardo. Makikita ang epekto ng eksklusyong ito sa mga rekomendasyon.
Bagaman inamin ng ulat na kulang ang suweldo at overworked ang mga guro, kapansin-pansin ang kawalan ng matapang na rekomendasyon para sa makabuluhang dagdag-suweldo.
Sa halip, nakatuon ang solusyon sa mga teknokratikong reporma: dagdag na training, upskilling at paghihigpit sa licensure exam. Tila ipinapahiwatig nito na ang problema ay ang “kakayahan” ng guro at hindi ang patuloy na pagkakait sa kanila ng sapat na suporta at nakabubuhay na suweldo.
Kasinungalingan ng ‘mass promotion’
Isa sa pinakamainit na isyung tinalakay ng ulat ay ang “mass promotion” o ang pagpapasa sa mga estudyante kahit hindi pa sila handa sa susunod na baitang. Para sa komisyon, isa itong malaking dahilan kung bakit bumabagsak ang kalidad ng pagkatuto.
Ngunit kung susuriin nang malalim, ang mass promotion ay hindi simpleng kapabayaan ng guro. Ito ay sintomas ng isang bulok na sistema ng pananagutan sa loob ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Bernardo, “institusyonalisado” ang polisiyang ito. Kahit walang written order ang DepEd na nagsasabing bawal magbagsak, nakapaloob ito sa sistema ng Performance-Based Bonus (PBB). Nakatali ang bonus ng guro at ang performance rating ng eskuwelahan sa dropout rate at passing rate.
“Kasalanan na naman ba ni teacher?” himutok ni Bernardo. Kapag nagbagsak ang guro, siya ang sisisihin at mamarkahang ineffective.
Dahil dito, nagiging coping mechanism na lang ang pagpapasa sa mga bata. Pinipilit ng sistemang pagtakpan ang katotohanang hindi kayang punan ng paaralan ang kakulangan ng lipunan.
Imbis na solusyunan ang kahirapan na nagtutulak sa mga bata na lumiban o huminto, pinipilit ng burukrasya na “ipasa” sila para magmukhang maganda ang datos sa papel.
Pasan na ‘admin tasks’ at kakulangan sa suporta
Higit pa sa usapin ng pagtuturo, ramdam ang sistemikong kapabayaan sa araw-araw na pagod ng mga guro dahil sa administrative tasks. Bagaman may DepEd order na nagtatanggal umano sa mga gawaing administratibo, sa karanasan ng ACT, nananatili ito sa porma ng iba’t ibang report at ancillary tasks.
Ang dahilan: systemic staffing shortage. Walang non-teaching personnel na sasalo ng trabaho.
“Kahit may order, kung walang item na [na-create] para sa registrar, sa guidance counselor, sa nurse, guro pa rin ang gagawa niyan,” paliwanag ni Bernardo.
Ang resulta, ang oras na dapat sana ay para sa paghahanda ng lesson plan at pagtutok sa mga batang hirap sa mga leksiyon, napupunta sa pagpuno ng mga form at clerical work.
Ang anim na oras ng pagtuturo na nasa batas ay nadadagdagan ng tatlong oras o higit pa para sa gawaing administratibo.
Edukasyon para sa dayuhan
Binatikos ni Bernardo ang tila pagpapatuloy ng mga rekomendasyon sa balangkas ng “employability” at “skill alignment” para sa global market. Nakatuon ang ulat sa pagpapalakas ng ugnayan sa pribadong sektor at mga korporasyon.
Dito lumilitaw ang sistemikong problema: neoliberal, o dikta ng mga interes ng negosyo imbis na kapakanan ng tao, ang oryentasyon ng edukasyon sa Pilipinas.
“Ang tinitingnan na naman ay paano magiging employable ang bata para sa foreign economy, hindi para sa national development,” ani Bernardo.
Ipinagpapatuloy nito ang oryentasyon ng K-12 na lumilikha ng mga semi-skilled worker at murang lakas-paggawa para sa eksport, sa halip na mga mamamayang may kritikal na pag-iisip na mag-aambag sa pagtatayo ng sariling industriya ng bansa.

Kaakibat nito ang patuloy na pribatisasyon ng edukasyon. Isinusulong ang voucher system at public-private partnership na nagtutulak sa edukasyon na maging negosyo. Binubuksan nito ang pinto para sa mga kapitalista-edukador na kumita sa pondo ng bayan habang nananatiling salat ang mga pampublikong paaralan.
Kung susuriin, ang ulat ng Edcom 2 ay isang kumpirmasyon ng matagal nang alam ng bayan. Subalit ang tunay na solusyon ay hindi matatagpuan sa mga teknokratikong rekomendasyon na nagbubulag-bulagan sa ugat ng problema.
Ang hamon ay hindi lang pag-aayos ng kurikulum o pagpapataas ng pamantayan. Ang hamon ay ang pagbaklas sa isang sistemang nagbibigay priyoridad sa dayuhang interes kaysa sa pambansang pag-unlad; isang sistemang binabarat ang sahod ng mga lumilikha ng kaalaman; at isang sistemang ginagamit ang edukasyon para panatilihin ang status quo ng kahirapan at pananamantala.
Hangga’t hindi itinataas ang suweldo ng mga guro, hangga’t hindi tinutugunan ang malnutrisyon at kahirapan ng pamilyang Pilipino at hangga’t hindi binabago ang neoliberal na oryentasyon ng edukasyon, mananatiling “horror story” ang kalagayan ng pagkatuto sa bansa—may ulat man ang Edcom o wala.