ACT: Pondo sa edukasyon, hindi sa korupsiyon
Ayon kay Ruby Bernardo, bagong halal na pambansang tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers, malinaw na pagpapabaya sa mga hinaing ng mga guro ang pananahimik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Guro, libo-libong guro mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nagtipon sa University of the Philippines Diliman noong Okt. 5 upang ipanawagan ang agarang pagtugon sa lumalalang krisis sa edukasyon.
Binuksan din ang Ika-17 Pambansang Kongreso ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), ang pinakamalaking unyon ng mga guro at manggagawa sa edukasyon sa bansa.
Sa kanilang pagtitipon, inihayag ng ACT ang anim na pangunahing panawagan para sa sektor ng edukasyon.
Kabilang dito ang pagtaas ng entry-level na suweldo ng mga guro sa P50,000, makabuluhang ng badyet sa edukasyon sa 6% ng kabuuang gross domestic product, pagpaparusa sa mga tiwaling opisyal, pagpapatigil ng militarisasyon at paglabag sa karapatan ng mga guro, pagtutol sa kolonyal at komersyalisadong edukasyon, at paglaban sa dayuhang interbensyon at mga patakarang nagpapalaganap ng digmaan.
Ayon kay Ruby Bernardo, bagong halal na pambansang tagapangulo ng ACT, malinaw na pagpapabaya sa mga hinaing ng mga guro ang pananahimik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Habang sumisigaw ng [P50,000] panimulang sahod at sapat na pondo sa edukasyon ang mga guro, nananatiling tahimik si Marcos Jr. Walang tugon, walang direksiyon, [at] walang malasakit. Sa panahon ng krisis, ang katahimikan ay isang uri ng pagpapabaya,” sabi ni Bernardo.
Mariing binatikos ng ACT ang patuloy na kapabayaan ng administrasyong Marcos Jr. sa kapakanan ng mga guro. Binanggit nila ang mababang benepisyo sa ilalim ng Executive Order 64, ang kawalan ng pondo para sa overload pay at promosyon, at ang labis na paggastos para sa mga proyekto na umano’y pabor lang sa mga tiwaling opisyal.
“Habang binabarat ang guro, sagad naman ang pondo para sa mga walang silbing proyekto. Hindi na maikakaila na ang gobyernong ito ay mas abala sa pagpapayaman ng iilan kaysa sa pagtataguyod ng karapatan ng mamamayan sa edukasyon,” dagdag ni Bernardo.
Ayon naman sa Department of Education (DepEd), kinikilala nila ang karapatan ng mga guro na magpahayag at nagpatuloy umano ang diyalogo sa sektor. Ngunit ayon sa ACT, hindi magiging sapat ang mga ganitong pahayag kung nananatiling kulang ang sahod, benepisyo at pondo sa mga paaralan.
“Kung tunay na pinahahalagahan ng pamahalaan ang mga guro, dapat itong kumilos ngayon. Ang kailangan ay tiyak na aksiyon, sapat na pondo at respeto sa karapatan ng kaguruan,” ani Bernardo.
Kabilang sa bagong liderato ng ACT sina Carl Marc Ramota bilang pangalawang tagapangulo, Raymond Basilio bilang pangkalahatang kalihim, at ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio at dating Rep. France Castro bilang mga kasapi ng National Executive Committee.