Guro pa rin ang sumasalo sa kakulangan ng guidance counselors
Hindi lahat ng kailangang harapin ng isang bata ay nasa lesson plan. May mga problemang hindi natatapos sa bahay at mga pangambang hindi kayang sabihin sa harap ng klase.
Hindi lahat ng kailangang harapin ng isang bata ay nasa lesson plan. May mga problemang hindi natatapos sa bahay at mga pangambang hindi kayang sabihin sa harap ng klase.
Kapag ang isang bata’y nangangailangan ng taong makikinig, sino ang dapat niyang matagpuan sa kabilang dulo ng kanyang problema?
Sa Krus na Ligas High School sa Quezon City, isa sa mga taong iyon si Ersal Linda Jr., isang gurong nagsisilbi ring guidance designate ng kanilang paaralan. Mula 2014, kasabay ng pagtuturo ang pagharap niya sa mga estudyanteng nangangailangan ng gabay. Hindi siya rehistradong guidance counselor.
Para kay Ronnie Jay Albaniel, Grade 12 student at student council auditor, malinaw kung sino ang hinahanap niya kapag mabigat na ang problema: si Sir Linda.
Mula Grade 7, malapit na siya sa kanyang guro. Kuwento niya, naging madali sa kanya kumonekta sa guro dahil bukas lagi ang pinto ni Sir Linda sa mga estudyanteng kailangan ng makakausap.
“Kapag hindi ko na po kayang i-handle ’yong [mga problema] sa bahay, sine-share ko kay sir, dahil nagbibigay po siya ng mga advice na puwede kong gawin para hindi ako malugmok sa isang problema,” sabi ni Ronnie.
Para sa kanya, higit pa sa payo ang naibibigay ng kanyang guro. Sa mga sandaling tulad nito, nagiging takbuhan si Sir Linda ng isang estudyanteng nangangailangan ng taong makikinig.
Ngunit bago pa siya maging tagapakinig, isa muna siyang guro.

Sa 1,933 estudyante sa Krus na Ligas High School, dalawang guro ang nagsisilbing guidance designate, humigit-kumulang isang guro para sa bawat 967 estudyante. Pareho silang hindi Registered Guidance Counselor (RGC) at ginagampanan nila ang tungkuling ito kasabay ng kanilang regular na pagtuturo. Sa makakayanan, pinupunan ng guidance designate ang posisyon na dapat sa RGC.
Hawak ni Sir Linda ang Grades 8, 10 at 12. Bukod sa paggabay sa mga estudyante, dala rin nila ang kanilang regular na teaching load at iba pang mga tungkulin sa paaralan.
Para kay Sir Linda, hindi sapat ang oras upang magampanan niya nang lubos ang dalawang tungkulin.
“Marami na rin [mga programa] na hindi namin ma-implement kasi nga teaching pa rin kami. Mas nakafocus pa rin sa teaching. So ‘yong counseling or ano, pahapyaw-hapyaw na lang,” ani Sir Linda.
Hindi lahat ng pangangailangan ng mga estudyante ay natatapos lang sa pakikinig at pagbibigay ng payo. May mga kasong nangangailangan ng specialized counseling o intervention na kailangang i-refer sa mga RGC sa kanilang distrito. Kapag wala ring guardian na maaaring umalalay sa bata, may mga pagkakataong inilalapit ang kaso sa Department of Social Welfare and Development.
Sa ilalim ng staffing standard ng Department of Education (DepEd), dapat isang posisyon ng Guidance Counselor I ang kailangang ilaaninilalaan sa bawat 500 mag-aaral sa high school. Sa kasalukuyan, lagpas ng 11 milyon ang mga mag-aaral na high school sa Pilipinas.
Ngunit sa buong bansa, may 5,530 rehistradong guidance counselor lang ayon sa datos ng Professional Regulation Commission na inilabas nitong Agosto 2026. Sinabi ng DepEd na mas kaunti pa sa 1,000 rehistradong counselor ang nagsisilbi sa mahigit 45,000 na paaralan sa buong bansa.
“Kung titingnan mo, halos 1 is to 14,000 ‘yong ratio natin ng guidance counselor kumpara do’n sa ating mga estudyante. So kapos na kapos talaga ‘yong bilang. Kaya sinasabi rin namin na ang epekto nito, lalo do’n sa ating mga kabataan, hindi talaga na-e-ensure na maayos ‘yong kanilang mental health, hindi nagagawa ‘yong mga preventive measures,” ani Ruby Bernardo, chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Ugat ng kakulangan
“Masyadong mataas ‘yong standard niya tapos mababa ‘yong compensation,” ani Sir Linda na tinutukoy ang mataas na mga kuwalipikasyon at mababang sahod bilang isang dahilan ng kakulangan ng mga rehistradong guidance counselor sa mga pampublikong paaralan.
Ipinaliwanag niyang kaya wala talagang nag-a-apply na mga rehistradong guidance counselor sa mga pampublikong mga paaralan dahil ang mga graduate ng master’s degree na may lisensiya ay dating katumbas lang ng Teacher I or Salary Grade 11.

Bagama’t tumaas na umano ito sa salary grade, sinabi niyang mas mababa pa rin ang compensation kumpara sa private sector, kaya may ilan na mas pinipiling mag-abroad.
Nasa P2 bilyon ang inilaang pondo para sa pagkuha ng 10,000 School Counselor Associate I batay sa 2026 General Appropriations Act. Ngunit ang pagkakaroon ng posisyon at pondo ay hindi pa nangangahulugang may taong agad na nasa guidance office.
Sino ang sumasalo?
Ayon kay DepEd Undersecretary Wilfredo Cabral, tinugunan ang kakulangan sa pamamagitan ng implementasyon ng Republic Act 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Tinitingnang makakaagapay sa kakulangan ng mga RGC ang naturang batas. Para maging school counselor associate, kailangang magtapos ng kurso sa psychology o guidance and counseling, makakuha ng 18 units sa behavioral science, at makumpleto ng 200 oras na internship. Kailangan rin ito makuha ng lahat ng nais maging RGC.
Para maging ganap na RGC, kailangan pa makakuha ng masterado sa guidance and counseling at makapasa sa licensure examination.
Sa Krus na Ligas High School, wala pa ring school counselor associate na nakatalaga. Habang dumadaan sa proseso ang pagkuha ng bagong personnel, hindi naman maaaring ipagpaliban ng mga bata ang kanilang mga problema. Kaya sa praktika, bumabalik ang pangangailangan sa mga taong araw-araw nilang kasama: ang kanilang mga guro.
“Unang-una talaga, talagang direct ang pinakasumasalo no’n ‘yong [mga teacher],” ani Bernardo. Kaya, aniya, maaaring manatili lang ang parehong problema sa ibang anyo dahil dagdag na responsibilidad sa mga guro ang ginagawang lunas ng gobyerno.
“Band-aid solution, hindi lang ito tungkol sa bilang ng guidance counselors o associates. Problema ito ng sistema, kaya dapat systemic din ang approach,” sabi ni Bernardo.
Sa bawat pagkakataong may isang guro ang humaharap sa problemang hindi natatapos sa silid-aralan, may oras na naibabawas sa iba pa niyang mga tungkulin at may mga bigat na maaari niyang maiuwi pagkatapos ng klase. At para kay Sir Linda, ang bigat na iyon ay hindi laging naiiwan sa guidance office.
“Gusto ko na [iwanan talaga ang pagiging guidance designate]. Ayoko na talaga e. Tapos nakakapagod na talaga. [Kapag] naiisip n’yo ang mga bata na mayroong pangangailangan, hindi mo sasabihin na, ‘Ah pagod na ako.’ Hindi. May bata ka pang kailangan tulungan,” wika ni Sir Linda.