Guro, kawani: P500 dagdag-benepisyo, kapos pa rin


Malayong-malayo sa kanilang hinihinging P5,000 ang inaprubahang P500 na dagdag sa Personal Economic Relief Allowance.

Sumiklab ang serye ng mga kilos-protesta ng mga guro at kawani ng gobyerno nitong nakaraang linggo para itaas ang kanilang Personal Economic Relief Allowance (PERA) tungo sa P5,000.

Anila, malayong-malayo sa kanilang hinihingi ang inaprubahang P500 na dagdag ng Department of Budget and Management (DBM) sa susunod na taon. Sa kasalukyan, P2,000 kada buwan ang PERA na natatanggap ng mga guro’t kawani sa pampublikong sektor.

Kasama ito sa bibit na panawagan ng mga guro sa pagkilos sa World Teachers’ Day nitong Okt. 5, kasabay ng iginigiit na P50,000 na entry-level salary para sa mga guro sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Hinihingi rin nila na maglaan ng 6% na gross domestic product sa edukasyon upang mapunan ang mga kakulangan sa bilang ng mga guro, silid-aralan, at iba pang pasilidad at pangangailangan sa mga pampublikong paaralan.

“Imbis na pondo para sa edukasyon at pondo para sa pagtaas ng sahod ng mga guro at PERA patungong P5,000, inuna pang dagdagan ng at least P100.44 bilyon ang pork barrel ng mga politiko,” ani ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio.

Kinuwestiyon din ni Tinio ang alokasyong P644 bilyon sa Department of Public Works and Highways na pinagmumulan aniya ng korupsiyon sa pambansang badyet.

Gayundin, kinondena niya ang nangyaring pandarahas ng mga pulis sa protesta ng mga guro patungong Malacañang noong Okt. 4, bisperas ng World Teachers’ Day.

Binatikos din ng mga mangggagawang pangkalusugan ang kakarampot na dagdag sa PERA sa kanilang lunch break protest nitong Okt 3.

Ayon kay Sally Ejes ng Philippine Heart Center Employees Association, higit 17 taon na silang nagtitiis sa P2,000 at hindi sasapat ang kakarampot na dagdag sa allowance sa mga gastusin sa gitna ng pagtaas ng bilihin at gasolina.

“Sabi nga ng panahong bago umupo ang Pangulong [Ferdinand Marco Jr.], kami ay mga buhay na bayani. [Kung ganoon], kami po palang mga bayani na tinuring [ni Marcos Jr.] ay halaga lamang ng P500 sa buwanang dagdag sa aming allowance na PERA ” ani Ejes.