Daan-daang guro, nanawagan ng dagdag-suweldo sa Kamara


Ayon kay Alliance of Concerned Teachers chairperson Ruby Bernardo, ngayong buwan ng mga guro, hindi mga walang lamang papuri ang kailangan nila, kung hindi kongkretong aksiyon para iangat ang kalagayan ng mga guro.

Nagtungo ang daan-daang guro, sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), sa House of Representatives nitong Set. 7. dala ang panawagan para sa nakabubuhay na suweldo, dagdag-benepisyo at mas mataas na pondo para sa edukasyon.

Ang pagkilos ng mga guro ay itinaon sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations sa panukalang badyet ng Department of Education (DepEd) sa 2027. Tanda rin ang pagkilos ng pagsisimula ng selebrasyon ng National Teachers’ Month. 

Sa naganap na deliberasyon, inilantad ni ACT Partylist Rep. Antonio Tinio na walang nakalaang pondo para sa pag-empleyo ng dagdag na mga guro sa susunod na taon sa kabila ng pag-amin ni DepEd Secretary Sonny Angara na kulang ng 14, 274 mga guro sa basic education.

Ani Tinio, katumbas ito ng mas mabigat na trabaho pero walang sapat na suweldo para sa mga guro. 

Ayon kay ACT chairperson Ruby Bernardo, ngayong buwan ng mga guro, hindi mga walang lamang papuri ang kailangan nila, kung hindi kongkretong aksiyon para iangat ang kalagayan ng mga guro.

“Ang P50,000 entry-level salary ay hindi sobra sa kakayahan ng gobyerno o kalabisan sa isang regular na manggagawa. Isa itong kagyat at makatuwirang panawagan para sa mga guro,” wika ni Bernardo sa Ingles. 

Namahagi naman ng mga lapis na kinabitan ng mga panawagan ang mga guro sa mga kongresista. 

Kasama sa mga panawgan ang pagsuporta sa mga panukalang P50,000 entry-level salary sa mga pampubliko at pampribadong guro at mga teaching personnel sa pampublikong paaralan; pagtataas ng Personnel Economic Relief Allowance tungong P5,000; at paglalaan ng hindi bababa sa 6% ng gross domestic product sa badyet sa edukasyon.

Simbolo anila ang mga lapis ng kanilang hamon sa mga kongresista na kagyat aksiyonan ang kanilang mga panawagan.

“Kung totoong mahalaga ang mga guro, ipakita nila ito sa badyet at mga batas. Wakasan na sistemang kapos na kapos sa pondo ang mga batayang serbisyong panlipunan, habang binubuhos ang rekurso sa discretionary pork, political patronage, confidential and intelligence funds, militarization, at iba pang anti-mamamayan at wala sa hulog na mga prayoridad,” ani Bernardo.