Eleksiyon

ACT Teachers Partylist, kasangga sa laban ng mga guro


Patuloy na pinagsusumikapan ng ACT Teachers Partylist ang pagpapalakas sa boses ng mga guro at mag-aaral upang matiyak ang kalidad ng edukasyon at magandang kinabukasan.

Mahigit isang dekada nang tinataguyod sa Kongreso ng ACT Teachers Partylist ang karapatan ng lahat ng mga guro at estudyante. Sila ang pangunahing naglalapit ng mga isyung kinakaharap ng bawat guro mula sa pagtaas ng suweldo, dagdag na pasilidad at iba pang pangangailangan para sa epektibong pagtuturo.

Sila ang nagsulong ng dagdag na teaching supplies allowance mula P700 tungong P10,000 at pagbabalik ng dating school calendar na mula Hunyo hanggang Marso.

Liban sa mga matagumpay na batas para sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral, patuloy din ang pagigiit nila sa pagtaas ng entry-level na suweldo para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan mula P33,000 patungong P55,000.

Patuloy na pinagsusumikapan ng ACT Teachers Partylist ang pagpapalakas sa boses ng mga guro at mag-aaral upang matiyak ang kalidad ng edukasyon at magandang kinabukasan.

Beterano na sa paglilingkod sa bayan kung ituturing si Antonio Tinio, unang nominado ng ACT Teachers Partylist. Mula noong 2002, naging chairperson siya ng ACT Teachers Partylist at nagsilbi ring kinatawan sa Kongreso sa loob ng siyam na taon.

Si Tinio rin ang Deputy Minority Leader ng Ika-15 Kongreso at pangunahing nag-akda ng Republic Act 10653 na nag-aalis ng buwis sa 13th month pay at iba pang mga bonus na natatanggap ng mga empleyado sa sektor ng edukasyon.

Isa siya sa mga nagpasa ng impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte dahil sa pagtataksil sa tiwala ng taumbayan at maanomalyang paggamit ng pondo ng kanyang Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).

Si dating Rep. Antonio Tinion, unang nominado ng ACT Teachers Partylist. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

“Mahalaga [itong impeachment] dahil ito ay usapin ng pagpapanagot. Kung sa tatay ay pagpapanagot sa usapin ng human rights violations, dito naman pagpapanagot sa pinagkatiwalang public funds kay [Vice President] Sara,” ani Tinio sa panayam sa Pinoy Weekly.

Sa usapin naman ng edukasyon at kapakanan ng mga guro sa bansa, matibay ang pananinindigan ni Tinio na kailangang mas pataasin pa ang badyet sa sektor ng edukasyon imbis na kaltasan ito. Mula sa kasalukuyang badyet na 3% lang ng gross domestic product, dapat itong itaas sa 6% na alinsunod sa pandaigdigang pamantayan.

Ayon kay Tinio, ito ang unang hakbang na kailangang gawin ng pamahalaan upang matugunan ang kakulangan sa bilang ng mga guro, maayos na klasrum, pagpapataas sa suweldo ng mga guro, kakulangan sa dekalidad na learning materials at iba pang isyu na kinakaharap ng sektor ng edukasyon.

“Tumitindig ang ACT Teachers Partylist para sa karapatan ng mamamayan.‘Di lang sa pagtaas ng sweldo ng guro, kundi sa sweldo ng lahat ng mga manggagawang Pilipino at kanilang karapatan. At nagbabantay din tayo sa pondo ng taumbayan,” ani Tinio.

Malapit sa puso ni Helene Dimaukom ang pakikibaka sa karapatan ng mga guro, dahil siya mismo naranasan ang malupit na sistema ng edukasyon sa bansa.

Guro si Dimaukom ng mga estudyanteng may espesyal na pangangailangan sa Cotabato City. Mula nang magturo siya noong 1988, nakita niya ang hirap na dinaranas ng mga estudyante dulot ng kakulangan sa mga guro at maayos na pasilidad. Magmula noon, pinili na niyang ialay ang buhay sa pagtuturo, dahil para sa kanya, karapatan ng bawat Pilipino ang matuto at makapag-aral.

“[Walang item ang gobyerno para sa mga guro sa special education sa mga pampublikong paaralan.] Wala ring mga gamit sa eskuwelahan na nag-cater sa mga may learning disabilities,” sabi ni Dimaukom sa panayam sa Pinoy Weekly.

Dagdag pa ni Dimaukom, iba ang mekanismo sa pagtuturo sa mga estudyanteng may espesyal na pangangailangan kaya napakaimportante na mayroon silang angkop na kagamitan gaya ng braille para sa mga bulag.

Si Helene Dimaukom, ikalawang nominado ng ACT Teachers Partylist. Screengrab from GMA Public Affairs via YouTube

Walang ring mga laboratoryo para sa mga estudyanteng may problema sa pandinig, wheelchair sa mga may mobility disability at iba pang mga kagamitan upang maging epektibo ang kanilang pagtuturo. 

Hindi rin nabibigyan ng maayos na training ang mga guro lalo sa Filipino sign language. Nakokompormiso ang kalidad ng edukasyon na natatanggap ng mga mag-aaral na may kapansanan dahil sa kawalan ng naaayong suporta.

Bukod pa rito, dulot ng kakulangan sa puwersa ng kaguruan at kawalan ng badyet, napipilitan si Dimaukom na gawin lahat ng trabaho bukod sa pagtuturo.

Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development, Depart of Labor and Employment, at lokal na pamahalaan para sa kanilang mga benepisyo at pangkabuhayan.

“Kaya kapag special education teacher ka, parang ikaw na ang direktor, ikaw ang principal, pati janitor.  Ikaw na lahat at hindi ito nakikita ng ating gobyerno,” ani Dimaukom.

Sa kabila ng mga hirap at pagsubok na pinagdaanan ni Dimaukom, hindi siya tumigil sa pakikibaka ng mga karapatang dapat natatamasa ng lahat ng mga guro at mag-aaral.

Bago pa man siya magretiro noong 2024 bilang isang guro, nag-lobby siya sa isang pribadong paaralan upang makapasok ang kanyang mga estudyante na gustong mag-aral sa kolehiyo. Naging matagumpay siya at hanggang ngayon kinakamusta at binibisita pa rin sila.

Hindi natapos sa pagreretiro ang kagustuhang makatulong ni Dimaukom. Ngayon, isusulong niya sa Kongreso ang lahat ng isyu na kanya mismong naranasan upang matugunan at mabigyang-pansin ng pamahalaan.

Isang paalala ang dedikasyon ni Dimaukom na ang tunay na laban ng mga guro, hindi nagtatapos sa loob ng silid-aralan, bagkus sa bawat pakikibaka tungo sa inklusibo at makamasang edukasyon.

Nag-aaral pa lang, mulat na si David Michael San Juan sa reyalidad ng ating lipunan. Alam na niyang iilan lang ang pinagsisilbihan ng pamahalaan at kailangang kumilos upang makatulong sa pagkamit ng pagbabago.

Nang maging student regent si San Juan sa Bulacan State University noong 2005, mas naging buhay ang kanyang aktibismo bilang mag–aaral. Ipinaglaban nila kasama ng iba pang mga estudyante ang mga hindi makatarungang bayarin sa unibersidad.

Isa rin siya sa mga kritiko ng K-12 program bago pa ito maipatupad. Ani San Juan, hindi talaga makakatulong ang programa kung hindi pa handa ang pamahalaan at ang sektor para magbigay ng angkop na pangangailangang pang-edukasyon.

“Binanggit na natin noon na huwag tayong magdagdag ng two years hangga’t hindi naaayos ang K-10. Kapag nagdagdag tayo ng two years, palalalain lang natin ang krisis. Hindi natin maibibigay ang lahat ng kailangan na resources at nangyari na nga,” paliwanag ni San Juan sa panayam sa Pinoy Weekly.

Si David Michael San Juan, ikatlong nominado ng ACT Teachers Partylist. ACT Teachers Partylist/Facebook

Para sa kanya, huli na upang alisin ang K-12 program. Ngayong mahigit isang dekada na mula nang maisabatas ang programa, kinakailangan munang pag-aralan kung bakit ito pumalpak bago ito amiyendahan.

Ayon kay San Juan, napakahalaga ng pakikipag-usap ng pamahalaan sa mga guro at estudyante para sa isang makamasang edukasyon.

Bilang isang propesor sa De La Salle University (DLSU), isusulong niya ang nakabubuhay na sahod para sa mga guro sa mga pribadong paaralan at pagsasabatas ng Magna Carta for Private School Teachers.

“‘Yong very basic na problema sa kawalan ng reading comprehension ng ating [mga] estudyante, na manganganak ng napakaraming problema [gaya ng] ‘di matututo ng ibang subjects, napakadali sanang i-resolve kung magbubuhos ng sapat na resources ang gobyerno,” sabi ni San Juan.

Sa kanyang adbokasiya, binibigyang-diin ni San Juan na ang kakulangan sa suporta ng gobyerno ang lalong nagpapalala sa isyung kinakaharap ng sektor ng edukasyon.

Para sa kanya, hindi lang nakasalalay sa mga batas, kundi sa tunay na pagkilos at pakikipagtulungan ng pamahalaan sa mga guro at estudyante ang magreresolba sa krisis sa ating edukasyon.

Sa bawat hakbang na tinatahak ng mga nominado ng ACT Teachers Partylist, patuloy nilang pinapalakas ang laban para sa mas progresibo, makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon sa bansa.

Pagsisikapan nilang itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng mga guro at mag-aaral. Titiyakin ng ACT Teachers Partylist na magkakaroon ang mga Pilipino ng pantay-pantay na pagkakataon upang makapag-aral at matupad ang mga pangarap.

Patuloy silang magiging ilaw ng pag-asa at pagbabago para sa buong sektor ng edukasyon.