Editoryal

Sa dami ng pagkakasala ni Digong


Sabi ng International Criminal Court, hindi man si Duterte ang kumalabit sa gatilyo sa bawat kasong sisinsinin nila, hindi pa rin mababalewala ang mga polisiyang pinasinayaan niya at pag-engganyo sa patayan na ilang ulit niyang ginawa.

Hindi sapat ang sandosenang habambuhay sa bilangguan para sa ‘di mabilang na kasalanan, karahasan at kalapastanganan na pinangunahan at ipinagtanggol ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi ito bunga ng gawa-gawang pakulo ng oposisyon, o ng simpleng banggaan sa politika sa bansa, o sa pakikipagsabwatan umano ng mga Puti sa mga kaaway niya. Higit sa lahat, hindi ito pang-aapi sa isang sakiting matanda na wala na sa posisyon. 

Lahat ng ito, at ang mga susunod pang mga kaganapan, bunga ng pang-aabusong dati nang ipinagmalaki ni Duterte. Sabi niya mismo sa pagdinig ng Senado noong Oktubre 2024, “Matagal na akong pumapatay ng tao, hanggang ngayon hindi pa sila naka-file ng kaso.” Tama siya—napakabagal ng hustisya sa Pilipinas.

Ang madalas niyang ginamit na katuwiran: kriminal naman ang pinapatay. Ito na rin ang paulit-ulit na ginamit na bala ng kanyang mga tagasuporta. Ang pagpatay, anila, ay paggawad ng hustisya. Ngayong masasakdal na ang dating pangulo, binabali nila ang ginawang sariling lohika at sinasabing hindi dapat itratong kriminal ang sinumang hindi pa napatutunayang nagkasala.

Sabi nga ng mga pamilyang naulila dahil sa giyera kontra droga, buti pa si Duterte, buhay at haharap sa korte. Samantalang ang mga kaanak nila, nadesisyonan nang walang tamang proseso, walang hukuman—tapos ang usapan sa bala. Tulad nga ng muli’t muli ipinapaalala ng mga tanggol-karapatan, may higit 30,000 ang patay sa giyera kontra droga (na sa totoo’y giyera kontra sa mahihirap). Kinikilala mismo ng gobyerno sa datos nito na may higit 6,000 pagpatay ang naganap sa mga operasyon ng pulisya.

Sabi ng International Criminal Court, hindi man si Duterte ang kumalabit sa gatilyo sa bawat kasong sisinsinin nila, hindi pa rin mababalewala ang mga polisiyang pinasinayaan niya at pag-engganyo sa patayan na ilang ulit niyang ginawa.

Noong 2016, sinabi ni Duterte na kapag may ginawang mali ang mga tao sa midya, hindi makakatakas sa pagpatay. Sa kanyang State of the Nation Address noong 2017, sinabi niyang bobombahin ang komunidad ng mga Lumad dahil sa paratang niya ng pagrerebelde.

Taong 2017 rin nang sabihin niya na dapat pagbabarilin ang mga tanggol-karapatan na tutol sa tipo niya ng hustisya. Noong 2022, sa gitna ng kaguluhan ng pandemya, mahirap malimutan ang sinabi niyang “shoot them dead.”

Lahat ng ito, patunay na kailanman hindi naging biktima si Duterte, dahil simula’t sapul nag-aasta siyang maykapangyarihang mamili kung sino ang mabubuhay at sino ang hindi.

“Responsable si Duterte sa pagpatay sa 422 na mga aktibista, at tangkang pagpatay sa 544 pang iba, sabi ni Karapatan deputy secretary general Maria Sol Taule. Kasama na rito ang tinaguriang “Bloody Sunday Massacre” kung saan sunod-sunod na pinatay ang mga aktibista at tanggol-karapatan sa Calabarzon, ang ikalawang Lianga Massacre, at higit isang dosena pang iba sa iba’t ibang lalawigan.

At kahit pa bumaba na siya sa posisyon, hindi niya tinigil ang pagbabanta. Sabi niya sa isang programa ng Sonshine Media Network International, “‘Yon komunista patayin, kasali ka, dapat!” tungkol kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro. 

Kung hindi poot sa kriminal ang idinadahilan, masidhing pag-ibig naman sa Pilipinas ang pinapamandila ni Duterte at ng mga kaalyado niya. Lahat ng ginawa niya, kuwestiyonable man o hindi, anila, dahil ganoon na lang niya mahalin ang mga Pilipino. 

Ang nagmamahal, nagmamahal ng tapat. Hanggang ngayon, hindi na nabigyang linaw ang naging “gentleman’s agreement” sa pagitan ni Duterte at ng Tsina. Ano ang ipinagpalit niya sa suporta ng dayuhan? Sino ang nakinabang sa lahat ng isinapubliko at itinagong mga kasunduan?

Matapos ang 2017, hindi na muli ipinagtapat ni Duterte ang kanyang kayamanan gamit ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Ito na rin siguro ang nagbigay-tapang kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ianunsyong hindi siya magpapakita ng SALN noong kandidato pa lamang siya. May pagkakahawig ngang tunay ang mukhang magkaaway.

Kulang itong espasyo kahit pa ilalaan ang buong diyaryo para sa listahan ng lahat ng inapi, inalipusta, pinagbantaan at ninakawan (salapi at buhay) ni Duterte.

Mahaba pa ang listahan at madugo ang tinta, at higit sa lahat, marami pang hakbang ang kailangan bago makamtan ang katarungan. Kaya ganoon na lang rin ang tugon: hindi makakalimot ang sambayanan, hindi titigil ang laban.