Kabataan

Pagbabawas ng GE subjects, garantisadong empleyo?

Malaki ang papel ng general education at core subjects sa pagpapalawak ng kaalaman ng kabataan. Hindi ito simpleng pandagdag sa kurikulum kundi pundasyon para sa malalim at kritikal na pagsusuri sa mga isyu.

Hindi lang paghahanda sa trabaho ang tunguhin ng edukasyon. Hinuhubog rin sa paaralan ang kakayahang mag-isip nang malaya’t kritikal, magsuri nang malalim at unawain ang malawak na sistemang panlipunan. Ngunit patuloy na nililimitahan ang ganitong papel ng edukasyon sa pamamagitan ng panukalang pagbabawas ng mga asignatura sa general education (GE).

Sa University of the Philippines (UP), isinusulong ni UP President Angelo Jimenez na bawasan ang GE units sa panukalang 2025 UP Core Curriculum mula 45 patungong 30 na magpapaikli sa undergraduate programs sa tatlo hanggang tatlo’t kalahating taon. Nakabalot ito sa ideya ng “rationalization” o pagpapadali ng degree programs upang gawing mas episyente umano ang edukasyon.

Samantala, sa senior high school (SHS), itinutulak ng Department of Education (DepEd) ang pagbabawas ng core subjects mula 15 patungong apat o lima. Iginigiit na layunin nitong bigyan ng mas maraming oras ang work immersion ng mga estudyante upang maging mas “employable” matapos ang SHS.

Dahil sa mga panukalang ito, lumilinaw ang direksiyon na tinatahak ng edukasyon sa bansa—inihahanda ang kabataan para maging mura at siil na lakas-paggawa.

Malaki ang papel ng GE at core subjects sa pagpapalawak ng kaalaman ng kabataan, higit sa salik ng kasaysayan, politika at kultura ng lipunang Pilipino. Hindi ito simpleng pandagdag sa kurikulum kundi pundasyon ng mas malalim na pagsusuri sa mga isyung panlipunan.

Ayon kay Iya Trinidad, national president ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) at dating UP Student Regent, “Yong mga GE [unit o course] within UP ay mga literature [subject], history, kumbaga dito natin napapalawig ‘yong identity at history natin bilang mga mamamayang Pilipino. Kaya ‘yong importansiya niya ay highly related sa identity building natin bilang mga mamamayang Pilipino.”

Binigyang-diin din niya na hindi na bago sa komunidad ng UP ang laban sa pagpapanatili ng GE.

“Long, hard-fought na laban ito ng academic community, at least in UP. Frequent ‘yong pagkakaroon ng threats ng pagbabawas ng GE. But we have always stood firm,” aniya.

Bilang isang produkto rin ng K-12 program, ibinahagi rin ni Trinidad ang naging epekto ng mga core subject ng SHS sa kanyang pagkatuto.

“‘Yong mga important [subject] na marami akong natutunan, like UCSP (Understanding Culture, Society and Politics), ito ‘yong mga tine-take na [subject] ng lahat, regardless of your senior high school strand. Very core talaga yung mga GE [subject].”

Palma Hall sa University of the Philippines Diliman kung saan itinuturo ang maraming asignatura sa general education tulad ng agham panlipunan, kasaysayan, pilosopiya, wika at panitikan sa Ingles at Filipino, aralin sa sining at iba pa. Lorence Lozano/Philippine Collegian

Sa kasalukuyang kurikulum ng SHS, kabilang sa mga core subjects ang UCSP, Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino, Pagbasa at Pagsusuri ng Iba’t Ibang Teksto Tungo sa Pananaliksik at 21st Century Literature from the Philippines and the World.

Para kay David Michael San Juan, ikatlong nominado ng ACT Teachers Partylist, hindi puwedeng basta alisin ang mga core subject na ito sa SHS dahil “ito ang pinakapuso ng kurikulum.”

Nagpadala si San Juan ng liham sa DepEd kaugnay sa usapin matapos siyang imbitahan sa isang brainstorming session upang pag-usapan ito, kung saan iminungkahi niya na itigil ang pagraratsada sa pagbabago ng kurikulum sa SHS, magpokus sa pagrerebyu sa kasalukuyang kurikulum at mas mapalawak ang konsultasyon sa mas malaking bahagi ng sektor ng edukasyon.

Pero ang nangyayari, imbis na magkonsulta muna ang DepEd sa mga sektor bago gumawa ng kurikulum na angkop para sa kanila, gumagawa ng agaran at minadaling kurikulum ang ahensiya at niraratsadang maipasa agad ito sa lalong madaling panahon. 

Sa isang pahayag naman, isiniwalat ng Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy ang kakulangan ng tunay na konsultasyon sa pagbuo ng UP Core Curriculum. Hindi isinama sa drafting process ang mga mag-aaral at guro, kaya hindi nito tunay na nilaman ang interes at pangangailangan ng komunidad.

Isang nakaambang peligro kung magpapatuloy ang ganitong estado ng GE. Mababawasan ang espasyo para sa kritikal na pag-iisip ng mga estudyante na siyang pangunahing hangarin nito, habang idinidiin ang sistema ng outcome-based education.

Kung kapakinabangan sa trabaho lang ang pag-uusapan, malaking bahagi rin ng mga matututunan sa GE subjects ang magagamit sa trabaho, ayon kay San Juan. 

Pero dagdag niya, hindi lang naman dapat para magtrabaho ang esensya ng pamumuhay kundi “kung papaano tayo makakapag-ambag sa pagpapabuti ng lipunan.”

Hindi simpleng reporma sa kurikulum ang patuloy na pagbabawas ng GE subjects. Bahagi ito ng neoliberal na hangarin sa edukasyon na itulak ang mga estudyante na maging murang lakas-paggawa. 

Ayon kay Ayn Bulangis, secretary general ng UP Diliman University Student Council, “Minamadali ng UP [administration] ang pagpapatupad ng GE reform upang mas mabigyang-daan nito ang pagpapatupad ng iba pang neoliberal na adyenda. Imbis na pagtuunan nila ng pansin ang matagal na krisis namin sa pagkuha ng units, inuuna nila ang pagbabago sa UP curriculum.”

Dagdag ni Bulangis na ang pagbawas ng GE ay “pagbabawas din sa pagiging UP ng UP” at mas lalo nitong mapapasidhi ang pagiging market-oriented ng edukasyon sa pambansang pamantasan.

Ipinunto rin ni Trinidad na manipestasyon ito ng kagustuhan ng mga administrador ng pamantasan at ng gobyerno na gawing handa sa empleyo, barat ang sahod at sunud-sunurang manggagawa ang mga estudyante.

“Pero ayaw naman natin ng gano’n. Hindi ‘yon ang essence ng pagkuha natin ng edukasyon. Gusto natin maging sharp, critical at intellectual individuals, not just work-ready,” dagdag niya.

Sa kabila ng mga panukalang pagbabawas ng GE, patuloy ang paglaban ng iba’t ibang sektor upang isulong ang isang makabayan, siyentipiko at makamasang edukasyon.

“‘Yong panawagan natin para sa mga estudyante, sa SHS at UP, ay tutulan ‘yong mga ganitong [maniobra] ng ating mga [adminitrador] at gobyerno para bawasan ‘yong GE subjects natin. Ipaglaban natin na hindi nito masosolusyunan ‘yong kasalukuyang problema at krisis ng [sistema ng edukasyon],” wika ni Trinidad.

Binanggit din ni Bulangis na kailangang ipaglaban ng mga estudyante ng UP ang mga GE subjects, “Bilang parte [ito] ng aming pagiging UP student at parte rin ito ng pagpapanday namin sa aming mga sarili bilang kaagapay, kasama at kasangga ng masang api sa pagpapabago ng lipunan.”

Ayon naman kay San Juan at sa bahagi ng SHS, walang mali sa pagrerepaso ng kurikulum, pero kinakailangan na nakaangkla ito sa tunay na pangangailangan ng mga mag-aaral at taumbayan na makikinabang sa edukasyong matatamasa rito, hindi upang basta na lang maging mabilisang bahagi ng umiiral na empleyo.

Sa isang pulong na nilahukan ni San Juan at ng ibang guro sa SHS nitong Enero, inilunsad nila ang Sustain And Greatly Improve Progressive SHS Core Subjects (Sagip-SHS Core) upang maipaglaban ang mas holistiko at makabayang kurikulum sa SHS.

Ayon kay San Juan, asahan ang mga diyalogo at kampanyang isasagawa ng Sagip-SHS Core at pinapanawagan niya ang mga estudyante at guro na makilahok sa mga aktibidad na isasagawa nila upang tutulan ang pagbabawas ng mga GE subjects. 

Samantala sa UP, natalakay na ang panukala sa huling Board of Regents meeting bilang bahagi ng adyenda nito.

“Tinutulan ito ng mga sektor sa pamamagitan ng ating sectoral regents, kaya ang naging aksiyon ng board ay ‘noted’ lamang,” sabi ni Trinidad.

Gayunpaman, binigyang-diin niya ang agarang pangangailangan para sa pagkilos ng buong komunidad ng UP at iba pang sektor sa edukasyon upang tutulan ang pagbabawas ng GE subjects sa mga paaralan.