Rebyu

Pangarap at pag-ibig ni Nimfa Manggagawa


Rebyu ng pelikulang animation na Hayop Ka! The Nimfa Dimaano Story. Dinirehe ni Avid Liongoren, isikrip nina Manny Angeles at
Paulle Olivenza, produksiyon ng Rocketsheep Studio at Spring Films. Mapapanood sa Netflix.

Pusang saleslady sa mall si Nimfa Dimaano. Tulad siya ng maraming babae sa lungsod: nagsisikap sa trabaho, nagpaaral ng kapatid sa kakarampot niyang sahod, at nakikipagrelasyon sa isang kapwa service worker na janitor sa mall. “Sakto lang, minsan kulang pa,” sabi nga ni Nimfa.

Pero tulad din ng marami, nangangarap siya ng mas maaliwalas sa buhay. “Ano ang ipapakain mo sa akin, special pares tuwing anniversary natin?” pakutyang tanong ni Nimfa sa jowang askal na si Roger nang magyaya itong magpakasal. Minsan, matapos ang pakikipagtalik kay Roger, kalagitnaan ng gabi, naalala niya ang mga eksena sa mga pelikula. Ang mga babaeng bida, matapos makipagtalik, habang nasa kama, sasandal sa pader, ang kumot nakatakip sa suso, maninigarilyo. “Sayang, hindi ako nagsisigarilyo,” sabi ni Nimfa. Sagot ni Roger, itulog mo na lang iyan.

Sa susunod na mga araw, makakatagpo niya ang mayamang lalaking aso, si Iñigo Villanueva, na tila katuparan ng lahat ng ipinangarap niya sa sarili.

Ito ang simula ng kuwento ng Hayop Ka! The Nimfa Dimaano Story, isang animated na pelikula na mapapanood sa streaming service na Netflix (pero tiyak, mapapanood sa ibang paraan — alam na ninyo kung papaano). Dinirehe ng kilalang direktor at animator na si Avid Liongoren mula sa iskrip nina Manny Angeles at Paulle Olivenza, bahagi ito ng tradisyon sa animated na mga pelikula na gumagamit ng antropomorphic na mga karakter. Anthropomorphism ang tradisyon sa pagkukuwento at paggawa Pangarap at pag-ibig ni Nimfa manggagawa ng pelikula na paggagawad ng mga asal at kilos ng tao sa di-taong mga nilalang tulad ng mga hayop. Ibig sabihin, asal tao ang mga hayop sa mga kuwentong anthropomorphic.

“Mas kaunti pa sa 10 ang animated feature films sa buong 100-taong kasaysayan ng pelikulang Pilipino,” sabi ni Liongoren, sa wikang Ingles, sa kanyang Instagram account noong Setyembre, “at gusto naming mag-ambag dito, habang umaasang paunti-unti, balang araw ay mas makilala na ang mga animator na Pilipino hindil lang bilang service providers kundi manlilikha na rin.”

Bagu-bagong landas ng pagkukuwento ng mga Pilipino ang tinatahak ni Liongoren sa pelikulang Hayop Ka. Bukod sa pagpapamalas ng galing sa animation, pinakita niyang epektibo ang pormang ito kahit hindi pambata ang kuwento. Hindi pambata ang lengguwahe ng mga karakter, mga stiwasyon sa pelikula at kahit ang nakapailalim na komentaryong panlipunan sa pelikula.

Pangalan pa lang ng mga karakter, komentaryo na sa pagkakahati-hati ng lipunan sa pagitan ng mga uri. Halimbawa, ang mayamang aso na may breed ay si Iñigo, pangalang tila tunog-mestizo at tila ginagamit lang ng mayayamang Pilipino. Ang kapwa saleslady na bestfriend naman ni Nimfa ay si Jhermelyn — may “h”, siyempre, dahil madalas na sinisingitan ng “h” ang pangalan ng mahihirap para siguro gawing mas sosyal ang tunog.

Sa pangarap ni Nimfa na makaangat sa buhay at makakuha ng mayamang boyfriend tulad ni Iñigo, kinakatawan niya ang petiburges na pangarap na makaakyat sa hagdang panlipunan. Ayaw niya kay Jerry (lagi pa niyang tinatawag itong Larry), ang valet (o taga-park ng sasakyan) ni Iñigo sa kanyang bilding. “Medyo kapos sa hitsura,” sabi ni Nimfa. Hirit naman ni Iñigo, baka iyun ang dahilan kung bakit siya mabait — kasi pangit.

Sukdulan pang itakwil ni Nimfa ang busabos na dating jowa na janitor, ang bestfriend na si Jhermelyn, at kahit ang kanyang 17-anyos na kapatid na may sanggol at nanay sa probinsiya.

Siyempre, tulad ng inaasahan, hindi magtatagal ang buhay-alta ni Nimfa. Muli siyang nahatak sa pakikipagtuos kay Roger, na nasa piling na ni Jhermelyn. “Hindi ka bagay sa mundo namin!” sigaw ni Roger kay Nimfa. Pero mali si Roger. Kay Iñigo hindi nababagay si Nimfa. Iba ang mundong iniikutan ng mayayaman sa mahihirap. Iba ang moralidad ni Iñigo, na walang nakikitang mali sa pakikipag-apid sa ibang babae habang nakikipagrelasyon pa rin kay Nimfa. Sa huli, babalik siya sa Paresan. May bagong pagpapahalaga siya sa simpleng buhay ng maralitang manggagawa. Ang Paresan, sa mata ng manonood, matatransporma namistulang Paris, ang Europeong lungsod ng pag-ibig at karangyaan. Ang antenna ng telebisyon, naging Eiffel Tower (sikat na tore sa Paris). Masaya at kuntento na rito, kahit papaano, si Nimfa.

Progresibo naman ang mensahe ng Hayop Ka: May dangal ang mahihirap, at may imoralidad sa pagiging mayaman. May suri, kahit pasilip lang, ang pelikula sa imoralidad na ito: Sa paunang mga eksena o drowing, may pinakitang imahe ng protesta laban sa mga Villanueva na landgrabber daw. Narinig din ng manonood ang dulo ng pakikipag-usap ni Iñigo sa telepono ang pakikipagkuntsaba niya sa mga pulitiko (kay “Gov. Singsong”) at mga oligarko (“How did ito go with Gokong-WI?” tanong ng socialite niyang nanay) para sa mga transaksiyon niya sa negosyo. Higit kina Roger, Jhermelyn, Jerry at Nimfa, itong si Iñigo ang umasal-hayop, kumbaga.

Samantala, sa end credits na mga drowing, makikita si Nimfa na naglalakad habang may rali laban sa kontraktuwalisasyon. Isa isa pang eksena, sumali siya sa isang rali para igiit ang “maternity leave”. Sa sumunod na drowing, dinispers ng mga pulis ang piket o rali nila at hinuli ang ilan sa mga nagprotesta.

Mabuti na lang at may ganitong mga drowing sa end credits. Kasi kung hindi, ang pinakamensahe na siguro ng kuwento ni Nimfa ay dapat makuntento na lang ang mahihirap sa abang buhay nila. Marangal ang maging mahirap, pero hindi makikita ng manonood na may kaugnayan ang kahirapan nila sa karangyaan ng iilan. Hindi makikita na direktang resulta ng estado ng karangyaan ng iilan ang paghihirap ng karamihan. Gayunman, salamat sa end credits, maaaring magkaideya tayo na ganito nga ang reyalidad.

At hindi masamang lumaban para sa karapatan at interes ng kapwa manggagawang maralita. Hindi lang pag-ibig sa jowa ang dapat na pinaglalaban. Higit dito, pag-ibig sa aping uri rin.