Natatanging Progresibo ng 2020

December 31, 2020

Pandemya, pasismo, kalamidad, kapabayaan. Sa harap ng lahat nang ito, tumindig ang mga progresibo nitong taong 2020.

2009 | 2010 | 2011 | 2012 | 2013 | 2014 | 2015 | 2016 | 2017 | 2018 | 2019
Mahirap masuma ang taong 2020 sa isang maikling talata o pangungusap. Pero sisikapin pa rin namin: Taon ng matinding pagsubok sa mga mamamayan, paglalantad sa kabulukan at kainutilan ng rehimeng nakaupo sa poder, pagtindi ng panunupil, at pagbabadya ng pag-igting na paglaban. Napailalim ang mundo sa pandemyang malupit sa mahihirap at bulnerable, habang nakitaan ito ng pagkakataon ng pasistang mga rehimen para lalong higpitan ang hawak sa poder at magpatupad ng mapanupil na mga palakad na matagal na nitong gustong ipataw sa mga mamamayan nito. Sa ating bansa, ipinasa ng rehimeng Duterte ang Anti-Terrorism Act, isang kasuklam-suklam na batas na kinondena ng halos lahat ng mga mamamayan o grupong may pagmamahal sa kalayaan at pag-aasam sa demokrasya — halos lahat, maliban na lang sa mga gaganansiya sa pagsupil sa oposisyon, militante man o tradisyunal. Bilang paghahanda sa malawakang panunupil, nagsagawa ang mga galamay ng pasistang rehimen ng kampanyang paninira, ng red-tagging, para ihiwalay ang mga progresibo at bigyan-katwiran ang pagsupil sa kanila sa ngalan ng pagkontra sa terorismo. Pero hindi naihiwalay ang mga progresibo. Tumining ang katumpakan ng paglaban para sa demokratikong mga karapatan ng mga mamamayan, nalantad ang kabulukan ng rehimen, ang elitismo nito, ang kalupitan nito. Narito ang ilan sa tampok na mga progresibong grupo, personalidad, pangyayari ng mapanghamong taong 2020.

Natatanging Progresibong Pagkilos

.

Grand Mañanita sa UP Diliman. Ipinagbawal ang pagtitipon ng maramihang mga tao sa panahon ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na ipinatupad ng rehimeng Duterte sa ngalan ng paglaban sa pandemya. Pero sa mga kampo ng militar at pulisya, tila hindi ito aplikable. Ipinamalas ng pagdiriwang ng kaarawan ng noo’y National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Gen. Debold Sinas (na kalauna’y naging hepe ng Philippine National Police) na tila di nila itinuturing na sakop sila ng health protocols: maramihang pagtitipon, inuman, walang mask ang karamihan. Pinaskil pa ang mga larawan sa FB page ng NCRPO. Nang makatanggap ng malawakang pagkondena sa social media, pinagtanggol pa ni Sinas. “Mañanita” lang daw iyun. Noong Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, nagtipon sa University Avenue ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Quezon City ang libu-libong tao. Kung puwedeng magtipon ang mga pulis para sa kaarawan ng hepe nila, lalong may karapatan ang mga mamamayan na magprotesta sa tiwali at elitistang mga gawi ng nasa kapangyarihan. Isang enggrandeng “mañanita” rin ang naganap — satirikal na patama sa party ni Sinas. Sukdulang may malaking effigy pa ng Voltes V — na tema ng “mañanita’ ni Sinas. Pero di tulad ng mga pulis, isinapraktika ng mga tao ang social distancing at pagsuot ng masks. Ang mahalaga, binasag nila ang katahimikan at pagkabalisa ng mga mamamayan sa harap ng lantarang pang-aabuso ng mga nasa puwesto.

Mga nominado: Black Friday protests para sa prangkisa ng ABS-CBN; Mga pagkilos kontra sa Anti-Terrorism Bill/Law; Protesta sa UP Diliman noong State of the Nation Address; Luksang-martsa para sa pinaslang na lider-magsasaka na si Randall Echanis; luksang martsa para kay Baby River Emmanuelle Nasino; Protesta ng mga manggagawa at mamamayan noong Mayo 1; Protesta noong International Human Rights Day, Disyembre 10; Protesta noong Araw ni Bonifacio, Nob. 30, sa UP Diliman; Protesta noong anibersaryo ng Martial Law, Setyembre 21; Protesta ng mga magsasaka noong Oktubre sa Peasant Month

Natatanging Progresibong Organisasyong Masa

.

Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay. Mga maralita ang pinakabulnerable sa panahon ng kalamidad at pandemya. Dalawang linggo pa lang matapos ideklara ng rehimeng Duterte ang lockdown sa Kamaynilaan at iba pan bahagi ng bansa, idinadaing na ng maraming komunidad ng maralita ang gutom at kakulangan ng ayuda. Sa Sityo San Roque sa Quezon City, nabalitaan ng ilang maralita na may magbibigay daw ng relief goods. Paglabas nila sa EDSA, mga pulis ang bumungad sa kanila. Wala raw mamimigay relief. Nagalit ang ilang residente, saka sila dinispers ng mga pulis. Umabot sa 21 ang hinuli. Bagamat ilan lang sa mga hinuli at nagprotesta ang miyembro ng Kadamay, malakas na nagrehistro ng protesta ang grupo laban sa pandarahas sa mga maralitang humihingi lang ng tulong sa gobyerno. Sa pampublikong mga pabahay sa Pandi, Bulacan, mistulang batas militar ang pinatutupad ng pulisya. Pangunahing target nito ang mga miyembro at lider ng Kadamay. Pinagdiskitahan pati ang Pinoy Weekly, at ang mga residenteng nagprotesta para sa ayuda noong Mayo 1 sa loob ng bahay nila.

Mga nominado: Gabriela, na mahigpit na inorganisa ang mga maralitang kababaihan sa iba’t ibang komunidad, sa kabila ng panunupil; National Union of People’s Lawyers, na nanguna sa legal na paglaban para sa karapatang pantao sa panahon ng mga lockdown at sunud-sunod na mga atake; Piston, na giniit ang karapatan ng mga drayber at operator sa #BalikPasada; Anakbayan, na naging mapanlikha sa pag-oorganisa ng kabataan sa panahon ng social distancing; Concerned Artists of the Philippines, na naging aktibo sa paglulunsad ng mga aktibidad online at offline para tipunin ang mga artista at alagad ng sining para igiit ang karapatang pantao; at Karapatan sa pagtindig sa karapatang pantao.

Natatanging Progresibong Lider-Masa

.

Rey Valmores-Salinas ng Bahaghari. Pinangahasan ng Bahaghari at Gabriela ang pagbasag sa katahimikan sa Mendiola noong Hunyo. Sa kabila ng mga restriksiyon, nakapagtipon ang mga aktibistang LGBTQ+ sa Recto Avenue para magmartsa — dala hindi lang bilang paglaban sa diskriminasyon, kundi para tutulan din ang Anti-Terrorism Law, igiit ang libreng Covid-19 mass testing at gayundin ang ayuda sa maralita. Ilang minuto lang na nakatuntong dila sa Mendiola, marahas na dinispers ng mga tauhan ng Manila Police District ang mga nagrali. Umabot sa 20 ang hinuli, kasama ang tagapagsalita ng Bahaghari na si Rey Salinas. Kahit sa loob ng himpilan ng MPD, nagpakita ng militansiya ang 20, kasama si Salinas, na naging mukha ng paglaban ng mga miyembro ng LGBTQ+ community sa pasismo at paggiit ng karapatan kahit sa panahon ng pandemya. Matapos makalaya, lumahok din si Salinas sa pagsampa ng petisyon sa Korte Suprema para obligahin ang rehimeng Duterte na magkaroon ng libreng mass testing.

Mga nominado: Dr. Josh San Pedro para sa Coalition for People’s Right to Health; Prop. Judy Taguiwalo at Dr. Julie Caguiat, tagapagsalita ng CURE Covid; Danilo Ramos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas; Ariel Casilao ng Anakpawis; Vinz Simon ng Anakbayan; Renato Reyes Jr. ng Bayan; Mimi Doringo ng Kadamay; Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno; Fides Lim ng Kapatid, Bishop  Gerardo Alminaza ng Negros, Bishop Broderick Pabillo ng Pilgrims for Peace, Sr. Mary John Mananzan ng Movement Against Tyranny…

Natatanging Progresibong Alyansa o Koalisyon

.

Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid). Nabuo bago pa man ang deklarasyon ng enhanced community quarantine, at ang modified na bersiyon nito, inisyatiba ang CURE Covid ng iba’t ibang komunidad at sektor para sa igiit ang ” kalusugan, kabuhayan at karapatan” ng mga mamamayan sa panahon ng pandemya. Pagpataw ng lockdown sa Kamaynilaan, mabilis na nabuo ang lokal na mga pormasyon ng CURE Covid. Sa ilang pagkakataon, katuwang ang lokal na mga opisyal. Sa iba, mga institusyon ng simbahan. Naglunsad ang grupo ng mga relief missions, community kitchens, feeding centers, habang nagpalaganap ng mga polyeto at babasahin hinggil sa Covid-19 at papaano makaiwas dito. Samantala, natipon din nito ang mga eksperto, propesyunal at grupo para magbigay-gabay sa mga programa ng komunidad. Nakapaglunsad ito ng dalawa-sa-isang-linggo, at kalauna’y lingguhan, na public briefings hinggil sa iba’t ibang aspekto ng pandemya — mula sa punto-de-bista ng mga mamamayang pinaka-apektado nito.

Mga nominado: Tulong Kabataan, inisyatiba ng mga grupong kabataan para sa relief missions sa panahon ng pandemya at kalamidad; Justice for Echanis, Justice for All o JEJA, na tinipon ang maraming nananawagan para hustisya sa pagpaslang kay Randy Echanis at iba pa; Concerned Lawyers for Civil Liberties, na nagbuklod sa mga abogado at personalidad para igiit ang karapatang sibil; Save San Roque Alliance, na nagtipon sa mga propesyunal, personalidad at mga nasa panggitnang uri para umayuda sa maralitang komunidad ng San Roque; Pag-asa, grupo ng iba’t ibang tao na aktibo sa pagibibigay-ayuda sa panahon ng lockdown at kalamidad; Shape Up, kalipunan ng health professionals para sa progresibong pagharap sa pandemya, Movement Against Tyranny, malapad na alyansang kontra tiraniya…

Natatanging Progresibong Desisyon o Panukala (Ehekutibo, Lehislatibo o Panghudikatura)

.

Hazard pay para sa frontline health workers. Hindi kusang ibinigay ng Ehekutibo ang hazard pay para sa frontline health workers sa panahon ng Covid-19. Sa ilalim ng Administrative Order No. 35, makakatanggap dapat ang health workers na tumutugon sa pandemya ng karagdagang P3,000. Sa Administrative Order No. 36, ginawaran sila ng special risk allowance na aabot sa P5,000 para sa health workers na “direktang tutugon o may kontak sa” mga pasyente ng Covid-19. Sakop nito ang mga nagtrabaho mula Setyembre 15 hanggang Disyembre 19. Pero hindi isinama sa naturang mga utos ang mga kontraktuwal, o walang “relasyong employer-empleyado” at “mga pinondohan mula sa non-personnel services appropriations o mga badyet”. Pero daing ng health workers, patuloy na naaantala ang pamamahagi ng naturang benepisyo. Kung kaya nitong Disyembre, tuluy-tuloy ang pagprotesta ng Alliance of Health Workers para igiit ito. Patuloy pa rin nilang ipinananawagan ang P16,000 entry-level salary para sa Salary Grade 1 at pagbibigay ng performance-based bonus noon pang 2018 at 2019.

Mga nominado: Paid Pandemic Leave Bill para sa mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor; Petisyon sa Korte Suprema para obligahin ang Ehekutibo na magsagawa ng libreng mass testing; Desisyon ng Department of Justice na ibasura ang reklamong kasong “kidnapping” laban sa Anakbayan; Desisyon ng Korte Suprema laban sa petisyon ni Bongbong Marcos Jr. na ipawalang-bisa ang pagkahalal kay Bise-Pres. Leni Robredo; pagbasura sa gawa-gawang kaso laban sa #Pride20

Natatanging Progresibong Opisyal (Ehekutibo o Hudikatura)

.

Bise-Pres. Leni Robredo. Pinamalas ni Robredo ang malaking pagkakaiba niya sa nakaupong Pangulo: Masipag at alertong tumugon at namuno sa relief efforts sa panahon ng mga bagyo, nagbato ng mga kongkretong panukala (at puna) sa administrasyon para mas maayos na tugunan ang pandemya, nagsalita laban sa mga kaso ng panunupil. Sa kabila ng trolling at panghaharas sa kanya ng troll army at malalapit na tagasuporta ni Duterte, pinakita ni Robredo ang ilang bagay na hinahanap natin pero hindi makita-kita sa Pangulong pinupuyat tayo kahihintay sa kanyang mga hatinggabing talumpati (inamin niyang tanghali na siya nagigising) na puno ng kuwentong kutsero at mura.

Mga nominado: Marikina Mayor Marcy Teodoro, maagap sa pagtugon sa mga problemang iniluwal ng pandemya sa Marikina, at sensitibo sa mga hinaing ng mga maralita; Pasig Mayor Vico Sotto, nagpakita ng pro-active na pagtugon sa pandemya, sensitibidad sa mga maralita at maralita ng lungsod, at siyempre, paggalang sa karapatan sa regular na trabaho ng mga empleyado sa lokal na gobyerno; Cavite Gov. Jonvic Remulla, sa pagtindig laban sa red-tagging sa kanyang sinasakupang probinsiya; UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo, sa pagtindig sa independensiya ng naturang kampus at nagtakda rito bilang malayang purok para sa protesta at pagpapahayag…

Natatanging Progresibong Mambabatas

.

Mga kongresista at senador na bumoto kontra sa Anti-Terrorism Act. Sa Kongresong may supermayorya ang Pangulo, may 27 na kongresistang matapang na bumoto kontra sa isa sa pinakamasahol na batas para sa karapatang pantao ng mga Pilipino. Nilabanan nila ang presyur, mula sa Malakanyang at “national security sector”, para ipasa ang batas na malinaw na gagamitin para supilin ang mga tumututol sa rehimeng Duterte. Sa Senado, matapang ding umayaw sa ATA sina Sen. Francis Pangilinan at Sen. Risa Hontiveros. Samantala, habang sinusulat ito, lumabas na ang balita na nagdesisyon ang Anti-Terrorism Council na ituring daw na “terorista” ang CPP-NPA-NDF — na di-makatwiran at labag sa anumang diwa ng usapang pangkapayapaan at paghangad para sa pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa hustisya.

Mga nominado: Mga kongresistang bumoto pabor sa prangkisa ng ABS-CBN; Sen. Leila de Lima, sa pagtindig para sa karapatang pantao sa kabila ng pagkakapiit sa kanya; Sen. Grace Poe, sa pagtanggol sa Makabayan sa Senate hearing hinggil sa red-tagging; Sen. Risa Hontiveros sa pagkuwestiyon sa badyet ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict…

Natatanging Progresibong Midya

.

Rappler. Mas matapang, dahil nahasa ng mga tangkang panunupil, ang coverage nitong nakaraang taon ng online media outfit na pinangunahan ng Time Person of the Year noong 2018 na si Maria Ressa. Habang ipinagpatuloy nito ang komprehensibong coverage sa iba’t ibang larangan, naging mahigpit ang pagsubaybay ng Rappler sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, sa mga pamamaslang, sa pagkulong at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa human rights defenders. Nagsalita rin ang Rappler laban sa kumpiskasyon ng mga kopya ng Pinoy Weekly sa Pandi, Bulacan, gayundin sa red-tagging sa alternative media outfits.

Mga nominado: Mga media institutions na naglabas ng joint statement laban sa red-tagging ng NTF-Elcac laban sa alternative media; National Union of Journalists of the Philippines, sa mahusay na pamumuno sa laban para sa press freedom nitong 2020; sa PhilStar.com, sa matapang na pag-uulat, at minsa’y makulit at sarkastiko na hirit nito sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng rehimeng Duterte; ABS-CBN, sa matapang na pag-ulat sa kabila ng pagtanggi sa kanilang aplikasyon sa prangkisa; Christian Esguerra ng ANC, na isa sa pinakamasinsin at matalinong tagapanayam sa mga opisyal ng gobyerno; Groundswell News, bagong tatag na pandaigdigang repository ng progresibong mga ulat…

Natatanging Progresibong Kanta (o Album)

.

“Walang Ma-chow” (Halaw mula sa “Bella Ciao”) ng Plagpul. Eksakto ang timing ng paglabas ng kantang ito sa social media. Patok sa mga manonood ng Netflix ang “Money Heist” na ginamit ang kantang “Bella Ciao”. Galit din ang netizens sa gobyerno dahil sa serye ng viral na mga istorya ng pagkagutom, kawalan ng ayuda at panunupil sa mga maralita na nasa lockdown. Samantala, nag-viral din ang pagpipiging ni Gen. Debold Sinas na lantaran at walang-kahihiyang lumabag sa health protocols, gayundin ang mga balita ng VIP mass testing. Naging patok na anthem ng protesta ang kantang ito laban sa kapalpakan ng pagtugon ng gobyerno sa pandemya.

Mga nominado: “Kubkuban” ng Panday Sining; KTM, album ng CatPuke; Know Your Enemy Vol. II album ng iba’t ibang punk na banda; Unang Sigwa: Mga Piling Kanta Mula sa Dekada Sitenta, pinrodyus ng Surian sa Sining; “I Hate It When You Call Me Terorista” (Halaw sa kantang “Señorita” nina Camila Cabello at Shawn Mendes) ng Plagpul…
Special Mention: Songs for the Pandemic, ng Ma-Yi Studios Inc. Mahusay na limang kanta na pumapaksa sa pagharap ng mga maralita sa pandemya at panunupil sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Napakahusay na mga kanta at bidyo. Hindi umabot sa nominasyon, pero minarapat naming espesyal na banggitin dito. Creative team: Joshua Cabiladas, performer; Joi Barrios, lyricist; Fabian Obispo, composer; Ejay Yatco, musical direction at accompaniment; Jan Levi Sanchez, sound mixing at mastering; Saltwater Cinema, Max Canlas at Adjani Arumpac, editing; Max Canlas, animation; at Karen Llagas, translations. Mapapanood ang music videos dito.

Natatanging Progresibong Pagtatanghal

.

Parangal kay Fidel Agcaoili, Agosto 8 (Bayan). Nagulat ang marami sa biglang pagpanaw ng punong negosyador pangkapayapaan ng National Democratic Front na si Fidel Agcaoili noong Hulyo 23 sa Utrecht, The Netherlands. Bumuhos ang parangal sa kanya sa social media, hindi lang ng mga rebolusyonaryo at mga aktibista at organisasyong masa, kundi kahit ng mga katunggali niya o kaharap sa peace talks sa panig ng gobyerno. Sa parangal na ito, na livestreamed sa Facebook, nagsalita ang mga kaanak, kasabayan sa aktibismo at rebolusyonaryong pagkilos, at kahit ang mga negosyador ng gobyerno na sina Nani Braganza at Silvestre Bello III. Madamdamin ang naging mensahe ni Bello, samantalang sukdulang naluha si Braganza. Marami ring tauspusong mga pagtatanghal mula sa mga musikero at artista. Tunay na naipakita ang kadakilaan ni Agcaoili sa isang programang livestreamed, sa panahong hindi pisikal na makakapagtipon ang lahat ng tagahanga, kasama at kaanak niya.

Mga nominado: Festschrift kay Bien Lumbera; Tribute para kina Gelacio at Alice Guillermo; Salvaged Eman, livestreamed na pagtatanghal panteatro ng Tag-ani Performing Arts Society at SUSI; Add to Heart benefit concert ng Save San Roque Alliance…

Natatanging Progresibong Pelikula o Bidyo

.

“Aswang”, dokumentaryong pelikula ni Alyx Arumpac. Masasabing isa sa pinakakumpletong pagsasalarawan sa madugo at di-makataong giyera kontra droga ng rehimeng Duterte. Sinundan ng dokumentaryong pelikula kapwa ang mga maralitang biktima ng mga pamamaslang at pagbabanta ng mga pulis, at mga mamamahayag na araw-araw na sumubaybay sa malagim na mga operasyon ng Philippine National Police sa masisikip na mga eskinita at madidilim na espasyo ng mga maralitang komunidad. Sinundan din ng pelikula ang kuwento ng mga pulis, ng mga nagsasagawa ng operasyong dumudulo sa extra-judicial killings. Importanteng pelikula ang “Aswang” na nagsasadokumento sa malawakang krimen laban sa sangkatauhan na pinangunahan ni Rodrigo Duterte.

Mga nominado: “Oust the Fascist”, music video ng Kadena; “Ngayon ang Panahon,” music video ng Friends of Alternatrip; “Ano ang Aming Kasalanan,” music video ng Axel Pinpin Propaganda Machine, dinirehe ni JL Burgos; “Rage”, various artists, orihinal na kanta ng The Jerks, music video pinrodyus ng Concerned Artists of the Philippines…

Natatanging Progresibong Artista

.

Angel Locsin. Matagal nang sumasangkot si Locsin sa mga isyung panlipunan, mula sa mga karapatan ng kababaihan, hanggang sa dislokasyon ng mga Lumad at Moro. Nitong nakaraang taon, isa siya sa mga nanguna sa isyung mas malapit sa kanyang karera bilang artista: ang panunupil ng rehimeng Duterte sa ABS-CBN. Klasiko na ang naging talumpati niya sa kilos-protesta sa labas ng Esguerra Gate ng compound ng estasyon: ang paghimok sa mga kapwa-artista na makilahok sa mga isyung panlipunan, at ang pagkondena sa panunupil ng rehimen sa karapatan sa pamamahayag. Hindi nakapagtatakang siya ang pinuruhan ng red-tagging ni Gen. Antonio Parlade. Dinamay pa ng heneral ang kapatid ni Locsin at pinaratangang rebelde. Pero di natinag ang aktres, sa kabila ng paninira ng mismong mga opisyal ng militar at gobyerno, at pati ng troll army nito sa social media. Walang duda, si Locsin ang konsensiya ng Pinoy showbiz.

Mga nominado: Liza Soberano, nakiisa sa laban para sa karapatan ng kababaihan, naging target din ni Parlade ng red-tagging; Catriona Gray, nagsalita laban sa Anti-Terrorism Law, at panunupil kabilang ang paghuli sa #Pride20, at na-red-tag din ng heneral; Enchong Dee, palaging matapang na kritiko ng administrasyon sa social media; Pia Wurtzbach, na ginamit din ang entablado sa social media para tumindig para sa #Pride20 at iba pang isyu; Kim Chiu, na sa kabila ng trolling sa kanya sa social media, tahimik na umayuda sa mga jeepney driver ng Piston na nawalan ng kabuhayan…

Natatanging Progresibong Sining-Biswal

.

Publicity materials ng SAKA (Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo). Mabilis, malikhain at matalas ang publicity materials na inilalabas ng SAKA sa halos bawat mahalagang isyung panlipunan (lalo na sa mga isyung may kinalaman sa mga magsasaka) o kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Ilan sa tawag-pansing pubmat ng SAKA: “Mass lockdown without mass testing is just mass imprisonment”, may imahe ng mga bahay na naging kulungan; Artwork ng magsasakang ginapas si Duterte noong Oktubre, Buwan ng Pesante; at marami pa ng iba. SAKA rin ang nanguna sa ilang makatawag-pansing sining biswal tulad ng floating exhibit ng mga painting sa layag ng mga bangka ng Pamalakaya, mga komiks hinggil sa iba’t ibang isyu, at mural na nananawagan ng hustisya para kay Randall Echanis at Baby River Nacino sa pader malapit sa UP Diliman.

Mga nominado: Voltes V ni Toym Imao; Malilikhaing maskara ni Leeroy New sa mga protesta sa UP Diliman; Tarantadong Kalbo, comics series sa social media; Martin’s Purrspective, komiks sa Bulatlat.com; Karatula zine ng Panday Sining

Natatanging Progresibong Libro (o E-Book)

.

Kumusta Kayo? Naratibo ng Kababaihang Magbubukid Ngayong Pandemya, ng Amihan at Gantala Press. Sa panahong nabalam ang pisikal na mga paglalathala dahil sa pandemya, maraming grupong naglalathala ng libro ang tumungo sa paglalabas ng e-books. Pero hindi na kaiba sa paglalabas ng e-books ang independiyenteng grupong peminista na Gantala Press. Sa chapbook na ito, kapartner ng grupo ang Amihan, na organisasyong masa ng kababaihang magsasaka, para ilathala ang mga kuwento ng kababaihang mga magsasaka sa panahon ng pandemya. Silang hindi naikukuwento sa dominanteng midya ang pang-araw-araw na mga pakikibaka, nabigyan ng espasyo para marinig sa librong ito. Sa mga kuwento ng pagkawala ng kabuhayan, pag-aaruga sa mga maysakit na kaanak, paglaban sa militarismo, at iba pa, matalas na naipakita ang matinding bulnerabilidad ng sektor ng lipunang Pilipino na isa sa pinaka-api at pinaka-pinabayaan.

Mga nominado: Scent of Rain, Sun and Soil: Stories of Agroecology (Community Technical College of Southeastern Mindanao); The Quest for Peace ni Raymund Villanueva (Kodao); Obhetibong Kritisismo ni Danilo Arao; Bien, Bien! (UP SWF); Sugat sa Dibdib ng Lungsod ni Soliman Santos (UP SWF); Suri, Saliksik, Sanaysay ni David Michael San Juan (UP SWF); Mga Piling Tala ng Isang Blogger: Mula Kalye Hanggang Kongreso, ni Raymond Palatino (UP SWF); I, Journalist and Other Newsroom Introspections, ni Joel Pablo Salud (UP Press); Awit ng Bakwit, ni Vijae Alquisola (UP SWF); Pasingaw ni Rommel Rodriguez (UP SWF); 50: Mga binalaybay, ni Roger Felix Salditos (UP SWF); Kali: Cordillera Women’s Voices (Cordillera Women’s Education Action Research Center); Si Laleng at ang Lakbay-Paaralan,ni Mon Sy at dibuho ni Ara Villena (Adarna House)…

Natatanging Progresibong Pandaigdigang Pagkilos

.

Paglahok ng mga Pilipino sa mga protestang Black Lives Matter. Para sa 2020, layunin ng kategoryang ito na kilalanin ang mga inisyatiba ng mga Pilipino (sa loob at labas ng bansa) na makiisa sa paglaban para sa demokratikong interes mga mamamayan ng mundo. Isa sa pinakatampok na kilusang protesta sa mundo sa taong 2020 ang Black Lives Matter sa US, na nasindihan matapos ang pagpatay ng mga pulis-Minneapolis sa Itim na Amerikanong si George Floyd. Naging mitsa lang ito ng pagbulwak ng mga itim, at ng iba pang lahi sa US, para magprotesta laban sa sistematikong diskriminasyon at pandarahas sa mga Itim sa naturang bansa. Sa ilang lungsod, lumahok ang mga Piliipino-Amerikano, bilang pagkondena sa sistematikong pang-aapi sa mga Itim, at para na rin sa karapatan ng mga Pilipino at iba pang di-puti na lahi sa US.

Mga nominado: Paglahok ng mga Pinoy sa mga protestang maka-demokrasya sa Hong Kong; Nobyembre 30 Global Day of Action against Trade Union Repression

Natatanging Progresibong Pagtitipong Pangkultura

.

Bagsakan: No Justice, No Peace (Oktubre 24 sa Bantayog ng mga Bayani, QC). Halaw ang termino ng pamagat sa lugar kung saan inilalako ng mga magsasaka ang mga produktong galing sa mga sakahan at taniman. Sa aktibidad na ito, na ginawa sa Buwan ng Magsasaka, hindi lang produkto kundi pakikiisa sa laban ng mga magsasaka ang iniaalay — ng mga alyado, mga musikero, at ng mga mamamayang gustong lumahok dito. Progresibong mga banda na katulad ng Axel Pinpin Propaganda Machine, Sinagbayan, Balakubak ni Satanas, Siklaban, Shirebound & Busking, The Exsenadors, at iba pa, ang tumugtog. Siyempre, may social distancing ang mga dumalo. Pero ramdam pa rin ang maiinit na pakikiisa at paglahok nila sa laban ng mga magsasaka.

Mga nominado: Salu-Salo Agroecology Fest (Nob. 7); DaangDokyu Documentary Film Festival; ActiveVista Human Rgihts Film Festival

Natatanging Progresibong Agaw-Eksena

.

Pagpapasara ng Facebook sa mahigit 200 accounts na sangkot sa “coordinated activities” na nanlilinlang sa publiko. Noong nakaraang mga taon, kinilala ng kategoryang ito ang aktuwal o pisikal na agaw-eksena, o kumprontasyon ng mga progresibo sa mga opisyal ng gobyerno o militar — para maningil ng tugon, o magkondena. Sa panahon ng pandemya, halos walang balita na ganitong pangyayari. Kung kaya, naghanap kami ng mga insidente ng virtual na “agaw-eksena” — pambubulabog o disruption sa pang-araw-araw na pagpapalaganap ng fake news, paninira o trolling ng mga alagad ng rehimen. Noong Setyembre, tinanggal ng Facebook sa platform nito ang mahigit 200 accounts na bahagi ng dalawa umanong networks na sangkot sa koordinadong mga aktibidad para magpakalat ng fake news — pabor kay Duterte at kontra sa mga kritiko nito. Ang isa sa networks, konektado sa Armed Forces of the Philippines, pati mga account, pages at Instagram accounts nito.

Nominado: #MochaUsonIsOverParty, pagkasuspinde ng Mocha Uson Blog sa Facebook

In memoriam: Randall Echanis, Fidel Agcaoili, Zara Alvarez, Jory Porquia, Carlito Badion, Edberto Villegas, Dr. Mary Rose Sancelan, Edwin Sancelan, Alvin Luque, Jevilyn Cullamat, Agaton Topacio, Eugenia Magpantay, Julius GIron, Eb Montes, Ma. Lourdes Dineros Tangco, Edel Garcellano, Baby River Emmanuelle Nacino, Dr. Raul Jara, Manny Sarmiento, Nestor “Burt” Sarmiento, Marlon Maldos, RJei Manalo, Andrea Rosal, Bonifacio Magramo, at iba pa


Sarbey isinagawa ni Jobelle Adan 
Update (01-01-21, 9:24PM): Idinagdag bilang special mention ang limang kanta ng May-I Studios na tumatalakay sa pagharap ng mga maralita sa pandemya. Hindi umabot sa nominasyon pero kailangang kilalanin at maipalaganap ang natatanging progresibong ambag na ito.