PNP: Tapagpatupad o tagalabag ng batas?

January 25, 2021

Naturingang tagapagpatupad ng batas, ngunit bakit tila ang kapulisan mismo ang sangkot sa mga paglabag?

Lalong naging kontrobersiyal ang Philippine National Police (PNP) sa nagdaang mga buwan bunsod ng pagkakasangkot nito sa iba’t ibang usapin at eskandalo.

Mula sa paglabag sa simpleng paglabag sa mga protokol-pangkalusugan nga-yong umiiral ang pandemyang coronavirus disease 2019 (Covid-19), paggamit, pagpapalusot sa mga paglabag ng mga opisyal-gobyerno lalo na ang mga padrino ng administrasyon, pagbebenta at pagprotekta sa ilegal na droga, pagtatanim ng mga ebidensiya at pagtatakip sa mga krimen at pinakamasahol pa ang pagkakasangkot ng mga ito sa pamamaslang. Kaya naman kapansin-pansin ang diskuntento at pagkamuhi ng ilang mamamayan sa PNP.

May mandato ang kapulisan upang ipatupad ang batas. Pero bakit tila sila ang mismong lumalabag nito?

‘Patay Nang Patay’

“To serve and protect” pa rin ba’ng maituturing na motto ng PNP kung ito mismo ang direktang sangkot sa madudugong kaso ng extra-judicial killings at murder at iba pang paglabag sa karapatang pantao?

Nagulantang ang madla nang maging viral ang bidyo ng pagpaslang ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca sa mag-inang sina Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony, 25, sa kanilang tirahan sa Paniqui, Tarlac, noong Disyembre 20, 2020. Binaril ni Nuezca ng malapitan sa ulo ang mga Gregorio habang nagtatalo. Matapos tumakas sa pinangyarihan ng krimen, sumuko sa mga pulis sa Rosales, La Union si Nuezca at kinasuhan ng double murder habang nakakulong. Sa kabila nito, naghain si Nuezca ng “not guilty” plea sa kabila nang nauna niyang “pag-amin” sa krimen at paghingi ng tawad sa nagawa na nakuhanan din ng bidyo.

Para kay PNP Director- General Debold Sinas, sa isang pahayag noong Disyembre 21, itinuturing ng PNP na isang “isolated incident” umano ang insidente ng pamamaslang ni Nuezca sa mga tulad ng mag-inang Gregorio na walang kalaban-laban.

Pero matapos ang 10 araw, siyam na katutubong Tumandok sa Capiz at Iloilo ang pinaslang matapos ang operasyon ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) katuwang ang mga elemento ng Armed Forces of the Philippines.

Sa isang press conference, ginamit ni PLtCol. Gervacio Balmaceda, hepe ng CIDG Region 6, ang naratibong “nanlaban” ang mga napaslang. Naghain umano ng search warrant ang mga operatiba ng PNP sa mga katutubo na anila’y mga “high value personality” ng Communist Party of the Philippines (CPP) at may itinatagong armas at pampasabog sa kanilang mga lugar.

Bukod sa mga napaslang, may 17 pang inaresto ang kapulisan. Saad naman ng mga kaanak, hindi armado at hindi kasapi ng CPP o New People’s Army (NPA) ang mga ng mga napaslang at inarestong katutubo. Mga sibilyan lang sila. Ang ilan pa sa kanila, mga opisyal sa barangay.

Pero tila nahuling nagsisinungaling si Balmaceda. Sa panayam sa Bombo Radyo Iloilo noong Enero 19, inamin ni Col. Enrique Ancheta, hepe ng PNP Western Visayas Crime Laboratory, na nagnegatibo sa paraffin test ang pito sa siyam na napaslang. Dahil dito, sinibak siya sa puwesto kinabukasan.

Samantala, pinaslang ng mga pulisya sa iba’t ibang operasyon na mga konsultant pangkapayapaan ng rebolusyonaryong National Democratic Front (NDF) na sina Julius Giron, Agaton Topacio at Eugenia Magpantay.

Sa kabila ng matandang edad at mga karamdaman, ayon sa mga pulis, “nanlaban” umano si Giron noong Mayo 2020 sa Baguio at sina Topacio’t Magpantay noong Nobyembre sa Angono nang maghahain sa kanila ng mandamyento de aresto.

Dati, ginagamit ng PNP ang naratibong “nanlaban” sa giyera kontra droga at Oplan Tokhang. Ngayon, ginagamit na rin nila ito laban sa mga kritiko ng gobyerno, mga aktibista’t mga itinuturing na kaaway at maging sa simpleng mga mamamayan.

Gawa-gawang kaso

Inulan muli ng batikos ang PNP kaugnay sa pagharap nito sa kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera, flight attendant, noong unang araw ng taon sa isang hotel sa Makati.

Idineklara kasi ng Makati PNP na hinalay at pinatay si Dacera at kinasuhan ang pitong nakasama ng dalaga bago ito mamatay. Ito’y sa kabila ng walang nakitang krusyal na ebidensiya batay sa resulta ng awtopsiya sa bangkay ng dalaga, ayon mismo sa pamilya.

Ayon sa forensic pathologist na si Raquel Fortun, mahihirapan na din umanong patunayan ang anggulo ng panghahalay at pagpatay dahil nauna nang inembalsamo – nang walang pahintulot ng pamilya – bago suriin ng doktor na bahagi ng PNP. Lalo pang umani ng batikos ang PNP nang binigyan ni Sinas ng palugit na 72 oras upang sumuko ang mga akusado kahit wala namang mandamyento de aresto na inilabas ang korte.

Kita ang kapalpakan sa kabila ng pagpapasikat ng PNP mula kay Sinas hanggang sa lokal na pulis na “nag-imbestiga” sa kaso ni Dacera. Pero iyung hepe ng pulisya sa Makati na si Col. Harold Depositar, at tatlong iba pa, ang mapaparusahan. Nitong Enero 21, sinabi mismo ni Sinas na patatanggal niya sa puwesto si Depositar at ang tatlo pang opisyal dahil sa “lapses” umano sa imbestigasyon.

Samantala, naging tampok din ang tila modus ng kapulisan ng pagtatanim ng ebidensiya kaugnay ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga kritiko, mga aktibista, ordinaryong mamamayan at maging sa mga kapwa nila puwersa ng estado.

Higit na naging talamak nitong huling mga taon ang estilong “tanim-ebidensiya” ng PNP kaugnay ng malawakang pag-aresto sa mga aktibista at kritiko. Katambal nito ang mga korte na naglalabas ng mga search warrant sa mga opisina at mga bahay ng mga lider at kasapi ng progresibong mga organisasyon na inaakusahang may itinatagong baril at bomba.

Makikita ito sa naging mga reyd at operasyon noong 2019 sa Tacloban, Panay, Bacolod at Manila, gayundin ang pag-aresto kamakailan sa mga organisador ng unyon sa Kamaynilaan (tinaguriang Human Rights Day 7) at ang naturang pag-aresto at pamamaslang sa mga Tumandok sa Capiz at Iloilo.

Sa mga kaso ng pagpaslang kay Winston Ragos, dating sundalo, noong Abril 21, 2020 at sa apat na intelligence officers ng Army noong Hunyo 2020 sa Sulu, hindi nalalayong isinasagawa ng mga tauhan ng PNP ang pagtatanim ng baril bilang ebidensiya upang bigyang katwiran ang kanilang mga aksiyon.

Mismong ang National Bureau of Investigation ang nagsabi na tinaniman ng mga pulis ng baril ang bag ni Ragos matapos itong mamatay sa pamamaril. Iniutos naman ng Department of Justice ang pagsasampa ng apat na kaso sa pulis na namaril sa apat na ahente ng Army sa Sulu.

Pagpatay, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at pagtatanim ng ebidensiya laban sa siyam na opisyal ng PNP sa Sulu.

Tunay na pinagsisilbihan

Isa marahil ang pinakapayak na dahilan ng diskunteto at pagkamuhi sa kapulisa’y ang tila pangingibabaw ng mga ito sa batas o di kaya’y nakakaabsuwelto sa mga paglabag.

Tulad na lang ng “pag-arbor” ni Pangulong Duterte kay Sinas sa magarbong pagpipiging nito noong Hunyo na tinawag pa ni Sinas na “mañanita” noong kaarawan niya. Malinaw na paglabag ito sa quarantine protocols. Pero imbes na parusahan, binigyan pa si Sinas ng promosyon. Kalaunan, mula pagiging hepe ng NCRPO, hinirang ni Duterte noong Oktubre si Sinas bilang hepe ng buong PNP.

Bukod sa pag-absuwelto sa mga kaso, litaw na binubusog ng kasalukuyang administrasyon ang mga pulis ng karagdagang-sahod at mga benepisyo kapalit ng katapatan ng mga ito. Kaya hindi kataka-taka, bilang ganti, ang serbisyo at proteksiyon na ibinibigay ng pulisya ay para sa mga naghaharing uri.

Mas angkop, marahil, na ituwid ng PNP – batay sa kanilang ginagawa – ang kanilang motto: “To serve and protect the ruling class”

Aris Baldomero

Aris Baldomero

Tagasubaybay ng underground scene si Aris Baldomero mula pa ng dekada 80s. Mahilig siyang sumuri at magbigay ng opinyon hinggil sa ugnayan ng eksena sa lipunang Pilipino. Pag may pagkakataon, tumutugtog din siya sa ilang banda na hindi kilala.