
Baril-barilan
February 27, 2021
Anu’t anuman, pinamalas muli ng insidenteng ito ang pagkabangkarote ng giyera kontra droga. Walang koordinasyon ang dalawang ahensiya. Walang maayos na impormasyon ang pulis, basta na lang mamamaril sa target nito.
Umaatikabong bakbakan ang nangyari kamakailan sa parking lot ng isang fastfood na restawran sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong nakaraang linggo. Pero hindi nakakatuwa ito sa mga naipit sa pagitan ng barilan. Walang bayaning Ricardo Dalisay ang nasa isang panig ng putukan. Pareho, tila, kontrabida.
Ang bakbakang tinutukoy natin, siyempre, ay ang “misencounter” diumano sa pagitan ng mga elemento ng Philippine National Police o PNP at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA. Karumaldumal ang kongklusyon ng baril-barilang ito sa pagitan ng dalawang ahensiya ng gobyerno na sangkot sa kampanyang giyera kontra droga: apat ang patay, at maraming sibilyan — kabilang ang kawawang mga crew at kostumer ng McDonald’s — ang balisa sa takot.
Sabi ng pulisya, nagsasagawa raw sila ng operasyong “sell-bust”. ibig sabihin, kunwari’y nagbebenta sila ng droga sa isang kostumer na siyang huhulihin nila pagkatapos. Ang mga ahente naman ng PDEA, may kasamang “impormante” sa kanilang mga operasyon kontra ilegal na droga. Ngayon lang narinig ng madla ang terminong “sell-bust”, kasi kadalasa’y “buy-bust” naman. May lohika ang “buy-bust”: Dapat talagang hulihin ang nagbebenta ng ilegal na droga. Pero mahirap unawain bakit magsasagawa ang pulisya ng “sell-bust”. Hindi ba mas dapat tuunan ng operasyon nila ang mga nagbebenta, mga drug lord at kumakanlong sa mga ito?
Pero nakita sa isang CCTV footage na biglang namaril ang PNP. Lumalabas, ni hindi nga ito nagtangkang magbenta ng droga. Ang operasyon nito, pagpatay sa target nito. Hindi pa kumpleto ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation. Pero hindi malayong isiping mismong “impormante” o mga ahente ng PDEA ang target ng mga pulis. Namatay pa nga ang mismong impormante sa barilan. Hindi kaya may itutuga ito na magdidiin sa mga pulis? Hindi pa natin alam.
Anu’t anuman, pinamalas muli ng insidenteng ito ang pagkabangkarote ng giyera kontra droga. Walang koordinasyon ang dalawang ahensiya. Walang maayos na impormasyon ang pulis, basta na lang mamamaril sa target nito. Maraming kuwestiyunableng impormasyon hinggil sa insidente na nagbibigay patunay sa bintang na talamak ng korupsiyon ang mga ahensiyang ito. Maaari pa ngang pagdudahan kung sangkot pa nga mismo ang mga ito sa ilegal na droga.
Hindi malinaw ang buong pangyayari. Pero malinaw ang mensahe: hindi tapos ang laban sa droga, at umiikot pa rin ang droga sa lipunan. At ang salarin, posible, ang mismong mga nasa posisyon para puksain ito. Samantala, mahigit 30,000 na ang biktima ng bangkaroteng giyera kontra droga.