Ang mali at tama sa sining ni Solenn


Kapuna-puna ang paggamit niya sa imahe ng kahirapan para sa promosyon ng eksibit. Pero dapat na mas mapanghikayat ang kritisismo sa mga katulad niya.

Naging target ng kritisismo kamakailan ang artista at pintor na si Solenn Heussaff matapos lumabas sa kanyang Instagram account ang larawan niya at isa sa kanyang mga pinta. Ang pinta niya, imahe ng mga pananim. Sa kanyang likod o background, isang lugar na animo’y maralitang komunidad — padyak sa kaliwa, tambak ng case ng mga softdrink sa kanan.

“Poverty porn” ang akusasyon ng ilang netizens, kabilang ang ilang mga aktibista sa social media, kay Solenn. Ayon sa kanila, tila ginamit lang ng artista ang imahe ng kahirapan para ibenta ang kanyang mga pinta.

.

Kritikal ang maraming netizens, lalo na ang mga aktibistang mulat sa mga isyung panlipunan at adbokasiya ang interes at kagalingan ng mga maralitang lungsod, sa sinasabing “poverty porn” ng ilang alagad sa sining. Sa mundo ng pelikula, laganap umano ito: ang paggawa ng mga mga pelikulang ang background o ang mismong tagpuan ng kuwento ay isang maralitang komunidad o ang mga karakter ay mga maralita.

Pinakikita, minsan pa nga’y sa eksaheradong paraan, ang sukdulang paghihirap, ang sukdulang pagkadungis at pagkadusta, ng mahihirap. Ito’y para makakuha ng matinding reaksiyon mula sa manonood — pagkagalit, pagkagulat, pagkatakot. Kasama sa mga napunang gumagamit ng “poverty porn” ang DDS na filmmaker na si Brillante Mendoza. Nagwagi sa maraming pandaigdigang patimpalak si Mendoza dahil sa mga pelikula niyang tinaguriang “poverty porn”. Bahagi ng kritisismo sa kanya ang paggamit ng kuwento at sitwasyon ng mahihirap para sa pag-usad ng karera ni Mendoza bilang filmmaker, habang nananatiling mahirap ang mga sabdyek niya. Walang maaninag na adbokasiya sa mga pelikula ni Mendoza para sa mahihirap.

.

Sa kaso ni Solenn, masasabing wala sa konteksto at eksploytatibo ang paggamit ng mga imahe ng kahirapan. Sa kanyang paghingi ng dispensa, sinabi ni Solenn na wala siyang intensiyong pagsamantalahan ang mahihirap sa naturang PR campaign para sa kanyang eksibit. Pero mas pinahahalagahan umano niya ang opinyon o reaksiyong negatibo, kung kaya binura niya ang naturang post sa Instagram.

May punto, siyempre, ang mga kritisismo laban sa naturang PR campaign ni Solenn. Di natin gusto ang paggamit sa kahirapan bilang palamuti, sa likhang sining na di naman mahihirap ang pangunahing odyens. Pero sa kabilang banda, dapat mas paghihikayat pa ang lapit sa isang artistang ayon sa ilang progresibong kritiko ay seryoso naman sa mga intensiyon niyang paksain ang kahirapan. Masasabi pa ngang ang ilang pinta niya, may progresibong mensahe o kritika sa pulitika. Sa mga pinta, halimbawa, na nakapaskil kasama ang artikulong ito, makikita ang tila kritikal na pagtingin niya sa rehimeng Duterte at sa legacy ng mga Marcos. Sa gitna ng pinta ang imahe ng isang maralitang matanda, sa palibot niya ang dumi o graffiti ng bulok na pulitika.

Medyo may pagmamataas sa mahihirap ang PR campaign ni Solenn. Karaniwan na ito sa burges na sining. Hindi rin dapat maging mapagmataas ang mga progresibo sa kanya.

.