Isang madugong Linggo ng Marso

March 16, 2021

Madaling araw, 24 search warrants ang inihain sa mga opisina at bahay ng mga aktibista sa Timog Katagalugan ng mga pulis na may utos na ‘kill, kill, kill’ mula sa Pangulo.

Kahit walang trapik dahil madaling araw, humigit-kumulang isang oras ang biyahe mula Tejeros Convention sa Rosario, Cavite hanggang Dasmarinas, Cavite.

Manny Asuncion. Mula sa kanyang FB account

Noong Marso 7, Linggo, alas-kuwatro ng madaling araw, kung paniniwalaan ang mga pulis, bumiyahe ang aktibista at pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Cavite na si Emmanuel “Manny” Asuncion mula Rosario hanggang Dasmarinas habang hinahabol ng mga pulis. Nagawa niyang pumasok ng Bahay Manggagawa, ang opisina ng Workers’ Assistance Center (WAC), umakyat ng pangalawang palapag, humiga sa kama, kasama ang kanyang asawa, at saka nakipagbarilan sa mga pulis bago napaslang.

Hindi tugma ito sa kuwento ng mga saksi, mga kapitbahay, pati mismo ng isang kasamahan at asawa ni Manny.

Mula Sabado, nasa Bahay Manggagawa na sina Manny, ayon sa kanila. Noong madaling araw na iyon, dumating ang mga pulis, winasak ang gate ng WAC, at inakyat ang opisina. Pinadapa ang mga kasamahan niya at pinatay ang ilaw. Pinuntahan ng mga ito ang kuwarto kung saan natutulog sina Manny. Pinababa ng mga pulis ang asawa at isa pa, habang inilipat si Manny ng mga pulis sa isa pang kuwarto sa loob. Sa ibaba, narinig nilang nagmamakaawa si Manny.

Saka narinig ang mga putok. Mga 10 iyun, anila. Sunod nilang nakita, hinihila na ang duguang katawan ni Manny sa sahig, palabas ng opisina. Gumuhit ang duguang katawan ni Manny sa sahig. Sa isang bahagi pa ng opisina, tigmak ang dugong naiwan. Kinuhanan nila ito ng litrato.

Karima-rimarim, pero isa lang ito sa malagim na mga eksena sa iba’t ibang bahagi ng Southern Tagalog, o Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), sa mga bahay at opisina ng mga aktibista, mga lider-manggagawa, mga organisador sa mga maralitang lungsod, mga mangingisda, mga katutubo, noong Marso 7.

Tigmak ng dugo ni Manny Asuncion ang sahig ng opisina ng WAC. Pamantik-TK

* * *

Mag-asawang Evangelista. Mula sa Karapatan-ST

Sa parehong oras na sinasabi ng pulis na nakikipaghabulan sila kay Manny Asuncion, pinasok din ng mga pulis ang isang kubo ng mag-asawang Ariel Evangelista at Ana Marie “Chai” Lemita-Evangelista sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas.

Nagpaparenta ng cottage at bangka para sa mga turista ang mag-asawa. Pero miyembro rin sila ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan o Umalpas Ka, na nangunguna sa paglaban sa kumbersiyon ng baybay-dagat ng mga mangingisda tungo sa komersiyal na lugar-turismo.

Kinaladkad ng mga pulis ang mag-asawa, habang napatakbo sa ilalim ng kama ang kanilang 10-anyos na anak. “Pinlashlayt pa siya ng isang sundalo (pulis),” kuwento ni Rosenda, ina ni Chai, sa TV5. “Nang makitang bata, ang sabi (ng mga pulis), ”wag na, bata pala.”

Kuwento pa ng mga saksi, habang kinakaladkad, hinawakan pa ni Chai ang lahat ng puwedeng mahawakan — para di matangay ng mga pulis. “Ay wala siyang magawa, hinila na siya ng mga pulis na nag-a-aresto sa kanya,” ani Rosenda. Samantala, agad namang naposasan ng mga pulis si Ariel.

Dinala ang dalawa sa kabilang kubo na bahay raw ng kanyang lola. “Nung matapos ang sigaw ng aking anak, putok na ang narinig. Tumahimik na,” kuwento niya sa midya. Pagkatapos, dinala rin ng mga pulis sa kanilang sasakyan ang dalawa. Alas-siyete na nang pakitaan sila ng search warrant ng mga pulis. Matagal nang wala ang dalawa.

Nag-ikot sina Rosenda sa malapit na mga ospital. Nakita nila ang mag-asawa, sa punerarya na.

“Sabi ng nag-embalsamo, basag ang puso at baga (ng dalawa). Tapos mga yupi ang mga mukha,” kuwento naman ni Imelda, ina ni Ariel.

* * *

Palong at Puroy dela Cruz

Mas maaga nang kaunti, mga alas-tres ng umaga, sa Sitio Mina, Brgy. Sta. Inez, Tanay, Rizal, nang magising si Puroy dela Cruz, 46, at ang pamilya niya ng isang grupo ng apat na armadong lalaki. Pinasok nito ang bahay nila at sinabing “isuko (nila) ang itinatagong mga baril”. Kuwento ni Minda, asawa ni Puroy, pinalabas siya at dalawa nilang anak (edad anim at pito) sa bahay nila. Papalabas pa lang nang makarinig sila ng mga apat na putok. Lumingon si Minda, at nakita ang bagsak niyang asawa sa sahig. Mula sa kanyang katawan, umaagos ang dugo. Hinila siya ng mga pulis palayo.

Samantala, sa karatig na Sitio Kinabuan, nagising din ang pamilya ni Randy “Palong” dela Cruz, 40, ng pagsipa ng kanilang punto. May mga ilaw sila — at matataas na kalibre ng baril, kuwento ni Violy, asawa ni Palong.

Agad na pinatayo sila ng mga armadong pulis, at inilayo si Violy at mga anak niya sa bahay. Nakita ni Violy na nakataas na ang kamay ni Palong. “Huwag n’yo kaming paputukan dahil madadamay ang aming mga anak,” sabi pa umano ni Palong, kuwento ni Violy.

Tatay ni Paloy, kinilala ang labi ng kanyang anak. Larawan mula kay Atty. Kathy Panguban

“Mga 50 metro mula sa bahay kami inilayo,” sabi pa ng asawa. Doon nila narinig ang mga putok mula sa loob ng bahay. Maya-maya, lumabas na ang humigit-kumulang anim na pulis, buhat si Palong na nakasakay sa isang duguang duyan.

Tinakbo ni Violy ang kanyang asawa, at nagawang hawakan pa ang duyan. Pero pilit siyang inilayo ng mga pulis. Pinapasok siya at ang mga anak niya sa bahay. Mga alas-9 o alas-10, ani Violy, dumating ang isang helikopter na may nakasulat na “PNP”. Sinakay dito ng mga pulis ang labi ni Palong — pati ang labi ni Puroy — at saka lumipad.

Sa bahay nanatili sina Violy, bantay-sarado ng mga pulis habang nanginginig sa takot at galit, ang mga anak balisa. Tanghali na nang dumating ang Scene of the Crime Operatives (SOCO), para raw mag-imbestiga.

Panahong ito nang ipakita na ang search warrant. Sabi nito, may .45 kalibreng pistola, M-16 na riple at RPG na pampasabog daw ang dalawa.

* * *

Melvin “Greg” Dasigao, lider-maralita sa Kasiglahan. CJ Despuez

Halos pareho rin ang kuwento. Sa pagkakataong ito, sa Kasiglahan Village sa Rodriguez, Rizal naman — lugar-relokasyon ng mga maralitang lungsod na itinaboy mula sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan.

Isa sa mga pinaslang si Melvin “Greg” Dasigao. Miyembro siya ng San Isidro Kasiglahan, Kapatiran, at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan at Kapayapaan (Sikkad K3), organisasyon ng mga maralitang residente sa nabanggit na mga lugar na kaanib din sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

“Parang magnanakaw sa gabing pumasok ang ang mga pulis,” paskil sa Facebook, sa wikang Ingles, ni Rey Cortez, abogado ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), na tumulong sa pamilya na marekober ang mga katawan sa puneraryang kontrolado ng mga pulis. “Pinadapa (si Greg), at tinalian ang kanyang kamay. Pinalabas ang kanyang kinakasamang asawa at mga anak mula sa bahay. Iyun na ang huling sandaling nakita nilang buhay (si Greg),” kuwento pa ng asawa.

Ilang minuto lang, nakarinig sila ng mga pumutok. Pagkatapos, may sumigaw: “Nanlaban, nanlaban!”

“Nagkaroon ng trauma ang dalawa kong anak sa ginawa nila,” sabi ni Rosalinda, asawa ni Greg, sa mga miyembro ng quick reaction team na kumausap sa kanya. “Puwede naman nilang hulihin sa maayos na paraan…Sa loob ng bahay namin pinatay…Nilabas nila, wala nang buhay.”

“Tataniman ninyo (mga pulis) ng baril at granada ang bahay namin. Hirap na nga kami sa aming kalagayan. Wala kaming mabiling bigas, halos. Wala kaming mga gamit, puro bigay lang. Saan kami kukuha ng pambili ng baril? Uunahin pa ba namin ‘yun?” sabi pa ni Rosalinda.

Taga-Kasiglahan din si Mark Lee “Makmak” Bacasno. Ganoon din ang kuwento niya: Pinasok sa bahay, pinalabas ang iba, saka pinagbabaril. Miyembro rin ng Sikkad K3 si Makmak, at nagtatrabaho sa konstruksiyon. “Lagi niyang iniisip ang mga anak niya,” kuwento ng tatay ni Makmak. “Iyong panganay niya, lagi siyang hinihintay, pupunta kasi sila sa ilog.”

Hindi na silang mag-aama makakapunta sa ilog, kailanman.

Duguang unan sa bahay ni Greg. Karapatan-ST

* * *

Alerto si Esteben “Steve” Mendoza sa posibilidad na mangyayari ang nangyari noong Marso 7. Bilang lider-manggagawa at executive vice-president ng Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture (Olalia)-Kilusang Mayo Uno (KMU), narinig na niya ang maraming kuwento ng pagtatanim ng baril at pasabog sa mga bahay ng mga aktibistang pinapasok ng mga pulis sa bisa ng search warrant.

Noong madaling araw na iyon, kinatok nga siya. Mga pulis daw. Nagtext siya sa mga kasamahan: “May PNP sa amin at need (ko) ng tulong…Need (ko ng tulong) at ginigiba ang pintuan ko at may search warrant”.

Sinagot siya ng kasamahan: “Mag-FB Live ka”. Patungkol ito sa livestreaming service sa Facebook; makakapag-brodkast siya nang live, maaaring makita agad ng madla kung ano man ang gagawin sa kanya ng mga pulis.

Hawak ng asawa ni Steve ang cellphone na naka-FB Live. “Pabasa po,” maririnig sa video na sinabi ni Steve sa mga pulis na nagsasabing may hawak silang warrant .”Eh, dapat nga sa araw (kayo) maghahalughog eh.”

“Lumabas ka muna,” sabi ng pulis.

“Pabasa po muna,” giit ni Steve. Maririnig na ginubuksan na niya ang pinto. Pero biglang pumasok ang mga pulis. “Ay hindi puwede!” sigaw ng asawa niya. Tinangay na ng mga pulis si Steve. Napasigaw pa ang asawa ng “bakit mo (siya) ginaganyan!” sigaw ng asawa.

“Sabi niyo (search warrant) lang,” sabi ng asawa. Wala pa ngang panghahalughog, puwersahang kinuha na si Steve. Inilabas silang mag-asawa sa bahay. At saka, may nakuha raw na baril at granada sa loob.

* * *

Nimfa Lanzanas at Steve Mendoza, matapos ilegal na arestuhin. Larawan mula kay Atty. Sol Taule

Inanunsiyo ng PNP Region IVa na “lehitimong operasyon” sa apat na probinsiya ng Calabarzon — Laguna, Cavite, Batangas at Rizal — ang isinagawa raw nila noong Marso 7 ng umaga. Target umano nito ang “communist terrorist groups” at suportado ng search warrants mula sa iba’t ibang hukom. Suma total, 9 ang nasawi (“nanlaban” o armadong mga engkuwentro raw), 6 ang hinuli at 9 ang nakatakas.

Maliban kina Manny, Chai, Ariel, Puroy, Palong, Makmak at Greg, nabalitaang pinatay din sina Edward Esto at Abner Esto, na kasamahan nina Greg at Makmak sa Sikkad K3.

Maliban kay Steve, hinuli naman, batay sa parehong modus, ang isa pang lider-manggagawa na si Elizabeth “Mags” Camoral ng Bayan-Laguna, na hinuli sa opisina ng Defend Yulo Farmers sa Cabuyao, Laguna; Nimfa Lanzanas, isang senior citizen na paralegal staff ng Kapatid sa Negros. Nabalita rin ang reyd sa bahay ng dalawang magsasaka sa Rizal: sina “Moises” at Dodong”. At sa Batangas naman, nakapuslit mula sa mga pulis ang tagapag-ugnay ng Bayan na si Lino Baez. Pinasok ang kanyang bahay, at nang di siya makita, pinasukan siya ng baril at granada.

Eugene Eugenio ng Courage-Antipolo

Sa Antipolo City, hinuli din ng mga pulis si Eugene Eugenio, lider ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage, sa Antipolo. Ayon sa asawa ni Eugene, ganoon din ang modus: Pinalabas silang mag-asawa, pinasok ng mga pulis ang bahay at paglabas may nakuha na raw na baril at granada — at saka inaresto si Eugene.

“Lehitimong operasyon ito,” sabi ni PNP IVa Regional Director Gen. Felipe Natividad, sa wikang Ingles, “at itong mga indibidwal na nakilala ayon sa aming intelligence report at napasailalim sa operational research kasama ang pagkakasangkot nila sa mga rebeldeng grupo.” Sa kabuuan, naghain ang mga pulis ng 24 search warrants.

Sunud-sunod din ang pahayag ng pagsuporta ng mga opisyal ng pulisya at ng administrasyong Duterte. Sinusugan ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na “lehitimo” raw ang operasyon, dahil “napakahirap kumuha ng search warrant”. Para naman sa tagapagsalita ng Pangulo, si Harry Roque, alangan naman daw na hindi makipagbarilan ang mga pulis kung armado ang mga huhulihin nila.

Ipinagtanggol pa niya ang sinabi ni Pangulong Duterte, dalawang araw bago ang madugong Linggo, na “patayin lahat” ng mga armadong rebelde.

* * *

Indignation rally sa harap ng Commission on Human Rights noong hapon ng Marso 7. Gab Pancho

Taliwas ito, siyempre, sa napakalantad na katotohanang hindi sila mga rebelde at kilalang-kilala sa kanilang mga komunidad.

Si Manny, halimbawa, matagal nang aktibista, lider-manggagawa sa Cavite. Sina Greg at Makmak, nanguna sa pag-asikaso ng pamamahagi ng ayuda sa Kasiglahan matapos bahain ito dahil sa bagyong Ulysses. Sina Chai at Ariel, pati sina Abner at Edward, kasama sa mga lumalaban sa pagpapalikas sa mga magsasaka at mangingisda sa Hacienda Looc. Sina Puroy at Palong, mga katutubong Dumagat na nag-organisa sa sarili para ipaglaban ang karapatan.

Kilalang mga lider-manggagawa rin sa Laguna sina Steve at Mags. Si Nimfa, tumutulong sa Kapatid dahil bilanggong pulitikal din ang kanyang anak. Kilalang lider ng Bayan sa Batangas si Lino Baez. Gayundin ang iba pang tinarget hulihin noong araw na iyon.

“Kung siya man ay tumulong (sa kapwa), hindi naman ang pinuntahan niya ay mali. Tama lang ang ipinaglaban. Dahil ang nasasagasaan ay yung mahihirap at inaapi. Hindi po ako nagsisisi na siya ay aking anak,” ani Rosenda, sa midya.

Nasa gitna naman ng laban ng iba’t ibang sektor sa Cavite si Manny. Alala ni Fernando Hicap, tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya sa Pilipinas o Pamalakaya, kasama pa si Manny sa diyalogo kay Bacoor City Mayor Lani Mercado. Ipinaliwanag umano ni Manny ang magiging masamang epekto ng reklamasyon sa 420-ektaryang bahagi ng Manila Bay sa mga mangingisda at mamamayan ng lungsod.

“Sa huling pagkikita natin, sinabo sa mga kasama na gusto ko maging kasing galing mo sa pulitika. Hindi ko matanggap ‘yung ginawa sa’yo,” paskil naman ni Kyle Salgado, aktibistang katrabaho ni Manny sa Cavite, sa Twitter. “Hindi kami titigil hangga’t walang mananagot.”

Marami naman ang nakaalala sa pamumuno ni Greg sa relief operations sa Kasiglahan. “Isa siya sa mga nasalanta, doon sila nakatira, pero kasabay ng pag-asikaso ng sariling pamilya ay aktibong kumilos para sa pag-ahon ng kanilang komunidad. Kasama ang buong Sikkad K3, kolektibo silang bumangon sa trahedya, sa tulong ng iba’t ibang organisayon at mga kaibigan, dahil walang naasahan sa inutil na gobyerno,” alala ni CJ Despuez, sa kanyang FB post.

Nainterbyu din ng mga grupong pangkarapatang pantao si Steve habang nakakulong sa Camp Vicente Lim sa Laguna. Bugto ang mata niya noon, tila galing sa iyak. “Nananawagan ako sa mga kasama na…magpakatatag. Dahil sa inihahasik na epekto ng Anti-Terror Act…mga gawa-gawang kasong patuloy na (isinasampa) ng gobyernong Duterte,” panimula niya.

Hindi para sa kanyang nasa kulungan ang mensahe. Para ito sa lahat ng nagmamahal sa bayan. “Nanawagan ako sa mga kasama na mag-ingat, tumindig bilang mga manggagawa at mamamayan na nagsusulong sa kabutihan ng ating bayan,” pagtatapos ni Steve.

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda

Kenneth Roland A. Guda is Pinoy Weekly's editor-in-chief and a board member of PinoyMedia Center, Inc.