FEATURED Komentaryo

5 paninira sa community pantry at mga sagot


Malinaw ang layunin ni Patreng Non at ng community pantry: ang tumulong sa kapwa lalo na sa panahon ng matinding kahirapan sa bansa. Kung may nais mang ugatin ang dahilan ng matinding kahirapan, wala ring masama.

Wala akong makitang mali sa #CommunityPantry. Ni gahibla ng sinulid na pagiging mali, wala! Wala talaga. Maihahalintulad pa nga ito sa ginawa ni Hesus na nagpakain sa limang libo sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda. Pagtulong ito sa pangangailangan sa panahon ng matinding kahirapan.

Pero may mga naninira rito, una na ang NTF-Elcac (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict). Anu-ano ang ang mga paninirang ibinabato ng sa community pantry? Komunistang aktibidad? Satanas ang nagpasimulang si Ana Patricia “Patreng” Non? Namumulitika lang? Naglista ako ng lima at ang mga sagot dito.

Unang bersiyon ng Maginhawa Community Pantry noong Abril 14. Larawan mula sa FB account ni AP Anon

1. Islogan at pangalang maka-komunista?

May mga nagsasabi na Komunista raw ang Community Pantry dahil sa islogan nito na hango sa sinabi ng rebolusyunaryong si Karl Marx bilang paglarawan sa sistemang sosyalismo: “From each according to his ability, to each according to his needs.”

Isina-Filipino ito nina Patreng Non at naging makapangyarihang islogan ng mga community pantry. Bumasag din ito sa mga anti-masang stereotype na pinapalaganap sa mga tao tulad ng “likas na makasarili ng mga tao sa Pilipinas kaya hindi umuunlad ang bansa.”

Minahal ang islogan ng mga tao at ngayon ay inaangkin bilang kanila. Naging makapangyarihang instrumento na rin ito para palaganapin ang pagiging maka-kapwa at mapagkapwa, lalo sa panahon ng pandemya na malaki angkahinaan sa pagtugon ng gobyerno.

Sa totoo lang, bagamat sinabi ni Karl Marx, mas Kristiyano ang diwa nito. Kakaibat nito ang pagpapahalaga sa dignidad ng tao — na hindi lang organismong kailangang makakain at mabuhay nang maayos, kundi mapagkakatiwalaan, hindi ganid at mapagbigay.

Napakamalisyoso rin ang akusasyon na sinadya ang pangalan dahil katunog ng Communist Party of the Philippines. Eksakto ang pangalan dahil hindi ito canteen, hindi binibili ang pagkain dito. Hindi rin naman kusina, dahil hindi dito iniluluto ang pagkain.

Walang masama sa pangalan dahil ang nais ng mga nagsimula nito na maging isang pagsisikap ng komunidad ang community pantry at hindi ng iilang indibidwal, kompanya o pulitiko.

Walang masama dito, at walang dapat baguhin. Karapat-dapat pa ngang pamarisan. Ang tanging masama ay ang mga nag-aakusa at nangre-redtag sa inisyatibang ito.

Pila sa Maginhawa noong Abril 17. Larawan: SAKA

2. Labag sa health protocol?

Nakita sa maraming parte ng bansa na maayos at wala gaanong isyu sa crowd control sa pagpila sa mga Community Pantry. Ipinakita lang nito na kung uunawain ang mga mamamayan, mauunawaan din nila tayo — at ang pagtitiwala sa kanila, susuklian din nila ng pagtitiwala.

Madalas itong banggitin ni Patreng Non sa mga panayam sa kanya. Nakikipag-usap talaga sila sa mga tao. Inaalam nila ang kalagayan ng mga tao. Nagiging makatao siya at lumelebel na kapantay lang nila at hindi nagmamataas dahil lang sa kanya nagmula ang inisyatiba.

Sa mga pantry na mahaba ang pila at kailangan ng kaayusan, madalas pa ngang katuwang ng mga organizers ang lokal na pamahalaan o barangay — at ang ibang maralitang nakapila mismo. Kung anuman, nagpapakita ito ng tunay na bayanihan at pagbibigayan — isang katangiang Pilipino.

Walang masama dito, at walang dapat baguhin. Karapat-dapat pa ngang pamarisan. Ang tanging masama ay ang mga nag-aakusa at nangre-redtag sa inisyatibang ito.

Patreng Non (kanan) noong Abril 17, sa community pantry sa Maginhawa na pinasimulan niya. Larawan: SAKA

3. Gustong pabagsakin ang gobyerno?

Taliwas sa pinapalaganap ng NTF-Elcac na laban ang community pantry sa pamahalaan at may layuning pabagsakin ito, walang ibang tugon si Patreng Non sa mga nais magsimula ng kanilang community pantry liban sa huwag maging judgemental o mapanghusga sa mga kumukuha.

Dagdag pa niya, kung maaari, huwag nang gayahin ito ng pamahalaan dahil mayroon naman itong budget na dapat gamitin para sa tao. Hindi donasyon ang dapat ibigay ng pamahalaan kundi ayuda.

Muli, walang masama dito, at walang dapat baguhin. Karapat-dapat pa ngang pamarisan. Ang tanging masama ay ang mga nag-aakusa at nangre-redtag sa inisyatibang ito.

Dibuho ni Robert Alejandro

4. Humihingi ng pananagutan ng gobyerno?

Bago ang lahat, uulitin ko lang ang punto sa itaas, walang ibang tugon ang mga nagsimula ng community pantry liban sa sana huwag maging judgemental sa mga kumukuha at huwag nang gayahin ng pamahalaan.

Walang sinabi si Patreng Non at mga kasamahan niya na kailangan may poster ng ganito o dapat may panawagan. Kung mayroon mang mga community pantry na may mga panawagan gaya ng libreng bakuna, mass testing o ayuda, inisyatiba ito ng indibidwal na mga organizer.

Simpleng mga panawagan din naman iyan para sa matinong paggugobyerno sa panahon ng pandemya, huwag sana bigyan ng malisya ng pamahalaan. Makatutulong pa nga sa pamahalaan kung makikinig ito sa mga makatarungang panawan ng mga mamamayan.

Karapatan din ang magpahayag na bahagi ng demokrasya — ang manawagan ng accountability sa mga namumuno. Wala namang bahong aalingasaw kung walang basura sa pamahalaan. Kung mayroon mang dapat sisihin sa galit ng mga mamamayan, walang iba iyan kundi ang gobyerno mismo.

May nagpapalaganap ng larawan na sa community pantry ng Kilusang Mayo Uno, na may nakalatag na progresibong pahayagang Pinoy Weekly sa lamesa. Subalit sa community pantry ng PNP, may mga pahayagan ding nakalatag na pro-Duterte at may Bibliya pa nga. Walang problema dito basta hindi pornograpiya at pagsasakdal sa inosente ang nilalaman ng mga pahayagan.

Iba’t ibang community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ayon kay Patreng, nitong Abril 23, umabot na sa mahigit 500 ang community pantries sa buong bansa. Imahe mula sa FB account ni Jean Palma

5. Aktibista at mag-aaral ng UP ni Patricia Non?

Malinaw ang layunin ni Patreng Non at ng community pantry: ang tumulong sa kapwa lalo na sa panahon ng matinding kahirapan sa bansa. Kung may nais mang ugatin ang dahilan ng matinding kahirapan, wala ring masama.

At kung ano man ang background ni Non noong siya ay mag-aaral pa sa Unibersidad ng Pilipinas ay walang kinalaman sa hangad niya na pagtulong dahil wala naman silang pinipiling tulungan.

Kung naging aktibista man siya noon, ayon pa sa kanya ay nakatulong pa nga ito para magawa niya ang ganitong pakikipagkapwa-tao. Gaya siya ng maraming aktibista na ngayon ay nagtatrabaho sa mga nongovernment organization (NGO), simbahan, pribadong kompanya, mga unyon ng mga manggagawa, mga samahan ng mga magsasaka, at maging sa mga sangay ng gobyerno na may elemento ng pagtulong sa mahihirap.

Muli, walang masama dito, at walang dapat baguhin. Karapat-dapat pa ngang pamarisan ang ginagawa nina Patreng Non. Ang tanging masama ay sila Antonio Parlade, Lorraine Badoy, Hermogenes Esperon ng NTF-Elcac at ang kanilang mga tauhang walang makitang maganda sa mga inisyatibang hindi nagmula sa kanila, mga ideyang labas sa kanilang makitid at anti-mamamayang pananaw.

Sa dulo, sabi nga, walang pinakamahirap gisingin kundi ang nagtutulug-tulugan. At walang pinakamahirap paliwanagan kundi iyung nagbibingi-bingihan. Walang masama sa community pantry; sa katunayan, napakahusay at napakabuti nito. Iyung may mga malisya lang talaga sa gobyerno ang namumuna at galit dito.

Anong gusto nila? Maghirap at maggutom lang nang tahimik ang mga Pilipino? Iyan na ang nga ang nangyari sa mahigit isang taong pandemya. Hindi magdurusa sa tahimik ang mga Pilipino; gagawa tayo ng paraan para makakain, makaraos sa gutom, makatawid-buhay — at iyan ang kabuluhan ng community pantry.


Featured image: Mula sa poster ng Anakpawis Tulong Kitchen: https://www.facebook.com/photo?fbid=326708965486597&set=a.253297529494408