Dear Meg FEATURED

Dear Meg | ‘Bardagulan’ sa punahan


Tanong ng isang aktibista kung papaano haharapin ang malupit na punahan.

Dear Meg

Dear Meg,

Papano ba maiiwasang mauwi sa bardagulan ang criticism and self-criticism (CSC) sessions?

H


Dear H,

Salamat nang marami sa tanong, na nagpangiti sa akin.

(Para sa mga mambabasang hindi aktibista, ang CSC ay tumutukoy sa criticism and self-criticism, isang bahaginan ng pagtingin tungkol sa isa’t isa at sa kani-kanyang paggampan ng gawain, sa layong tulungan ang lahat na umunlad).

Alam kong alam mo na ito, pero lagi namang mainam na ipaalala: ang CSC ay haligi ng buhay-aktibista. Sinasalamin nito ang ating pagsisikap na laging magpanibagong-hubog at mapabuti ang ating sarili at mga pamamaraan. Bagaman pinag-uusapan natin ang asal at pagdadala ng buhay ng mga kasama, ang totoong pakay ay matukoy paano mapapaigi ang pagtutunguhan, habang sama-sama nating nililikha ang isang bagong lipunan.

Kung magtitiwala tayong mahigpit na tatanganan ng lahat ang ganitong pag-unawa, madaling maiigpawan ang anumang gitgitan. Tatanggapin natin ang mga puna nang maluwag sa loob bilang matamang obserbasyon, hindi bilang atake sa ating pagkatao. Ituturing natin ang sesyon na pambihirang pagkakataon upang mapakinggan ang saloobin ng mga kasama – lalo na ‘yung madalas ay tahimik lang! – tungkol sa atin, at hindi aktibidad na dapat katakutan. Halimbawa, maaari nilang ipaabot ang namamasdang kawalang-konsiderasyon sa bahagi natin, na hindi natin naiisip dahil sa pagiging abala. O kaya naman ay maipaalala ang mga magandang bagay tungkol sa atin na hindi na natin gaanong napagtutuunan ng pansin. At kung mahahalaw natin ang tamang aral mula rito, lalabas tayong bitbit ang mas malalim na pag-unawa sa sarili at isa’t isa, at mga bagong pagtingin na magdadala sa atin sa mas mahusay na pagsusuri sa kalagayan, mas mahusay na lapit, mas mahusay na mga plano.

Ngunit dala natin sa organisasyon ang kani-kanyang pinanggagalingan, personalidad, at paraan ng pagpapahayag. Nasa iba-ibang yugto rin tayo ng pagkatuto kung paano maging mabuting aktibista. Idagdag pa rito ang matitinding alalahanin sa yugtong ito ng kasaysayan, at masasabi kong hindi maiiwasan ang banggaan ng mga ideya.

Gayunpaman, malinaw sa ating ideyolohiya na ang kontradiksyon ay hindi tinatakbuhan, kundi niyayakap nang buong tapang. Ito ay tanda ng kalusugan ng organisasyon – lalo na ng isang kilusang mapagpalaya. Ibig sabihin, mayroong mga pananaw na humahamon sa luma, at malay tayo kung ano ang dati, ano ang ngayon, at ano ang dapat. Kung ako ang iyong tatanungin (at sa unawa ko’y tinatanong mo nga ako), ang dapat ipag-alala ay kung puro papuri ang laman ng punahan. Baka naman wala nang iuunlad ang kasama at panahon na upang tumanggap sila ng bago at mas mabigat na tungkulin. O kaya’y natatakot ang mga tao na magsabi ng hindi maganda. O mas masaklap, baka iisa na ang hilatsa ng ating pag-iisip.

Nakababahala lalo na ang huli sa konteksto ng pakikibaka, kung saan mahalaga ang pagkamalikhain, ang kakayahang mag-isip ng di-pangkaraniwan. Hindi ba’t lagi tayong naghahanap ng paraan upang baguhin ang kaayusan, at mag-isip ng alternatibo?

Anu’t anuman, kahit sinisikap nating maglahad ng matapat na puna at malugod na tanggapin ang ibang mga pagtingin, mainam pa ring magkaroon ng ilang alituntunin, at magtalaga ng isang mahinahong tagapagpadaloy na magtitiyak na ang lahat ay sumusunod sa oras, nakatuon sa paksa, at higit sa lahat ay gumagamit ng malinaw at mapagkasamang pananalita.

Hinihingi ng punahan ang ingat sa pagpili ng mga salita, upang hindi tayo makasakit. Minsan, kailangang palipasin ang matinding emosyon bago magpatuloy, at huwag umimik kung labis ang galit. Gaya ng alam ng marami, kapag nilalamon tayo ng poot, makapagsasabi tayo ng mga bagay na ating pagsisisihan, at wala rin naman tayo sa hulog na tanggapin kahit may mahusay na paliwanag ang kausap.

Makakatulong na isulat muna ang nasa isip, at magsanay kung paano ito ilalahad. Paano mo ito tatanggapin kung ikaw ang pinatutungkulan? Isa itong pagsasanay sa pakikiramay, na siya namang pinagkakadalubhasaan nating mga aktibista: ang paglalagay sa sarili sa sitwasyon ng iba, lalo na ng mga nasa laylayan.

Bilang panghuli, malaking tulong ang sense of humor. Sa gitna ng dinaranas nating kawalang-katarungan, tingin ko’y malaking bagay kung kaya nating pagtawanan ang ating sarili at ang isa’t isa. Sa konteksto ng isang kilusan, ang sense of humor ay nakasalalay sa pagtitiwalang ang bawat kasama ay likas na mabuting tao, at ang anumang pagkakamali ay hindi sinasadya at dala lamang ng kawalang-ingat o marahil ay matinding pagod, hindi ng layuning makapanakit. Alam natin kung sino ang gumagawa noon. ?

Araw-araw na pagpapatawad – at pagpapatawa – sa sarili at isa’t isa. Tingin ko’y kayang-kaya ninyo ito. Good luck sa inyong punahan at nawa’y magtapos ito sa kainan, tawanan, at higit sa lahat, sa mas matibay na paninindigang magpatuloy sa inyong ginagawa.

Meg