Editoryal

Listahan ng terorista

May 25, 2021

Wala man lang maipresentang ebidensiya o kahit anong patunay na sangkot sa mga gawaing terorista ang mga ito.

Panibagong paglapastangan sa karapatang pantao, saligang batas, demokrasya at kapayapaan ng bansa ang paglalabas ng anti-terror council (ATC) ng listahan 19 na inaakusahan nito bilang mga terorista at kasapi ng komite sentral ng Communist Party of the Philippines (CPP). 

Mabigat ang akusasyon at kaakibat nitong banta sa mga nasa listahan. Pero wala man lang maipresentang ebidensiya o kahit anong patunay na sangkot sa mga gawaing terorista ang mga ito. Katwiran pa ni National Security Adviser at ATC vice chair Hermogenes Esperon, kailangan pa daw ba ng pruweba na kasapi ng CPP-NPA ang mga nabanggit sa listahan? Kahit ang mga pinakamalupit na tsismosa sa barangay ay naglalabas ng pruweba bago magpakalat ng intriga.

Ang 19 pangalan sa listahan ng ATC ay kinopya lang sa nauna nang listahan ng 600 katao na tinangkang ideklara bilang terorista ng Department of Justice. Marami sa mga personalidad sa listahan ng ATC ay nauna nang napatunayan sa korte na walang kaugnayan sa CPP. Mismong DOJ na rin ang nagtanggal kina Rafael Baylosis, Vic Ladlad, Adel Silva, at magasawang Benito at Wilma Tiamzon sa nauna nilang listahan. 

Nauna na ring inalis ng European Union si Propesor Jose Maria Sison sa listahan nito ng mga terorista. Kahit Malakanyang mismo ay sinubukan nang ipatanggal si Sison sa listahan ng mga kinikilalang terorista ng Estados Unidos noong 2017 para makalahok ito sa usapang pangkapayapaan.

Bukod sa kawalan ng ebidensiya, abusrdo ang akusasyon ng ATC na ang mga nasa listahan ay nagpaplano, nagsasabwatan at naguudyok ng terorismo. 14 sa 19 na nasa listahan ng ATC ay mga peace consultants ng National Democratic Front of the Philippines. Matagal na silang kilala bilang mga tagapagtaguyod  ng kapayapaan at buong sikap na nakikipagnegosasyon sa gobyerno ng Pilipinas para makabuo ng mga kasunduan at repormang tutugon sa ugat ng armadong labanan. 

Matagal nang modus ng rehimeng Duterte ang walang pakundangang pagpapakalat ng mga intriga at akusasyon laban sa mga kritikal sa kanyang paghahari. Talamak ang red-tagging, fake news at pagsampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa sinumang tumutuligsa o naglalantad sa kabulukan ng rehimen. 

Pinatutunayan lang ng gawa-gawang listahan ng ATC ang matagal nang babala at pangamba ng mga nagpetisyon laban sa Anti-Terror Law na gagamitin lang ng rehimeng Duterte ang batas para supilin ang mga kritiko nito. Layunin lang nitong ikutan ang saligang batas para tugisin ang mga itinuturing na “kalaban” ng administrasyon at takutin o pagbantaan ang mamamayan na lumalaban sa kanyang pasistang paghahari.

Nakakabahala ang katiyakan na hindi lamang ito ang listahang iimbentuhin ng ATC. Napakadali na para kay Duterte na sabihing terorista ang mga naglalantad sa kapalpakan niya sa pagtugon sa pandemya. Pwede niya ring basta isama sa listahan ang mga tumatawag sa kanyang traydor at tuta ng Tsina. Tiyak  na gagawin niya ito maisalba lang ang sarili mula sa galit ng mamamayan.

Kung terorismo lang din ang pag-uusapan, napakaraming maaring ilista ng ATC na totoong terorista kung haharap lang sila sa salamin. Si Duterte, walang ibang bukambibig kundi papatayin, bobombahin ko kayo. Si Esperon, handler ng berdugong si Jovito Palparan at opereytor ng extra-judicial killings sa panahon ni Gloria Arroyona pumatay ng libu-libong masa at aktibista. Si Sec. Eduardo Año, kidnapper na dumukot kay Jonas Burgos, Karen Empeño at Sherlyn Cadapan. Si Sen. Bato dela Rosa, berdugo ng madugong war on drugs at pinuno ng kultong Tadtad. Si Gen. Debold Sinas, mastermind ng mga masaker sa Negros at iba pang probinsya kung saan siya nadestino. 

Alam ni Duterte at mga alipores niyang heneral na labag sa saligang batas ang ATL. Kaya nga habang dinidinig pa sa Korte Suprema ang konstitusyunalidad nito ay nilulubos na nila ang buong bangis na pagpapairal sa pakana nilang batas. Kaya bago pa tuluyang makapaminsala sa mamamayan, dapat agad nang ibasura ang Anti-Terror Law at panagutin ang mga may pakana ng lansakang paglapastangan na ito sa karapatan ng mamamayan at sa demokrasya at kapayapaan sa ating bayan. 

PW Staff