FEATURED Komentaryo

Palestine sa puso


Walang kumplikado sa isyu ng Israel at Palestine. Hangga’t di nagwawakas ang pananakop ng una sa huli, di matatapos ang gulo.

“It’s complicated.”

Madalas natin itong nababasa o naririnig mula sa mga pumapanig ng Israel sa 74 taong pananakop nito sa Palestine. Kasama ito sa mga komentaryo nang muling pinaulanan ng bomba ng Israel ang Palestine nitong unang linggo ng Mayo bilang sagot sa protesta ng mga Palestino sa ginawang pagpapalayas sa mga kababayan nila sa komunidad ng Sheikh Jarrah.  Kumplikado daw ang sitwasyon na parang isang relasyon sa pagitan ng dalawang tao na hindi maayos-ayos.

a totoo lang, walang kumplikado sa usaping ito. Malinaw pa sa sikat ng araw ang mga katatohanang nagpapaliwanag sa kaguluhan sa pagitan ng Israel – isang pwersang mananakop – at Palestine, ang bansang sinakop. 

Nang matalo ang Germany sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nalantad na may anim na milyong mamamayang Hudyo ang pinatay sa utos ni Adolf Hitler, ang baliw na Chancellor ng Germany at pinuno ng Nazi Party.  Dineklara kasi ni Hitler na mas mababa pa sa hayop ang mga Hudyo. Sa utos ni Hitler, inaresto at ikinulong sa mga concentration camp ang mga Hudyo. Pinatay ang milyong bata, matanda, babae at lalaking Hudyong Aleman. Tinawag ang kabuuang karanasang ito na “Holocaust”.  Hindi madaling ilarawan ang iba’t ibang paraang ginamit ng mga Nazi at Gestapo upang saktan ang mga Hudyo.

Isa sa pinakakilalang dokumento mula sa malagim na panahong ito ang mga tala ng 14 taong si Anne Frank.  Lampas dalawang taon siyang nagtago sa isang attic kasama ang kanyang mga magulang at ate na si Margot bago sila natuklasan ng mga Nazi. Sinulat ni Anne ang kanyang mga saloobin at damdamin sa isang diary. Namatay siya sa isang concentration camp ilang linggo lang bago natalo ang Germany. 

Ang mga tala ng pagdurusa ng mga Hudyo sa Germany ang sinasabing nagtulak sa United Nations sa pamumuno ng Inglatera, EU, Pransiya, at maging ng bagong tayong gobyerno ng Germany, na tumugon sa panawagan ng Zionist Movement na bumuo ng isang Jewish State – ang bagong Israel. Para umano ito sa mga survivor ng Holocaust at sa lahat ng mga Hudyo sa iba’t ibang panig ng daigdig na sinabing nagkalat mula pa noong panahon ng Bibliya sa tinawag na “diaspora”. 

Binuo nila ito noong 1947 sa lupain ng Palestine na noo’y may lampas 1 milyong mamamayang Muslim, Hudyo, at Kristiyano na sama-samang namumuhay. 1948 nang simulang sakupin ng bagong Israel ang Palestine at ito ang naging hudyat ng 74 taong pagdurusa ng mamamayang Palestino.

Walang kinalaman ang Diyos 

Pinaka-nakakairita at nakakagalit sa mga argumentong nagtatangkang ikatwiran ang Israel at ang patuloy nitong pananakop sa Palestine ay ang pagsasabing “kagustuhan ito ng Diyos.”

Walang matinong usapan kapag ganito ang pagdadahilan. Nawawala sa usapan ang pagtatraydor ng UN sa mga Palestino, ang patuloy na pagsuporta ng EU at Britanya sa Israel sa pamamagitan ng milyong pondong pandigma, at ang brutalidad ng Israel mismo bilang mananakop.

Ang hindi alam o hindi tinatanggap ng mga nagtatanggol sa Israel ay ang katotohanang hindi iisa ang kasalukuyang “Israel” sa Kaharian ng Israel na nasa Bibliya na sinasabing 722 BC pa nalusaw. Para sabihing ang lupain ng Palestine ay karapat-dapat na gawing Israel bilang pagbawi sa dating kaharian sa ngalan ng Diyos ay isang malaking kalokohan. 

Walang banal o moral sa pananakop ng Israel sa Palestine. Ang kalupitan ng berdugong si Hitler ay dinoble nang paulit-ulit ng mga lider ng Israel sa pamumuno ni Prime Minister Benyamin Netanyahu at ng Israel Defense Forces (IDF) laban sa mga Palestino. Nagsimula sa Nakba o “kalamidad” ang pang-aabuso kung saan lampas 700,000 mamamayang Palestino ang pinalayas mula sa kanilang mga tahanan at komunidad nang arbitraryong ideklara ang mga ito bilang teritoryo ng “Israel” noong 1948.

Hanggang ngayon, lampas milyon na ang bilang ng maliliit, malalaki, ngunit lahat ay marahas at di makatarungang paglabag sa karapatang pantao ang ginawa ng Israel laban sa mamamayan ng Palestine. Binubuldoser ang mga panananim ng magsasakang Palestino gaya ng olive at date trees at sinisira ng IDF ang mga bahay. Sa Gaza at West Bank, isang dekada na ang paniniil at panggigipit. Pinuputol ang suplay ng tubig, kuryente, gamot at pagkain para sa mga Palestino. Pinapalayas ang mga residente mula sa kanilang mga tirahan at doon palilipatin ang mga Hudyong settlers – mga indibidwal mula sa ibang bansa na binayaran upang lumipat sa “Israel”.

Hindi pa ito ang pinakamasahol. Sistematiko ang pamamaslang sa mga mamamayang Palestino. Madalas ang mga masaker sa mga komunidad na tumutol ang mga pamilyang pinapaalis ng IDF. Ginagawang target practice ng mga sundalong Israeli ang mga binatang 

Palestinong naglalaro ng soccer sa baybaying dagat. Inaaresto at hinihiwalay ang mga bata sa kanilang mga magulang at ikinikulong sa akusasyong namamato ng sundalo. May dalagitang papasok sa eskuwelahan ang basta na lang sinaksak ng IDF. May mga senior citizen na tumatawid sa kalsada ang sadyang binundol at sinagasaan ng sibilyang Israeli.

Walang awtoridad na Israeli ang nananaway sa kanilang mga sundalo o sibilyan. Walang pwedeng dulugan ng reklamo ang mga biktimang Palestino. Pero  hindi ito nangangahulugang walang pag-asa ang mga mamamayan ng Palestine.

Suporta sa intifida 

Sa harap ng dekadang kalupitan at pananakop, hindi kailanman sinuko ng mga Palestino ang kanilang bansa o pagkatao. Buhay na buhay ang Palestine sa puso at diwa ng bawat isang Palestino. Alam ng kanilang kabataan ang ugat ng kanilang kahirapan at kung sino ang kaaway. Ito ang dahilan ng kanilang patuloy na paglaban.

Bato laban sa bala. Tirador laban sa tangke. Pagmamahal sa bayan at determinasyong mabuhay nang malaya ang insipirasyon ng bawat Palestino. Dalawang beses nang nagkaroon ng intifada o pag-aalsang bayan sa Palestine, noong 1987-1993 at noong 2001-2005. Humugos sa mga kalsada ng Gaza, West Bank, Hebron at Golan Heights ang mga Palestino – marami sa kanila mga kabataan – at pinaulanan ng mga bato at Molotov cocktails ang mga IDF.  Nabuo na rin ang liberation army na Hamas na nakabase sa Gaza. Pinakita ng mga Palestino sa daigdig ang kahulugan ng katapangan. Hindi lang pagtatanggol sa Islam ang kanilang paglaban sa Israel: paglaban ito sa pampulitika at pang-ekonomyang pananakop ng mga dayuhang pwersa, pagalaban sa imperyalismong US na nagpopondo sa Israel at gera nito. 

Sa pagitan ng mga intifada, patuloy ang kampanya ng mga lider ng Palestinian Liberation Movement, sa tulong ng mga grupong tagasuporta sa maraming bansa, na ilantad ang Israel at ang mga nasa likod nito: ang mga gobyerno ng EU at Britanya, at ang mga kompanyang kumikita sa digma at pananakop. Nitong huling buwan, daang-libong mamamayan sa iba’t ibang bansa ang nagpakita ng pakikiisa sa  Palestine sa mga kilos protesta. Iginiit nila ang pagputol ng relasyon ng kanilang gobyerno sa Israel at ipinanawagang kondenahin ng kanilang mga opisyal ang pananakop. Inaakusahan nila ng apartheid o diskriminasyon batay sa lahi ang Israel, at sinabing war crimes at crimes against humanity ang mga ginagawa nito laban sa mga mamamayan ng Palestine.

Maraming Hudyo ang suklam din sa Israel. Iginigiit nila na hindi alinsunod sa turo ng Judaismo, o relihiyon ng mga Hudyo, ang mga kalupitan ng Zionism at ng Israel. Sila ay kabilang sa daan-daang organisasyong masa, institusyon para sa karapatang pantao, at sa samahang relihiyoso na nananawagang wakasan na ang okupasyon sa Palestine.

Sa UN, umabot na sa halos 200 ang mga resolusyong inilabas ng UN Human Rights Council at maging ng General Assembly na kumokondena sa Israel. Binabalewala lang ng Israel ang lahat ng ito dahil non-binding ang mga resolusyon ng UN. 

UN ang lumikha sa Israel, pero wala itong magawa para wakasan ang panakop nito. Bakit? Dahil tuloy ang suporta ng EU at ng Britanya — kasama na ang Pransiya at Germany na rin – sa Israel. Pang-ekonomiyang interes ang ugat ng suportang ito, at pasan-pasan ng mamamayang Palestino ang lahat ng malupit at madugong epekto. 

Sa ngayon, tumigil na ang pagbagsak ng bomba sa Palestine dahil napuwersang magdeklara ng ceasefire ang Israel sa tindi ng public pressure.  Kumalat kasi sa internet ang mga larawan ng mga winasak na gusali, at mas masakit, mga bangkay ng mga namatay na Palestino – bata at matanda – dahil sa pambobomba sa kanilang mga bahay, eskuwelahan at ospital.  Nagdiwang ang maraming Palestino sa ceasefire dahil pumanig ang daigdig sa kanila, pero alam nilang walang katiyakan ang kasalukuyang payapa. Alam nila na walang kapayapaang maaaring magtagal kung walang hustisya. 

Walang kumplikado sa isyu ng Israel at Palestine. Hangga’t nananakop ang una sa huli, hindi matatapos ang kaguluhan. Hindi kailanman magiging tama ang Israel at ang kanyang mga tagasuporta sa pagsasabing may karapatan din silang mabuhay: ang pananatili nito sa Palestine ay nangangahulugan ng kamatayan ng mga mamamayang Palestino kaya hindi ito maaaring ituring na karapatan.