FEATURED

Pagsabog sa Masbate, iimbestigahan ng NDFP


Nanindigan ang NDFP sa awtoridad nitong imbestigahan ang reklamo laban sa yunit at kasapi ng NPA alinsunod sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.

Sinalubong ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang mga panawagan para magkaroon ng kinakailangang imbestigasyon kaugnay ng insidente ng pagsabog ng command-detonated explosive na ikinasawi ng magpinsang Keith at Nolven Absalon sa Masbate noong Hunyo 6.

Handa rin nitong ipresenta ang resulta ng imbestigasyon sakaling muling magtipon ang Joint Monitoring Committee para dinggin ang naturang kaso at iba pang mga kaso laban naman sa Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at kay Duterte.

Gayunpaman, nanindigan ang NDFP na ito lang ang may awtoridad at hurisdiksyon sa mga reklamo laban sa mga yunit at kasapi ng New People’s Army (NPA) alinsunod sa nilalaman ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl) na pirmado ng GRP at NDFP.

Ito din ang pundamental na prinsipyo sa usapang pangkapayapaan na nakasaad sa GRP-NDFP The Hague Joint Declaration hinggil sa pagkakapareho, pagkakapantay-pantay, pagiging magkatumbas at pakikipagkapwa sa pagitan ng dalawang panig.

“Ang imbestigasyon ay dapat simulan at matapos sa loob ng istruktura ng kumand ng NPA para buo at kumpletong mailatag ang katotohanan at maihanda ang naaayong kaso bago ang anumang paglilitis sa hukumang militar ng NPA o sa Hukumang Bayan,” sinabi ng NDFP sa isang pahayag.

Isuko?

Nananawagan ngayon ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas na isuko at panagutin sa batas ng GRP ang mga kasapi ng NPA na sangkot umano sa pagsabog.

“Ngayong inako na ng CPP/NPA ang buong pananagutan para sa pagpatay, tungkulin na nito na isuko ang mga responsable sa kanilang pagkamatay,” sinabi ni Undersec. Jonathan Malaya, tagapagsalita ng Department of Interior and Local Government (DILG), sa wikang ingles.

Sabi pa ni Malaya, ang Carhrihl ay isa lang kasunduan at wala umanong silbi na igiit pa ito. Sa halip, dapat aniyang pairalin ang Republic Act (RA) No. 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Pero para kay Propesor Jose Maria Sison, chief political consultant ng NDFP, mali na magpasailalim sa awtoridad ng GRP ang mga NPA at iba pang rebolusyonaryo.

“May gera sibil sa pagitan ng GRP at NDFP. Co-belligerent forces sila ayon sa international law tungkol sa armed conflict at civil war.  Hindi makatarungan o karapat-dapat na obligahin ng GRP o anumang ahensiya ng GRP na isuko ng NDFP sa GRP ang yunit at tauhan na may direktang kinalaman sa insidente sa Masbate,” sabi ni Sison.

Aniya, NDFP lang ang bahalang tumanggap ng reklamo, magimbestiga at magtiyak na may due process sa pagpapanagot sa sinumang akusado. Gayundin aniya, ang GRP lang ang may awtoridad sa mga paratang laban sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

“Ang daming pinatay ng AFP at PNP na mga NDFP peace consultants at iba pang mga tao pero hindi pwedeng obligahin ng NDFP ang GRP na isurender sa NDFP ang gumawa ng mga karumaldumal na krimen,” paliwanag ni Sison.

Ayon sa sa Article 1 ng mga Pinal na Probisyon ng Carhrihl, bawat panig ay dapat magkahiwalay na gumampan ng kanilang mga tungkulin at responsibilidad na panghawakan, ipagtanggol at itaguyod ang karapatang pantao at mga prinsipyo ng internasyudal na makataong batas ayon sa kani-kanilang pampulitikang prinsipyo, organisasyon at mga sirkumstansiya hanggang makabuo ng pinal na resolusyon sa armadong tunggalian.

“May sariling gobyerno at batas, mga namamahalang organo at hukbo, mamamayan at territoryo ang mga puwersa ng NDFP. Hindi puwedeng basta mag-utos ang GRP sa NDFP na isuko sa kanya ang anuman o sinuman,” ani Sison.

Mungkahi niya, “Mabuti pa kung magpadala ng reklamo  o impormasyon ang GRP (o sinumang may direktang interes) sa NDFP sa pamamagitan ng Joint Monitoring Committe  o sa active at bukas na NDFP-nominated section ng JMC sa Cubao o sa pamamagitan ng Royal Norwegian Government o kahit sa International Committee of the Red Cross.”

Jose Maria Sison, punong konsultant pampulitika ng NDFP. PW File Photo

JMC

Isa sa mga pangunahing laman ng Carhrihl ang pagbubuo ng Joint Monitoring Committee (JMC) para bantayan ang anumang paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas ng bawat panig.

Pero ayon kay Malaya, hindi na umiiral ang JMC. Sa halip aniyang maghain ng reklamo sa dito, dapat magsampa na lamang ng kaso ang mga awtoridad, kasama ang pamilya Absalon sa mga “tamang korte” para litisin ang mga may sala.

Nakasaad sa Carhrihl na patuloy na iiral ang JMC hangga’t hindi ito binubuwag ng alinmang panig sa pamamagitan ng pagpapaabot sa kabilang panig ng kasulatan para magbigay ng pabatid sa pagbuwag.

Magkakabisa lamang ang pagbuwag matapos ang 30 araw mula nang matanggap ng isang panig ang nasabing kasulatan.

Paliwanag ni Sison, bago  pa aniya pinaralisa ng GRP ang JMC ay may higit 6,000 kaso ng paglabag sa Carhrihl ang isinampa laban sa GRP at kulang sa 2,000 naman ang isinampa laban  sa NDFP.

Sa pahayag naman nito, sinabi ng NDFP na gumagana pa hanggang ngayon ang nominated section nito sa JMC. Sa kabilang banda, hindi naman aktibo ang nominated section ng GRP.

“Ang Carhrihl at mga kasunduan sa pagbuo ng JMC at operating guidelines nito ang mga pinakaimportanteng pertinenteng kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP,” ani Sison.

“Kahit na sinabotahe at pinatay ni Duterte ang peace talks, may mga pertinenteng dating kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP na nagsasaad ng pamantayan at ilang pertinenteng probisyon sa mga dating kasunduan,” dagdag pa niya.

Mula 2004 ay umiiral na ang JMC na humihiiling ng imbestigasyon sa mga reklamo sa kinauukulang panig at naghahain ng mga rekomendasyon. May mga nakatalagang co-chairperson ang bawat panig na tumatanggap ng mga reklamo at iba pang mahalagang impormasyon.

“Ang  GRP at NDFP ay may kanya-kayang hurisdiksyon at dapat ipaalaman  na lang sa JMC kung ano ang resulta ng kaniya-kanyang imbestigasyon at ano ang mga hakbang na ipinatupad laban sa mga nasasangkot,” sabi ni Sison.

Pinirmahan din sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan noong 2017 ang karagdagang mga panuntunan para sa operasyon ng JMC.

“Sabihin man ng GRP na wala nang kwenta ang mga ito,  bakit naman magsurender ng prinsipyo, jurisdiction at mga tauhan ang NDFP sa GRP? Subukan ng GRP at mga armadong pwersa nito pumasok sa teritoryo ng NPA para ipasurender kung sino sa GRP, tiyak na makatarungang lalabanan sila ng NPA bilang armadong puwersa ng People’s Democratic Government,” banta naman ni Sison.

Landmines

Bukod sa pagmamaliit sa Carhrihl bilang nilagdaang kasunduan, iginiit din ni Malaya na hindi umano ito maaring gamitin para bigyang katarungan an mga Absalon dahil hindi naman umano ito nirerespeto ng NPA.

“Hindi nirerespeto ng CPP/NPA ang Carhrihl dahil gumagamit ito ng parehong command-donated at contact-detonated landmines bilang sandata. Malinaw na ipinagbabawal sa Carhrihl ang paggamit ng landmines laban sa tao lalo na sa mga sibilyan,” ani Malaya.

Mariin ding kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang naganap na pagsabog sa Masbate at sinabing ang paggamit ng mga “anti-personnel landmines” ay labag sa internasyunal na makataong batas.

“Hindi lang ito nagdudulot ng napakatinding kapinsalaan, pagdurusa at kamatayan, hindi rin pinagkaka-iba ng mga anti-personnel landmine ang sibilyan o mandirigma,” pahayag sa ingles ng CHR.

Paglilinaw ng NDFP, mahigpit na ipinagbabawal ng Communist Party of the Philippines ang paggamit ng self-detonating na landmines. Command-detonated land mines o improvised explosive devices (IED) lang ang ginagamit ng NPA sa ngayon.

“Ang ganitong uri ng pampasabog ay nakakabit sa manual detonating device na maingat na binabantayan ng mga mandirigma ng NPA para tiyakin na pasasabugin lang laban sa lehitimong mga target na militar,” ayon sa NDFP.

Iba ito sa mga contact o target-detonated land mines na sumasabog kapag natapakan o nalapitan ng isang tao. Ito ang ipinagbabawal sa mga internasyunal na makataong batas, sa Ottawa Treaty at Geneva Convention.

Hindi rin maituturing na “anti-personnel landmines” ang ginagamit ng NPA. Sa pakahulugan kasi sa mga internasyunal na batas, ang mga minang pinapasabog sa presensya, lapit  o pagdikit ng isang sasakyan, imbes na tao, ay hindi itinuturing na anti-personnel landmine.

“Maliwanag sa Ottawa Treaty at sa international law na hindi prohibited ang command-detonated  explosives. Pero ano man ang lehitimong gamit sa gera, punyal, bayonet, baril o pasabog, hindi dapat ginagamit  ang mga ito para saktan o patayin ang mga sibilyan,” ani Sison.

Nilinaw naman ng NDFP na ang ipinagbabawal sa Carhrihl ay ang paggamit ng landmines laban sa mga sibilyan. Ang paggamit ng command-detonated na pamasabog laban sa mga lehitimong sasakyan, istruktura at armadong tauhan ng AFP at PNP ay mga akto ng pakikidigma na naayon sa mga internasyunal na batas.

“Mahusay tumudla ang NPA sa  kaaway nito.  Ayon sa  record mismo ng AFP, nakalipol na ang NPA ng 13,300 armadong tauhan ng AFP at PNP magmula  pa 1969.   Sa ganitong paraan, lumaki ang NPA mula siyam ng M-16 riple hanggang 10,000 sari-saring HPRs (high-poowered rifles). Sa kabila nito, ang AFP at PNP ang pumaslang ng higit sa 40,000 sibilyan sa pamamaraang tokhang, artillery fire at pambobomba sa mga komunidad sa kanayunan sa higit na limang dekada,” sabi ni Sison.

Bayad-pinsala

Sa isang pahayag, sinabi naman ni Marco Valbuena, chief information officer ng CPP, na inaako ng Partido at NPA ang buong responsibilidad sa nangyaring trahedya. Nagpaabot din ito ng  taos-pusong pakikidalamhati sa pamilya Absalon para sa “hindi napapanahon at hindi kinakailangang pagkamatay” ng magpinsan.

“Walang makapagbibigay katwiran sa pagdurusang idinulot nito sa pamilyang Absalon,” ani Valbuena.

“Taimtim naming hinihingi sa pamilyang Absalon, sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan, at sa buong sambayanang Pilipino, na tanggapin ang aming paghingi ng tawad, pagpuna-sa-sarili at kahandaang magbigay ng anumang nararapat na kabayaran sa pinsala,” dagdag pa nito.

Nangako ang CPP na magbibigay ng kaukulang bayad-pinsala sa pamilya Absalon ayon sa internasyunal na batas na sumasaklaw sa mga armadong tunggalian.

“Ito ay usapin ng katarungan at obligasyon ng CPP, NPA at NDFP bilang mga nakalagda sa Geneva Convention,” ani Valbuena.

Tiniyak naman ng NDFP na sa pag-iimbestiga nito ay masasagot ang ilang mahahalagang katanungan gaya ng: anong yunit at tauhan ng NPA ang sangkot; may posibilidad bang ito ay gawa ng kaaway at ibinintang lang sa NPA; at may lokal bang hidwaan sa likod nito?

Gayunman, iginiit nito na malayong magkaiba ang insidente sa Masbate sa serye ng mga sinadya at karumal-dumal na pagpatay ng mga armadong yunit at tauhan ni Duterte sa mga peace consultants ng NDFP.

Para naman kay Prop. Sison, kailangang may “sense of proportion” ang mga bumabatikos sa kabuuan at sa kataastaasang organo ng CPP, NPA at NDFP.

“Malayong malaki, laganap at madalas ang  mga krimen ng rehimeng Duterte sa pamamaslang sa mga sibilyan at walang armas,  pati mga nagtatandaang  mga NDFP peace consultants at marami pang ibang tao,” aniya.

Dagdag pa ni Sison, mali rin na isisi sa buong CPP at NPA ang insidente sa Masbate.

“Dapat walang rush to judgment laban sa buong CPP at NPA dahil lumalaban naman ang mga ito sa anumang pandarahas sa sibilyan. Ang may responsabilidad sa Masbate incident ay partikular na yunit at mga indibidwal na tauhan. Kung totoong nagkasala o nagkamali sila, linabag nila hindi lamang ang Carhrihl kundi ang mga prinsipyo, patakaran at rules of discipline ng kilusang rebolusyonaryo,” ani Sison.

Nagpasalamat naman si Manolo, isang magsasakang kasapi ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid sa Bicol, para sa pagpapakumbaba ng NPA.

“Hindi pangkaraniwang humingi ng tawad laluna sa malulubhang pagkakamali. Mula sa mga kilusang pagwawasto hanggang sa pag-amin sa mga bigong aksyong militar, pinatitingkad ninyo ang pagmamalasakit at walang kaparis na katapatan sa amin at sa ating layuning wakasan ang kahirapan,” sinabi niya sa isang bukas na liham para sa NPA.

“Lagi kayong nakahandang magwasto. Handa kayong managot. Sa pagsalang ng inyong mga sarili sa husga ng mamamayan, ipinakita ninyong naglilingkod kayo sa sambayanan,” dagdag pa ni Manolo.

Nasa NPA pa rin aniya ang kanilang tiwala dahil isinusulong nito ang kanilang interes.

“Tiyak kaming kayo ay magwawasto, magpapakahusay at hahango ng mga aral sa karanasang ito. Kayo pa rin ang aming tunay na hukbo,” pagwawakas ni Manolo.