Trese: Ang inaasahan, ang reyalidad


Inaasahan pa ang pag-usbong ng mas marami at mas mabusising suri sa Trese. Ngunit paano nga ba uunlad ang diskurso kung sa umpisa pa lang ay ipinagkakait na sa mga artista at manunulat ang pagkakataon para lumikha?

Noong Hunyo 11, inilabas sa popular na streaming service na Netflix ang Trese, isang bagong animated series na halaw sa komiks nina Kajo Baldisimo at Budjette Tan. Tungkol ang serye kay Alexandra Trese, isang detective na lumulutas sa mga krimeng binabalot ng kababalaghan.

Susundan nito ang mga kasong haharapin ni Trese, ang iba’t ibang nilalang na makakasalamuha at makakasagupa niya, at ang kalaunang pagbubunyag ng katotohanan sa kanyang pagkatao’t papel sa mundong ginagalawan.

Naging mahirap para sa akin ang pagbuo ng maayos na kritisismo tungkol sa Trese dahil naglipana na ang napakaraming komentaryo. Kinaharap ko ang panganib na baka maging aswang lang na kumuha ng lakas mula sa nasabi na. Pero di talaga maikakaila, at maisasantabi ang ingay na nilikha nito: sa promotions pa lang sa social media ay nagkaroon na ng hati sa opinyon ng ilan. 

Bagaman maraming nabilib sa “bandalismo” ng mga aswang at iba pang nilalang sa bagong lagay na mga billboard ng Trese, umaalingawngaw ang matagal nang diskusyon tungkol dito: kailan nagiging katanggap-tanggap ang bandalismo bilang likhang sining? Sino, at tunay nga bang mga aswang ang gising tuwing gabi at nag-iiwan ng mga slogan sa iba’t ibang sulok ng lungsod?

Maging sa pagkuha kay Liza Soberano bilang boses ni Trese ay pinagtalunan. Mungkahi ng ilan, kumuha ng mas bihasang voice actors para sa mga susunod na proyektong animation lalo na’t naglipana ang talento sa bansa. 

Balik naman ng mga nakapaloob na sa batang industriya ng animation sa Pilipinas, dahil sa kasalukuyang kalagayan, kailangan ang star power at recall ng mga pangalan ng sikat na artista para maging mas mabango at kaaya-aya sa mga producer at manonood na tumaya sa gantong klase ng mga proyekto. 

Kung totoo nga, nakakadismaya ang implikasyon: una, nagiging matingkad na pambalot lang ang artista; at ikalawa, ang mahigpit na pagkakatali ng bubot na tradisyon ng animation sa kita ay nagiging sanhi ng patuloy na pagkabansot nito.

Gaya ng mga puwersa ng liwanag at kadiliman sa Trese, naglaban din ang mga ekspektasyon (ng manonood, ng manlilikha, at maging ng mismong serye sa sarili nito) at ang realidad ng aktuwal na presentasyon nito.

Produksiyon

Bagaman malakas ang lukso ng dugo at #PinoyPride, ang Base Entertainment, na siyang namahala sa produksiyon ng Trese, ay isang film company na nakabase sa Jakarta at Singapore. Hindi naman ito kagulat-gulat, dahil sa pagdidiin na bata pa ang industriya ng animation sa bansa, kung masasabi ngang industriya ito. 

Nitong nagdaang mga panahon ay malakas ang tulak para kilalanin ang animation bilang nakabubuhay na career, na ligtas sa pandemya, ngunit hindi natatalakay ang katotohanang kalakhan ng mga animators sa Pilipinas ay outsourced ng mga dayuhang kompanya.

Malayo ang agwat ng animation ng Trese kumpara sa mga anime na inilalabas ng Japan dahil sa mahaba nilang tradisyon ng animation. Kinilala naman ito ng mga tagasubaybay: may pagtitimpla sa ekspektasyon kaya itinuon ng marami ang pagtanaw sa patuloy na pag-unlad nito sa mga susunod pang panahon.

Ang anim na episodes ng Trese (bawat episode ay may tantyang 28 minuto) ay kulang para tuluyang mapalalim ang kuwento, mabigyan ng ibang dimensiyon ang mga tauhan, at maging mas matingkad ang pagbabago ni Alexandra Trese sa kabuoan. 

Ang mga indibidwal na kasong hinarap ni Trese ay madaling naresolba sa tulong ng mga nilalang na tila palaging may sagot at may solusyon. Palaging nariyan si Nuno para magbigay ng impormasyon, nariyan si Santelmo, si Jobert, para magbigay liwanag sa mga nakakubli (kay Trese man o maging sa ating manonood). 

Muli, pagtitimpla sa ekspektasyyon: kinikilala natin ang mga limitasyon na maaaring kinaharap sa produksiyon ng Trese, kaya maiintindihan ang mistulang madali at minadaling kuwento nito. 

Imahe mula sa Netflix series na ‘Trese’.

Unang hakbang pasulong

May pagtatangka ring magsilbing salamin sa tunay na kababalaghan ng lipunan. Sa unang episode pa lang ay naroroon ang pagkasira ng tren sa kalagitnaan ng riles, at mapipilitan ang mga pasaherong bumaba (na tunay na hinaharap ng mga commuter dahil sa pagwawalang bahala ng gobyerno sa public transport); may mga sinusunog na komunidad para sa pagpapatayo ng mga mall; at nabunyag ang pakikipag-kumplot ng isang pulitiko sa sindikato at korporasyon para sa pagpapalakas ng kanilang kapangyarihan. 

Mismong kay Trese pa nanggaling: “Minsan walang pagkakaiba ang mga halimaw sa tao.”

Mulat din, kahit papaano, ang serye sa karahasan ng pulisya, laluna sa panahon ni Duterte. Isang bilanggo sa ikaapat na episode ang malay sa pagtingin ng mga pulis sa mahihirap: mga pawang datos lang, mga pandagdag sa quota.

Maganda ang mga ito bilang panimula o tuntungang kritisismo sa sistematikong pang-aapi at pang-aalipusta, ngunit puwedeng may ilalalim pa ang mga ito. Maaaring siyasatin ang dibisyon ng tao sa mga nilalang ng kababalaghan at bakit tila ang mga nilalang ng gabi ang palagiang representasyon ng masama? Maaaring himayin si Trese at kilalanin ang posisyon niya sa karahasan: ano ang implikasyon ng halos di-makuwestiyong kapangyarihan niya bilang Lakan, at ano ang dala ng pinsala at kamatayang haharapin ng bawat nilalang na tumindig laban sa kanya?

Sa dulo, inaasahan pa ang pag-usbong ng mas marami at mas mabusising suri sa Trese, sa tradisyon ng animation sa Pilipinas, at sa pulitika ng mga kuwentong kababalaghan na patuloy nating inuulit-ulit hanggang ngayon. 

Pero paano nga ba uunlad ang diskurso kung sa umpisa pa lang ay ipinagkakait na sa mga artista at manunulat ang pagkakataon para lumikha? Paano nga ba makabubuo ng mas kritikal na pananaw kung pinipigilan ang paglahok sa usapan?