Karapatang Pantao

Pagpapanagot sa mga abuso

July 13, 2021

Panibagong hakbang pasulong ang prosecutor’s decision sa ICC. Pangako ng mga biktima, hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya.

Gawa ng Ugatlahi/Luigi Almuena (2020)

“Sabi ko sa kanila, habang lalo tayo nagtatago sa takot, lalo tayong tatakutin.”

Ganito raw pinapalakas ni Llore Pasco ang loob ng mga kasamahang nawalan rin ng mahal sa buhay dahil sa war on drugs ng administrasyong Duterte. 

Higit apat na taon na nang patayin at bansagang nanlaban ang dalawang anak ni Pasco na sina Juan Carlos at Crisanto Lozano. At sa apat na taong iyon, ginugol ni Pasco ang kanyang panahon sa paghahanap ng hustisya at pagtulong sa kapwa biktima.

Bahagi siya ng Rise Up for Life and Rights (Rise Up), isang alyansa na binuo matapos ang sunod-sunod na patayan na nakadikit sa giyera kontra-droga.

Isa si Nanay Llore sa mga tagapagsalita sa webinar na “Duterte’s crime against humanity: Rendering justice through the ICC”. Inorganisa ito ng Rise Up, Movement Against Tyranny, MovePH ng Rappler, Free Leila de Lima Movement, at Karapatan – Alliance for the Advancement of People’s Rights.

“Ngayon, marami kaming training. Inaaral din namin lahat iyan – kung paano namin ma-reach out ang iba pang biktima,” sabi ni Pasco. Layunin niya, ng Rise Up, at ng kanilang mga abogado na mangalap pa ng higit na ebidensiya para ipasa sa International Criminal Court (ICC).

Nagpapasalamat naman si Pasco na bago bumaba sa puwesto bilang lead prosecutor si Fatou Bensouda, nagawa nitong maipasa ang petisyon para maimbestigahan sina Pangulong Duterte.

“Ito ang panibagong paglalakbay,” aniya.

Aktibong bahagi

Oras na matuloy ang paglilitis, mayroong “aktibong partisipasyon” ang mga biktima, sabi ni dating University of the Philippines Law Dean Pacifico Agabin. Bukod sa pagdalo para makita ang proseso, puwede silang magpetisyon ng witness protection at manawagan para sa reparations o danyos.

Ipinaliwanag naman ni National Union of People’s Lawyers (NUPL) Chairperson Neri Colmenares na kahit hindi pa naaprubahan ang petisyon na maimbestigahan sina Pangulong Duterte, maaaring magrehistro at sumulat sa ICC ang mga biktima.

Confidential o sikreto ang proseso, kaya may proteksiyon sa pagkakakilanlan ng mga susulat sa ICC. Ito rin ang dahilan bakit tanging ang mga detalye lang ng kasong inasikaso nila ng NUPL ang kanyang naibabahagi.

“Sinisikap naming matulungan sila,” sabi ni Colmenares, “Pero hindi talaga kakayanin yung ganitong attitude ng Estado.”

Rise Up: Walang tigil sa paghahanap ng hustisya. Kontribusyon

Walang kooperasyon

Habang abala ang mga biktima, sinabi naman ng administrasyong Duterte na walang maaasahang kooperasyon ang ICC mula sa kanila.

“Sampalin ko yung mga judges diyan eh, luko-loko kayo,” sabi ni Duterte sa inereng talumpati sa telebisyon noong Hunyo.

Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Harry Roque, hindi makikipagtulungan ang presidente sa anumang imbestigasyon ng ICC hanggang matapos ang termino nito sa Hunyo 30, 2022.

May ilang dahilan sa hindi pakikilahok ang administrasyon, na pinabulaanan naman ni Colmenares sa nasabing webinar.

Una na dito ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas na umalis na mula sa kasunduan noon pang Marso 17, 2018. Ipinaliwanag ni Colmenares na may isang taon bago ang effectivity na pag-alis sa kasunduan.

At kahit pa hindi na miyembro ang isang bansa, puwede pa rin itong imbestigahan para sa mga krimen na naganap habang nasa ilalim pa ito ng kasunduan. Sa Prosecutor’s Decision ni Bensouda, nakalagay na aabot ng Marso 16, 2019 ang mga kasong puwedeng imbestigahan.

Sunod naman dito ang sinasabi ng administrasyon na may kakayahan ang sariling korte ng Pilipinas para imbestigahan ang mga patayan.

“Napakahaba ng panahon, lumapit ang kaanak sa amin sa NUPL: ‘ano po puwedeng magawa namin?’” sabi ni Colmenares. 

Hanggang ngayon, wala pa sa isang kapat ng mga patayan ang naresolba.

Isang termino

“Kung wala na tayong maaasahan sa ating sistema ng katarungan, doon tayo puwede lumapit sa ICC,” sabi ni Tony La Viña, abogado at propesor. Para sa webinar, siya ang tumayong tagapagsalita ni De Lima.

Sa hinandang mensahe ni De Lima, nilista niya ang ilang hakbang ng administrasyon na naging bahagi ng matinding kakulangan ng justice system sa bansa.

Isa na dito ang paninira sa Commission on Human Rights.

“Imposible makakuha ng pananagutan sa drug war kung ang pangunahing institusyon na may mandatong imbestigahan ang mga human rights violation ay maya’t maya inaatake at pinapahiya ng pinakamatataas na opisyales ng gobyerno,” sabi sa kanyang liham.

“Talagang binigyan ng pagkakataon ang ating Estado, ating gobyerno, na ipakitang seryoso sila to end impunity, seryoso sila sa investigation,” sabi ni La Viña.

Pero hindi nagampanan nang mahusay ang tungkuling ito. Kung titignan ang datos na tinipon ng Independent International Commission of Investigation into Human Rights (Investigate PH), isang kaso lang ang humantong sa pagkakakulong ng pulis na pumatay.

Ito ang kaso ni Kian delos Santos, 17, na pinagbabaril ng tatlong pulis-Caloocan noong 2017. Ayon sa tatlo, kinailangan nilang sugpuin si Delos Santos para depensahan ang kanilang buhay. Nakita sa CCTV ng barangay na kasinungalingan ito.

Taong 2017 rin nang mamatay sa kamay ng pulisya ang dalawang anak ni Nanay Llore. Hanggang ngayon, hindi niya makalimutan kung paano ipinakitang may .38 kalibreng baril ang kanang kamay ng isa niyang anak. 

“Kaliwete ’yun,” ani Nanay Llore. 

At bukod pa rito, sabi niya, kusang nagpalista sa barangay ang mga anak niyang dating gumamit ng droga pero tumigil na. Pinupuna rin ng Investigate PH ang kakulangan ng gobyerno sa pagtrato sa problema sa droga bilang problema sa adiksiyon at pagwawasto sa kalusugan.

Ngayon naman, pahirap raw sa paghahanap ng hustisya ang polisiya ng administrasyon.

“Lalo na po nitong binaba ang Anti-Terror bill na naging Anti-Terror Law,” sabi ni Nanay Llore. Sabi raw ng kanyang mga kasamang biktima, “ano ba yan parang bumabalik ang panahon ng martial law.”

Dating Bayan Muna Rep., human rights lawyer, at NUPL chair Neri Colmenares. Kontribusyon

Laban sa karapatang pantao

Noon at ngayon, may pruweba na ginagamit ang batas at mga institusyon ng gobyerno sa paglabag ng karapatang pantao.

Sa pinakabagong report ng Investigate PH, isang kapulungan ng mga abogado, taong simbahan at iba pang eksperto mula sa iba’t ibang dako ng mundo, tinalakay ang tatlong giyera ng administrasyong Duterte: War on Poor People, War on Dissent, at War on the Moro People.

“Itong sistematikong killing machine na binuo para sa giyera laban sa maralita, lalong lumawak dahil sa Executive Order (EO) 70 na pinirmahan Disyembre 4, 2018 para sa isang ‘whole-of-nation’ na kampanya para sugpuin ang rebelyon,” sabi sa kanilang report sa wikang Ingles.

Dagdag ni Rev. Dr. Chris Ferguson mula sa World Communion of Reformed Churches, at isa sa mga high level commissioner ng Investigate PH, “Kung saan inaatake ang karapatang pantao, doon siya sa mga lugar kung saan dinedepensahan ng tao ang kanilang karapatan sa lupa, karapatan ng indigenous group, at iba pa.”

Tinalakay na halimbawa sa Investigate PH Second Report ang pag-atake sa mga simbahan tulad ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) na sumusuporta sa karapatan ng indigenous groups.

Itinayo ang UCCP Haran Centre sa Davao City noong 1990 bilang “zone of peace” o lugar ng kapayapaan. Bukas umano ito sa kung sino man ang nangangailangan ng tulong. Simula noon, naging sanktuwaryo ng ilang grupo ng Ata-Manobo/Lumad ang compound tuwing kinakailangan nilang lumikas sa kanilang komunidad dahil sa militarisasyon.

“Pinangako ni Pangulong Duterte noong 2016 na magiging posible na ang ligtas na pagbalik nila sa kanilang kabahayan, pero hindi natupad ang pangakong ito,” sabi sa report.

Marso 28, ipinag-utos ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang freezing ng bank account ng UCCP Haran, dahil umano sa pakikisangkot nito sa terorismo.

Sa testimonya sa Investigate PH nitong Mayo 28, sinabi ni UCCP Bishop Hamuel Tequis na “Ang AMLAC, o kahit ano pang ahensiya, ay walang karapatan na pinagbantaan ang simbahan at pigilan ang misyon nito na umagapay sa mga mahihirap at inaapi.”

Serbisyo sa kapwa tao at pagprotekta rin sa karapatan ang pinagkakaabalahan nina Zara Alvarez, Randall Echanis, Randy Malayao, at marami pang iba nang pagpapatayin sila sa ilalim ng termino ni Pangulong Duterte. At nagpatuloy ito.

Marso 7, unang linggo ng buwan, binansagang “Bloody Sunday” ang pagpapadala ng search warrant ng militar at pulis dahil namatay sa kamay nila ang siyam na aktibista sa Calabarzon.

Tulad ng nangyari noong 2019 sa Negros, nanggaling sa kalakhang Maynila ang mga search warrant na ginamit na dahilan ng pulisya para sa isinagawang mga raid.

Ayon sa Investigate PH, may basehan ang Kilusang Mayo Uno nang bansagan nilang “search warrant factory queen” sa Quezon City si Regional Trial Court Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert. Mula 2018, nagkaroon ng 76 pag-aresto mula sa iba’t ibang panig ng bansa, mula sa mga pinadala niyang search warrant.

Nitong Hulyo 9, tinanggal ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng mga executive judge sa Maynila at Quezon City na magpadala ng search warrant labas sa kanilang judicial region.

Hakbang pasulong

Mahaba ang listahan ng panawagan ng mga grupo na sumusuporta sa karapatang pantao. Bukod sa paniningil sa administrasyong Duterte, nariyan ang pagkondena sa suportang militar na binibigay ng Estados Unidos at iba pang bansa sa Pilipinas.

Habang umuusad ang lahat ng ito, tuloy din ang pagsusumikap nina Nanay Llore at ng iba pang pamilya na nawalan. Sabi niya, hindi mahirap humanap ng dahilan para sa patuloy na paglaban.

“Tayo yun eh. Tayo ang apektado, lalo na tayong mahihirap,” sabi niya. “Matagal man kung darating ang hustisya, pero makakaasa po tayo na magkakaroon.” 

Avatar

Andrea Jobelle Adan

Si Joby Adan ay nagtapos nang may karangalan ng kursong Pamamahayag sa UP College of Mass Communication sa Diliman, Quezon City. Dating intern, isa siya ngayon sa mga pinakabatang istap ng PW.