Istorya ng Linggo

Aktibismo: di krimen o sakit


Buong pusong pinili ni Alicia Lucena makilahok sa progresibong mga organisasyon ng kabataan. Hanggang ngayon, pilit na binabaliktad ang kanyang naratibo.

“Hindi po ako nawala o kinidnap dahil boluntaryo po akong sumali sa Anakbayan dahil nakikita ko po ang pangangailangan ng pagkilos ng mga kabataan,” sabi ni Alicia Lucena noon pang 2019 nang humarap siya sa midya matapos sabihin sa Senado ng kanyang ina na nawawala siya.

Si Alicia sa press conference sa UP Diliman, kinabukasan matapos siyang makaalis sa poder ng magulang. (Tatti Hermoso, Tinig ng Plaridel)

Kung may hindi boluntaryong karanasan si Alicia, ayon sa kanya, walang iba ito kundi ang dinanas niyang pang-aabuso at ang pagdakip sa kanya ng sariling pamilya. Kinuwento niya ang malagim na danas na ito noong Agosto 23 sa isang media conference sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Diliman, Quezon City.

Sa Pasay, kung saan siya dinala matapos pilit pauwiin nitong Abril, para raw siyang nasa bartolina. May railings ang bintana. Hindi pinapayagang makausap ng kahit mga kapatid. Kahit pagbabasa, hindi pwede. Wala ring toilet kaya noong una, ihian ng pusa ang ipinagamit sa kanya.

“Hindi na lang ito isang domestic issue,” sabi ni Raoul Manuel, tagapagsalita ng Kabataan Party-list. “Ito ay isang atake mula sa ating estado.”

“Sino ba ang may pangunahing motibo na pigilan ang mga tulad ni Alicia na sumali sa mga progressive organizations? Walang iba kung hindi itong estado natin,” dagdag ni Manuel.

Dahil dito, bukod sa katarungan para sa pinagdaanan ni Alicia, ipinapanawagan nila at ang iba pang grupo ng kabataan ang pagbuwag sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Kinasangkapan

Nakaraang taon, noong nagsampa ng petisyon para sa writ of amparo at writ of habeas corpus sa Korte Suprema ang mga magulang ni Alicia para “palitawin” ito, naging katuwang nila ang NTF-Elcac.

Tinawag pa ni NTF-Elcac vice-chair at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang show cause order ng Korte Suprema na isang hakbang sa kampanya kontra-komunistang terorista.

Binasura ng Korte Suprema ang petisyon dahil hindi naman nawawala si Alicia.

Pero ito pa rin ang naratibong ginagamit laban kay Alicia, sa Anakbayan, at iba pang organisadong kabataan.

Sa Facebook video ni Relissa Lucena, ina ni Alicia, sinabi niyang nangangamba lang siya para sa kaligtasan ng anak.

“Ayaw kitang mawala, ayaw kitang mamatay, ayaw kitang sumampa sa bundok,” sabi niya noong Agosto 16.

Oktubre 2020 pa binasura ng Department of Justice (DOJ) ang petisyon ni Relissa at ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group laban kina Kabataan Rep. Sarah Elago, dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, Jose Maria Sison, at siyam na miyembro ng Anakbayan.

Bukod sa kidnapping at paglabag sa humanitarian law, isa sa mga hinaing petisyon nina Relissa at ng PNP ay ang paglabag umano sa Republic Act No. 9851, o ang

paglabag sa humanitarian law, isa sa mga hinaing petisyon nina Relissa at ng PNP ay ang paglabag umano sa Republic Act No. 9851, o ang pagbabawal sa pakikilahok ng kabataan sa gera. Binasura rin ito ng husgado.

“Walang ipinakitang ebidensiya ang makakapagpa-tunay na rekruter ng CPP-NPA-NDF ang Anakbayan o na may koneksyon ang dalawa,” ayon sa mga tagausig ng Department of Justice (DOJ)

Ayon sa naturang kagawaran, makikita sa ebidensiya na “ang Anakbayan ay pawang komprehensibong national mass organization ng kabataan na may adbokasiya para sa trabaho, reporma sa lupa, edukasyon, karapatang pantao, at hustisya.”

Kung tutuusin, si Relissa ay miyembro rin ng isang grupong may bitbit na panawagan. Bahagi siya ng Hands Off Our Children, organisasyon ng ilang magulang na nagpahayag ng suporta sa Anti-Terrorism Act of 2020 noong bill pa lang ito.

Noong Setyembre 2020, kasama ang Facebook page ng organisasyon sa daan-daang tinanggal ng Facebook dahil peke o dahil may hindi ito ipinagtapat na koneksyon sa militar o pulis.

Nanindigan ang NTF-Elcac na wala itong koneksiyon sa grupo, na bumuo ng panibagong Facebook page at patuloy na nangangampanya para umano sa karapatan ng kanilang mga anak.

Sa piling ng mga kasama

Mensahe naman ni Alicia sa magulang ng kabataang sumasali sa mga progresibong grupo: bahagi kayo ng bayan na gustong ipaglaban ng mga anak ninyo.

“Lumalaban naman tayo hindi lang para sa bayan, para rin sa mga pamilya natin, para sa mga kaibigan natin,” sabi niya.

Kasama ni Alicia sa press conference ang iba’t-ibang mga grupo ng kabataan. (Altermidya)

At kung may pangamba man ang pamilya na mapapahamak ang mga kabataan, naniniwala siya na mas natitiyak ang kaligtasan ng nakararami kapag nagsama-sama sa pagkilos.

“Matagal nang kasama sa laban ng masa si Alicia,” sabi ni Jeann Miranda, tagapagsalita ng Anakbayan. “Hindi nakakapagtaka kung bakit katulad ng marami pang kabataang lumalaban ay pupunteryahin siya ng ganitong klaseng pang-aatake.”

“Ngunit sa pagkakakilala namin sa kanya, alam naming hindi niya hahayaang ikandado at mapigilan siya ng mga alipores ni (Pangulong) Duterte,” dagdag nito.

Ayon sa Anakbayan, buong lakas nilang susuportahan si Alicia at ang iba pang kabataan sa paghahanap ng hustisya.

Matapos ang kumperensya, ibinahagi ni Alicia sa kanyang Twitter accout ang naramdamang payapa sa piling ng organisasyon na itinuturing niyang tahanan.