FEATURED

Ang ‘di mamamatay na militanteng diwa ni Nanay Mameng


Dapat tularan ang walang pag-iimbot at buong katapatan na pagsisilbi ni Nanay Mameng sa maralita at buong sambayanan.

Mabigat sa aking mabalitaan na wala na ang isa sa maraming mga tinatawag kong “Nanay” noong ako’y kumikilos pa bilang istap ng Pambansang Opisina ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

Kagulat-gulat ang balitang namatay na si Nanay Mameng o Carmen Deunida. Umaasa akong magtutuluy-tuloy na sana ang paggaling niya matapos ng ilang araw sa intensive care unit ng ospital.

Sa ala-ala ko, napansin ko sa kanyang mga talumpati, nang siya’y tumuntong ng 80 anyos, nababanggit na niya ang hinggil sa kanyang kamatayan. Tila tanggap na niya noon ang paparating niya na kamatayan. “Nangangako ako habang ako ay may buhay, kasama niyo ako. Hindi niyo na lang ako makakasama kapag ako’y nasa ataul na, hanggang dun na lang,” aniya sa kanyang talumpati sa ika- 20-taong anibersaryo ng Kadamay noong 2018.

Sa kabila nito, di niya sinukuan ang pakikibaka at patuloy na nanindigan para mabuhay. 93 anyos nang mamamatay si Nanay Mameng.

Ipinanganak na maralita

Hindi naging madali ang kanyang buhay. Ika nga’y mahirap maging maralita.

Isinilang si Nanay Mameng noong Pebrero 8, 1928 sa Maynila. Pangatlo siya sa 12 magkakapatid. Ang ama niyang si Vidal Aquino Deunida ay clerk sa munispyo habang nagtitinda naman ng suman ang ina niyang si Flora Garcia Castro.

Dahil di sapat ang kinikita ng kanyang mga magulang, obligado si Nanay Mameng na tumulong sa paghahanap ng makakain ng kanyang pamilya sa araw-araw. Naglalako siya ng kakanin mula alas-sais ng umaga at sa gabi hanggang madaling araw naman ay naglalako rin ito ng suman, puto at bibingka. Sa bakanteng mga oras niya, tumutulong siya sa gawaing bahay.

Di natapos ni Nanay Mameng ang kanyang pag-aaral dahil hindi ito kayang tustusan ng kanyang mga magulang. Sa katunayan, tatlo lang silang magkakapatid ang nakatuntong ng hayskul. Sabi niya, kung makakatapos siya ng kurso sa kolehiyo, gusto niyang maging titser, abogado o doktor.

Sa edad na 19, napangasawa ni Nanay Mameng si Mariano, manggagawa sa konstruksiyon noong 1946. Siyam ang kanilang anak.

Lalong humirap ang buhay ni Nanay Mameng bunsod ng hindi paghahanap ng trabaho ng asawa. Nambabae rin si Mariano at ang nambubugbog ito.

Halos itaguyod mag-isa ni Nanay Mameng ang kanyang mga anak dahil sa madalas na ‘di pag-eentrega kung kumikita ang kanyang asawa. Naging labandera siya at pumasok na mananahi sa pagawaan ng damit ng mahigit isang taon.

Hiniwalayan nang tuluyan ni Nanay Mameng si Mariano noong dekada ’70 at nagpasyang itaguyod mag-isa ang siyam niyang anak.

Bagaman dinamdam ni Nanay Mameng na di nakapagtapos ng pag-aaral, ipinagmamalaki naman niyang maayos niyang napalaki ang mga anak.

Pagkakaorganisa

Sa Kadena (Kabataan para sa Demokrasya at Nasyunalismo) unang naoorganisa si Nanay Mameng. Bagaman hindi na kabataan noong panahong iyon, naorganisa siya ng mga grupo ng kabataang nagpupulong sa kanilang bahay sa Malate. Mula sa pakikinig sa pagpupulong hanggang sa pag-upo sa educational discussions at pagsama sa mga rali at aktibidad ng Kadena, naging aktibo at nagsimulang kumilos si Nanay Mameng.

Bago pa man pormal na maorganisa, napukaw si Nanay Mameng noong dekada ’60 sa banta ng demolisyon sa kanilang lugar. Ispontanyong nilabanan ng kanilang komunidad ang planong pagpapalayas ng lokal na pamahalaan ng Maynila. Naging tampok ang papel ni Nanay Mameng sa pagkumpronta sa mga aniya’y may kayang kapitbahay na nais silang paalisin sa lugar.

Naging miyembro din si Nanay Mameng ng Samakana (Samahan ng Maralitang Kababaihang Nagkakaisa) nang itayo ito noong 1983 at nahalal na tagapangulo ng organisasyon mula 1984 hanggang 1997.

‘Crowd favorite’

Una kong nakilala si Nanay Mameng dahil sa kanyang mga talumpati sa mga aksiyong-masa sa kalsada noong kasagsagan ng kampanya sa pagpapatalsik kay dating Pang. Joseph Estrada noong 1999. Sa panahong iyon, halos isang taon pa lang mula nang maitatag ang Kadamay, na si Nanay Mameng ang tumayong pambansang tagapangulo.

Bilang isa sa mga sentral na pigura ng Erap Resign Movement at Edsa Dos, naging “crowd favorite” si Nanay Mameng at isa sa pinakaaabangang tagapagsalita sa mga rali lalo na sa malalaking pagtitipon sa Edsa Shrine bago ang makasaysaysang martsa patungong Mendiola noong Enero 22, 2001 na tuluyang nagpabagsak sa rehimeng Estrada.

Maliit lang si Nanay Mameng pero dambuhala ang kanyang presensiya kapag nagtatalumpati sa entablado kaharap ang libu-libong tao. Tinutukan ng mga tao ang kanyang pagsasalita. Matapang niyang nasasambit, sa kanyang matining na boses, ang mga saloobin nito. Kaabang-abang ang pagbitaw ng kanyang mga patok na mga termino upang isalarawan ang mga opisyal ng gobyerno na umaapi sa mga maralita. Sa kanyang paraan ng pagsasalita, matalas na naipapaunawa ni Nanay Mameng sa madla ang wastong pagsusuri hinggil sa mga isyu ng maralitang lungsod at kaugnayan nito sa pambansang kalagayan at mga usapin.

Nang inilantad ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ang sarili bilang kontra-mamamayan, walang pag-aatubili si Nanay Mameng na labanan ito. Sa kabila ng matinding panggigipit sa kilusang masa noong 2006, matapang na humarap si Nanay Mameng, kasama ang mga maralitang lungsod sa mga laban – mga demolisyon at aksyong-masa sa kalsada, maliit man o malaki.

Sa malalaking rali sa Mendiola at Ayala na may panawagang “Oust Gloria!” noong 2006, naging tampok ang militanteng pananalita ni Nanay Mameng. Sa mga talumpati na ito, tinawag niya si Arroyo na “tsunano” – halaw sa salitang tsunami at unano.

Militante at mahinahon

Kung anong militanteng-militante ng karakter niya sa tuwing nagsasalita sa entablado o kapag kinokmpronta ang mga opisyal ng gobyerno at mga puwersa ng estado, siya namang pagiging mahinahon at mapagkumbaba sa pakikisalamuha sa mga kasama at mamamayan.

Naging direkta kaming magkatrabaho ni Nanay Mameng noong 2008 sa pambansang opisina ng Kadamay. Sa panahong iyon, nasa proseso ang pambansang opisina sa pagsasaayos ng oryentasyon at paglilinaw sa kung ano ang pangunahing dinadalang laban ng sektor at pagtutuwid sa ilang hibo ng repormismo sa pagdadala ng laban sa pabahay at iba pang kahinaan sa pag-oorganisa.

Sa mga pulong na nagproseso ng naturang mga pag-aayos, pursigidong umupo hangga’t kakayanin ni Nanay Mameng. Bagaman tahimik sa kalakhan ng pulong, hindi siya nangingiming magsalita kung may nais ipunto. Nakakapagpagaan naman sa daloy ng pulong ang kanyang minsanang hirit at patawa lalo na kung nakakantyawan siyang kantahin ang “Saging ni Pacing”.

Isa si Nanay Mameng sa mga mabilis na tumalima sa pag-aayos sa sektor at maagap na umangkop sa bagong sistematisasyon at papabilis na takbo ng gawain ng pambansang opisina. Naging madalas ang mga aksyon-propaganda at pagkilos ng Kadamay na halos linggo-lingo ang mga lunsad at pumupusisyon ito hindi lang mga usapin ng mga maralitang lungsod kundi maging ang mga pambansang usapin.

Inilarga ng Kadamay noong panahong iyon ang laban para sa pagtaas ng sahod, pagtutol sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin at serbisyo tulad ng bigas, langis, kuryente at tubig, paglaban sa demolisyon at pagsusulong ng mga kapakanan ng mga nakatira sa pabahay sa relocation sites.

Sa halos lahat ng mga usaping iyon, ng sektor man o sa pambansa, maliit o malaking pagkilos, naroon ang presensiya ni Nanay Mameng.

Tumampok ang laban ng sektor noong naminsala ang bagyong Ondoy noong Oktubre 2009 upang singilin ang gobyerno sa pananagutan nito at kriminal na kapabayaan sa mga maralitang lungsod na pinakamalaking naapektuhan ng naturang sakuna.

Tumampok ang laban ng sektor noong naminsala ang bagyong Ondoy noong Oktubre 2009 upang singilin ang gobyerno sa pananagutan nito at kriminal na kapabayaan sa mga maralitang lungsod na pinakamalaking naapektuhan ng naturang sakuna.

Maagap din na pumwesto sa kilusang talsik laban kay Pangulong Arroyo nang ito’y umusad muli bunsod ng eskandalo ng maanomalyang NBN-ZTE deal noong 2009. Sa malalaking pagkilos noon ng malapad na nagkakaisang prente kontra- Arroyo sa Ayala, isa sa may pinakamalakas na impact si Nanay Mameng. Maging ang mga de-kuwelyong mga empleyado sa paligid ng naturang business district ay napapahinto upang pakinggan ang kanyang pananalita.

Lalo akong humanga sa integridad ni Nanay Mameng bilang lider nang hinarap at kinausap niya si Estrada – na itinuring niyang mortal na kaaway – bilang bahagi ng papalapad ng alyansa kontra- Arroyo sa hanay ng sektor. Bagaman alam kong hindi siya buung-buong sang-ayon sa itinakdang pakikipagpulong sa dating pangulo, humarap pa rin si Nanay Mameng alang-alang sa pakikipagkaisang prente.

Nang ipinatupad ang programang Public-Private Partnership ni dating Pang. Noynoy Aquino na nagbanta ng mga demolisyon sa mga komunidad ng maralitang lungsod, mabilis ang palabang postura ng Kadamay. Isa sa naging tampok na laban noon ang pagtutol sa pagtatayo ng Quezon City Central Business District na nagdulot ng demolisyon sa kabahayan ng may 16,000 pamilya sa Sitio San Roque, QC.

Naging abala si Nanay Mameng sa pagdalo at pagtatalumpati sa mga pulong-preparasyon ng mga lider sa San Roque bilang paghahanda upang barikadahan ang kanilang mga kabahayan. Nang iputok ang barikada sa San Roque noong Setyembre 23, 2010, inihudyat nito ang panawagang “barikadang bayan” na nagsilbing huwaran at inspirasyon sa mga komunidad na humaharap sa banta ng demolisyon.

Chairman emeritus

Nang ilunsad ang Ikatlong Pambansang Kongreso ng Kadamay noong Nobyembre 2008, hinirang si Nanay Mameng bilang chairman emeritus bilang pagkilala sa kanyang mga pisikal na limitasyon na noo’y 80 anyos na. Nagbigay daan ito sa pagkakahalal kay Leona “Nanay Leleng” Zarsuela bilang pambansang tagapangulo at kay Gloria “Ka Bea” Arellano bilang pangkalahatang kalihim.

Bagaman may limitasyong pisikal, patuloy pa rin ang pagdalo ni Nanay Mameng sa lingguhang mga miting ng pambansang opisina at paminsan-minsang pagsasalita sa mga rali at iba pang aktibidad. Umangkop ang Kadamay sa sitwasyong limitado na ang pagdalo at pagsasalita ni Nanay Mameng sa mga aktibidad. Kaya naman sumulpot ang bagong mga lider at nagsasalita para sa sektor tulad ni Nanay Leleng, Ka Bea, Estrelieta “Ka Inday” Bagasbas, at ang biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Samar na si Carlito “Ka Karlets” Badion.

Sa kabila ng kanyang mga karamdaman at matapos operahan nang dalawang beses sa ulo, nanatiling tapat at pursigido si Nanay Mameng sa pagtatanggol sa maralitang lungsod at paghahangad na makamit ang pagwawakas sa kahirapan, at pagsusulong ng pambansa’t demokratikong adhikain ng mga mamamayan.

Bagaman hirap na, nanatili pa rin ang talas at militansiya ng kanyang pagsasalita at hindi pinalagpas na punahin ang mga nangyayari sa lipunan sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon at tinawag pa nitong “Dudirty” si Pangulong Duterte sa ilang mga talumpati.

‘Mamamatay akong maralita’

May dalawang beses nang pinarangalan si Nanay Mameng noong siya’y nabubuhay siya. Ikinagagalak niya ng sinsero ang mga iyon. Pero siya mismo ang nagsasabing ayaw niyang siya ay pinararangalan o pinapupurihan. Sa kabila nito, kinararangal niya na siya’y isang maralita at kasama siya ng maralita sa pakikipagtunggali para kilalanin sila, irespeto bilang bahagi ng lipunan at makamit ang batayang mga karapatan.

Nakakalungkot sa isang banda na matapos mamuhay ni Nanay Mameng sa ilalim ng pamumuno ng 14 presidente ay hindi niya inabutan ang tagumpay ng pambansa-demokratikong paglaban at ang paglalagot ng tanikala ng kahirapan.

Pero tanggap ito ni Nanay Mameng.

“Ako’y maralita at hanggang ngayo’y maralita pa rin. At kung papalarin ako na mabigyan ng magandang kabuhayan, hindi ako aalis kasama ng mga maralita dahil d’yan ako nabuhay. Ako ay ipinanganak na isang maralita at hanggang ngayon, mamamatay akong maralita pa rin.”

Para sa akin, at malamang sa iba pang kasama at ang uring pinaglingkuran ni Nanay Mameng, bagaman nasa ataul na, hindi siya namatay. Nanatiling siyang buhay sa sa ating mga alaala. Ang kanyang militanteng diwa, ang kanyang pagpupursigi’t pananatiling matapat sa uring pinaglilingkuran at matatag sa kabila ng anumang kahirapan at kalagayan ay magsisilbing inspirasyon at gabay

Tiyak akong naisalin ni Nanay Mameng ang kanyang diwa sa milyun-milyong maralita at mga naghahangad na wakasan ang mapang-aping sistemang umiiral.

Tiyak kong hindi natin bibiguin si Nanay Mameng maisakatuparan ang kanyang mga hangarin para sa mga maralitang lungsod at buong sambayanan.

Maraming salamat, Nanay Mameng! Mabuhay kayo at ang uring pinaglingkuran ninyo!

*Si Joseph Ocampo ay matagal na kumilos sa kilusang kabataan-estudyante bago maging pambansang koordineytor sa kampanya ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap noong 2008. Taong 2012 ay naging koordineytor siya ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan.