FEATURED

Mga absurdo (at katawa-tawang) patakara’t polisiya laban sa pandemya


Sari-saring mga patakaran at polisiya ng pamahalaan na sa halip makatulong sa pag-alpas ng bansa sa pandemyang Covid-19, nakakaperhuwisyo’t nagpapahirap sa mamamayan.

Mahigit 500 araw nang nakapailalim sa lockdown ang bansa mula nang mangyari ang pandemyang Covid-19 (coronavirus-disease 2019) na pinakamatagal na lockdown sa buong mundo.

Ipinataw muli, sa ikatlong pagkakataon, ang enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20 ang Kamaynilaan at ilan pang mga karatig na probinsiya at iba pang mayor na mga lungsod sa bansa. Ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), layunin umano ng lockdown na pigilan ang pagtaas ng kaso ng Covid-19 at ang Delta variant nito. “NECQ: Never Ending Community Quarantine,” ika ng meme na isini-share ng mga netizen sa iba’t ibang plataporma ng social media.

Bumalik sa kategoryang “high risk” sa Covid-19 ang Pilipinas, ayon sa Department of Health, mula sa pagiging “moderate risk” noong huling mga araw ng Hulyo.

Imbes na ituon sa mga patakarang didireksiyon patungo sa pag-alpas sa pandemya – maramihan at mabilis na pagbabakuna, mass testing at contact tracing, sapat na ayuda at pagpapalakas ng sistemang kalusugan – ang ipatupad, mga tila wala sa lohika ang mga panukala ng mga opisyal-gobyerno. Sa halip na makatulong, magdudulot pa ng perhuwisyo sa mamamayan.

Upang baybayin at hanapin ang lohika ng mga absurdo’t katawa-tawang mga polisiya o patakaran, kinapanayam ng Pinoy Weekly sina Dr. Gene Nisperos, Pangulo ng UP Academic Employees Union- Manila, Dr. Josh San Pedro, tagapagsalita ng Coalition for People’s Health at ProP. Judy Taguiwalo, PhD, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development at ngayo’y tagapagsalita ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 Network.

Pabago-bago at paulit-ulit na pagpapatupad ng iba’t ibang klasipikasyon ng lockdown

Dr. Josh San Pedro (JS): Napatunayan naman sa karanasan ng ibang bansa na ang panandaliang lockdown ay makakatulong sa paghanda at paghabol ng sistemang pangkalusugan. Pero ang Pilipinas, kahit naka-ilan nang lockdown ay naiiwan pa rin sa kalagayang paghabol bago, habang, at pagkatapos nito.

Marahil talagang iwan at napabayaan na ang sistemang pangkalusugan bago pa ang Covid-19 kaya hirap na hirap ito sa ngayon. Dagdag pa dito ang kawalan ng pamumuno na maagap o proactive, dahil sa pagiging fragmented at devolved ng ating health system, maliban sa paggamit ng sagot na hindi medikal at batay sa ebidensya.

Dr. Gene Nisperos (GN): Hindi ECQ ang sagot sa pandemya, kahit pa may banta ng Delta variant. Ang anumang quarantine ay pansamantalang hakbang lang. Ginagawa ito upang magkaroon ng konting panahon ang pamahalaan na magawa ang mga dapat gawin. Kaya nung unang pumutok ang Covid-19 pandemya last year, puwede pang sabihin na tama yung quarantine. Pero hindi dapat pinatagal hanggang ngayon.

Kung ginawa ng pamahalaan ang mga dapat gawin – malawakang testing, masinsin na contact testing, paghahanda sa komunidad – hindi tayo aabot sa ganito, hindi aasa ang gobyerno sa ECQ na lang palagi. Ang Covid-19 ay isang public health crisis kaya ang pangunahing tugon dapat ay nasa antas ng public health. Dagdag pa, dapat unahin ang mga health solutions at gawing katuwang ang publiko sa paglaban sa Covid-19. Pero lahat ng iyan ay hindi ginawa ng gobyerno.

Prof. Judy Taguiwalo (JT): Ang restrictions ay hindi makakasugpo sa Covid kung sa kalagayan na hindi sapat ang testing mo para matukoy yung mga positive – maihiwalay at magamot sila at ma-trace yung mga naka-kontak.

Hindi effective kung walang ayuda. Kung gutom ang mga tao, hindi mo talaga sila ma-expect na manatili sa mga bahay kung wala silang makakain doon

Stop gap (measure) talaga yan. Sa esensya, ang panawagan ay paramihin ang testing at ang ayuda. Ang ayuda at testing ay magkasabay – kung wala ang ayuda, ang mga tao ay ayaw magpa-test, kasi kung magpositive sila, paano na ang kanilang pamilya?

“Tiny bubbles” sa NCR Plus

GN: Ang pananalita ni Gen. Eleazar ang patunay na hindi dapat pulis ang nagdedesisyon sa usapin ng pandemya dahil malinaw na hindi niya naiintindihan ang sitwasyon, malinaw na hindi niya alam ang kalagayan ng sistemang pangkalusugan at malinaw na hindi buhay ng tao ang binibigyan nya ng prinsipal na importansya.

Dahil mahina ang sistemang pangkalusugan ng Pilipinas, limitado ang mga lugar na makukunan ng health services ng mahihirap. Bakit yun pipigilan? Saan pa sila pupunta? Hihintayin pang lumala ang mga sakit bago payagan? Yan ang hindi iniisip ni Eleazar.

JS: Maaaring bahagyang matigil ang pagkalat ng Covid-19 sa pagtigil ng paglabas ng mga mamamayan, pero puwede pa rin itong kumalat sa mga tirahan. Kinakailangan pa rin mas maunawaan paano nga ba kumakalat ang Covid-19 sa mga manggagawa at komunidad, na magagawa lamang kapag maayos ang testing, contact tracing, atbp sa konteksto ng kalagayan ng mamamayan. Nakakapagpatest o quarantine ba ang may sintomas, o mas pinipili ng ilan magtrabaho dahil mawawalan ng sahod?

Sa paulit-ulit na lockdown at checkpoint, kinakailangan ng mga social protection measures na mas magsisisgurado na makakasunod o makakalahok ang mga mamamayan sa solusyon sa pandemya, katuad ng libreng testing at pagpapagamot, ayuda para makasunod sa pag-quarantine at pang-araw-araw na pangangailangan, at ang pagtaas na ng kapasidad ng sistemang pangkalusugan.

JT: Yung tiny bubble na yan, yung lockdown, hindi talaga maging effective para matukoy kung sino yung mga may sakit at hindi mo natutulungan para manatili ang mga tao sa kanilang mga bahay.

Pagbabawal sa paghatid-sundo sa Authorized Persons Outside of Residence (APOR) ng mga non-APOR

JT: Bakit mo lilimitahan ang paghahatid sundo sa kanila? Maganda nga may sasakyan lahat ng APOR para maiwasan na makihalo sa mga ibang tao. Pinayagan naman nila ang pampublikong transportasyon ngayon, mas mainam kaysa nung mga una, lumakad ng mahahaba yung mga APOR.

Pero hindi yan either/or — kailangan ibukas ang pampublikong transportasyon pero kailangan obserbahan ang mga health protocols. Kasabay nito, pahintulutan dapat ang private transportation para matiyak na makapasok sa trabaho, sa mga opisina ang mga kinakailangang pumasok.

JS: Muli, kinakailangan ng mas lapat na pag-unawa sa kalagayan ng mga komunidad. Di hamak na nanggagaling din sa isang tirahan o trabahuhan ang susundo’t maghahatid sa isang APOR, kaya dapat lang magbatay sa ebidensya at lohika. Kung papayagan ang TNVS at pampublikong transportasyon, hindi ba ganoon lang din o mas ligtas pa nga ang sundo?

GN: Maling-mali yung mga ganyang patakaran. Pinapahirapan lahat dahil lang may pagdududa ang kapulisan na aabusuhin. Lumalabas talaga na ang tingin sa taumbayan ay mga kriminal.

Pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar

JS: Ang face shield ay isa lamang sa mga paraan upang maproteksyunan ang mata, na siyang maaari ring pasukan ng coronavirus. Batay sa ilang pag-aaral, napansin na ang nagsusuot ng salamin ay mas mababa ang pagkakataong mahawahan ng Covid-19. Batay sa isang namang pag-aaral sa India, napatunayang mas makabubuti sa mga community health worker na magsuot nito habang umiikot sa mga komunidad na matataas ang bilang ng kaso, bilang karagdagang proteksyon sa face mask.

Katulad ng mga naging pag-require ng mga face mask at face shield, madalas ay naipapasa ang responsibilidad sa karaniwang mamamayan. Kailangan siguraduhin na may access ang mga komunidad sa mga ganitong kagamitan upang masigurado ang kanilang kalusugan. Bilang napatunayan na ring airborne o kumakalat sa hangin ang virus ng Covid-19, hindi makakatulong ang pagtanggal ng face mask at face shield sa mga kainan habang kumakain, lalo kung walang sapat o maayos na bentilasyon ang mga lugar na ito.

GN: Malaking debate ang usapin ng paggamit ng face shield dahil pinipilit ng gobyerno at mga medical experts nito na mahalaga ang face shield bagaman walang ebidensiya ukol dito. Sa totoo, tayo lang ang bansa na gumagamit ng face shields pero ayaw pa rin aminin ng mga experts na mali sila.

Kung hindi kailangan ng face shield, nasa loob o labas man ay hindi ito kailangan.

Dapat ang tutukan ng gobyerno ay yung naka-face shield lang at walang mask! Mas mali yon! Pero dahil sa pamimilit ng gobyerno sa maling patakaran, nagdudulot pa tuloy ng kalituhan.

Paggamit ng motorcycle barriers

JS: Wala pong siyentipikong epekto ang motorcycle barrier sapagkat maaari pa ring umikot ang naibugang hangin ng drayber sa kaniyang angkas batay sa dinamiko nito. Hindi rin naman nasisigurado ng full-face helmet ang pagkakaroon ng filter upang hindi makapasok sa hininga ang virus. Kinakailangan pa rin ng face mask para matiyak ito.

GN: Malinaw naman dati pa na hindi science o evidence ang batayan ng IATF sa paggawa ng mga palisiya. Napaka-arbitrary at walang malinaw na batayan. Kaya mali.

Ganyan din ang ginawa ng IATF nung i-ban ang public transport. Walang batay at salungat sa ginawa sa ibang bansa na hayaang tumuloy ang public transport. Tapos, inuna pabalikin ang mga “modern jeeps” kaysa traditional jeeps kahit yung mga traditional jeeps ang mas ligtas dahil mas maganda ang ventilation.

Sa motorsiklo, sapat na dapat yung full face helmet o kung hindi, may mask.

Paghihigpit sa mga motorsiklo, nakabisikleta sa mga checkpoint

JT: Sabi natin, redundant yan actually, testing ang kailangan, hindi mga checkpoints na lumilikha ng bottleneck (sa trapiko) na mahahaba. Hindi naman nila mapag-iiba ang mga positive at yung walang Covid sa paghuli sa mga checkpoint. Dapat siguro ikunsidera, ang mga tao, lalo na ngayon, alam naman ang panganib na dala ng Covid – maraming dinadala sa ospital at ang ibayong bagsik ng Delta variant. In the main, alam ng mga tao na hangga’t maaari, hindi sila lalabas. Kung lalabas sila, talagang kailangan – yan ang assumption ko.

GN: Ang checkpoint ay extension ng ECQ na isang mali at militaristang konsepto ng quarantine. Mismong ang nagpapatupad niyan, ang mga pulis, ay may sarili nilang bias. O yung iba naman ay sadyang power-tripping lang. Sa ganyan, mas madali nilang pahirapan at takutin yung mga mahihirap kaysa mayayaman, kaya makikita na hindi pantay ang pakikitungo.

JS: Katulad ng mga dati nang mga checkpoint bago ang COVID-19, tila mas napag-iinitan ang mga motorsiklo na hinihingan lagi ng lisensiya’t papeles kahit wala namang naitalang violation sa mga checkpoint. Dapat maging patas pa rin sa lahat ng motorista dahil hindi naman namimili ang Covid-19 ng gusto niyang sakyan o hawahan.

Pagbabawal sa pagbiyahe ng mga jeepney

GN: Ginagamit kasi ng gobyerno ang panahon ng pandemya upang igiit ang mga anti-mamamayang palisiya gaya ng Jeepney Modernization na tinutulan nang marami. Inamin ng LTFRB na binabawasan nila ang ruta ng jeepney kay hindi lahat ay pinabalik sa kanilang dating ruta.

JS: Dahil sa pagiging airborne ng Covid-19, higit ngang mas nakabubuting may direksyon ang hangin sa loob ng silid o sasakyan upang maiwasan ang hawahan.

Pagpapatupad ng curfew

JS: Kailangan tandaan na wala rin namang pinipiling oras ang virus upang kumalat at humawa ng iba. Higit na mas marami pa nga ang taong lumalabas at nagpupulong sa umaga kaysa sa gabi. Maaaring makatulong ang curfew upang matigil ang hindi esensyal na paglabas ng ilang mamamayan subalit, muli, kinakailangan ng mas lapat na suri kung may ebidensya nga ba ang palisiyang ito.

JT: Katawa-tawa para sa mga tao, sa tingin ko, ang ganyang mga patakaran kaugnay ng pagpigil sa pagkalat ng virus.

Kasama ito sa sistema ng pagkontrol na ipinataw sa pagharap sa Covid. Rather na makita ito bilang problema sa kalusugan, mas tinitingnan nila ito bilang mayor na usapin ng kawalan ng disiplina at pasaway ang mga tao.

GN: Ang curfew ay extension ng ECQ, na maling konsepto ng paglaban sa pandemya. Wala naming oras na pinipili ang virus kung kalian manghahawa kaya ano ang silbi ng curfew? Kung nais ng pamahalaan na manatili sa bahay ang mga hindi dapat lumabas, hindi banta at panghuhuli ang tamang paraan. Mas mahalaga na maintindihan ng taumbayan na bahagi sila ng paglaban sa Covid-19, hindi lang utus-utusan.

Liquor ban

GN: Ang liquor ban, gaya ng maraming ginagawa ng rehimeng Duterte, ay bahagi ng napakakitid na pag-unawa sa suliranin bunga ng Covid-19. Hanggang ngayon, ibinubuslo pa rin ang Covid-19 bilang usapin ng disiplina. Kaya din napaka militarista ng mga hakbang.

Sa totoo, ipinagbabawal ang pag-inom sa mga bagong bakuna pero sa loob lamang ng dalawang araw. Ito ay upang hindi ma-mask o maitago ng alak ang anumang posibleng side effect na maramdaman.

JS: Ang liquor ban ay isinasagawa upang mabawasan ang mga pagpupulong na nangyayari kapag nag-iinuman, na isa nga ring mass gathering. Madalas dikit-dikit, nagpapalitan ng baso o bote, at naninigarilyo pa ang mga lumalahok dito, kaya maaari nga talagang maging sanhi ng pagkalat ng Covid-19. Kasabay nito, ang madalasan o chronic na pag-inom ay maaari ring magdulot ng pagbaba ng resistensiya, lalo kapag nagkaroon na ng mga sakit sa atay, at iba pa.

Isa pang maaaring maging problema ay ang alak bilang sagot ng mga dumaranas ng krisis sa kanilang buhay, maging pinansyal o emosyunal—parehong nararanasan sa pandemyang ito. Tulad ng napag-aralan matapos ang ibang unos at malalang pagsubok, tumataas din ang bilang ng nalululong sa pag-inom.

JT: Ang justification naman, ay upang pagbawalan ang pagkukumpol-kumpol ng mga tao. Hindi naman sa akin mayor na usapin ang liquor ban pero hindi dapat pakitirin ang mga option ng tao sa panahon ng Covid, bagaman ang mga health protocol ay dapat i-observe tulad ng pagpapatigil ng maramihang pagtitipon.