Kapirasong Kritika

Minimalismo


Rebyu ng dokumentaryong Minimalism: A Documentary About the Important Things (2015), dinirehe ni Matt D’Avella, mapapanood ngayon sa Netflix.

“Simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka” ang isang motto ng mga aktibista at rebolusyunaryo sa bansa, minana kay Mao Zedong, lider ng mga Komunistang Tsino. Sa Minimalism: A Documentary About the Important Things (2015) ng Netflix, pinaksa ang mga nagsusulong ng una nang hiwalay sa ikalawa.

Sinubaybayan nito sina Joshua Fields Milburn at Ryan Nicodemus, magkaibigang Amerikano, sa kanilang paglalakbay sa US para ilako ang kanilang libro at mga paniniwala tungkol sa minimalismo. Nakahalo ang mga panayam sa mga eksperto at iba pang kapanalig — kritikal sa konsumerismo o walang-kabusugang pagbili ng mga gamit; tumutungo sa pagdidispatsa ng maraming gamit sa bahay at buhay, at sa pagpapanatili ng iilan lang sa mga ito.

Maraming salita at kaunti ang aksiyon dito, kaya puwedeng maging nakakaantok para sa manonood. Ang sabi ng isang nagrebyu sa Internet, kakatwang maraming sangkap, o maborloloy, itong dokumentaryong nagpapahalaga sa kaunti. Pero bukod sa maraming biswal rito na nakakapagpaisip, maraming ideya rin na magandang paglimian — at kaugnay rin ng mas napag-usapan noong serye ng Haponesang si Marie Kondo, isa pang guro ng minimalismo.

Mas kultura ng konsumerismo ang tinutukan, nang hindi malayo sa ekonomiyang nagluluwal nito. Hindi kataka-taka na ang isang sistemang walang-plano at tuluy-tuloy na lumilikha ng mga kalakal, ang kapitalismo, ay nag-eengganyo ng walang-plano at tuluy-tuloy na pagkonsumo. Mas larangan ng pagkonsumo ang naging pokus, nang malapit sa produksiyon — kung saan nagaganap ang pagsasamantala sa ilalim ng kapitalismo, ayon kay Karl Marx.

Mahirap magsalita nang mapanlahat tungkol sa paksa. Ang lola ko na isang bata noong World War II — at ang iba pang lolo’t lola, kuwento ng mga kaibigan — ay naging mga hoarder ng mga gamit. Pero kung ang ginawa nila ay ang pagtipon ng mga gamit dahil sa pangambang biglang masadlak sa matinding pangangailangan, iba ang paksa ng dokumentaryo — ang pagtatali ng kasiyahan sa pagbili ng bago, at sa gayon ay nang lagi, hanggang sa magkaroon ng marami.

Mas mabungang suriin ang minimalismo kung gayon na nakaugat sa “First World problem” o “rich kid problem.” Magkaiba ang larangan kung saan ang kalakal ay isang bahagi lang ng maraming identidad na nakahain sa mga konsiyumer (“But she wears short skirts, I wear t-shirts,” sabi ni Taylor Swift) at ang larangan kung saan ang pagkakaroon ng bago ay mahalagang okasyon na (“Di mo man lang napapansin ang bagong t-shirt ko,” sabi ng Eraserheads).

Ang sabi ng sosyalistang historyador na si Eric Hobsbawm, kailangang kilalanin ng mga progresibo na nagkaroon ng pag-angat ng istandard ng pamumuhay sa ilalim ng kapitalismo. Noong una raw, ang mga umaawit ng “Internationale” ay mga tunay na “alipin ng gutom,” o patay-gutom, habang ngayon ay hindi na — pero totoo lang ito, mahalagang ihabol, sa iilang abanteng kapitalistang bansa at sa iilang uri sa mga bansa sa noo’y tinatawag na Ikatlong Daigdig.

Diyan nakatutok ang dokumentaryo at nariyan ang kalakasan nito. Nadaanan ang mga kabulukan ng kapitalismo maging sa bahagi nitong maunlad: nangwawasak ng kalikasan, walang tigil na nag-uudyok sa mga tao na bumili sa pamamagitan ng mga patalastas, pinupuntirya maging ang murang isipan ng mga bata, nagtutulak ng pagpapakaalipin ng tao para sa paparaming pag-aaring gamit. Siyempre pa, sa mas malaking bahagi ng mundo, nagaganap ang pagsasamantala o pag-etsa-puwera sa ekonomiya, at ang pandarahas at panunupil sa pulitika.

Pero ang pinakamatinding itinuro ng dokumentaryo ay ang paggapos sa buhay ng tao sa tuluy-tuloy na paghahangad sa mga bagay, sa kapabayaan ng sarili, kapwa at mga bagay na tunay na mahalaga — isang buhay na walang kabuluhan. Sa sistemang kapitalista, maaaring maging matagumpay pero miserable, hungkag, gaya ng kuwento nina Milburn at Nicodemus. Sabi pa sa dokumentaryo, “Hindi ka talaga masasapatan sa mga bagay na hindi mo naman tunay na hinahangad.”

Hindi rebolusyonaryo ang Minimalism, pero may mga mapupulot ang mga rebolusyonaryo rito. Sa pagtalakay sa isang repormistang tugon, nagpakita ito ng mababaw na tanaw sa suliranin, nagbubukas sa pagpapalalim.