‘Suporta’t pinansiya di superpowers’
Covid-19 at ang nilikha nitong mga sangay ng problema ang isa sa mga kinakaharap na laban ng health workers. Pero paano kung ang gobyerno mismo dagdag pa sa pasaning binubuhat ng mga medical frontliner?
Inalayan ng mga kanta, palakpak at pagsaludo ng mga tao, at pinasalamatan pa sa State of the Nation Address ni Pangulong Duterte, dahil sa kanilang pagresponde sa hamon pangkalusugan na dala ng coronarivus 2019 (Covid-19). Ganito dakilain ang ating mga health workers. Pero ayon sa kanila, ang totoong hiling at kailangan ngayon ng mga medical frontliners ay sapat na suportang materyal.
Para kay Bernardino Estinor, utility worker sa Covid-19 ward ng Philippine General Hospital (PGH), dagdag na kasamahan at suportang pinansiyal ang dalawa sa pangunahin nilang kailangan ngayon.
“Kami po yung nagdadala sa mga pasyente sa iba’t ibang area, sa mga procedure, sa MRI,” paliwanag niya. Sa tuwing may nasasawi sa Covid-19, sila rin ang may responsabilidad.
Lima na lang raw silang nagpapalitan sa duty. Sa isang araw, may duty na alas-sais ng umaga hanggang 2:30 ng hapon, alas-dos ng hapon hanggang 10:30 ng gabi, at 10 ng gabi hanggang sa sunod na umaga.
“Karamihan sa amin may edad na rin,” sabi niya. Ang mga nagreretiro, walang pumapalit. Dahil sa kakulangan sa tao, mag-isa nilang binubuno ang kanya-kanyang duty schedule.
Sa kabila ng lahat ng ito, wala pang P15,000 ang sahod ni Estinor. Silang mga utility worker ang isa sa may pinakamababang salary grade sa ospital.
“Tinatawag nila kaming bayani pero kami naman po ay hindi na namin alam,” sabi ni Estinor, na unit representative ng All-UP Workers Union sa Manila (UPWUM). Kung tutuusin, dahil sa mga kaltas at gastusin, nasa P1,000 na lang ang natitira sa kanya para sa bawat linggo.
Dagdag pa sa pasanin nina Estinor ang kawalan ng sapat na benepisyo. Sa karanasan niya at sa nakita niyang nangyayari sa mga kasamahan, malinaw na itinigil na ang suportang pinansiyal na binibigay sa kanila noong nagsisimula pa lang ang pandemya.
Bilang nars sa Covid-19 ward ng PGH, ramdam rin ni Maria Caridad delos Reyes ang tila kumakaunting suportang pinansiyal. Isang simpleng halimbawa na lang, aniya, ang free shuttle.
“Dati po libre pero ngayon nagbabayad na po kami,” sabi ni Delos Reyes. Nasa tatlong buwan na raw itong nangyayari at ang sabi sa kanila, wala nang pambayad ang institusyon.
Pondo pangkalusugan
Kumpara sa 2020 national budget, nabawasan ng P40.2-Bilyon ang 2021 budget para sa Department of Health (DOH).
Ayon sa Filipino Nurses United (FNU), makikita sa datos ng DOH na ang pagkaltas sa badyet ang dahilan kung bakit nabawasan ng 12 porsiyento ang deployed nurses o kabuuan ng 2,319 nurse slots. Hindi pa rin napupuno ang 13,000 bakanteng plantilla positions, na isyu na noon pang 2016.
Ang epekto nito sa mga health worker at nars tulad ni Delos Reyes, katakut-takot na dagdag oras sa trabaho. Nitong nakaraang buwan lang, tatlong beses siyang nagkaroon ng 16-hour duty.
“Sa ICU, dapat isang nurse, isang pasyente. Ngayon, ang isang nurse, tatlong pasyente,” sabi ni Delos Reyes, na Board Director for Nursing din ng UPWUM at miyembro ng FNU-PGH. Sa ward na kinabibilangan niya ngayon na may 35 pasyente, tatlo lang silang nasa duty. Isang nars sa 12 pasyente na sila ngayon kahit dapat ay isang sa lima lang ito.
Dahil dito, at sa marami pang ibang isyu tulad ng mababang sahod, marami raw sa kanyang kasamahan ang nagretiro na o nangibang bansa.
“Ang mga government hospital na may isyu na sa understaffing bago pa ang pandemya, kinailangan magdagdag ng bed capacity para maserbisyohan ang surge ng mga pasyente,” sabi ng FNU.
“Sobra pong nakakapagod na. Exhausted na. Stressed na po kami,” sabi ni Delos Reyes.
Pero sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na naninindigan sina Delos Reyes, Estinor, at ang malawak na hanay ng mga health worker, para sa kanilang mga karapatan. May mga pamilya silang inuuwian at kailangan suportahan.
“Ang anak ko po is a nursing student,” sabi ni Delos Reyes. Noong una, hindi siya gaano sang-ayon sa desisyon ng anak, pero kalaunan naman nakita niyang gusto rin nitong magsilbi sa sektor ng kalusugan.
“Dapat mayroon kang isip at paninindigan para sa kapwa mo Pilipino, mga pasyente,” sabi ni Delos Reyes, na higit sa tatlong dekada na sa serbisyo.
Dahil ang laban para sa kalusugan ay laban para sa lahat ng mamamayan.