Editoryal

Isang influencer sa harap ng kasaysayan

September 24, 2021

“Pwedeng tanungin: bulag lang ba si Toni sa kasaysayang ito, na kasama ang kwento ng mga tulad ni Archimedes Trajano na tuluyang nawala sa mundo?”

Ngayong papalapit ang eleksiyon, hindi na nakakagulat ang pagsulputan ng mga interbyu sa pulitiko. Itong lumang gawi ng tangkang pagpapabango ng imahe, tumatawid sa bagong mga plataporma at online trend.

Nariyan ang Instagram post ng pagkain na may pakitang-gilas ng pagkakamay at pagprisinta ng makamasang ulam. At kung tulad ka ng karaniwang tao na walang Youtube Premium, malamang ay may kahit isang pulitiko ka nang nakita sa Youtube ads.

Pinakamaingay nitong nakaraan ang tambalang Toni Gonzaga at Bongbong Marcos sa isang Youtube vlog. Ang bidyo, may ere ng simpleng kamustahan. Nagkasakit raw si Bongbong at halos mabaliw sa 72 na araw na nasa kwarto lang. Nag-eehersisyo rin ito ngayon.

May pagbabalik-tanaw rin sa pagkabata sa loob ng palasyo at paglaki bilang anak ni Ferdinand Marcos Sr. Ang kanyang relasyon sa kanyang ama mula sa pag-aaral, pigura ng kanilang katawan, hanggang sa kanyang manerismo sa pagsasalita. Nakwento rin ang mga pulong kasama ng gabinete sa loob ng Malacañang, na mistulang paghahanda umano sa buhay pulitika ng noo’y binatilyo na Bongbong Marcos.

Pawang personal na kasaysayan. Ito rin ang magiging palusot ng dalawa sa matatanggap na pagbatikos mula sa publiko. Sa personal na danas ni Bongbong, ito ang totoo.

Ngunit kailan ba naging posible ang paghihiwalay ng personal at ng pangkalahatang kasaysayan ng isang bayan? Alam ng karaniwang Pilipino na hindi ito posible. Ang personal na karanasan ng isang jeepney driver na mawalan ng kita sa halos isang buong taon, nakadikit sa polisiya ng gobyerno at karanasan ng iba pang Pilipino.

Ganito ang kasaysayan, nanunuot sa konteksto. Kaya hindi pwedeng ihiwalay ang danas ni Bongbong na nakakapag-ikot sa Malacañang nang hindi idinudugtong ang katotohanang ginamit ang milyong US dollar na pondo ng Office of the President noon para pangalagaan ang private resort at mansyon sa Ilocos Norte.

Pwedeng tanungin: bulag lang ba si Toni sa kasaysayang ito, na kasama ang kwento ng mga tulad ni Archimedes Trajano na tuluyang nawala sa mundo? Baka rin may palaisipan: bawal na ba pakikipag-usap sa isang tao nang hindi pinapabigat ang kwentuhan?

Hindi kasalanan ng publiko at manunood na sadyang malagim ang kasaysayang nakadikit sa pangalan na Marcos. Ang mga tanong na ito ay pasanin ng mga influencer na may malaking plataporma tulad ni Toni. Sa publiko siya nagkukuwento, kaya may tungkulin siyang kilalanin ang danas ng publikong ito.

Lagi’t lagi nakasandig sa katotohanan ang garantiya ng “opinyon at malayang pamamahayag” na ginagamit ni Toni bilang palusot. Responsibilidad na rin natin bilang may mas masuring pananaw ang ibayong pagpapaliwanag, at paglilinaw sa mga punto at datos na pilit pinagtatakpan at yinuyurakan ng mga pulitiko na ito.

Avatar