FEATURED

Labis na presyo, lusot sa gobyerno


Bilyon sana ang natipid ng gobyerno at nailaan sa direktang suporta para sa mga Pilipino. Sino ngayon ang mananagot?

May P8.7 Bilyong halaga ng mga kontrata para sa medical supplies mula sa Bayanihan 1 at Bayanihan 2 ng administrasyong Duterte ang napunta sa Pharmally Pharmaceutical Corporation, isang kompanya na bagong rehistro noong Setyembre 2019 at may panimulang kapital lang na P625,000.

Pinakamalaking kontrata na nakuha ng Pharmally ang P3.8-B para sa personal protective equipment (PPE). Kada set ng PPE, nagkakahalaga ng P1,910. Pero ayon sa datos mismo ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM), ang market price lang dapat nito ay P945, sabi ni Sen. Franklin Drilon.

Pinresyuhan ng Pharmally ang mga test kit ng P1,720 kada isa, halos doble ng P925 sa ibang kompanya. Ganito rin sa mga face mask na kinuha ng gobyerno sa P27.72 kada piraso, kahit pa sa ibang supplier ay wala pang P20 ang isa.  

“Noong sinabi niyong baka may kapabayaan, na hindi namin nagawa ang lahat ng makakayanan para maghanap ng mas murang supplier, posible pong nangyari iyon dahil kinulang kami sa oras, kinulang sa kakayahan.” 

Ganito ang paliwanag ni Lloyd Christopher Lao, dating namuno sa PS-DBM, sa naganap na blue ribbon committee hearing sa Senado ukol sa mga anomalya sa paggastos ng pondo para sa pandemya.

Sa Senado, ang Committee on Accountability of Public Officers and Investigations o Blue Ribbon Committee ang may trabahong mag-usisa sa mga posibleng pagkakamali at hindi pagtupad sa tungkulin ng mga opisyal at empleyado sa gobyerno.

Nagpadala ang Senado ng subpoena para sa mga tagapamahala ng Pharmally at dito nalaman ng komite na pekeng address ang inilagay ng dalawang opisyal ng naturang kompanya sa general information sheet na ipinasa sa Securities and Exchange Commission. Ang ikatlong pinadalhan ng subpoena, si Pharmally president Twinkle Dargani, tatlong buwan na raw nang iwan ang condominium nito sa San Juan.

Ang nakalistang company address ng Pharmally sa Taguig, may tatlong taon nang walang gumagamit.

Bahagi ang lahat ng ito ng sinimulang Senate inquiry matapos kuwestiyunin ng Commission on Audit ang paglipat ng Department of Health (DOH) ng P42-B sa PS-DBM para bumili ng emergency medical supplies.

Dating Budget Undersec. Lloyd Christopher Lao PCOO

PS-DBM, si Lao, at ang administrasyon

Noon pang Setyembre 2020, kinuwestiyon na ni Sen. Risa Hontiveros ang presyo ng mga PPE. Aniya, kung babawasan ng P200 ang gastos bawat PPE set, baka nakatipid ng isang bilyong piso ang gobyerno kung naging mas maigi ang paghahanap ng supplier, lalo na mula sa mga lokal na pagawaan.

Sa pagdinig sa Senado nitong Agosto 27, sinabi ni Lao na matindi ang emergency noong mga panahong nangangalap sila ng medical supplies, isang punto na muling pinabulaanan ng mga senador dahil nagawa naman makahanap ng mas murang produkto ng Philippine Red Cross sa parehong panahon.

“Ang PS-DBM ay ahensiya ng gobyerno na may training at may karanasan sa procurement,” sabi ni Sen. Panfilo Lacson, na hindi makapaniwala sa kaliwa’t kanang anomalya para sa mga gamit na nagkakahalaga ng bilyon.

Ayon kay Drilon, dapat imbestigahan ng Ombudsman para sa graft si Lao. Nitong 2020, habang nasa PS-DBM pa, nagpasa si Lao ng aplikasyon para maging overall deputy ombudsman na kalaunan ay binawi niya rin.

Naging bahagi rin siya ng Office of the Special Assistant to the President, opisinang binuo noon ni Pangulong Duterte para kay dating Presidential assistant at ngayo’y Sen. Bong Go.

Itinanggi naman ni Go na nagtrabaho para sa kanya si Lao.

“Kilala ko po siya. Taga-Davao rin po siya. Pero di ko siya tauhan o aide. Kung may kasalanan siya, panagutin natin,” sabi ni Go. Pagkatapos nito, sinabi ni Go na dapat magsakripisyo si Health Secretary Francisco Duque III at magbitiw na sa puwesto.

Sa taunang report ng COA sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, pinuna ang paglipat ng pondo nang walang kasamang sapat na dokumento tulad ng DOH. 

“Ano ba ang nagawa niya na kasamaan?” tanong ni Pangulong Duterte bilang reaksiyon sa ginawang audit sa DOH at sa kritisismong ipinukol kay Duque. 

Sa isang mas naunang late night speech, sinabi ni Duterte na “mayroon talagang mga papel-papel na hindi masyadong kumpleto sa paperwork. Pag mag-ano ang COA, magsabi ng deficiency, hindi mo sabihing deficiency na ninakaw mo iyong pera.” Ayon sa kanya, imposibleng magnakaw ng P67-B.

Sen. Bong Go at Health Sec. Francisco Duque: Dawit sa maanomalyang procurement ng overpriced na mga kagamitang medikal.

Magkano para sa 2022

Kasabay naman ng pagsisiyasat sa ginastos ng gobyerno noong 2020 ang pagbantay sa pondo para sa 2022, taon ng eleksiyon.

Ipinasa noong Agosto 23 ng DBM ang National Expenditure Program sa House of Representatives. Kapansin-pansin na wala itong halos pinag-iba sa dating gawi ng administrasyon, ayon sa Ibon Foundation.

Planong bigyan ng P1.2 Trilyon ang imprastruktura, samantalang ang sektor ng kalusugan ay makakatanggap lang ng P252.4-B. Ang sektor ng agrikultura naman, kasama na ang pagpapaunlad sa gawaing agraryo, P152-B lang sa kabila ng patuloy na panawagan ng mga magsasaka at mangingisda para sa ayuda at tulong pinansiyal sa produksiyon.

“Malinaw sa proposed 2022 budget na walang kongkretong plano ang gobyernong Duterte para maibsan ang kahirapan at kagutuman ng pamilyang magbubukid at ng mamamayan ngayong pandemya,” sabi ni Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan National Federation of Peasant Women.

Dagdag niya, walang ibang inasikaso ang administrasyon “kundi maghanda ng pondo at makinarya sa nalalapit na eleksyon para makapanatili sa poder, supilin ang karapatan ng mamamayan at magkamal pa ng higit na yaman.”

“Tuloy-tuloy ang pagtaas ng badyet para sa imprastruktura mula P1.1-T noong 2021, papuntang P1.2-T sa 2022, o 23.4 porsiyento ng buong badyet,” sabi ng Ibon Foundation. “Sa kabila nito, ang mapupunta sa mga ospital at health center, nasa P13-B  lang, o 1.1 porsiyento ng badyet para sa imprastruktura.”

Ibig sabihin, ang badyet para sa pagpapatayo o pagsasaayos ng mga ospital at health center, wala pa sa kalahati ng planong ibigay sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) na P29.2-B.

Itong NTF-Elcac budget ang tinawag ni Drilon na “election giveaway”.

Sa tingin ng Ibon Foundation, posible pang maging tunay na badyet para sa mga mamamayan ang pondo ng gobyerno para sa 2022.

“Lahat ng mga sumusunod ay puwede ilipat sa gastusing medikal at ayuda para sa mga kabahayan, at maliliit na sakahan at mga negosyo: P102.9-B para sa imprastruktura ng seaports, airports at railways na hindi pa naman kagyat na pangangailangan; P8.5-B na confidential at intelligence funds sa iba’t ibang ahensya, kung saan 73 porsiyento ay mapupunta sa Office of the President at Defense Department; at halos P1-T na mapupunta sa departamento ng defense, serbisyo ng pulisya, at bayad interes.”

Anila, malinaw na kailangan pa rin sa 2022 ng higit na suportang pinansyal para sa milyong Pilipino na matinding naapektuhan ang kabuhayan noong 2020.