Editoryal

Pagtindig at paglaban para sa kalusugan

September 3, 2021

Hindi katanggap-tanggap na nilulustay ang pondo ng pamahalaan lalo pa ngayong patong-patong ang paghihirap ng mga mamamayan sa krisis na dulot ng pandemya.

Nasa alanganing kalagayan na naman ang kapasidad ng mga ospital dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng coronavirus 2019 (Covid-19). Kasabay naman nito ang pagsambulat ng mga anomalya sa paggamit ng kaban ng bayan at kawalan ng benepisyo ng mga manggagawang pangkalusugan.

Hindi katanggap-tanggap na nilulustay ang pondo ng pamahalaan lalo pa ngayong patong-patong ang paghihirap ng mga mamamayan sa krisis na dulot ng pandemya.

Matindi rin ang hirap at sakripisyong ginagawa ng mga nasa sektor ng kalusugan mula pa noong nagsisimula pa lang dumami ang kaso ng Covid-19 sa bansa.

Isa sa mga usaping mainit na tinatalakay ang kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan na patuloy na nangangailangan ng dagdag benepisyo. Maraming na rin sa kanila ang nagugutom, nagkakasakit at namamatay dahil sa kapabayaan at kawalang aksyon ng pamahalaan sa kanilang mga hinaing.

Sa pagdinig sa Senado nitong Agosto 27, sinabi ni Health Secretary Duque na sisikapin ng ahensiya mabigay ang Special Risk Allowance (SRA) matapos pa ang dalawang buwan. Lumalabas kasi sa datos ng ahensiya na 95% ng health workers ang hindi pa nakakatanggap nito.

Napaso na ang bisa ng Bayanihan 2 Act noong Hunyo 30 ngunit bigo pa rin ang Department of Health (DOH) na ipamahagi ito sa mga manggagawa.

Wala na ring natatanggap na food, accommodation at transportation allowance ang mga nagtatrabaho sa mga ospital habang napakababa pa ng pasahod sa kanila.

Kinukulang pa ang mga ospital at pagamutan sa bilang ng mga tauhan, kama, pasilidad at kagamitan upang matugunan at maserbisyohan ang mga nagkakasakit na patuloy na dumadagsa.

Dahil sa kawalan ng benepisyo at alegasyon ng korupsiyon sa pamahalaan partikular sa DOH, hindi na makapagtimpi ang mga manggagawang pangkalusugan at nagkasa na ng mga kilos-protesta at mass resignation ang maraming grupo at unyon kung hindi pa rin matutugunan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing.

Ipinangako ni Rodrigo Duterte sa kanyang kampanya at simula ng kanyang termino noong 2016 na lilinisin niya ang burukrasya mula sa katiwalian at korupsiyon.

Ngunit kabaligtaran nito ang nangyayari ngayong sunod-sunod ang mga nabubunyag na iregularidad sa paggamit ng pondo ng mga ahensiya at institusyon, lalo na ang DOH at PhilHealth, na dapat sana’y nangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mga mamamayan ngayong may public health emergency ang bansa.

Sukdulan pa kung ipagtanggol ni Duterte ang DOH at kalihim nito sa report na inilabas ng Commission on Audit na nagpapakita na maraming transaksyon ang kagawaran na hindi naaayon sa mga patakaran ng pamahalaan.

At habang nangyayari ang mga ito, tutok na tutok ang atensyon ni Duterte at ng kanyang mga kaalyado sa politika sa nalalapit na halalan sa Mayo 2022.

Marapat lang na tumindig na ang mga manggagawang pangkalusugan at sambayanan laban sa kriminal na kapabayaan at katiwalian ng rehimeng Duterte sa gitna ng lumalalang kalagayang patuloy na nagpapahirap at kumikitil sa buhay ng maraming mamamayan.

Avatar