Parlade, Sinas sa gabinete, inalmahan


Sa halip na parusa, promosyon pa ang ibinigay ng Palasyo sa mga abusadong ito.

Umalma ang iba’t ibang grupo sa pagkakatalaga nina dating Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas at retiradong lieutenant general Antonio Parlade Jr. sa gabinete ng kasalukuyang administrasyon. Hinirang ni Pangulong Duterte bilang undersecretary ng Office of the President si Sinas habang si Parlade naman bilang deputy director-general ng National Security Council.

“Hakbang na nagpa-patibay ng impunity sa Pilipinas” ang pagkakatalaga sa mga naturang retiradong mga heneral, sabi ng grupong Karapatan.

“Parehas humaharap si Sinas at Parlade sa mga kaso at alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao at war crimes,” ani Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Kontrobersiya

Naging kontrobersiyal si Sinas at Parlade dahil sa kanilang rekord sa karapatang pantao.

Sa pamumuno ni Sinas, ipinatupad ang Oplan Sauron sa Negros na nagresulta sa pamamaslang sa mga magsasaka at manggagawang bukid, gayundin ang mga ilegal na aresto sa mga aktibista at mga reyd ng mga pulis sa Negros at Maynila.

Si Parlade nama’y naging hepe ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines, na naigng responsable sa “Bloody Sunday” na mga reyd na nagdulot ng pag-aresto at pagpaslang sa mga lider at aktibista sa Timog Katagalugan.

Bilang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), humaharap si Parlade ng maraming asunto sa Ombudsman at Commission on Human Rights dahil sa red-tagging sa mga aktibista at mga sibilyan.

“Ang kanilang pagkakahirang ay nangangahulugang hindi sila pinapanagot ni Pangulong Duterte sa kanilang mga nagawa. Binibigyan sila ng panibagong tuntungan upang ipagpatuloy ang kanilang red-tagging at paglabag sa mga karapatan,” dagdag pa ni Palabay.

Esensiyal ang papel

Para naman sa Anakpawis Party-list, gagampan ng “esesnsiyal na papel” si Sinas at Parlade sa anila’y “hangad at ambisyon ni Duterte na manatili sa kapangyarihan.”

Ayon kay Ariel Casilao, presidente ng grupo, ang pagkakahirang sa mga naturang retiradong heneral ay magdudulot ng madugong eleksiyon sa 2022.

“Hindi lang simpleng nirerecycle ni Duterte itong dalawang kinamumuhiang mga heneral. Batay sa kanilang madugong track record, sila ay malamang na mangangasiwa sa paglilinis ng daan para sa dinastiya ni Duterte – para sa kandidatura ni Sara o Rodrigo sa susunod na taon,” ani Casilao.